Share

CHAPTER 2

UNANG ARAW ng pasukan, mag-isa akong naglalakad sa hallway. Nauna na kasi si Yiel dahil may gagawin pa raw siya sa library. At ngayon, pinapalabas ko sa kabilang tainga ang mga bulung-bulungan ng mga estudyanteng nagkalat sa aking daraanan.

“I told you… Maghihiwalay din sila!”

“Kaya nga!”

“Cassandra is better than her!”

“Korak!”

Saglit akong napapikit at napakagat sa pang-ibabang labi. Hindi man nila banggitin ang pangalan ko, alam kong ako iyong pinag-uusapan nila. After that incident, I’d heard that Justine dated Cassandra during our summer vacation. Kalat iyon sa buong online group page ng school. Iyon din ang dahilan kung bakit nag-deactivate ako ng accounts nitong bakasyon.

Samu’t saring pangba-bash kasi ang nababasa ko sa timeline at messages ng social media accounts ko. Hindi ko na iyon sinabi kina Yiel at Joan. Kasi alam kong magiging OA na naman ang dalawang iyon. Baka isa-isahin pa nila iyong mga nagpo-post, nagko-comment at nagme-message sa akin at bigyan ng death threats.

Saka lang ako natigilan nang biglang tumahimik ang buong paligid. Curiously, pumihit ako patalikod para alamin kung may ginawa ba silang kabalbalan sa akin para manahimik sila nang ganoon.

Pero nagsisi akong bumaling pa ako sa likuran ko. Nangilid kaagad ang mga luha ko nang matanaw ko sina Justine at Cassandra na magka-holding hands habang naglalakad papalapit sa akin.

Tulad ko ay natigilan din si Justine at namilog ang kaniyang mga mata nang makita ako.

Shete lang, Katherine. Kung kailan ka iwas na iwas sa kaniya saka naman kayo pinagtatagpo.

Huminga ako nang malim saka lakas-loob na tinalikuran sila.

Shete lang talaga, Katherine. ‘Wag kang iiyak.

“Sinasabi ko sa ‘yo, ‘wag kang iiyak. ‘Wag,” bulong ko sa sarili.

Magsisimula na sana akong lumakad nang biglang may humawak sa palapulsuan ko.

“Let’s talk, Kath.”

Boses niya pa lang ay kilala ko na kung sino siya. Sa paraan ng paghawak niya. Sa epekto ng presensya niya para tumibok nang ganoon kalakas at kabilis ang puso ko. Alam kong siya nga iyong lalaking minahal ko noon at kinamumuhian na ngayon.

“Wala na tayong pag-uusapan pa, Justine---” pumiyok ako.

“Marami tayong pag-uusapan, Kath,” mataman niyang sabi.

“Honey,” malambing na tawag ni Cassandra sa hindi kalayuan.

Suminghap ako para pigilan ang pagtulo ng mga luha ko. “Para saan pa? Meron ka ng Cassandra, ‘di ba? Sana ay masaya ka na.”

Inalis ko ang pagkakahawak niya sa palapulsuan ko at mabilis na tumakbo palayo sa kaniya… sa kanila. Dahil ayokong pagtawanan nila ako kapag nakita nilang nasasaktan ako, umiiyak ako.

Iyon kasi ang gusto nila.

Pero hindi ko nakayanan pa. Lumandas na ang mga luha sa aking mga pisngi. Pinagtitinginan nila ako at nagsimulang pagtawanan.

Biglang sumikip ang dibdib ko kaya tinakbo ko na ang hagdan pa-rooftop. Sa lugar kung saan walang tatawa sa hitsura ko. Sa lugar kung saan walang tatawa dahil umiiyak ako. Sa lugar kung saan walang tatawa dahil nasasaktan ako. Pero nagkamali ako dahil sa pagtapak pa lang ng likod ng rubber shoes ko sa rough na sahig ng rooftop, sinalubong na kaagad ang tainga ko ng mapapanuyang mga halakhak galing sa isang lalaking nakahilig malapit sa may pintuan.

“Here,” sabay abot niya ng isang panyo.

Suminghap ako at masamang tinitigan ang inaaabot niya.

Humalakhak na naman siya. “Come on. Get it. Ang panget mong umiyak. So please… stop crying, Imouto.”

Inis kong pinatuyo ang basa kong mga pisngi. Gusto ko siyang sigawan para ipaalam sa kaniya na sobrang nayayamot ako sa pagtawa niya. Pero hindi ko ginawa. Because I don’t know him.

Tinalikuran ko siya at bababa na sana ng hagdanan nang biglang umalingawngaw muli sa buong paligid ang tawa niyang sobrang nakakaasar.

