NAGPAALAM muna kay Saskia si Jedrick na uuwi muna ito sa kanilang bahay. Siya naman dahil walang makausap at magawa, ay naisipan na lang niyang magluto ng meryenda habang nagkakasiyahan pa rin ang kanyang pamilya at pamilya ni Weston.
Pumunta siya sa kusina at inihanda ang mga kakailanganing sangkap para sa lulutuin niyang pansit. Kasalukuyan siyang naghihiwa ng manok na isasahog nang biglang may magsalita sa likuran niya.
“He-hello.”
Ang nangingiming si Gladys ang nalingunan niyang nagsalita. Kahit naiilang siya rito, ay kailangan niyang kausapin ito dahil bisita nila ito, at hindi siya tinuruan ng mga magulang na mambastos ng bisita, lalo na kung mabuti naman ang pakikitungo nito sa kanila.
“May kailangan po kayo?” magalang na tanong niya rito, saglit na inihinto ang paghihiwa para harapin ito.
“Ah, wa-wala naman! Pumunta lang kasi ako ng banyo, eh, nakita kita rito sa kitchen, mukhang magluluto ka. Pwede ba akong tumulong?” malumanay na sambit nito, may kalakip na pakiusap.
“Naku,