Share

Kabanata 2

"HINDI mo gagawin ang ginawa ko kanina." Tukoy ko sa pagnanakaw na ginawa ko, tumango-tango ito, tutok ang paningin sa akin.

Napangiti na lang ako, tinapon ko ang natirang buto ng mansanas.

"Ano ang iyong ngalan, Bata?"

"Ako si Adrina, at ito ang kapatid kong si Kera," pakilala nito sa sarili at sa maliit na kapatid. Nginitian ko ang kapatid niya ngunit lalo lamang itong nagtago sa likod niya.

"Hayon siya! Sigurado akong siya ang nagnakaw sa akin!"

Napatingin ako sa kabilang gilid nang marinig ko ang sigaw nang isang lalaki. Nakaturo ito sa akin habang sa gilid niya ay ang dalawang kawal, hindi iyon ang ginoong huli kong nakabangga.

"Kamalasan!" bulong ko. Agad akong tumungo at sinuot ang talukbong ng aking balabal dahil marami ang napalingon sa akin. "Magtago kayo, babalikan ko kayo dito," wika ko sa mga bata.

"Takasan ang mga kawal, takasan ang mga kawal," wika ni Vivi at agad na lumipad paalis sa aking balikat.

Gamit ang kakaiba kong bilis ay agad akong nakalayo sa lugar na iyon, natatawa akong tumakbo dahil alam kong hindi nila ako maaabutan. Ilang sandali lang ay nawala na ang mga tinig nila.

"Hinding-hindi niyo ako maaabutan, mga hangal," nakangisi kong bulong.

"Huli ka," wika ng isang matipunong boses. Nagulat ako nang hablutin ako nito sa braso at ibinalya sa isang haligi, nasa dulo na kami ng pamilihan na hindi masyadong dinadaanan ng mga nilalang.

Gulat akong tumingin sa kawal na nakahuli sa akin.

"Paanong.." Paano niyang nagawa iyon? Kakaiba ang taglay kong bilis at walang sinuman ang nakakahuli sa akin.

"Narinig ko ang iyong mga galaw sa hangin, Binibini." nakangisi nitong sagot, tila alam ang nais kong sabihin.

Muli ay gulat ko siyang tinitigan hindi dahil sa sinabi niya kundi sa itsura niya. Kung hindi lamang siya isang kawal ay iisipin kong isa siyang prinsipe dahil sa angkin niyang kaguwapuhan, perpekto ang hubog ng kaniyang mukha, kaakit-akit ang maganda niyang mga mata at ang manipis niyang labi.

"Tila natulala ka sa angkin kong kakisigan, Binibini," muli nitong wika, unti-unting sumilay ang nakakalokong ngiti. Hahawakan sana niya ang talukbong na humaharang sa mukha ko ngunit napahinto siya nang magsalita ako.

"A-Ano?" tila hindi ko naintindihan ang kaniyang sinabi.

"Ano kaya ang dahilan ng iyong pakautal?" muli itong ngumiti.

Doon lamang bumalik ang aking ulirat. Hambog! Gamit ang kakaiba kong lakas ay madali ko siyang naitulak palayo sa akin. Tumalsik siya sa bugkos ng mga dayami sa isang gilid, ginamit ko iyong pagkakataon upang tumakas.

Nagpasikot-sikot ako sa pamilihan upang matakasan siya ngunit muli ay nahatak niya ako sa braso, muli akong nagulat sa kaniyang ginawa. Hindi ito maaari!

Ano bang kapangyarihan niya? Paano niya akong nahuhuli gayong kasing bilis ako nang hangin?

"Sinabi ko naman sayo, Binibini, naririnig ko ang mga galaw mo sa hangin. Hindi mo ako matatakasan kahit pa anong bilis mo," nakangising aniya. Muli akong sinandal sa isang haligi.

"Pakawalan mo ako." Masama ang tinging ipinukol ko sa kaniya.

"Bakit ko pakakawalan ang isang magnanakaw? Dapat kang parusahan sa iyong ginawa." Inilapit niya ang mukha sa akin, umiwas ako upang hindi niya tuluyang makita ang kabuuan ko at agad siyang itinulak. Muli ay tumalsik siya sa ere.

Tumakbo ako ngunit muli niya akong nahuli kaya mas tumalim ang tingin ko sa kaniya. Isinandal niya ako sa haligi ng isang tindahan, hinawakan ang magkabila kong braso at inilapat ito sa magkabilang gilid ko. 

"Hindi mo ako matatakasan," may diin niyang wika.

