Share

Scars of yesterday

07

Kaagad namin ginamit ang mga perang napanalunan ni Vayne sa paglalaro ng ahedres sa pag-renta ng mga libro sa public library. Pagkarating namin sa kwartong nirenta namin sa isang inn ay kaagad nilapag naman ni Damien ang anim na libro.

"Bakit ang dami?" pasinghal na tanong ko habang karga karga ko si Vayne na kasalukuyang sanggol ngayon. Samantalang kami naman ni Damien ay kasalukuyang nakasalampak sa sahig. Ang kaibahan nga lang ay nakaupo sa unan si Damien. Maarte kasi ang loko, madumi daw ang sahig.

"Hindi sapat ang isang libro!" kaagad na sagot ni Damien atsaka siya kumuha ng isang manipis na libro at pinakita ito sa akin. "At kakailanganin rin natin ito, tungkol ito sa mga tao rito na bigla na lang nawala. Paniguradong nandito rin ang mga magulang mo."

Napairap naman ako, "Alam ko, dahil binasa ko na rin ang libro na iyan. Pero wala pa rin akong nakuhang sagot sa mga tanong na matagal nang bumabagabag sa isip ko magmula bata pa ako." kaagad kong naisipan ibahin ang paksa ng usapan namin. "Ah basta! Hindi muna yan ang importante sa ngayon! Kailangan nating maibalik sa dati si Vayne!"

"Oo na! Oo na!" ani Damien atsaka na niya nilapag ang librong pinakita niya sa akin kanina. Dumapo naman si Celestia sa isang libro kaya iyon ang kinuha ni Damien.

"Salamat, Celestia!" nakangiting ani niya at kaagad dumapo na sa balikat niya ang alaga niya bago niya buklatin ang libro.

Pero sumapit ang hating gabi ay hindi pa rin bumabalik sa normal si Vayne. Sabay kaming napahikab ni Damien dahil sa antok. Dahan dahan ko namang nilapag ang sanggol na si Vayne kama habang mahimbing itong natutulog at sinisipsip ang hinlalaki niya.

"Paano ngayon iyan?" nanonoblemang sabi ko.

"Paampon mo na lang," kaagad na sagot ni Damien.

"Timang! Hindi ko aabandonahin si Vayne 'no!" asik ko.

"O edi wala kang ibang choice kundi maging ina niya," natatawang sabi niya kaya sinamaan ko naman siya ng tingin.

Dinuro ko siya, "Ikaw ang may kasalanan nito kaya responsibilidad mong maging ama niya!" maautoridad na sabi ko.

Napakurap naman siya atsaka niya ako pinandilatan ng mata, "Nakakalimutan mo bang isang prinsipe pa rin ang kausap mo?!"

"Wala akong pakielam! Hindi kita pababalikin sa kastilyo hangga't hindi mo binabalik sa dati si Vayne!"

Kaagad na nabaling ang tingin namin kay Vayne nang marinig na naman namin ang pag-iyak nito. Napahawak na lang ako sa ulo ko sa inis.

Tumalikod ako habang nakahalukipkip, "Bahala ka d'yan, Ikaw na bahalang magpatahan sa kanya! Kanina pa ko nagpapatahan d'yan."

Napatakip na lang kami pareho ng tenga nang mas lalong lumakas pa ang paghikbi nito.

"Ano bang problema nito?!" iritadong sabi ni Damien.

Humarap naman ako sa kanya, "Silipin mo yung ibaba niya o yung ilalim niya." utos ko. "Baka nagdumi siya o umihi siya sa lampin niya."

Kaagad namang inis siyang humarap sa akin, "Ayoko nga! Kadiri!" reklamo niya. "Seryoso ka ba?! Hahayaan mong madumihan ang kamay ko?"

"Aba't--!" nanggigigil na anas ko sa kaartehan niya. "Ikaw ang lalaki kaya ikaw ang gumawa n'yan!"

"Eh bakit hindi ikaw ang gumawa?! Bakit kailangan mo pang i-utos sa akin?"

Nag-palabas naman ako ng halaman sa kamay ko habang matalim ko siyang tinitigan, "Pwede bang gawin mo na lang ang iniutos ko? Wala ka sa kastilyo ngayon kaya huwag mo kong artehan!"

