I: KUMAKATOK...

KUMAKATOK ANG TILAOK ng manok sa tapat ng bintana ng aming tahanan. Natamaan ng sinag ng araw ang mga bagong kurtinang ikinabit ni Nanay kahapon. Umaga na pala. Ngunit, wala akong lakas para bumangon. Dalawang oras pa lamang ang tulog ko dahil sa kakagawa ng mga assigned task sa Structural Analysis.

Hanggang ngayon, hindi pa ako tapos sa paggawa dahil nahihirapan akong gumawa ng mga free body diagram ng mga bubong at biga ng isang residential building. Ibig ko nang hindi tapusin iyon ngunit kasama ito bilang requirement sa pagmamarka ng aming propesor.

“Maria Victoria!” Sigaw iyon ni Nanay na nasa unang palapag.

Mavie for short.

Maaaring nagulat na ang mga kapitbahay sa malakas niyang pagtawag.

Natandaan ko noon na may isang matandaang lalaki na nagbato ng mabigat na tsinelas sa pinto ng aming bahay dahil sa gulat. Bagong gising pa noon ang matanda at naistorbo ang kanyang mahimbing na tulog.

“Hoy Pining!” Sigaw ng matanda noon habang binato ang dalawang tsinelas sa pinto.

“Pumunta ka sa tiyahin mong mananahi para ipatahi na 'yang bibig mo para wala na 'kong maririnig na boses mo sa tuwing nagigising ako!”

Rinig sa buong iskinita ang reklamo at pagmumura ng matanda at masisilayan sa magkakahilerang bintana ang ilang kapitbahay na sumisilip sa nagaganap sa daan.

Natatawa na lamang ang aking ina sa matanda. Malakas man ang kanyang boses sa umaga ngunit hindi naman pumapatol sa nagagalit na kapitbahay. Hindi na lamang niya ito tinitingnan nang harapan bagkus batid niya ang mga bagay na maaaring ibato sa tapat ng bahay at baka matamaan ang kanyang katawan.

Hindi niya mapigilan ang malakas niyang boses dahil namulat na siya noon sa palengke. Tindera siya noon ng mga sibuyas at bawang kasama ang kanyang ina kaya sanay na ang lalamunan sa palakasan ng boses.

Suki noon ng kanilang pamilya ang masungit na matandang lalaking iyon.

“VICTORIA! GISING NA!”

Akala ni Nanay na tulog pa 'ko sa aking silid dahil hindi pa ako bumababa.

Naaamoy ko ang ginigisang bawang at sibuyas sa kusina habang bumababa ako sa hagdang yari sa tagpi-tagping kahoy.

Bigla kong naalala na kaarawan pala ni Ate Chuchay ngayon. Puspusan ang paghahalo ni Nanay ng mga sahog sa kawali habang sunud-sunod niya dinadagdagan ng kahoy na panggatong ang DIY naming kalan de kahoy.

Nagkataon sa kaarawan ni ate natamaan ang araw ng kanyang pagtatapos sa kolehiyo. Nasasabik noon si Nanay na isuot ang bagong binili niyang damit dahil aakyat siya ng stage. Kasama sa Latin honors at special awards noon si ate.

“Kumuha ka plato at kumain ka na ng almusal”, utos niya sa akin.

Tinungo ko ang kusina sa tabi ng lutuan ni Nanay. Kinuha ko ang isang plastik na plato at inilagay sa mesa.

“Bakit isa lang?”

Nagtaka ako noon kay Nanay. Ako lang naman ang kakain, hindi ba? Ang sabi niya, kumain KA na ng almusal. Hindi ‘yong, kumain KAYO ng almusal.

Tiningnan ko lamang siya.

“Pupunta dito sina Yamilet at Hugo ngayon para kumain dito”.

Kumuha na lamang ako ng apat na plato. Nakareserba ang sobrang dalawa sa hindi aasahang bisita.

Sina Yamilet at Hugo ay kambal na anak ng kaibigan ng aming magulang. Sila ang magmamana ng malawak na lupang sakahan kung saan nagtatrabaho ang mga kamag-anak ng aking Tatay. Ang araw ng pagtatapos ni ate sa kolehiyo ay panahon din iyon ng anihan ng mga palay, sili at patatas kaya hindi ko nakita si Tatay pagbaba ko kanina ng hagdan.

Sakto ang pag-upo ko noong dumating ang kambal.

“O! Dumating na pala sila, upo na kayo diyan at ihahanda ko na ito”, sunud-sunod na sambit noon ni Nanay sa mga bagong dating na bisita.

