Share

Meet a Stranger

 

 

Walang kasigurahan ang Buhay.

Sabi nga nila, ang buhay ay punong puno ng mga pangyayaring hindi natin inaasahan.

May mga pagkakataon na ayaw nating mangyari ang isang bagay pero nangyayari pa din. Kagaya ng mga taong hindi mo piniling makilala pero dumating pa din sa buhay mo. May mga tao din naman na kahit anong pilit nating alagaan, kusa nalang aalis at mawawala.

Ganito talaga siguro ang buhay.

Isang sugal na walang kasiguraduhan kung mananalo ka o matatalo.

Isang sugal na ang tanging kabayaran ay ang iyong buhay.

Sa edad kong labing pito hindi ko pa din alam kung ano ba ang purpose ko bakit ako nabubuhay sa mundong 'to.

Matagal ko ng itinatanong 'to sa isipan ko, ngunit hanggang ngayon ay hindi ko pa din 'to masagot. Nananatili lang akong nakikisabay sa agos ng buhay.

"What happens, happens." Yan ang panata ko sa buhay. Kung ano ang nand'yan, okay lang. Kung wala naman, e 'di wala. Wala na akong panahon para alamin pa ang maaring mangyari sa hinaharap. Ang katapusan lang din naman ng buhay ay kamatayan.

"Mag sorry ka! Mag sorry ka sa matanda!" rinig kong sigaw ng isang babae. Napatingin ako sa pinagmumulan ng boses na 'yon at nakita ko ang isang estudyanteng babae na seryosong nakatingin sa isang malaking lalaki. Sa gilid niya ay may isang matandang babae na nakasalampak habang pinupulot ang mga gulay sa sahig. Marahil ay nabunggo 'to ng lalaki.

"Bakit ako magsosorry? Kasalanan ko ba na hindi tumitingin ang matanda sa dinaraanan niya?" sigaw ng lalaki.

Bigla namang dumami ang mga taong nakiki-usyoso sa nangyayari.

"Hay! Mga tao talaga walang ibang ginawa kundi ang maki-alam sa iba." bulong ko sa aking isipan.

Akmang maglalakad na ako para lisanin ang lugar na 'yon ng bigla nalang sinampal ng estudyante ang lalaki.

"Wala ka bang manners? Hindi mo na nga ginalang ang matanda hindi ka pa mag sorry?" sambit nito na lalong kinainis ng lalaki.

Akmang susuntukin na ng lalaki ang babae ng bigla s'ya nitong sinipa sa pagitan ng dalawa n'yang hita na naging dahilan para mapangiwi 'to sa sakit.

"Tingnan nalang natin kung magawa mo pang maging masaya matapos mong mabasagan ng itlog d'yan. Twit twit twit twit twit." natatawang sabi ng babae na naging dahilan para matawa ang mga nanunuod. Nagpalakpakan pa sila na mas lalong nag-pagulat sa'kin.

"Ang weird talaga ng mga tao!" pa-ismid kong sabi at ibinaling ang aking paningin sa daan at nagsimulang lumakad papasok patungo sa paaralang pinapasukan ko.

Nakarating naman ako ng ligtas sa aking classroom. Kagaya ng dati, naka-upo lang ako sa pinaka dulong upuan. Simula't sapol ay wala akong kinakausap sa mga classmates ko. Hindi naman sa may nakakahawa akong sakit, mas gusto ko lang na laging mapag-isa.

Walang sinuman ang nagtangkang kausapin ako dahil narin sa seryoso kong mukha. Ni isa sa kanila ay hindi pa ata nakita ang ngipin ko o narinig man lang ang boses ko.

Natapos ang buong maghapon na tanging libro lang ang kausap ko. Araw-araw nalang ganito. Gigising ako para pumasok at uuwi para matulog. 'Yun na lang ata ang cycle ng buhay ko. Paulit-ulit. Pero hindi naman ako nag-sasawa. Ito ang desisyon ko, kaya paninidigan ko 'to.

Kasalukuyan akong naglalakad palabas ng campus ng marinig ko ang isang pamilyar na boses. Hindi ko maintindihan ang sarili ko pero parang may mali sa'kin.

