Share

KABANATA 5 : Andreas and Denzell

  “Kung gusto mong makalabas ng buhay sa mundong ito, matuto kang makinig at alamin ang kinalalagyan mo. Isa ka lamang mortal. At ipapaalala ko sa'yo na isang pabor ang dahilan kung bakit ka nasa lugar na ito,” tuluyan nitong alis sa harapan ko kasabay ang marahas na pagsarado sa pintuan.

    Dahil sa prustasyo'y nasipa ko na lamang ang kama sa likuran ko. Naiinis ako sa katotohanang wala akong karapatang tumanggi sa utos ng kahit na sino! Alam nilang wala akong magagawa! Dahil nakasalalay ang buhay ng lola ko sa lahat ng ikikilos ko!

    “Lola...” bulong ko sa hangin.

    Bagsak-balikat kong nilakad ang pinakamalapit na bintana para buksan ito. Binuhat ko ang isang silya at hinayaan kong pumasok ang malakas na hangin mula sa labas. Umupo lang ako roon at pinagmasdan ang kalangitang unti-unting nababalot ng kadiliman. 

    Marahan kong kinuha sa bulsa ko ang lasog-lasog nang pitaka at kinuha roon ang nag-iisa at pinakaiingatan kong litrato namin ni Lola. 

    “La, kamusta ka na d'yan? Inaalagaan ka na ba nila ng maayos? Tumupad ba sila sa pangako nila?”

    “Hintayin mo ako, La. Makalalabas ako ng buhay rito para sa ‘yo. Kaya mabuhay ka. Gumising ka na... hindi ko na po kaya kung pati mawala ka pa,” mahigpit kong hawak sa litraro kasabay nang mabagal kong paghinga. 

    “Ipinapangako ko rin, La, na habang nandito ako sa Gaia, ay hahanapin ko ang mga nilalang na kumuha kay ate Soledad at itay. Ipaghihiganti ko sila, La. Hindi ako uuwi pabalik sa inyo hanggang hindi ko nalalaman kung sinong may kasalanan ng pagkawala nilang dalawa.”  Tuluyan akong nahilam ng luha. Matalim kong tinanaw ang kontinenteng nakalutang.

    Hindi ko palalagpasin ang pagkakataong mahanap ang may kagagawan ng pagkawala ng kapatid at ama ko sa lugar na ito. Sinisigurado kong mananagot ang lahat ng may kasalanan ng kanilang pagkawala.

    * * *

    “Napakaganda ng anyo niya, Sofia.”

    “Oo nga, Laura. Ano kayang klaseng nilalang siya?”

    “Ahhh, napakasarap niyang titigan.  Sana'y isa rin lang siyang fairy na pinalaki ng mga Diety para kapag lumiit siya’y pwede na kaming magpakasal.”

    “Anong pinagsasasabi mo, Lucia? Sa akin siya! Ako ang panganay!”

    “Bakit nasa tanda ba ang pagpapakasal? Sa akin siya!”

    “Hindi kayo papayagan ni Ama,  Lucia at Sofia. Ako ang paborito ni ama, kaya ako ang papakasalan ng ginoong ito!”

    Napakunot ang noo ko sa maliliit na boses na naririnig ko. Unti-unti ko iyong ikinamulat at nasilaw sa sinag ng araw. 

    Nakatulog pala ako sa bintana. 

    “Gising na siya! N-Napakakisig niyang nilalang!”

    Ngunit nang matauhan ako sa boses na iyo’y namilog ang mata ko sa tatlong makukulay at maliliit na nilalang malapit sa mukha ko. 

    “Ahh!!” sigaw ko kasabay ng agad kong pagtayo ngunit ang tatlo’y napatili rin kasabay ko.

    Kalahating dangkal lang ang mga sukat nito. Tatlong babaeng may maganda at napakanipis na mga pakpak. May mga soot ang mga itong puting bestida na bumabagay sa mga kulay ng buhok nila.  

    “Sino kayo?! Huwag niyo kong sasaktan!” atras ko.  