"Hays!" inis na napabuntong hininga na lang siya. Sinamaan niya muna ako ng tingin bago siya nagdabog at bago niya sinuri ang lampin ni Vayne. Kaagad ko namang pinalaho ang halamang sumulpot sa kamay ko.

"Wala."

Napataas ang kilay ko, "Sigurado ka?"

"Wala nga! Ang kulit mo!"

Patuloy pa rin ang malakas nitong pag-iyak. Pinainom naman na namin ito ng gatas kamakailan lang kaya imposibleng dahil sa gutom ang iniiyak iyak niya.

"I-hele mo!" utos kong muli kay Damien.

Inis na naman niya akong binalingan ng tingin, "Kanina ka pa utos ng utos sa akin ah!"

Napahinto naman kami bigla sa pagtatalo nang mapansin namin si Celestia na paikot ikot kay Vayne at sa isang iglap biglang napalitan ng mumunting tawa ang nakakarinding iyak nito.

Tipid na napangiti na lang ako habang pinagmamasdan ko ang maamong mukha ni Vayne na tuwang tuwa sa paru-paro.

Madaling araw na ng makabalik na sa pagkakatulog si Vayne kaya ganoong oras na rin kami nakatulog ni Damien pero hindi pa nga kami tuluyang nakakabawi sa pagtulog namin ay nagambala na naman kami nang marinig na naman ang iyak ni Vayne.

Napakamot na lang ako sa ulo ko. Inis kong binalingan ng tingin si Damien na bumalik lang uli sa pagkakatulog at nag-bingi-bingihan na lang.

Kaagad ko namang binuhat sa bisig ko si Vayne pero kaagad ring nanlaki ang mata ko nang mapagtanto kong basa ang lampin nito. Napakagat na lang ako sa labi ko sa inis.

"Anak ng tipaklong ka naman, Vayne!" gigil na sabi ko sa kanya habang nakatitig ng diretso sa mata niya. Bigla namang dumapo ang maliit niyang kamay sa ilong ko.

"A-Aray!" daing ko nang madiin niyang pinisil ang ilong ko gamit ang buong kamay niya. Kulang na lang ay tanggalin niya ang mismong ilong ko sa mukha ko.

Nagawa ko namang mapalitan ng malinis na lampin si Vayne pagkatapos ng pang-aapi niya sa ilong ko kanina. Ngayon naman ay medyo tumahimik na siya dahil pinapainom ko na siya ngayon ng gatas habang nasa bisig ko siya ngayon.

Mabuti na lang ay may sapat pa kaming pera para makabili ng mga konting pangangailangan ng isang sanggol. Sa tulong ng teleportation stone na binenta ko.

Isang bagay na lang ang hindi ako nakasisigurado. Kung may pambayad pa ba kami para sa kwartong kasalukuyang nirerenta namin ngayon.

Tinanggal ko na sa maliit niyang bibig ang bote ng gatas kaagad kong binago ang pwesto ang pagkakarga ko kay Vayne para hindi siya mabulunan at pagkatapos 'nun ay binalik ko muli sa dati ang pagkakakarga ko sa kanya kaya muling nagtama na naman ang tingin namin.

Kumurap kurap naman siya sa akin at diretsong tumitig sa mukha ko. Talagang pokus na pokus talaga ang tingin niya sa pagmumukha ko kaya tinaasan ko naman siya ng kilay at bahagyang napabuka ang bibig niya bilang tugon. Napangiti naman ako sa inakto ng sanggol.

"Tinitingin tingin mo dyan ah," usap ko sa kanya. Naalala ko tuloy ang sabi sabi ng ibang tao na narinig ko rin dati mula kay Vayne na palagi daw nakapokus ang tingin ng sanggol sa mga bagay na magaganda sa paningin niya.

"Bakit?" kinausap ko na rin siya na parang bata dahil hindi ko din maiwasang panggigilan ang maamo niyang mukha. "Nagagandahan ka ba sa 'kin ha?" natutuwang tanong ko.

Napapikit naman ako ng bigla akong makatanggap ng sampal mula sa munting kamay niya.

Aba naman!

