Share

DW - II

          Walang ingay na maririnig sa paligid maliban na lang sa pagtama ng swelas ng sapatos ng lalaking kasama niya sa daanang nilalakaran nila. Kanina niya pa nga tinitingnan ang likod nito habang naglalakad sila. Masasabi niyang may kakisigan ito at humahanga siya sa tangkad nito. Hanggang balikat lang yata siya nito o mas mababa pa ng ilang pulgada. Iniisip niya kung saan sila pupunta at kung ano nga ba iyong binanggit nitong pangalan kanina kasi hindi niya gaanong narinig. Nakasunod siya rito dahil wala rin naman siyang ibang pagpipilian. Ganyan sa lugar na ito, susunod ka sa sasabihin at maniniwala na lang din kahit ayaw mong maniwala.

          Habang naglalakad, tinitingnan niya ang lugar. Isa itong malawak na daanan. Gawa sa kumikinang na bato ang tinatapakan nila. Hindi niya matukoy kung ano ang mga batong ito, pero masasabi niyang napakaganda ng mga ito. Mayroong kulay berde, pula, puti, at malamlam na asul. Nakahahalina ang pagkinang ng mga iyon.

          Gaya ng silid niya, malamig ang paligid. Walang ibang dekorasyon maliban na lang sa mga nakasabit na sulong nagbibigay-liwanag. Para siyang naglalakad sa isang kuweba dahil ganoon katahimik ang lugar kung nasaan sila. Wala siyang sapin sa paa at hindi na siya nag-atubiling magtanong sa lalaki kung may puwede kaya siyang gamiting sapatos. Kumakapit ang alikabok sa paa niya, pero hindi niya iyon alintana. In-enjoy na lang niya ang pagtapak sa daanang may kumikinang na mga bato.

          Isang bagay ang napansin niya sa lugar na nilalakaran nila. Isa itong lugar na mayroong napakaraming pintong may numero, sunod-sunod, parang isang hotel.

          "Ba't kaya ang daming kuwarto?" isip niya.

          Katulad ng pinto ng silid kung saan sila naroon kanina ang disenyo at kulay ng pinto ng mga silid na nakikita niya ngayon.

          "Ano kaya'ng mayroon sa loob?" Nahihiwagaan siya.

          Habang binabagtas nila ang malawak na daan, may mga nakasalubong sila. Tinitingnan sila ng bawat isang nadadaanan nila. Tipid siyang ngumiti nang batiin sila ng mga iyon. Hindi siya pamilyar sa kanila, kaya parang nahihiya pa siya. Napansin niyang pawang nakasuot ng kulay itim ang lahat ng nakasalubong nila. Nang tingnan niya ang sarili, ganoon din pala siya. Pero iba ang suot niya sa suot ng mga iyon. Manipis at mahabang pantulog na spaghetti strap ang pagkakayari ng kanya. Napansin niyang halos kita na pala ang katawan niya at wala siyang damit panloob, kaya niyakap niya ang sarili, para matakpan kahit man lang yung dibdib niya.

          Mayroong iilang nakatayo sa labas ng mga silid na nadaanan nila. Nang mapadaan sila sa isang silid na ang bilang ay 14-10027, isang babaeng may mahabang buhok ang ngumiti sa kanya. Maputi siguro ang kulay ng balat noon kung nabubuhay pa, pero gaya nilang dalawa, maputla iyon. Itim ang kulay ng buhok ng babae, asul ang mga mata, matangos ang ilong at manipis ang pulang labing halatang kinulayan ng kolorete. May hawak iyong kwintas, tila isang rosaryo, pero nakabaligtad ang krus. Sa tantya niya, nasa labing anim na taong gulang lang iyon. Napakabata pa noong tingnan, napakabata pa para mamatay. Nakasandal iyon sa pader sa labas ng silid, tila may hinihintay. Hindi niya alam kung ano ang itutugon kaya ngumiti na lang din siya gaya ng ginawa niya sa mga nakasalubong kanina, at umiwas siya ng tingin pagkatapos.