    Pero nagulat ako nang tumawa ang tatlong ito nang sabay-sabay. 

    “Huwag kang matakot, kami'y pumasyal lamang sa palasyo gaya ng nakagawian. Nadatnan ka naming nagawang hindi isara ang bintana ng silid mo," matinis na paliwanag ng maliit na babaeng may pulang buhok, at putong bistidang may mga linyang pula.

    “Tama! Alam mo bang napaka-delikado ng ginawa mo? Maraming nilalang sa Gaia na pwedeng looban ang iyong silid,” pamewang naman ng  babaeng may berdeng buhok, na may mga linya ring berde sa kanyang bistida. 

    “Ano ba kayo, Sofia, Lucia! Hindi pa nga tayo nagpapakilala,” sermon naman nang may katabaang babaeng may maliit na korona at may rosas na kulay na buhok. Gaya ng iba ay may kaunti ring rosas na kulay ang damit nito. 

    “Kami ang Flordelina trio. Ako si Laura,” ngiting upo ng may rosas na buhok sa tuktok ng sandalan ng kinauupuan ko kanina.

    “Hihi, ako naman si Lucia.” Kaway naman ng maliit na boses ng babaeng may pulang buhok. 

    “At ako naman si Sofia. Magandang umaga.” Maliksi namang kaway ng babaeng may berdeng buhok. 

    Pero nanatili akong hindi makapagsalita. 

    Hindi ako makapaniwala sa nakikita ko. Ni hindi ako makagalaw...

    “Magandang umaga rin mga binibini.” Ngunit lahat kami'y napalingon sa boses ng lalaki sa likuran ko. 

    Siya iyong lalaking sumundo sa akin sa bahay kahapon. Si Nelson Gravesend. 

    Rinig ko ang sabay-sabay at matinis na pagsinghap ng tatlo. Pero nang lingunin ko sila'y halos isubsob na ng mga ito ang kanilang ulo sa kinatatayuan nilang iyon. 

    “Ikinalulungkot kong putulin ang inyong pag-uusap, ngunit may mga gagawin pa kami ng binatang ito.” Masayang ngiti ni Nelson na agad ikinatunghay sa kanya ng mga maliliit na nilalang. Namumutla ang mga ito at tila takot na takot. 

    Bakit?

    “A-Ayus lang, Lord Nelson. P-patawad po't naparito na naman kami,” paliwanag ni Sofia. 

    “O-opo, patawarin niyo po kami. Iginala ko lang ulit ang mga kapatid ko,” takot namang ani ni Laura. 

    “Hindi na po mauulit,” mangiyak-ngiyak na pakiusap ni Lucia. 

    May kung anong mali sa mga ikinikilos ng mga ito ang nagudyok sa aking protektahan sila mula kay Nelson. 

    Humarang ako sa tatlo at humarap sa kanilang kinatatakutan. 

    “Mga b-bisita ko sila. Ako na ang bahala sa kanila,” deretso kong sabi. 

    Wala itong naging reaksyon. Kaya naman tinalukuran ko lang ito at humarap sa tatlo. 

    Inilahad ko ang kamay ko sa kanila na agad nilang tinalunan para maka-akyat. Matapos nito'y marahan ko silang hinatid sa bintanang nakabukas at tipid silang nginitian. 

    “Maraming salamat sa pagbabantay sa'kin. Maari na kayong umalis,” mahina kong usap na agad nilang ikinangiti. 

    Una'y nahiya pang lumipad ang tatlo ngunit nang maalala nila ang prisensya ni Nelson ay dali-dali na ang mga itong nawala sa harapan ko.

    “Napaka-aga namang magkaroon ng bisita ang tulad mong mortal sa Gaia.  Alam ba nilang mortal ka?” mapang-asar nitong panunuya sa akin pero hindi ako nagpa-apekto. 

    “Ano ang kailangan mo?” deretso kong tanong na ikinatigil nito. 

    “Tama si Quill, hindi nga masyadong maganda ang tabas ng dila mo. Pero ayus lang, mas mahaba ang pasensya ko kaysa sa kanya." Paulit-ulit nitong hinimas ang kanyang baba.  