"Hindi nga ba?" wika ko gamit ang aking malambing na tinig. Iginalaw ko ang aking ulo upang bumagsak ang aking talukbong at matamis na ngumiti sa kaniya ngunit hindi siya natinag, seryoso lamang siyang tumitig sa akin, nawala ang mapaglarong ngisi sa labi.

Gusto kong umiling dahil tila hindi tumatalab ang angkin kong kagandahan sa kaniya, nakakainsulto. Ngunit hindi ako papayag na mapaparusahan ako nang dahil lamang sa kaniya.

"Talaga bang naririnig mo ang aking mga kilos sa hangin, Kawal?" malambing pa rin ang aking tinig.

"Tulad nang sinabi ko," seryoso nitong wika habang matamang nakatitig sa akin.

Gusto kong magalit dahil hindi man lang nagbago ang paraan niya nang pagtingin sa akin kahit tuluyan na niyang nakita ang mukha ko. Ngunit hindi ko inalis ang matamis kong ngiti at dahan-dahang inilapit ang aking mukha sa kaniya. Kita ko ang gulat sa kaniyang mukha nang tuluyang maglapat ang aming mga labi.

Tila natulala siya dahil hindi siya gumawa nang anumang kilos, agad kong tinapos ang halik at marahan siyang itinulak palayo sa akin. Nakangisi kong siyang pinagmasdan dahil hindi nagbago ang reaksyong nakikita ko sa kaniya simula nang maglapat ang aming mga labi, at talagang gusto ko iyon. Agad noong napawi ang pagkadismaya ko sa kaniya.

Kinuha ko ang pagkakataong iyon upang muling makatakas sa kaniya, gamit ang aking bilis ay agad akong nakarating sa dalawang batang iniwan ko kanina. Hindi na niya ako sinundan pa dahil sa ginawa ko.

"Matamis na halik, matamis na halik," wika ni Vivi. Napalingon ako dito nang dumapo ito sa balikat ko.

"Vivi," maawtoridad kong suway dito. Ngunit hindi ko alam kung bakit tila nag-init ang aking pisngi sa sinabi niya. Tunay ngang matamis, Vivi.

Wala talagang hindi nakikita ang matalinong ibon na ito.

Natulala ako sa kaniya at marahang napahawak sa aking labi. Bakit ko nga ba ginawa iyon? Maaari ko naman siyang kalabanin kung gugustuhin ko ngunit iyon pa ang naisip kong gawin. Isang kahangalan, Aliara.

Muling bumalik sa aking isipan ang reaksyon ng lalaking iyon nang halikan ko siya, tulala. Tila iyon ang kaniyang unang halik. Nakagat ko ang ibabang labi ko upang pigilan ang aking pagngiti.

"Binibini," tawag sa akin ni Adrina upang agawin ang atensyon ko, puno ng pagtataka ang kaniyang matang nakatitig sa akin.

Tila ginapangan ako ng hiya kaya agad kong inalis sa isipan ang nangyari. Hibang ka, Aliara!

"Aliara!" Agad akong napalingon sa pinanggalingan ng boses.

Humahangos siyang lumapit sa akin.

"Matias," wika ko nang tuluyan siyang makalapit. Nang magtama ang aming paningin ay tila alam ko na ang nais niyang sabihin, hindi na niya kailangan pang isatinig.

"Ang mga hangal na iyon," gigil kong wika. Ikinuyom ko ang kamao ko at napatitig sa kawalan, nagsisimula nang bumuo ng plano.

"Sino ang mga batang iyan?" tanong niya nang mapansin ang dalawang bata na nakamasid sa amin.

"Isasama natin sila."

"Ano? Baka hanapin iyan ng kanilang mga magulang," singhal niya.

"Ulila na kami, Ginoo. Nais naming sumama sa inyo, pangako hindi kami magiging pabigat," wika ni Adrina. Nagtatakang napatingin dito si Matias dahil tila kaedad lamang nito ang kausap.

Ngumisi ako kay Matias nang lumingon siya sa akin, nagtataka at nagtatanong.

"Kukupkupin ko sila," pirmi kong wika.

"Bakit?" bumuntong hininga siya nang hindi ako sumagot. "Ikaw ang bahala." Aniya at muling tumingin sa mga bata na seryosong nakatitig sa kaniya, tila pinag-aaralan ang reaksyon niya.

Mga Comments (1)
goodnovel comment avatar
MarkRafol145048
sana all nalang
Tignan lahat ng Komento

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status