Wala sa sariling dumako ang tingin ni Sierra kay Marco, ang kanyang mga mata ay puno ng paghanga.
Hindi kataka-takang ito ang naging pinuno ng Montezides corporation dahil sa taglay nitong tapang at husay. Wala pa mang ibang salitang lumalabas sa bibig nito subalit kitang-kita sa mga mata nito ang nagsusumigaw na awtoridad.
Iyong tipong hindi na nito kailangang magtaas ng tinig para lang sundin. Isang mariing titig pa lamang ay nakakanginig na ng tuhod sa labis na takot.
Nanginginig sa takot na tumango ng dalawang beses ang kawawang kasambahay at saka ito nagpaalam na umalis.
"Stop staring and eat your food." Puna ni Marco nang hindi man lang tinatapunan ng tingin si Sierra.
Nakagat naman ni Sierra ang kanyang pang-ibabang labi at pinamulahan ng mukha sa kahihiyan. Hindi na lamang siya umimik na bumalik sa pagkain.
Sa kabilang banda, sa mansyon ng mag-asawang Ericka at Stevan Montezides, nagpupuyos sa galit si Stevan nang matanggap ang ulat mula sa kanyang kanang kamay.