"Anak ng tokwa!" nasambit ko bigla pero hindi pa siya tapos bigla niya namang hinila ang ilang hibla ng buhok ko at pinanggigilan ang mga ito.

Kung ano ano ng ekspresyon o mura ang nasabi ko dahil sa pinag-gagawa sa akin ni Vayne kaya hindi na ako nakatiis at kaagad ko na siyang nilapag sa kama. Tahimik na rin ito dahil tinamaan na ito ng antok. Samantalang si Damien naman ay napakasarap pa rin ng himbing.

Nabaling naman ang tingin ko sa mga librong nagkandapatong patong sa lamesa sa gilid naman nito ay ang wand na ginamit ni Damien kay Vayne kaya naging sanggol ito. 

Kinuha ko ang wand at pinagmasdan ito. Pinadaan ko naman ang daliri ko sa disenyo nito. Simple lang ang itsura ng wand at mukhang madaling masira dahil siguro ay baguhan palang sa pag-aaral ang prinsipe.

Nilapag ko na ito sa lamesa at nabaling naman ang tingin ko sa mga librong nirenta namin. Nasa pinakaunahan naman ang isang manipis na libro na mga kontinh impormasyon tungkol sa mga taong misteryosong pagkawala.

Kinuha ko ang libro at binuklat ito.

Matagal nang nakalimutan ng mga tao sa lugar na ito ang misteryong ito. Dahil sa ngayon ay wala namang nababalitang may nawawala. Pero hanggang ngayon ay walang may alam kung anong dahilan kung bakit ang mga taong nasa libro na ito ay hindi na muling nagpakita.

Napadako naman ako sa larawan ng mga magulang ko sa libro. Nakasaad rito kung kaylan sila huling nakita at kung anong mahika ang meron sila. Pero wala rito ang tungkol sa aming dalawa ni Snow White.

Nalaman ko lang ang apelyido ng mga magulang ko dahil sa librong ito. Pero wala talaga akong naalala na apelyido nila mula sa pagkabata ko.

Napabuntong hininga na lang ako at sinarado ang libro. Matagal na rin pala nung huli kong binasa ang libro. Isang munting dalagita pa ako nung mga panahon na iyon. Bago bago pa lang ako sa lugar na ito.

Hanggang sa dumating rin ang araw na tinanggap ko na lang na ulila ako. Akala ko sa ganoong paraan ay matatahimik ako at makakalaya ako sa bigat ng nararamdaman ko. Magpahanggang ngayon ay naghahanap pa rin pala ako ng sagot pero umaasa na lang ako ngayon na darating na lang iyon ng kusa sa akin.

"Ayos ka lang?" napatigil ako sa pag-iisip at napalingon ako sa pwesto ni Damien na seryosong nakatitig lang sa mukha ko.

"Ikaw? Hanggang kailan mo balak d'yan sa kama?" tanong ko pabalik sa kanya atsaka ko nilapag ang librong hawak ko at kumuha ng isa pang libro pagkatapos ay saka ako umupo sa kamang hinihigaan niya.

Tumabi naman siya sa akin at sinilip ang  librong binubuklat ko.

"May ideya ka na ba?" tanong niya.

"Hindi ba't ikaw dapat ang tinatanong ko n'yan?" ani ko habang patuloy pa ding binubuklat ang libro. "Sabagay, mukhang baguhan ka pa lang sa pag-aaral ng spells."

"Bakit hindi tayo humingi ng tulong sa guro mo?" tanong ko sa kanya.

"Hindi pwede!" kaagad na kontra niya kaagad ko naman siyang sinuway na hinaan ang boses niya na kaagad niya namang sinunod. "Baka magsumbong iyon na lumayas ako sa kastilyo namin."

Napangiwi na lang ako, "Sabagay, baka ibalik ka na lang sa kastilyo niyo nang hindi pa nakakabalik sa normal si Vayne. Kung ang guro mo naman ang magbabalik kay Vayne sa dati baka kung ano ano pa ang hingin niyang kapalit."

"Sa tingin ko naman hindi ganun ang guro ko."