          Bagama't bumabati sa kanila ang bawat makasalubong nila, pakiwari niya binabati lang naman ng mga iyon ang lalaking kasama niya. Alam naman niyang hindi siya kilala sa lugar na ito. Ang nakapagtataka, tinatawag ang lalaki sa iba-ibang pangalan, pero hindi na lang niya inintindi.

          "Kung makikita mo, maraming silid dito," sabi ng lalaki.

          Sa wakas nagsalita na rin ito! Binging-bingi na siya sa katahimikan. Nauuna ito ng ilang hakbang sa kanya. Itinuro nito ang mga silid at napatango siya tanda ng pagsang-ayon. Napakarami ngang silid. Higit isandaan o isang libo siguro. Ano nga kaya ang laman ng bawat isang silid?

          "Bawat isa sa silid na iyan, may laman," sabi nito.

          "Kaluluwa yata? Yung kagaya ko? Kung anumang tawag sa akin," isip niya.

          "Kung mapapansin mo, may mga naghihintay sa labas. Tinatawag silang taga-bantay."

          "Taga-bantay? Para saan?" agad niyang itinanong.

          "Para pag nagising yung nasa loob, may magbubukas ng pinto para sa kanila at magpapaliwanag kung ano ba itong lugar na ito. At pag nagtanong ang mga iyon, sasagutin ng mga taga-bantay ang mga tanong na kaya nilang sagutin. Parang ako! Taga-bantay mo ako."

          "A, oo. Taga-bantay na walang silbi," isip niya.

          Hindi pa rin malinaw sa kanya kung bakit nandito siya sa lugar na ito. Inakala pa man din niyang langit at impyerno lang ang pupuntahan ng tao pag namatay na.

          "Narinig mo ba yung pagtawag ko kanina? Yung pagkatok ko?" tanong niya sa lalaki.

          "Narinig ko. Saka nakita ko yung liwanag. Yung liwanag ang hudyat na nagising na yung nasa loob ng silid. Pag ganoon, ibig sabihin, kailangan nang buksan yung pinto."

          "Bakit ang tagal mong buksan yung pinto?"

          "Pinakikiramdam ko pa e! May iba kasing nagwawala at nananakit pag binuksan na yung pinto."

          "Teka, nananakit? At ikaw, nasasaktan ka naman?!"

          Natawa ang lalaki. "Ano ba'ng akala mo? 'Di purkit wala na tayong pisikal na katawan, hindi na tayo puwedeng masaktan. Tingnan mo na lang yung mga ipinatapon sa impyerno! Habang buhay silang pinahihirapan at nasasaktan."

          Natahimik siya. May punto ang lalaki. Nagpatuloy iyon,

          "Noong nakita kong kalmado ka naman, edi binuksan ko na yung pinto. Saka, kararating-rating ko lang din dito nang eksaktong makita ko yung liwanag."

          "Saan ka galing?"

          "Sa trabaho."

          "Anong trabaho?"

          Nilingon siya ng lalaki, ngumiti at tumugon ng, "Malalaman mo rin." Napa-ismid siya. Bakit kasi hindi na lang sabihin agad sa kanya?

          "Paano mo pala nabuksan yung pinto? Wala namang susian."

          "Wala nga. Binubuksan iyon sa pamamagitan nito," sabi nito. Ang tinutukoy nito e yung bato na ipinakita nito sa kwintas na nasa leeg nito. "Mabibigyan ka rin nito pag naiharap na kita kay Cadis. At magiging taga-bantay ka rin pag itinalaga ka ng nakatataas. Iyan ay kung karapat-dapat ka nga sa tungkulin."

          Lugar na walang pangalan, taga-bantay, mga numero sa pinto, batong kulay itim at kumikinang, Cadis, nakatataas, karapat-dapat sa tungkulin... Naghalu-halo na ang mga iyon sa isip niya at hindi niya maintindihan kung ano ang mga iyon!

          "Hay naku! Sumasakit ang ulo ko sa mga sinasabi mo!" irita niyang pagkakasabi.