    May simple ngunit magara itong kasootan. Pulang blazer na bukas ang butones na kinakikitaan ng nakapaloob na puti at maluwag na damit. Bagay na binabagayan ng bilog at manipis nitong salamin sa mata. 

    “Ako ang gurong nakatakdang magturo sa iyo. Pero bago ang lahat. Mag-ayus ka muna ng sarili mo't mag-agahan. May mga pamalit d'yan at paliguan. Nakahanda na rin ang pagkain mo sa kabilang kwarto.  Maghanda ka na.”

    Aalis na rin sana ito nang huminto itong bigla at humarap sa akin. 

    “Isa pang bagay.” Matalim ang tingin nito. “Hindi ko balak saktan ang tatlo kanina. Kaya huwag na huwag mo silang proprotektahan laban sa akin.” May pait sa tono nitong tuloy. Pero ikinibit-balikat ko lang ito at sinunod ang kanyang ibinilin. 

    Naglinis ako ng katawan ko't nalula sa mga kasootang mayroon ang isang pinto na punong-puno ng magagarang damit, sapatos at pantalon.  Pero ang pinakasimpleng pares lamang ng kasootan ang kinuha ko roon. Berdeng t-shirt na tinernuhan ko ng itim na pantalon. 

    * * *

    Matapos kong mag-ayos at kumai'y agad ding kumatok si Nelson sa silid ko. Isimama ako nito sa hindi kalayuang lugar kung saan halos mapuno ng mga libro ang bawat sulok ng silid. May napakaataas itong kisame, na kinalalagyan rin ng librong hindi ko alam kung nagagamit pa ba o disenyo na lamang. 

    “Ma-upo ka,” utos nito.

Napatigil ang paglilibot ng mata ko at umupo sa nag-iisang silya rito. Nanatili namang nakatayo si Nelson at tinalikutan lamang ang isang asul at nagliliwanag na bagay. 

    "Simulan na natin ang leksyon." Pagsisimula nito. Na determinado kong pinakinggan.  

    Ang Gaia ay at ang mundo ng mga mortal o ang daigdig ay iisa lamang, ilang libong taon na ang nakararaan.  Noo'y mapayapang namumuhay ang dalawang panig. Ang mga espiritu, ang mga diyos, ang mga nilalang ng langit, lupa, apoy, at kagubatan, at maging ang mga mortal o ang sangkatauhan.

    Payapang ginagalang ng bawat isa ang pamumuhay ng bawat nilalang. Ngunit nagiisang bagay lang ang hindi nila maaring gawin. At ito ay ang magpaibig gamit ang itim na mahika.

    Napakasagrado sa bawat nilalang ng pagmamahalan. Kaya ang pilitin ito gamit ang itim na mahika'y makapagdudulot ng isang sumpa at trahedya.

    Hanggang sa nangyari nga ang kinatatakutan ng lahat. Dalawang nilalang ang bigla na lamang sumulpot sa kawalan. Mga halimaw na nakapagpabago ng takbo ng lahat. At pinaniniwalaan ni Nelson, maging ng ibang diyos na ang nilalang na iyon ay bunga ng pinagbabawal na kautusan. 

    Ang halimaw na iyo'y anyong tao, na may kapangyarihang higit pa sa kanilang mga Diety. At iyon rin ang naging dahilan ng mga tao upang isisi ang panininira ng mga halimaw sa mga nilalang ng Gaia. Sa kadahilanang ang kapangyarihan nito'y natutulad sa kanila.

    Nagdulot iyon ng matinding gulo na umabot sa puntong pagpapaslangan ng magkabilang panig.  

    Ito ang panahon kung saan nagdesisyon ang mga Diety at mga espirito na paghiwalayin ang dalawang mundo para sa ikatatahimik ng lahat. Panahon kung saan naglaho rin ng parang bula ang mga mapanirang mga halimaw. Ngunit pinaniniwalaan ni Nelson na nagtatago lamang ang mga ito kung saan. Naghihintay ng masisilo, at tamang oras upang maghasik muli ng lagim. 

