REVENGE OF THE GOOD WIFE (FILIPINO)
REVENGE OF THE GOOD WIFE (FILIPINO)
Author: Jessica Adams
KABANATA 1

PRESENT DAY...

PAGPASOK ni Alvin sa entrance ng gusali ng Prime Marketing Incorporated na may walong palapag ay nakangiti siyang binati ng guard na naka-duty doon. Minana pa niya ang kompanyang iyon sa kaniyang mga magulang.

Nagsimula ang business nilang iyon bilang hardware store, ang Acosta Hardware na sa paglipas ng limang taon ay nagawa niyang palaguin na sa kalaunan ay naging distribution company ng iba’t-ibang construction products. At kahit hindi niya aminin, alam ni Alvin na dahil iyon sa iisang babae.

Nang maramdaman ang pamilyar na sakit na gumuhit sa kaniyang dibdib ay agad na iwinaglit ni Alvin ang isiping iyon sa kaniyang isipan.

Kung may nangyari sa nakaraan niya na hinding-hindi niya gustong binabalikan, iyon ay ang tungkol kay Patricia. Palagi kasi ay nararamdaman niya ang pagguhit ng sakit sa kaniyang dibdib at hindi niya gusto ang pakiramdam na iyon.

Feeling niya nasa dibdib lang niya ang sakit at parang permenente na iyon doon at nananariwa lang na parang sugat tuwing sumasagi sa isipan niya ang dalaga.

Umiling siya saka nagbuntong hininga nang makapasok sa loob ng elevator. Hindi nagtagal at narating narin niya ang eight floor kung nasaan ang kaniyang opisina.

Ang sumunod na palapag ng building ay ang kaniyang penthouse. Bihira lang naman niyang tulugan iyon dahil mas madalas parin siyang umuwi sa kanila. May roof deck din ang penthouse niya, pero katulad ng sinabi niya kanina, bihira siya mag-stay doon, dahil mas pinipili parin niyang makasama ang mga magulang niya.

“Good morning sir,” bati sa kaniya ni Layla, his pregnant secretary.

“Good morning, Layla. Coffee please,” aniya bago itinulak pabukas ang pintuan ng kaniyang opisina saka pumasok doon.

Isa si Layla sa mga pioneer na empleyado ng kanilang kompanya. Ibig sabihin ito ang unang sekretarya niya. Pero dahil nga sa malapit na nitong panganganak ay wala siyang choice kundi ang pirmahan ang resignation na ibinigay nito sa kaniya.

“Sir nasa HR department na po iyong magiging kapalit ko,” balit ni Layla sa kaniya nang ipasok nito at ilapag sa kaniyang mesa ang kape na hiningi niya.

“Sana pumasa siya, para makapag-turn over na kami as soon as possible,” pagpapatuloy nito na para bang sa tono ng pananalita ay hinihingi ang magiging sagot niya.

Tumango doon si Alvin saka nakangiting inabot ang tasa ng kape at humigop. “Sana kasing husay mo siya sa pagtatrabaho para naman hindi ako mahirapan at wala kaming maging problema kung sakali,” aniyang nakangiti.

“Sigurado iyon sir, sa pagkakaalam ko eh nagtapos raw na Cum Laude iyong applicant. At in fairness sir, maganda, dalaga pa at talagang bagay na bagay kayo!”

Hindi na bago kay Alvin ang ganoong tono sa pananalita ni Layla. Mula kasi nang mangyari ang para sa kaniya ay isa sa pinakamasakit na bahagi ng kaniyang buhay, inalis na niya sa sarili at isipan niya ang pagpasok sa isang seryosong relasyon.

Iyon ay sa kabila ng katotohanan na hindi naman talaga malinaw o hindi sila nag-usap ni Patricia kung ano na ba talaga ang estado ng relasyon nilang dalawa.

Siguro may kasalanan rin siya.