Pumikit ako nang mariin at huminga nang malalim para kontrolin ang inis kong namumuo na. Katherine, ‘wag mo nang patulan. Hindi mo siya kilala. Bukod pa riyan, lalaki siya. Okay? Lalaki siya. Mas matangkad siya kaysa sa ‘yo.

Pero ilang segundo ang lumipas, biglang bumulagta iyong lalaki sa sahig habang hawak-hawak ang dumudugo niyang labi.

“Crazy!” singhal niya. “Why did you do that?!”

Sa inis ko, sinapak ko na. Anong akala niya? Porque babae ako, hindi ko na siya papatulan?

“Tumayo ka riyan, hindi kita uurungan,” galit kong sabi sabay taas ng dalawang kamao ko.

Nagsalubong ang mga kilay niya sa pagkunot ng kaniyang noo. At mas lalong naningkit ang mga mata niyang may paninimbang na tiningnan ako.

He smirked arrogantly, revealing his evenly and pearly-white teeth. “What is your problem?”

Nagtaas ako ng kilay. Hindi ako makapaniwala na umukit pa rin sa kaniyang labi ang ngisi kahit pa nasuntok ko na siya at pumutok na iyon.

“Imouto, hindi ako pumapatol sa babae. I’m just trying to be nice here. I am just offering you my handkerchief! ‘Tapos nanuntok ka na lang bigla-bigla!”

Nanahimik ako.

Kasi iyong mga ngisi at tawa niya, nakakaasar! Saka, nilait niya ako kanina. Kaya natural lang na sapakin ko siya. Mga magulang ko nga, hindi ako nilalait nang ganoon. Kahit may galit pa ako sa kanila at harapan silang binabastos. Siya pa kaya?

Mariin ko siyang tinitigan saka pairap na tinalikuran. This time, tuluyan na akong bumaba ng hagdanan. Hindi ko na siya nilingon pa kahit narinig ko ang pagtawag niya sa akin.

Lunes na Lunes, ito ang bumungad sa akin. Partida, kakasimula pa lang ng school days. Sign na ba ito na magiging mahirap na para sa akin ang buong taon ko sa SAVS? Hindi sa na naging madali sa akin noong nakaraan.

Simula kasi nang maging kami ni Justine, hindi man pisikal akong sinasaktan ng mga babaeng may gusto sa kaniya, bugbog naman ang eardrums ko sa mga masasakit na parinig nila tungkol sa relationship namin.

Kesyo raw pansamantala lang ako.

Ginamit daw ako ni Justine para makapasok sa basketball team dahil kay Kuya Chris.

Flavor of the month daw ako.

Ngayon na wala na kami, natatakot ako na baka maging pisikalan na iyong mga pananakit nila sa akin. Sa kaalaman na wala na si Kuya Chris sa school para ipagtanggol ako. Wala na si Justine para protektahan ako.

As if Justine really did something to stop them. Presensiya niya pa lang kasi, umuurong na iyong mga babaitang handa akong saktan. Paano na ngayon na wala na silang katatakutan?

I sighed.

Pumasok ako sa klase nang tuliro. Tahimik at tulala. As if I was the noisiest in the whole class. Ako nga iyong pinakatahimik. Kaso ngayon, halatang wala ako sa mood para makinig sa mga kaklase ko sa isa-isang pagpapakilala nila sa sarili. As if we are all from another section or transferee, right?

Kilala na namin ang lahat.

When it was my turn, everyone mumbled and gasped. Ako kasi iyong last, naupo sa pinaka-last row at sa bandang dulo pa na walang katabi.

“Ang sad niya ‘no?”

“Wala na kasi sila ni Justine.”

“Ah, kaya naman pala.”

“Good for her.”

They giggled.

Hindi ko pinansin ang mga bulung-bulungan nila. Hindi pa ba sila nagsasawang pag-usapan ang tungkol sa nangyari? Wala na kami. Sana naman ay tigilan na nila ako!

“Katherine Azuretha Garcia,” tipid kong sabi sa harap nila.

Palihim ko silang inirapan nang matapos ako. Kibit-balikat akong bumalik sa upuan. Sa mga oras na ito, ngayon ko hinihiling na sana ay magkaklase kami ni Yiel. Gusto ko na kasing maiyak, kahit hindi naman talaga ako iyakin. Pero sumusobra na kasi sila! Hindi ba nila alam na tao lang din ako? At nasasaktan?

Hinanap ko kaagad si Yiel sa buong campus nang mag-recess, pero hindi ko siya nakita. Bumuntong-hininga akong naupo sa isa sa mga bleacher ng school ground. Pero natigilan kaagad ako nang mapagtanto na doon din ako umupo bago magtapusan ang klase. Kung saan, natanaw ko ang harap-harapang panggagago sa akin ni Justine sa labas ng court. Agad namasa ang gilid ng mga mata ko. Ramdam ko na naman iyong sakit dahil sa ginawa niya sa akin.