Dati rati ay para akong bingi na walang naririnig. Wala akong paki-alam sa buong paligid pero bakit ngayon, may isang boses na bumasag ng katahimikan ko.

Luminga-linga ako para pakinggan ang boses na naririnig ko. Hanggang sa makita ko ang isang masayang babae na malakas na tumatawa. May kasama pa siyang dalawang babae na malamang ay kaibigan niya.

Masaya silang nagkukwentuhan palabas ng main gate ng campus pero bukod tanging boses lang ng nasa gitna ang naririnig ko.

Tinitigan ko siyang mabuti at napagtanto ko na parang nakita ko na s'ya. Tama! Siya yung babaeng sumampal at nanipa sa lalaki kanina, sa kanto ng Amoranto.

Hindi ko namalayan na nakahinto na pala ako habang pinagmamasdan ang unti-unti niyang paglaho sa mga mata ko.

Ito ang unang pagkakataon na napahinto ako para lang sa isang babae. Hay! Ano ba 'tong nangyayari sa'kin?

Muli akong nagpatuloy sa paglalakad. Hindi naman kalayun ang bahay namin kaya mas pinipili ko nalang maglakad. At isa pa, masarap ang simoy ng hangin at maganda ang tanawin dahil napapalibutan ng mga puno ang gilid ng kalsada. Isa 'to sa dahilan kaya marami ding katulad ko ang naglalakad nalang. Hindi din naman madami ang sasakyan dahil nasa pinaka liblib na lugar ang paaralan namin.

Nasa kalagitnaan ako ng pag-lalakad paliko ng tulay papunta sa barangay namin ng makita ko s'ya. Mag-isa s'yang naglalakad papunta sa pinaka likod ng mga bahayan na malapit lang din sa likod ng paaralan. Nasaan na ang mga kasama n'ya? At ano ang gagawin n'ya do'n?

Sa hindi ko maipaliwanag na dahilan ay sinundan ko s'ya. Ewan ko ba, pero mabilis na tumitibok ang puso ko habang sinusundan s'ya. Para akong tangang nagtatago sa mga poste ng ilaw para hindi n'ya 'ko makita.

"Ano ba 'tong ginagawa ko? Para naman akong detective nito!" tanong ko sa sarili ko habang kinakamot ang aking ulo.

Hanggang sa nawala na naman s'ya sa paningin ko. Mabilis akong naglakad papunta sa pinaka-dulong bahay. At sa aking pagkabigla, nakita ko s'yang nakataas ang kamay habang pinagmamasdan ang paglubog ng araw at nilalanghap ang malamig na simoy ng hangin.

Anong ginagawa niya? Hindi n'ya ba alam na para siyang tanga. Hay! Mga babae talaga ang daming alam.

Napabuntong hininga nalang ako ng mga sandaling 'yon. Bakit ko pa ba sinundan ang babaeng 'to? Ano bang mapapala ko?

Bigla niyang ibinaba ang kaniyang mga kamay at humawak sa bakal na nakaharang sa pader.

"May isang request lang ako sa'yo. Bago mo ako kunin, hayaan mong magawa ko muna lahat ng isinulat ko sa notebook ko. Please!" sambit n'ya sa malambing na boses.

"Ano bang pinag-sasabi n'ya? Mamamatay na ba s'ya?" wika ko na nag-patingin sa kaniya.

Nagulat ako ng makita n'ya 'ko. Imposible? Paano niyang nalaman na nandito ako? Hindi kaya, napalakas ang boses ko?

Bigla akong tumalikod. Ayokong makita n'ya pa 'ko. Hindi pa ako ready na makipag-usap sa ibang tao maliban sa pamilya ko.

Nagmadali akong umalis sa lugar na 'yon pero mas nabigla ako ng humarang siya sa dinaraan ko.

"Hey!" masaya niyang bungad. Bigla akong kinabahan at pinag-pawisan. Hindi ko alam kung ano dapat kong maramdaman ng mga sandaling 'yon.

"Anong ginagawa mo? Sinundan mo ba ako? Sino ka? Kilala mo ba 'ko?" sunod-sunod niyang tanong na ni isa wala akong sinagot.