Umupo na lamang na nakangiti ang kambal. Kinawayan ako.

“Magtatapos na pala sa Edukasyon si Ate Chuchay, ano?” Tanong sa akin ni Yamilet.

“A oo kaya nagmamadali si Nanay sa pagluluto”.

May dala noon si Hugo ng malaking dilaw na kahon na pinatong niya sa mesa pagkaupo. Tila birthday cake iyon sapagkat may nakadikit na kandila sa labas nito.

Batid kong hindi iyon sa 'kin dahil hindi ko kaarawan.

Natutuwa ako kay Ate Chuchay sapagkat matutupad na niya ang pangarap niyang magturo sa mga bata at makatulong kila Nanay sa gastusin sa bahay.

Wala noon si ate dahil dumalo siya sa last rehearsal nila ng pagtatapos. Dapat kahapon pa iyon natapos ngunit may holiday season. Hindi pinapayagang pumasok ang mga mag-aaral ayon sa nakasaad na naipasang memorandum ng kanilang kolehiyo.

KUMAKAIN NOON ANG kambal nang dumating si ate. Puno ng pawis ang kanyang mukha dahil sa mahabang oras na lakaran pauwi at sa kanilang rehearsal.

“Pagbati po!”

Masayang sinalubong ng kambal si ate. Pinakita ni Hugo ang dala nilang cake habang kinakamayan siya ni Yamilet.

“Ang laki naman!” Natuwa si ate noong nakita ang top view ng cake.

“Handog po iyan ni Mama sa inyo dahil pangatlo kayo sa mga magtatapos ng pag-aaral sa ilalim kanyang scholarship program.” Paliwanag noon ni Yamilet.

“Pang-apat ka na!” Sabay tapik ni Hugo sa balikat ko.

“Aray! Medyo masakit 'yon a”, nagulat ako sa kanyang tugon.

“Ito naman, pasensya na. Excited na si mama na magtatapos ka na sa susunod na taong-panuruan”, hinahaplos niya noon ang balikat ko habang pinapaliwag niya ang dahilan.

 “Bibigyan mo ba 'ko ng cake sa graduation ko?” Pagbibirong tanong ko sa kanya.

“Ewan ko lang, HAHAHAHA!”

Kung hindi mo makokontrol ang inis sa kanya, baka nasigawan mo na agad siya. Ngunit nakakahiya kung iisiping gawin iyon sa kanya sapagkat anak siya ng may-ari ng sakahan at anak ng may programang iskolar para sa mga magsasaka.

Muntik na akong mawalan ng scholarship noon sa programa ng kanyang ina sapagkat nahihirapan akong hatiin ang oras ng pagsali sa mga organisasyon at konseho ng kolehiyo at oras ng paggawa ng mga akademikong gawain. Madalang sa mga gawain ko ang hindi magkasabay sa oras ng deadline kaya madalas ang pagsasabay ko ng mga gawain o  multitasking.

Dahil dito, naapektuhan ang mga marka ko para sa isang semestre. Mabuti na lamang mabait ang kanilang ina at naunawaan ang aking pinagdaanan.

Ganoon pa rin ang aking ginagawa ngunit natutunan ko na ang pag-ma-manage ko ng mga oras. Gusto ko ring bumawi ng tulog habang may pagkakataon pa at habang hindi pa nagtatrabaho.

Si Gng. Marcela Regis-Sebastian ang ina nila Hugo at Yamilet na nangangasiwa ng kanyang sariling scholarship na programa. Maunawain, maganda, masipag at matalino ang kanyang ina kaya marami ang humahanga sa kanyang paglilingkod. Isa siyang dating artista, isang dekada na ang nakakalipas, kung saan ang naipong pera sa kanyang pinagkakakitaan ay pinalawak ang lupang sakahan ng kanilang pamilya at naglunsad ng Ilang programang pangkabuhayan at scholarship sa mga magsasaka. Hindi siya pulitiko o public servant. Ibinuhos na lamang ang atensyon sa mga programa, pag-aalaga kina Yamilet at Hugo, at pag-aasikaso sa asawa niyang doktor.

“GRABE KA NAMAN! Si ate mayroong cake tapos ako wala”, nagkukunwari akong nagtatampo sa kanya.

Tinitingnan ko kung naaapektuhan si Hugo sa ganoong taktika. Ngunit, sa tingin ko'y hindi. Lalo niya akong inaasar.