I know I am boring. Pero sana naman ay sinabi niya na lang sa akin. Pinag-usapan at nakipaghiwalayan nang maayos. Hindi iyong idadaan niya sa panloloko niya!

I know he’s a jerk and a playboy. At maiintindihan ko kung makikipag-break siya sa akin dahil may iba na siyang pinaglalaruan.

Iintindihin ko.

Pipilitin ko.

“I think, you need t-this?”

Napasinghap ako at agad natuon ang kulay pink na panyong nakalahad sa harap ko. Hindi ko na namalayan na basang-basa na pala ang mga pisngi ko dahil sa pagkawala ng luha sa mga mata ko.

Bigla kong naalala ang nangyari kanina sa rooftop. Ganito din iyon. Lumakas ang pagtambol ng puso ko. At dahan-dahan nag-angat ng mga mata sa may-ari ng panyo.

“H-Hi!” nag-aalangan niyang bati.

Napakurap ako nang bumungad sa akin ang nakakasilaw niyang ngiti. God, is this true?! Isang anghel yata ang kaharap ko ngayon!

“Ow. By the way, I am Sophia. And you are Kath, right?”

Bumagsak ang panga ko at nanlaki ang mga matang napakurap muli.

Paano niya ako nakilala?

A sweet smile curled across her pink lips. “Childhood friend ko si Joan. And she told me about you. Pinakita niya rin sa akin ‘yong mga picture kapag you’re joining in a screening of a beaucon!”

Tumango ako. Na parang naiintindihan ang sinabi niya.

“And Joan is right! Ang ganda mo nga talaga!”

Hala!

Naiilang akong tumawa dahil sa sinabi niya. Uminit din ang mga pisngi ko. “H-Hindi, ah.” Sabay iling ko. “Ikaw iyong maganda.”

Kulang ang salitang ganda para i-describe ang hitsura niya.

She chuckled, hindi naniniwala sa sinabi ko. “Joan also right! Mababa nga ang confidence mo sa sarili mo!”

Natahimik ako at napayuko.

“Well, bakit ka nga ba umiiyak?” Sabay upo niya sa tabi ko.

Nagitla ako nang magdikit ang mga braso namin. Grabe, ang lambot ng balat niya. May lahi yatang Japanese itong si Sophia. Sobrang puti kasi ng balat niya. Makinis ang mukha. Mala-rosas ang kulay ng manipis niyang labi. Mahaba ang itim na buhok. At iyong bangs niya, bumabagay sa bilugan pero singkit niyang mga mata. Para talaga siyang anghel na bumaba sa langit dahil sa kapilyahan lalo na’t naka-bestida siyang puti ngayon.

“I think, it’s all about Justine, the jerk. Kaya ka umiiyak ‘no?” Naningkit ang mga mata niyang tumitig sa akin.

Gulat man dahil sa sinabi niya, nagawa kong iwasan pa rin ang nanggagalaiti niyang mga mata. Napalunok ako habang pinaglalaro ang mga daliri sa bawat isa.

Paano niya nalaman ang tungkol sa amin ni Justine?

“Sinabi rin kasi ni Joan sa akin ang about do’n!” sagot niya sa tanong ko na para bang nababasa niya kung anong iniisip ko.

Wait. Is she a mind reader?

“Yes! Kaya kong mabasa kung anong iniisip ng isang tao. I grew up in a village na maraming tao. Tulad mo, tahimik din ako kaya ‘yon, natuto akong basahin ang mga galaw nila.”

She smiled again. Hinawakan niya ang mga kamay ko at marahang pinisil.

“Look at me, Kath. Maganda ka. You don’t deserve that kind of a guy! Playboy. Malandi. At masamang lalaki!”

Napatingin ako sa nakangiti niyang mga mata. Napalunok ako nang makita ang senseridad sa pagkislap ng mga iyon.

Hot tears formed in my eyes.

Mabilis niyang inangat ang baba ko para patigilin yata ang pagtulo ng mga luha ko.

“You deserve someone else better than him. Malay mo, nakatagpo mo na pala siya. In a wrong timing, place, or chance. Pero sana, ‘wag mong isara ‘yang puso mo… sakaling pumasok man siya sa buhay mo.”

Ang deep niya!

Napasulyap ako sa kaniya at wala sa sariling tumango.

“Good girl. Now smile. Lift your head up high. Ipakita mo sa lahat na maganda ka. Inside and out.”

Hindi ko alam pero naliwanagan ako dahil sa mga sinabi niya. Na para bang gumaan iyong pakiramdam ko. Hindi ko tuloy naiwasan na i-plaster ang ngiti sa mga labi ko nang bumalik ako sa classroom. Iyong hindi fake! Iyong original!