    Naputol ang pagtalakay ni Nelson nang may narinig kaming kalabog sa pinanggalian naming pintuan. Hanggang sa magbukas iyon at tumambad sa akin ang dalawang lalaking halos kaedaran ko lamang. Isang may gintong buhok na at isang may lalaking nakapusod ang may kahabaang itim na buhok ngunit may patay na mga mata. 

    “Sa wakas, magsiupo na kayong dalawa para maipagpatuloy ko na ang aking leksyon.”

    “Ugh, kailangan ko ba talagang pagaralan ulit iyan lahat Nelson? Ilang taon ko ng pinagaaralan 'yan,” bagot at padabog na upo ng may dilaw na buhok sa kaliwang upuan malapit sa akin.  

    Nakita ko ang panandalian nitong pagpuna sa akin ngunit hindi rin ako pinansin. 

    “Shut up, Denzell. Hindi mo na kailangang magtali-talinuhan. Alam naming lahat na tinatakasan mo lagi si Luther sa leksyon," walang tono namang puna ng lalakeng may mahabang buhok at marahan namang umupo sa kanang upuan sa tabi ko.  Pero hindi tulad ng may dilaw ang buhok ay nakipagsukatan ito ng tingin sa akin. Titig na malinaw nitong naipararating sa akin na hindi ako kabilang sa mundong kanilang kinabibilangan. 

    Malakas ang kutob kong Diety rin ang dalawang ito. May kung anong bagay ang meron sa mga itong parehas kay Luther, Gertrude, Quillon at Nelson na hindi ko maipaliwanag.

    “Pfft. Seriously, Denzell? Buti hindi ka nayari kay Luther?” hindi makapaniwalang puna ni Nelson sa dalawa.

    Napakakaswal ng paguusap ng tatlo, na para bang magkakapatid lang ang mga ito.

    “Hindi,” tawa nitong Denzell. Mapaglaro ang mga tawang iyon. 

    “Bulag eh.” Tukod ng kamay nito sa kanyang baba at napalingon sa gawi ko.

    “So he's that 'one'?” Mapanuri ako nitong tinignan.

    Noong una'y nakipaglabanan ito ng tingin sa akin gaya ng lalake sa kanan ko. Ngunit hindi kalauna'y ngumiti ito ng nakakaloko sa akin.

    “Hello. I am Denzell, the youngest Diety. Nice to meet you,” abot nito sa kanyang kamay na tinignan ko lamang. Pero ikinagulat ko nang siya mismo ang humabol sa mga kamay ko para hawakan iyon.

    “At 'yang batong katabi mo? Iyan si Andreas. Ingat ka diyan. Bakla 'yan. pfft." At hindi pa ma'y isang libro na ang pumukol sa ulo nitong Denzell galing ito kung saan na ikinatakha ko.

    Imposible. Kami lang apat ang tao sa silid.

    “Yah!" angil nitong Denzell na ikinalabas  ng dilaw na liwanag sa kanyang mata. Kaya naman mabilis kong nilingon ang Andreas na sinasabi nito at nakita ang Lila nitong mga matang nagliliwanag din.

    “Denzell! Andreas! Tama na!” At ang sigaw na iyon ni Nelson sa galit nitong tono'y nakapagpatigil sa liwanag ng mata ng dalawang. 

    Padabog ng umupo muli si Denzell sa tabi ko. 

    "Makagaganti rin ako sa'yong Andreas ka! " Rinig kong bulong nito pero nanatili na lang akong nakatuon kay Nelson. 

    Hindi ko inaasahan na ganito ang dalawa pang Diety na sinasabi ni Nelson. Ito ba talaga ang mga diyos na tinitingala sa Gaia?

    “Your inner voice are too loud. And to inform you, we are just the reincarnation of the one who handle all the chaos in the past together with Artimus, Luther, Quillon, Nelson, and Gertrude.  Parehas lamang tayo ng edad. Pero hindi ibig sabihin niyo'y dapat mo na kaming maliitin ni Denzell. " 

    May panlalaking mata kong nilingon si Andreas nang marinig ko ang boses nito sa aking isip.