Hindi niya ito kinausap at hindi rin niya inalam ang totoong damdamin nito para sa kaniya. Pero sa kabila ng lahat ng iyon, alam niyang hindi sagot ang ginawang pag-alis at pang-iiwan sa kaniya ni Patricia. Dahil isa lang naman ang naging kinalabasan ng ginawa nito para sa kaniya. Parang pinatunayan lang nito na walang anuman rito ang lahat kaya hindi ito nagdalawang isip na iwan siya.

“CONGRATULATIONS, ngayon sasamahan kita sa office ni Boss para makapag-usap kayo,” iyon ang nakangiting winika kay Patricia ng HR Manager na nagsagawa ng interview sa kaniya.

“Thank you po, Ma’am,” aniyang ngumiti ng matamis dito.

“Call me Miss Malou,” ang muli ay mabait nitong sabi.

Tumango si Patricia. “Thank you po, Miss Malou,” ulit niya.

Nang makalabas sila ng elevator ay noon na niya muling narinig na nagsalita ang ginang na sa tingin niya ay nasa pagitan ng forty-five to fifty years old. Maganda ito at kulay brown ang buhok na maikli at medyo wavy at bumagay iyon sa mestisahin nitong complexion.

“Layla, si Boss?” tanong ni Miss Malou sa babaeng nakaupo sa likuran ng mesa na sa tingin niya ay ang papalitan niya. Buntis ang babae at iyon ang nakikita niyang dahilan ng resignation nito.

Tumango ito. “Nasa loob na siya Miss Malou,” pagkasabi noon ay nakangiti ito tumingin sa kaniya kaya nginitian rin niya ang babae dahil doon.

“Okay sige, maupo ka na muna doon,” si Miss Malou na itinuro ang mahabang sofa sa may waiting area. “Hintayin mo ako,” anitong tinalikuran na siya pagkatapos.

Hindi naman nagtagal at lumabas na muli si Miss Malou. Pagkatapos siya nitong bigyan ng instructions ay iniwan narin siya nito.

“Sige na, kanina ka pa niya hinihintay actually,” ang narinig niyang sinabi ni Layla nang marahil mapansin nito ang pag-aatubili niya kahit sa simpleng pagpihit lang sa knob ng pinto.

Nilingon niya ito saka nginitian.

Normal lang naman siguro ang kabahan lalo at iyon ang unang beses na mami-meet niya ang kanyang magiging amo. Pero parang hindi rin naman normal ang kabog ng dibdib niya dahil kung tutuusin hindi naman ito ang unang beses na dumaan siya sa isang job interview.

O baka naman dahil nga ibang posisyon ito ngayon kaya ganito siya?

Sa huli ay minabuti nalang ni Patricia na iwala sa kaniyang isipan ang lahat ng alalahaning iyon. Pagkatapos ay huminga siya ng malalim saka lakas-loob na pinihit pabukas ang knob ng pinto saka iyon itinulak pabukas saka pumasok at itinulak iyon muli pasara.

Sa loob ay agad na napako ang paningin niya sa lalaking nang mga sandaling iyon ay nakaupo sa likuran ng working table nito at halatang abala sa maraming papeles na nakalatag sa harapan nito.

Marahil ay limang taon na nga ang matuling lumipas. Pero sa kabila niyon ay hindi kailan man nawala sa isipan ni Patricia ang mukha ng lalaking ito.

Hindi ito nakatingin sa kaniya at mukhang abala parin sa ginagawa. Pero nang marahil maramdaman nito ang presensya niya sa loob ng silid ay noon ito nag-angat ng tingin.

Maingat naman kasi ang ginawa niyang pagbukas at paglalapat pasara kanina sa dahon ng pinto kaya ganoon. O baka talagang busy lang ito.

“G-Good morning po,” hindi niya naitago ang matinding panginginig ng kaniyang tinig nang sa kauna-unahang pagkakataon makalipas ang mahabang panahon ay sa ganitong eksena pa pala niya makakaharap ang lalaking ito.