"Sa tingin mo pero sa akin iba ang tingin ko sa kanya lalo na't hindi ko pa siya nakikita," sabi ko na lang at maya't maya ay napatigil ako sa isang pahina at bigla kong naisipang lingunin siya.

"Damien, Ano ba ang guro mo? Isa ba siyang wizard, spellcaster o sorcerer? Teka, isa na ba siyang mage?" sunod sunod na tanong ko.

"Huh?" tanging reaksyon niya.

"Hindi mo pa ba napag-aaralan ang pagkakaiba iba ng mga taong gumagamit ng magic spells?" tanong ko sa kanya pero hindi siya sumagot kaya bahagyang tumawa ako. "Ibig sabihin hindi mo alam kung anong klase ka?"

"Wizard," sagot niya. "Diba?"

Mahinang napatawa naman ako at pinindot ang ilong niya dahilan para mapakurap siya sa ginawa ko.

"Mahal na prinsipe," natatawang sabi ko. "Mukhang kailangan mo nang maagang pagdaragdag ng leksyon," nakangiting sabi ko. "Sige ituturo ko sayo, bago pa maituro sayo ng guro mo."

                                   ~*~

"Wizards at Witches karaniwan mo silang makikita na may hawak na wand. Dahil iyon ang ginagamit nila para maging epektibo ang isang spell. Pero kailangan pa rin ang chant para gumana ang spell. Iyon ang kasalukuyang tawag sa isang katulad mo at dahil baguhan ka pa lang na nag-aaral. Nakasisiguro ako na isa kang Class D wizard."

"Ang mga Wizard at Witches ay may iba pang bagay na eksperto sila bukod sa spells ay ang paggawa ng mga mahihiwagang potions."

Partida, nagbibigay pa ako ng impormasyon habang hinihele ko si Vayne. Mabuti na nga lang at hindi nag-inarte ang isang 'to.

Samantalang si Damien na nagsusulat sa kwaderno niya habang nagsasalita ako. Mukhang magugulat talaga ang guro niya kapag alam na kaagad ni Damien ang tungkol dito.

"Sunod naman ang mga spellcasters, karaniwan mo silang makikitang may bitbit na maliit na mahiwagang libro," medyo nakaramdam ako ng pagkasabik habang nagsasalita ako. Ito kasi ang mga bagay na natutunan ko mula kay Lady Annora nung nasa bahay ampunan pa lang ako.

"Hindi na nila kailangan ng wand para gumana ang spell. Sapat na ang chant o ang salita mula sa bibig nila."

Tinaas naman niya ang dalawang daliri niya kaya tumango lang ako para makapagtanong siya.

"Kung isa akong wizard, pwede rin ba akong maging spellcaster?" tanong niya.

"Umiling ako, Sa pagkakaalam ko hindi," tugon ko. "Tuloy ko na ba?"

Tumango naman siya sa akin kaya nag-umpisa pa akong magsalita sa harap niya.

"Sorcerer o sorceress..." panimula ko. "Ang iba sa kanila ay gumagamit ng wand ang iba naman ay hindi pero malalaman mo na isa silang sorcerer kapag hindi sila gumagamit ng chant. Dahil ang sariling isip lang nila ang ginagamit nila sa pagbigkas ng spell."

"At ang huli ay ang Mage," ani ko. "Matatawag ka lang na isang mage kapag may kakayahan ka nang mag-imbento ng spell."

Napatango tango naman siya sa sinabi ko atsaka niya sinara ang maliit niyang kwaderno.

"Ngayon dahil may tinuro na ako sayo na nalalaman ko, kailangan mo nang ibalik sa normal si Vayne," ngumiti ako ng makahulugan. "May utang na loob ka na sa akin ngayon."

Tumayo naman siya at kumuha ng isa pang libro, "Hindi ko ibabalik sa dati ang kaibigan mo," lumingon siya sa akin at siya naman ngayon ang ngumiti ng makahulugan.

Biglang napalitan ng inis ang ekspresyon ng mukha ko, "Anong sabi mo?!"

Ngumiti siya sa akin at pinakita ang manipis na libro, "Ngayong tayong dalawa na lang ang nagkakausap, matutulungan mo na akong malutas ang misteryong ito."

