Share

Chapter 5

Growing up, I’ve always been an Icies – ito ang tawag sa fanbase ng favorite band kong “On the Rocks.” They are a trio of handsome and talented men who are probably in their mid-30s now pero kung titingnan ay parang mga bampira dahil ‘di tumatanda. 

Nakilala sila sa mga kantang pinaghalong acoustic at rap. Marami silang magagandang kanta na kayang-kaya ko sanang sabayan kung ‘di ko lang katabi ang boss ko.

Diretso lang ang upo ko ngayon at halos hindi makagalaw. Nang marinig ang chorus ng pinakasikat nilang kanta ay napalunok ako. Pinigilan ko ang sarili sumabay at tumili katulad ng iba. 

Sa gilid ng mga mata ko’y kita ang seryosong panunuod ni Mr. Coldwell. Aakalaing nasa business meeting siya imbes na concert. Hindi kasi malaman kung nag e-enjoy ba siya or he’s trying to evaluate the whole performance. Paano’y magkasalubong ang kilay niya habang nakatitig sa stage. 

Mabuti na lang at nag iwan ako ng bakanteng upuan sa pagitan namin para kay Frances. Kahit papaano ay nabawasan ang pagkailang ko sa presensya niya.

But speaking of my friend, kanina ko pa siya tine-text at tinatawagan pero hindi naman siya sumasagot. Nagsimula na ang concert pero hindi pa rin siya bumabalik. Tatayo na sana ‘ko para humanap ng magandang signal nang may pumasok na text message sa wakas!

FRANCES: Ali! I’m sorry may urgent lang ako. Enjoy the concert!

Nalaglag ang panga ko. Si Frances ang nag-aya sa ‘kin dito tapos iiwanan lang pala niya ‘ko! Nabaling ang atensyon ko sa bakanteng upuan na dapat ay kanya, at nang mag-angat ng tingin, nagtagpo ang mga mata namin ni Mr. Coldwell. Ang lamig ng tingin niya kaya bigla akong gininaw. Buti at nagawa kong ngumisi bago ibinalik ang tingin sa stage na para bang walang nangyari. 

Paano naman ako mage-enjoy nito, Frances?

Huminga ako nang malalim at sumandal sa upuan. Dahan-dahan kong niyakap ang sarili, sinusubukang kumalma. Bukod sa kabado na ‘ko dahil sa boss ko, sobrang lamig pa sa venue. Kaya nga ang malas lang dahil nakalimutan ko na namang magdala ng jacket gayong lamigin ako. Madalas ko talaga itong makalimutan.

Paglipas ng ilang minuto, naglakas-loob ulit akong silipin ang boss ko. Dito ko naabutang akmang huhubarin niya ang suot na suit. The first thought I had was him acting like a gentleman. Baka napansin niyang giniginaw ako kaya ipapahiram niya sa ‘kin ang suit niya!

“Ay ‘di na, Sir. Ayos lang ako,” pagtanggi ko kahit kailangan ko ito. Hangga’t maaari, gusto ko kasing maging malinaw ang professional boundary namin.

Ngunit mukhang namali ako ng akala nang ipatong ni Mr. Coldwell ang itinuping suit sa ibabaw ng kanyang hita. He said nothing, took out his phone, and became occupied. Pinagdikit ko tuloy ang bibig ko at itinikom na para bang walang nangyari.

Binalik ko na ang atensyon sa banda nang maya-maya’y napansin ko ang paglapit ng ilang concert staff sa bawat row. May pili silang binibigyan ng paperbags na ‘di ko alam kung ano ang laman pero na-excite ako at umasang kasama sa magkakaroon nito.

Paghinto ng concert staff sa row namin ay napatingin muna siya kay Mr. Coldwell. Nakaabang ako nang ako naman ang tingnan niya. Dalawang beses din itong naulit bago tinawag ang ticket number ko! Agad akong nagtaas ng kamay at tuwang-tuwang kinuha ang paperbag. 

“Para saan pala ito?” 

“Ah Ma’am, bale isa ka sa mga lucky winners ng online raffle namin. Napili po ‘yung ticket number mo!”

