Nakagat ni Georgina ang pang-ibabang labi. “Sige, naiintindihan ko. Kumusta siya? Malubha ba ang kalagayan niya?”
“Huwag kang mag-alala. Mild concussion lang ang nangyari sa kanya. Bukod sa koting galos sa noo at braso ay wala na siyang ibang natamong sugat.”
Nakahinga nang maluwag si Georgina sa narinig. Wala naman pala siyang dapat na ipag-alala. Maya-maya pa ay narinig niya ang isang batang babae na umiiyak habang papunta sa nurse’s station. Biglang naalala ni Georgina ang sarili sa batang nakikita niya. Noong bata pa siya at iniwan siya ng kanyang ina sa ospital. Marahil ay naawa siya sa bata dahil nakikita niya ang sarili rito kaya sinundan niya ito nang lumampas ito sa nurse’s station at dumiretso sa emergency room habang sinusundan ang stretcher na may sakay na isang babae.
Narinig niya ang report na ginawa ng nurse. “Emergency blood transfusion. Maraming dugo ang nawala sa kanya dahil sa aksidente.”
“Mama! Mama! Mama!” patuloy sa pag-iyak ang bata habang nakaupo na ito sa