"Bakit di ka nagsasalita?" muling tanong nito.

"Ahhhh. Gets ko na. Pipi ka pala? Okay." Nakangiti niyang sabi at tinabihan ako.

"Sabay na tayong maglakad" dugtong pa nito at nagsimula ng maglakad. Hindi ko maintindihan ang sarili ko, pero naglakad na din ako kasabay n'ya.

Habang nglalakad kami ay wala akong ibang tiningnan kundi s'ya. Hindi ko magawang iaalis ang paningin ko sa mukha n'ya. Ang saya-saya n'yang tao. Napaka daldal n'ya din. Ewan ko ba kung paano niya nagagawang magkwento kahit hindi naman ako nagbibigay ng kahit anong response sa kan'ya. Marahil ay naniwala s'ya sa hula n'yang pipi nga ako.

Bigla s'yang huminto na kinagulat ko. Humarap s'ya sa'kin at tinitigan akong mabuti.

"Alam mo sayang ka. Napaka-gwapo mo pa naman, kaso hindi ka naman makapag-salita. Sana kahit ngumiti ka nalang." wika nito sa masayang tinig.

"Since hindi ka naman nagsasalita may isa akong sikreto na ikaw lang ang makaka-alam. Kahit mga bestfriends ko hindi nila 'to alam. Alam kong ikaw lang ang tamang tao na pagsasabihan ko kasi pipi ka diba?" natatawa nitong sabi.

"Ganito kasi 'yun. Malapit na akong mamatay." wika nito na kinagulat ko. Kung titingnan ay para lamang s'yang nagsisinungaling dahil nakangiti s'ya, pero kung babasahin ang kaniyang mga mata, nagsasabi s'ya ng totoo.

Bigla niyang binuksan ang bag n'ya at inilabas ang isang notebook.

"Alam mo ba na ang notebook na ito ay naglalaman ng Dying List ko? At isa dito ay ang makakilala ng isang stranger na pag-sasabihin ko ng totoo kong kalagayan. Oh diba? Ikaw na 'yun! Akala ko naman mahihirapan ako dito." masaya niyang sabi na nagsimulang buksan ang kaniyang notebook at may isinulat dito.

"Ayan. Nagawa ko na yung una. Maraming salamat sa'yo." sambit nito saka ako tinalikuran. Paano n'ya nagagawang maging masaya sa kabila ng kalagayan niya?

"Sandali!" sigaw ko ng medyo napapalayo na s'ya sa'kin. Bigla naman s'yang napahinto at napalingon sa'kin.

Nagmadali siyang tumakbo pabalik sa kinatatayuan ko.

"Nagsasalita ka? So ibig sabihin hindi ka pipi?" nakangiti nitong sabi saka umikot-umikot na parang timang.

"Bakit ganiyan ang reaksyon mo?" taka kong tanong.

"Dahil nagsasalita ka pala. Ibig sabihin pwede tayong magkwentuhan at magpalitan ng mga salita. Pwede tayong maging magkaibigan." sambit niya

"Hindi ako nakikipag-kaibigan."

"Really? So wala kang kaibigan kahit na isa?" tanong niya. For the first time, ngayon lang siya naging seryoso.

"Wala" walang emosyon kong sagot

"Kung gayun, e 'di ako pala ang kauna-unahang kaibigan mo? Ang swerte ko pala." sambit niya na muling sumibol ang magandang ngiti.

"Kagaya ng sinabi ko, hindi ako nakikipag-kaibigan." tugon ko na nagsimulang maglakad.

"Hoy teka nga!" pag-pigil niya sa akin.

"Ang gulo mo hano? Maka-sandali ka kanina tapos ako naman ang iiwan mo. Okay sige, hindi tayo magiging magka-ibigan. Mananatili tayong strangers sa isa't-isa. Hindi natin aalamin ang information ng bawat isa. Okay na ba 'yun sa'yo?" wika niya na nag-pataas ng kilay ko.

"Oh tapos?" mabilis kong tanong

"Kung gusto mo, samahan mo akong tuparin ang mga Dying List ko." sambit niya na nagpabalik ng matinding pagtibok ng puso ko.

 

 

 

 

 

 

 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status