Nakita niyang ang pagrehistro ng matinding pagkabigla sa gwapong mukha ni Alvin. Habang siya, nang mga sandaling iyon, kahit hindi niya aminin ay alam niyang apektado siya sa lahat ng nangyayari. Feeling pa nga niya ay biglang lumiit ang kabuuan ng silid kahit kung tutuusin ay napakalawak naman niyon.

“Maupo ka,” si Alvin na itinuro ang upuan na nasa harapan ng mesa nito saka parang walang anuman nitong ibinalik ang pansin sa binabasang papeles.

Lihim na nasaktan si Patricia sa ginawing iyon ng binata. Sa huling naisip ay napakagat-labi siya. Limang taon na ang matuling lumipas, baka hindi na tamang gamitin ang term na binata kay Alvin. Baka mas bagay na rito ang salitang lalaki dahil sa posiblidad na baka may asawa at pamilya na ito.

Nang muling mag-angat ng tingin si Alvin saka siya tiningnan nang nagsasalubong ang mga kilay ay noon nagmamadaling kumilos si Patricia at saka inokopa ang upuang itinuro sa kaniya ng lalaki.

Sa pagkakataong ito ay nasa kaniya na ang buong atensyon ng lalaki. Napatunayan niya iyon nang makita niyang ibinaba nito ang hawak na signature pen saka siya tinitigan ng tuwid sa kaniyang mga mata.

Lalong nakaramdam ng pagkabalisa si Patricia sa ginawing iyon ni Alvin. Pero hindi pwedeng palagi siyang ganoon. Well, normal lang naman siguro ang maging ganito siya pero dapat alam niya kung paano magpigil at alam rin niya kung paano hihinto.

“Pwede ko bang makita iyang hawak mo?” pormal ang tono ng pananalita nito pero apektado parin siya doon.

Mabilis niyang iniabot rito ang hawak niyang folder. At habang pinanonood niya ang lalaki na abala sa pagbabasa niyon ay hindi niya maintindihan kung bakit ganito ang treatment nito sa kaniya.

Kung kausapin siya ni Alvin ay para bang ngayon lang sila nagkita o hindi siya nito dating kaibigan, at higit sa lahat. Sa huling naisip ay nagyuko nalang ng ulo niya si Patricia.

Hindi naman talaga maganda ang ginawa niya na bigla nalang siyang umalis pero magulo kasi ang isip niya noon. Siguro nga mababaw pero kung minsan, well actually, kadalasan ang isang taong nagmamahal at nasasaktan ay nagiging mababaw.

“Widowed?”

Iyon ang pumutol sa sandaling paglalakbay ng kaniyang isipan.

Tumango muna siya bago nagbuka ng bibig at nagsalita. “Yes po,” sagot niya.

“For how long?” tanong nitong muli sa kaniya.

“Mag-a-apat na taon na po,” sagot niyang sandaling sinalubong ang mga titig ni Alvin at pagkatapos ay mabilis ring nagbawi ng tingin.

“So, ito ang dahilan kaya siguro napilitan kang maghanap ng trabaho? Tama ba ako?” iyon ang muling tanong ni Alvin habang hindi niya maipagkakamali ang matinding sarkasmo sa tono ng pananalita nito.

Tumango siya. “Opo,” ang tipid niyang sagot.

Sa lakas ng kabog ng dibdib ni Patricia nang mga sandaling iyon ay ni hindi niya magawang titigan si Alvin. Naiilang siya o natatakot dito? Kung alin sa dalawa ay hindi rin niya masabi.

Parang bigla, ngayong kaharap na niya ang lalaki ay biglang tumigil sa pag-function ang isipan niya. Kasabay ang pagbabalik sa kaniya nang lahat ng nangyari, limang taon na ang nakalilipas.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status