          Natawa ang lalaki, "Haha! Ganyan din ang sinabi ko sa dati kong taga-bantay."

          "Sino si Cadis?" naitanong niya.

          "Ang namamahala sa lugar na ito."

          "Parang boss?"

          "Parang Diyos."

          Napalunok siya sa sinabi ng lalaki. "Diyos..." isip niya. "Ihaharap ako sa Diyos." Kinakabahan siya sa ideya. Ano nga kaya ang hitsura ni Cadis?

          "Sino pala ang naging taga-bantay mo?" usisa niya.

          "Makikilala mo siya mamaya pag nakarating na tayo sa dapat nating puntahan."

          Patuloy lang na naglakad ang dalawa. Iniisip niya kung gaano kaya kalawak ang lugar na ito kasi kanina pa sila naglalakad at parang paikot-ikot lang naman, pero 'di naman sila humihinto. Dahil naging tahimik na muli ang lalaki, sinubukan niyang magtanong dito.

          "Ilang oras na ba akong nandoon?"

          Huminto ang lalaki sa paglalakad. Tiningnan siya nito at nagtanong pabalik, "Oras?" Nagbilang ito sa daliri. "Isa, dalawa, tatlo. Tatlo, kundi ako nagkakamali. A oo, tama! Tatlo nga!"

          "Tatlong oras?"

          "Anong tatlong oras? Tatlong taon!"

          Nagulat siya, "Ha? Tatlong taon? Ibig sabihin, nasa silid ako na iyon nang tatlong taon?"

          "Uh-huh." Naglakad na muli ang lalaki. Sumunod siya.

          Napailing siya. Tatlong taon... Napakatagal na panahon na iyon! Bakit ganoon? Ano nga kaya talaga ang nangyari sa kanya?

          "Bakit ako natulog nang ganoon katagal?" tanong niya sa lalaki.

          "Hindi ko alam," sagot nito.

          Napabuntong-hininga siya. "At binabantayan mo ako ng..."

          "Tatlong taon na rin. Hinihintay kitang gumising sa loob ng tatlong taon. Medyo naiinip na nga ako e, pero ganoon talaga. Pag tinalaga ka bilang taga-bantay, kailangan mahaba ang pasensya mo. Saka parang pribilehiyo na rin iyon kasi pag taga-bantay ka, ibig sabihin, isa ka sa pinakamagaling dito sa lugar na ito. Nakita mo yung babaeng mahabang buhok kanina na nadaanan natin? Binantayan ko rati iyon! Isang linggo lang nagising na siya. Ngayon, tingnan mo, matapos ang limang taon, taga-bantay na rin siya. Tapos sumunod ka. Sa lahat ng binantayan ko, ikaw yung pinakamatagal na nagising."

          Habang dumadami yung nalalaman niya, dumadami lang din lalo yung mga tanong niya. At alam niyang dadami rin yung mga tanong niyang hindi masasagot, dahil wala namang isinasagot sa kanya yung lalaki kundi, "Hindi ko alam."

          Ilang sandali pa, narating na nila yung lugar na dapat nilang puntahan. Isang malaking bakal na pintong may sukat na dalawampung talampakan ang nasa harap nila. Kulay ginto ito at may iba-ibang ukit na gaya ng nasa silid niya kanina. Itinapat ng lalaki ang kwintas niya sa pinto at lumabas ang isang puting liwanag. Gaya ng nangyari sa silid niya, dumaloy ang liwanag sa mga ukit na nasa pinto at ilang sandali pa, nawala ito. Kasabay nito ang isang tunog, "Click," at bumukas ang pinto. Itinulak ng lalaki ang pinto at tuluyan itong nabuksan.

          Pumasok sila. Sumara agad ang pinto na ikinagulat niya. Nilingon niya ito. Bigla siyang kinalabit ng lalaki at sinenyasang tumingin sa itaas. Sa pagtingin niya roon, sobra siyang namangha sa nakita!

          "Mga kandila..." bulong niya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status