Tapos na noon magluto si Nanay ng handa. Nagbibihis na siya noon habang hinihintay na siya ni Ate Chuchay sa labas.

“Sino magbabantay sa bahay?” Tanong ni Yamilet.

“Magbabantay? Baka siya”, sabay turo ni Hugo sa akin. “Kakagising lang niya e”.

“Grabe siyaaaaaa!”

“Bakit? Sinabi ni Tita Pining iyon kanina”.

“Ay talaga ba?”

“Hala ka! Lutang ka na kanina siguro, nakangiti ka noon habang kinakausap ka ng nanay mo. HAAHAHAHAHAHAHA!”

“Nakangiti ba ako kanina?” Bulong ko kay Yamilet.

“Oo Mavie, nagtaka nga ako e”.

“Naku po!” Nahiya ako noon.

Okay lang 'yan!” Tapik muli ni Hugo sa balikat ko. Mas malakas na ito ngayon.

“Ang sakit naman no'n!”

Nakalayo na siya agad noon kaya hindi ako nakaganti ng hampas sa kanya.

Bumaba at nakabihis na si Nanay galing sa ikalawang palapag. Naaamoy ko ang pabangong nakadikit sa kanyang damit. Minsan lamang magpabango si Nanay sa tuwing umaalis ng bahay kaya natutuwa ako sa kanya.

“Victoria…'yong mga utos ko kanina, ayon muna ang asikasuhin mo ngayon dito sa bahay. Alis na kami ng ate mo”.

“Opo”, wala sa loob ko ang pagsagot ng opo sa kanya sapagkat wala akong matandaang sinabi.

“Magbabantay? Baka siya”, sabay turo ni Hugo sa akin. “Kakagising lang niya e”.

“Grabe siyaaaaaa!”

“Bakit? Sinabi ni Tita Pining iyon kanina a”.

“Ay talaga ba?”

“Hala ka! Lutang ka na kanina siguro, nakangiti ka noon habang kinakausap ka ng nanay mo. HAAHAHAHAHAHAHA!”

Naalala ko bigla ang mga sinabi ni Hugo sa 'kin.

“Hala! Ano ang mga utos na 'yon?” Pagtatanong ko sa sarili ko.

“O, ito”, tinapik ulit ako sa balikat ni Hugo ngunit mas mahina na Ito ngayon.

Binigay niya sa akin ang kapirasong papel.

“… Lutang ng taon… Ngiti nang ngiti si Victoria”, binasa ko iyon nang mahina.

“Siraulo 'to!” Sabi ko sa kanya. Naiinis ako sa binasa ko. Maganda na sana umaga ko ngayon dahil sa kinain kong carbonara.

“Sira! Tingnan mo muna ang likod n'yan!”

“Linis… Igib… Ligpit… Hugas… Ito Lang ba?”

“Oo, tapos matulog ka na nang maaga mamaya ha”.

“Hindi pwedeeeeee”, angal ko. “May assignment pa 'ko”.

“Tutulungan ka ni Yamilet bukas”.

“Talaga ba madam?” Hinawakan ko ang kanyang kamay sa sobrang galak.

“Yeeeees!” Tuwang tugon ni Yamilet sa 'kin. “Punta ka na lang sa kubo mamaya, naroon lamang kami ni Hugo para magbasa”.

Tinutukoy niya ang tila library na itinayo malapit sa kanilang tahanan kung saan maaaring tumambay, magbasa at magnilay ang mga kabataan sa libre nilang oras sa kanilang gawain sa tahanan at pag-aaral sa paaralan. Mayroon itong mga aklat pambata, akademikong aklat, encyclopedia, atlas, magasin at dyaryo na maaaring buklatin sa anumang oras. Minsan, dito namin pinapanood ang anihan ng aming mga magulang dahil madali naming natanaw ang pamimitas nila ng mga kamoteng kahoy, kamatis at sibuyas tatlong buwan na ang nakararaan.

“Sige, matutulog ako nang maaga mamaya”.

“Oo kailangan mo na kasi iyon dahil mukha ka nang panda!”

“Siraulo 'to!”

“Babaeng panda!”

“Oy ikaw! Mag-aaral ka pa mamaya ng Political Theory, hindi ba?” Tanong niya kay Hugo.

Tumango lamang si Hugo bilang tugon sa tanong ng kakambal.

“Uwi na muna kami Mavie ha?”

“A sige, ingat!”

“Mag-ingat ka sa aso, matatakot sa eyebags mo!”

Huling pangangasar sa akin habang papalayo na ang aming distansya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status