“Ano na namang gulo to?!” ang sigaw ni mama naman ang narinig ko.
Tumigil sa pananakit sa akin si Madeline at pumunta siya kay mama, umiiyak. “Malandi ‘yang anak mo, Ma! Inaahas niya si Andrew matapos niyang makipaglandian sa ibang lalaki kagabi!” sumbong ng kapatid ko. Umiling ako, sinusubukang ipaglaban ang sarili kahit umiiyak. “H-Hindi totoo ‘yan!” “Saan ka galing kagabi, Mallory? Bakit hindi ka umuwi? Totoo ngang may kabit ka kaya ka pinagpalit ni Andrew kay Madeline?” Hindi ko makapaniwalang tiningnan si mama. Nagagawa niya talaga ‘yang sabihin sa akin? Ni hindi man lang niya pinansin ang pananakit sa akin ni Madeline. Inuna niya pa akong pagbintangan kaysa ang mag-alala. Anak pa ba ang tingin niya sa akin? “Hindi ‘yan totoo, Ma! B-Bakit ba lagi mo na lang kinakampihan si Madeline, ha? Hindi mo ba nakikitang sinasaktan niya ako kanina?” humihikbi kong sabi. “At bakit ako pa ang sinisisi mo sa katarantaduhan ng dalawang ‘yan? Sila itong nagloko sa akin! Kayo! Matagal niyo na palang alam na may namamagitan sa dalawang ‘yan pero hinayaan niyo lang! Tapos ako na kahit maliit lang na bagay ay halos ipagtabuyan niyo na ako!” “Sumasagot-sagot ka na naman!” galit na sigaw ni mama. “Dahil hindi niyo naman ako pinakikinggan! Lagi na lang si Madeline! Hindi niyo ba ako nakikita? Nasasaktan na ako pero siya pa rin ang kinakampihan niyo!” “Kung maka-arte ka naman, akala mo talaga kung anong pang-aapi ang ginawa sa ‘yo. Feeling victim. Kasalanan mo rin naman ‘yon!” sabat naman ni Madeline na lalong nagpagalit sa akin. Mabilis kong sinugod si Madeline. Dahil katabi niya lang si mama ay mabilis din siyang humarang para pigilan ako pero dahil sa galit ko ay malakas kong naitulak si mama dahilan kaya napaupo siya sa sahig. Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. “Ma!” Dali-daling dinaluhan ni Madeline si mama para tulungan ito. “Ang sakit,” daing naman ni mama habang hawak-hawak ang balakang. Nakatayo lang ako habang nakatingin sa kanila, hindi nakagalaw dahil sa gulat. Sinusubukan ni Madeline na patayuin si mama pero mukhang nasaktan talaga si mama sa pagbagsak niya sa sahig kaya hindi siya makatayo. Dumalo na rin si Andrew sa kanila at halos matumba na rin ako nang nabunggo niya ang balikat ko sa kakamadaling daluhan sila. “Walang hiya ka, Ate! Tingnan mo kung anong ginawa mo kay mama!” Sinubukan kong hawakan si mama pero iwinakli niya lang ang kamay ko. “M-Ma, sorry p-po—” “Manahimik kang putangina ka!” Tumulo muli ang mga luha ko. Ano ba kasi ang ginagawa ko? Bakit lagi na lang akong nakakagawa ng mga mali? Ako ba talaga ang may problema? Kasalanan ko nga ba ang lahat? “Susan, anong nangyari sa ‘yo?” Dumating si papa at nadatnan niya si mama na nakaupo sa sahig habang iniinda ang sakit ng balakang. “Anong ginawa mo, Molly?!” Napatingin ako kay papa na mabilis na dinaluhan si mama. Hindi pa nga niya alam kung ano ang nangyari pero nahulaan na niya agad na ako ang tumulak kay mama. Na para bang alam niya na kung saan may problema, ako agad ang may kasalanan. “Anong ginawa mo sa mama mo!” Tumayo si papa at hinarap ako, galit na galit. Napalunok ako sa kaba. “H-Hindi ko sinasadya, Pa—” “Ganiyan na ba kasama ang ugali mo para saktan mo ang mama mo, ha?! Hindi ka na naawa sa mama mo!” Hindi ako nakapagsalita. Para namang nagkaroon ng paligsahan ang mga luha ko at nagsisiunahan ito sa pagtulo. Ang sakit. Ang dali nilang makita na nasasaktan ang iba, pero ako? Hindi ata nila nakikita na nasasaktan din ako. “S-Sorry po—” “Anong magagawa ng sorry mo? Maipapagamot mo ba ang mama mo niyan? Puro na lang talaga problema ang dala mo!” Para nang tinutusok ang puso ko ng libo-libong karayom sa sobrang guilty. Alam ko may kasalanan ako pero... “P-Pa, nasasaktan din naman po ako. Kanina g-gusto akong pagsamantalahan ni Andrew pero ako ang s-sinisisi ni Madeline at ni mama. Sinaktan ako ni Madeline pero siya pa rin ang k-kinampihan ni mama—” “Ang kapal ng mukha mo!” sigaw ni Madeline. “H-Hindi totoo ‘yan,” depensa naman ni Andrew sa kaniyang sarili pero halata naman ang kaba sa boses. “Totoo lahat ‘yon!” Kahit alam kong walang kakampi sa akin ay sinubukan ko pa ring depensahan ang sarili ko. “Sinagot-sagot mo nga si mama kanina! Anong klaseng pag-uugali ‘yan?” “Dahil hindi niyo naman nakikita na nasasaktan na ako! Hindi ko nga alam kung bulag ba kayo o sadyang wala lang talaga kayong pakealam sa akin—” Natigil ako sa pagsasalita nang sinampal ako ni papa. Nakahawak ako sa namumula kong pisngi, gulat sa ginawa ni papa. Matinding katahimikan ang namutawi sa paligid. Halata ang gulat sa mukha ni Madeline, pero kay mama ay tanging blankong ekspresyon lang ang binigay niya sa akin. “Lumayas ka rito,” mahinang sabi ni papa, pero dahil sa sobrang tahimik ay narinig ko iyon. Napatingin ako kay papa. “P-Pa...” “Ang sabi ko...” Tinuro niya ang pintuan. “Lumayas ka rito.” Muling nagbadya ang luha sa aking mga mata. Sinubukan kong lumapit sa kaniya pero isang hakbang lang ang nagawa ko at tumigil din. “P-Pa naman—” “Hindi mo ba ako narinig? ‘Wag ka nang babalik.” Halos magmakaawa na ako sa kaniya. Muling nag-unahan sa pag-agos ang mga luha ko habang nakatingin kay papa. “P-Pa, ‘wag naman ganito—” “Lalayas ka rito o ako mismo ang kakaladkad sa ‘yo palabas?” matigas na sabi ni papa. Wala akong ibang nakikita sa mga mata ni papa kung ‘di galit. “Hindi ko kailangan ng bastos anak na katulad mo. Umalis ka na bago pa kita kaladkarin palabas.” Siguro nga hindi nila ako nakikita bilang isang anak nila— baka nga kahit bilang pamilya nila hindi, eh. Bakit? Ano bang nagawa ko sa kanila? Wala akong ibang ginawa kung ‘di ang maging mabuting anak at maging sunod-sunuran sa kanila. Pero hindi pa pala sapat ‘yon. Ngayong hindi na nila ako kailangan, pwede na nila akong ipagtabuyan.