    Pero gaya kanina'y nanatili itong nakatititig sa akin ng walang buhay. 

    Paanong.... 

    "I have this special ability to hear things inside a human mind,  the one you called telepathy sa mundo ninyo. Kaya ko ring pagalawin ang mga bagay na malalayo sa akin. But I can't use this power to its full extent yet.  Kaya kung nagaalala ka kung kaya ko ba talagang basahin ang isip mo,  then you're wrong. Iyong mga malalakas lang na boses ang kaya kong marinig, not all things running on your mind."

    “Denzell also has an ability of increasing his speed. He's also learning how to shape shift, but like me, we can't fully gain this power. We need more practice and lessons from our senior,” iwas nito sa aking tingin at lumingin na kay Nelson. 

    Hindi na ako nakapagreact pa sa mga sinabi nito at itinuon na lang ang atensyon ko kay Nelson. Mahirap na, baka kung ano pang mabasa nito sa isip ko. 

    “Ngayon, ang Gaia ay binubuo ng mga grupong nakahanay batay sa lakas, kakayahan, at tungkulin ng mga ito sa mundo,” pagpapatuloy ni Nelson sa paliwanag at nagpakita pa ng imahe sa umiilaw na bagay sa kanyang likuran. 

    “Ang nangunguna sa mga ito ay ang mga Ispirito na bumubuhay sa Gaia, kasama ang mundo ng mga mortal,” ngiti nito sa akin at nagpatuloy muli.

    “Pinaniniwalaang may apat na ispirito ang daigdig na nananahan sa Gaia. At sila ay sina Sylphea— ang ispirito ng hangin, si Salmandara—ang ispirito ng apoy at bulkan, si Chimedia—ang ispirito ng lupa, at si Undinara—ang ispirito ng tubig."

    Ispirito? Totoo kaya ang mga ito?  May ispirito ang mundo ng Gaia at tao?

    "Malimit lamang magpakita sa kahit na anong uri ng nilalang ang mga ispirito. Tulad ng mga ispiritu sa mundo niyo'y wala silang konkretong anyo. Madalas ay isa lamang silang boses, at maging mga Diety katulad nami'y hindi nito pinakikitaan. "

    Ispirito. Gaya ng nakita kong balyena na lumalangoy sa kalangitan? 

    Hindi. Baka imahinasyon ko lang iyon. 

    “Ang sumunod naman sa mga ispirito'y ang mga Diety.  Kalahating tao,  at kalahating diyos na tagapamagitan at nagpapanatili sa kapayapaan sa dalawang panig ng mundo. Kaya huwag kang magtakha sa mansyong mayroon kami sa lugar ninyo.  Dahil matagal na taon na kaming naninirahan doon upang pagmatyagan at simpatyahin ang lahat sa Gaia maging sa mundo ng mga mortal.”

    Nakuha ko na kung bakit. 

    “Ang mga sumunod naman ay ang mga espesyal na nilalang o mga Mythical Creature sa ingles. Sila naman ang taga-pangalaga ng kalikasan, batay kung saan sila kabilang.”

    At ang sumunod na larawan na lumitaw sa likuran nito'y ikinakunot ng aking noo. 

    Mga bandera iyon na may kulay na pula, asul, puti, at berde. Mga watawat na may mga simbulo na ikinatuon ng aking atensyon. 

    Ang puting bandera'y may simbulo ng isang puting ibon na may napakahabang buntot at malawak na pakpak. 

    Ang pula nama'y may simbulo ng nagaapoy na animo'y butiki. 

    Ang berdeng watawat ay may tatak na kinasisimbuluhan ng isang leon.  

    At ang tatak na mayroon ang asul na kaharian..  

    Banderang ikinatulala ko una pa lamang... 

    Ang asul na banderang may tatak ng buntot ng dambuhalamg nilalang sa dagat.... Isang balyena.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status