Kinabukasan ay maaga kaming pumasok ni Yiel. Naikuwento ko na sa kaniya kung anong nangyari kahapon. Todo siya pangaral sa akin. Pero nalungkot din siya na wala raw siya sa tabi ko para ipagtanggol ako sa mga impakta.

“Okay lang ‘yon, Yiel. Magsasawa rin sila---”

“Katherine Garcia? The loner. The boring. The unstylish. Can we talk?”

Natigilan ako at napalunok nang bigla kaming hinarangan ni Cassandra---in her cheering squad uniform. Ang ganda niyang tingnan sa kulay purple na skirt at long sleeve crop top niyang suot. Lantad ang mahabang legs niya at maganda ang hubog ng katawan.

Mga tipo ni Justine.

Tss.

“At para saan naman?!” galit na sabi ni Yiel. Napansin ko pa ang panlilisik ng mga mata niya kay Cassandra.

Cassandra smirked and crossed her arms on the top of her chest. Tumaas din ang kilay niyang tiningnan si Yiel na may panliliit. “Ikaw ba si Katherine Garcia slash the loner, slash the boring, slash the manang?”

“Aba, sumusobra ka na ah---”

Pinigilan ko ang akmang pagsugod ni Yiel sa kaniya. Ayoko ng gulo. At lalong-lalo na, ayokong madamay si Yiel dito! Sophia was right. Kailangan kong maging matapang. Because I don’t deserve this. I don’t deserve to be treated this way. Because first and foremost, wala naman akong ginagawang mali sa kanila.

“Ano bang kailangan mo?” malamig kong sabi na ikinakurap ng kaniyang mga mata.

“I want us to talk privately, without…” Sabay pairap niyang tiningnan si Yiel. “Argh. A nosy and… a freak friend of yours, loser.”

“Aba. Akala mo naman kung sinong magandang nagsalita. FYI. FYI, ha? Mukha kang espasol diyan sa kapal ng makeup mo na hindi mo naman ikinaganda. Tse!” Sabay alis ni Yiel.

Palihim naman akong napangiti nang makita ang gulat at epic na mukha ni Cassandra

“Oh? Ano bang kailangan mo?” mataman kong sabi sabay halukipkip. “Wala na kami ni Justine. Kaya hindi ko maintindihan kung bakit ayaw niyo pa rin akong tantanan.”

She smirked and hissed. “I know na ikaw ang nag-utos para bugbugin ng transferee na ‘yon ang baby Justine ko!”

Kumunot ang noo ko. Binugbog si Justine? Transferee? Wait. Is she talking about Sophia? Pero babae si Sophia, mahinhin at hindi makabasag ng pinggan ang malamyos na boses niya. Paanong binugbog nito si Justine?

“Anong pinagsasabi mo?”

“’Wag ka ngang magmaang-maangan, loser! Bitter ka lang kasi sa amin, eh. Kaya inutusan mo ang Hapon na ‘yon para bugbugin ang Justine ko!”

Napatawa ako nang mapait. “Ako? Bitter? Nakakatawa naman ‘yang sinabi mo, Cassandra. Ako ‘yong tipo ng tao na hindi gagawa ng ganoon dahil sa bitter lang ako sa inyong dalawa!”

“I don’t believe you, bitch! Nakita kaya namin ni Justine na magkasama kayo kahapon,” inis niyang sabi na may kasabay pang pag-irap.

“Nakita?” naguguluhan kong tanong.

“Oo. And you planned this, bitch. Kaya I am warning you.”

Iniwan ako ni Cassandra na naguguluhan.

Si Sophia?

Magagawang bugbugin si Justine?

That’s impossible!

Hanggang maihatid ako ni Yiel sa room ko, inisip ko pa rin ang mga sinabi ni Cassandra sa akin. Napakaimposible kasi! Pero ako, nagawa ko ngang suntukin iyong lalaki sa rooftop kahapon. Baka ganoon din si Sophia. Pero ang tanong, bakit niya naman iyon gagawin, ‘di ba? Para ipaghiganti ako sa kay Justine?

Imposible!

Malalim ang iniisip ko nang pumasok si Ma’am Valdez, ang English teacher namin para sa umagang iyon.

“Good morning, Ma’am!” sabay-sabay naming bati.

“Good morning.”

Umalingawngaw ang mababa at istriktong boses ni Ma’am sa buong room. Medyo kinalabutan nga rin ako.

“Before we proceed to our first topic for this day. Let me introduce first to all of you your new classmate.”

Umugong ang bulung-bulungan ng mga babae kong classmate.

“Let’s all welcome… Renzo Yluj Delos Santos.”

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status