Dahan dahan kong nilapag si Vayne sa kama atsaka ako inis na tumingin sa kanya, "Alam mong walang maitutulong ang magulang ko. Isa lang sila sa mga biktima."

"Hindi ka ba natatakot na baka kayong dalawa ni Vayne ang susunod?" sabi niya. "Wala pang nakakaalam kung anong dahilan ng pagkawala nila kaya maaring may mga kasunod pa kahit matagal na taon na ang nakalilipas. Kung tutuusin, baka kulang pa ang mga biktima na nakalagay sa libro na 'to."

"Wala ka na bang pakielam sa magulang mo?" dagdag pa niya. "Bakit hindi ka interesadong malaman kung ano ba talagang nangyare sa kanila?"

"Hindi mo naiintindihan," malamig na pagkasabi ko sa kanya at naglakad ako palapit sa kanya. "Labing isang taong gulang akong pumunta ng mag-isa sa lugar na ito para lang masagot ang mga tanong tungkol sa mga magulang ko."

"Sa murang edad na iyon ay pumasok ako ng katulong para lang may matirhan ako pero sa murang edad ko ay maagang namulat ang kaisipan ko kung gaano kababa ang tingin sayo ng mga taong may kaya." may halong hinanakit ang pagkukwento ko sa kanya. "Kapag mahirap ka at walang pera. Lahat may karapatan silang gawin kung anong gusto sayo."

Tumalikod ako sa kanya at dahan dahan kong itinaas ang damit ko mula sa likod. Narinig ko naman ang pagsinghap niya dahilan para umangat ang sulok ng labi ko.

"Kung hindi ka naniniwala pwede mong hawakan ang mga peklat sa likod ko," walang emosyong sabi ko. Pero hindi ko naramdaman ang kamay niya sa likod ko at wala rin akong narinig na tugon mula sa kanya kaya dahan dahan ko nang ibinaba ang damit ko.

"Pero kahit malupit ang naging trato sa akin at kahit nabalot ako ng takot nung mga araw na iyon. Hindi ako tumigil kakahanap ng sagot tungkol sa mga magulang ko. Tumakas ako sa lugar nila, naging palaboy dahil wala nang matirhan. Hanggang sa nakilala ko si Vayne at naging kasama ko na rin siya sa paghahanap ng sagot." humarap ako sa kanya at tinignan ang mukha niya. "Ilang taon na kaming dalawa? Parehong labing siyam na kami pero hanggang ngayon ay wala pa rin kaming nakukuhang sagot."

"Naiintindihan mo ba ang ibig sabihin kong iparating?" tanong ko sa kanya.

"Kung ikaw sumusuko ako hindi," determinadong sabi niya. "Mahahanap ko ang sagot. At sa oras na nahanap ko iyon, magpapasalamat ka rin sa akin."

"Hindi mo kailangan gawin iyan para sa akin," kunot noong sagot ko sa kanya.

Bahagyang natawa naman siya, "At sinong may sabing ginagawa ko ito para sayo?" natatawang sagot niya. "Gusto ko lang patunayan na mas karapat dapat na ako ang maging tagapagmana ng trono at hindi ang babaeng anak lamang ng isang kerida."

Nanlaki naman ang mata ko sa sinabi niya. Hindi ko lang inaasahan na mababanggit niya si Snow White.

Napansin ko naman na nagtaka siya, "Teka?" natatawang sambit niya. "Huwag mong sabihing hindi mo alam na isang anak lang ng kerida ang crowned princess?"

Hindi siya anak ng kerida, Damien. Kapatid ko siya. Kakambal ko siya.

Humalikipkip siya, "Kung ganun, ngayon alam mo na," atsaka siya umalis sa harapan ko.

Lumingon naman ako sa kanya, "Sige na, hahayaan na kita na malaman kung ano ba talaga nangyare sa mga magulang ko. Basta ibalik mo muna sa normal si Vayne, kakailanganin din natin siya."

Napatingin naman siya sa akin dahil sa mga sinambit ko.

"Baka sa pagkakataong ito, ay malaman ko na ang sagot tungkol sa magulang ko," kibit balikat na sabi ko. "Kung malaki ang tiwala mo sa sarili mo, Mukhang kailangan ko ring magtiwala sayo."

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status