Tila nagliwanag ang mundo ko. Naisip ko agad si Frances. Mukhang isinali niya ang tickets namin sa raffle! Nagpasalamat ako at agad sinilip ang laman ng paperbag. Nasiyahan ako nang makitang mga merch ito tulad ng accessories, poster, at hoodie!

Nilabas ko agad ‘yong itim na hoodie kung saan naka-print ang pangalan ng banda na ‘On the Rocks’ sa harapan. Lumawak ang ngiti sa labi ko nang gamitin ko agad ito. Tamang-tama rin kasi dahil giniginaw na talaga ako.

Magte-thank you sana ulit ako sa staff nang mapansin kong bigla na lang siyang naglaho. Pati na rin ibang mga kasama niya. Mukhang ako ang huli nilang binigyan ng ganito. 

Nagkibit-balikat na lang ako at sinubukang mag-enjoy. Ang comfy lang ng pakiramdam ko nang magpalit ng kanta ang banda. Dito ko itinuon ang atensyon. Katulad ng madalas kong gawin sa tuwing may panibagong kantang pumapasok, hinulaan ko ang title nito. Ayon nga lang, instrumental pa lang nito ay bago na sa pandinig.

In the city lights, where dreams collide, I found a love, I can't deny.

Nagsalubong ang kilay ko dahil hindi nga ako pamilyar sa kanta. Pero maganda ito, mabagal at tila naiiba sa lahat ang beat. 

Through the highs and lows, you've been my guide. In every shadow, you're by my side.

Napapikit ako habang dinarama ang kanta. I could imagine a couple slow dancing in the streets at night with this kind of music. Hindi ko pa rin mapigilan ang sarili sa paghula ng title nito kahit nagsisimula na namang sumakit ang ulo ko.

“Eternal Echoes.”

Napadilat agad ako nang marinig ang malalim na boses ni Mr. Coldwell sa tabi ko. “Po? May kailangan po kayo?” kabadong tanong ko dahil ‘di ko ito naintindihan. “Gusto niyo po?” sabi ko pa sabay alok sa paperbag na napanalunan ko. Baka kasi ito ang hinihingi niya.

Eternal echoes of a love that's true. In every heartbeat, I'm reminded of you.

Umiling si Mr. Coldwell sabay lukot ng noo. Naisip ko agad ang jacket ko kaya huhubarin ko sana ito nang linawin niya ang sinabi, “The title of this song si Eternal Echoes. It’s their latest song and my favorite.”

Bumilog ang bibig ko sabay balik ng suot na hoodie. Hindi ko alam kung bakit niya ito sinabi sa ‘kin pero baka gusto lang niyang makipag-small talk. Sabagay, kung hindi ako kumportableng nandito siya – it’s possible that the feeling is mutual, lalo na’t empleyado niya ‘ko.

“Maganda nga po!” sabi ko na lang sabay thumbs up ng isa. Sa bagay ay taon na nga pala ang lumipas kaya malamang may mga bagong kanta ang ‘On the Rocks’ na hindi ko naaalala.

“How about you?” tanong ni Mr. Coldwell pabalik na hindi ko inasahan. 

Uminit ang mukha ko bago sumagot ng mahina, “Ay syempre po maganda rin.”

“What?” 

“Po?”

Lalong nagsalubong ang kilay niya. May mali ba sa sinabi ko e opinyon ko ‘yon? Binukas-sara ko ang mga mata ko at inisip kung saan banda siya naguluhan—

Pumalakpak ako ng isa at tumawa. “I mean, syempre maganda rin… ‘yung first song nila!” 

Bakit ko ba kasi naisip na tinatanong niya kung maganda rin ba ang tingin ko sa sarili?! Malamang tungkol sa kanta ang pinag-uusapan namin!

“As expected,” komento ni Mr. Coldwell na ‘di ko alam kung may mas malalim bang ibig sabihin.  Itatanong ko sana ito nang may pahabol pa siya…

“Soon, you’ll go crazy for this new song.”

Bakit parang mas sigurado pa siya kaysa sa ‘kin?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status