Enchantria Lost of Love
Enchantria Lost of Love
Author: JGJ Writes
Chapter 1: Iligtas ang Prinsesa

     “Inang Reyna, madali at humayo kayo ng mahal na Prinsesa!” Sigaw ng Amang Hari.

     “Ngunit hindi kita maaring iwan sa gitna ng digmaan,” wika ng Inang Reyna at lumapit pa ito sa Amang Hari habang kalong-kalong ang sanggol na prinsesa.

     “Kailangan mong iligtas ang mahal na Prinsesa. Kayo na lamang ang tanging pag-asa ng buong Enchantria,” sambit ng Amang Hari.

     “Kaya’t humayo na kayo!” Pagtataboy pa niyang muli sa Inang Reyna.

     Lumingon ang Amang Hari sa kinaroroonan ko at kumumpas ito sa hangin. Lumitaw sa aking harapan ang kanyang gintong espada.

     “Nicolo, tanggapin mo ang aking gintong espada at ipagtanggol sila sa abot ng iyong makakaya,” wika niya sa akin.

     “Ihatid mo sila sa lagusan patawid sa mundo ng mga mortal,” dagdag na sabi pa niya at yumukod ako bilang tugon sa kaniya.    

     “Sa mundo ng mga mortal?” nagugulumihanang tanong ng Inang Reyna.

     “Oo, sa mundo ng mga mortal kung saan mas ligtas kayo sapagkat hindi saklaw ng kapangyarihan ni Vera ang mundong iyon,” paliwanag pa ng Amang Hari. 

     Si Vera, ang enkantadang nabigo sa kanyang pag-ibig sa Amang Hari. Umalis ito ng Enchantria na punong-puno ng galit at hinanakit sa kaniyang puso. Usap-usapang inaral niya ang iba’t-ibang libro ng itim na kapangyarihan. Nang makaipon ito ng lakas ay muling nagbalik ng Enchantria upang maghiganti at sakupin ang buong kaharian. Higit na malakas siya kumpara sa mga kapangyarihang taglay ng Amang Hari at Inang Reyna.     

     “Nicolo!” tawag ng Inang Reyna sa’kin.

     “Iligtas mo ang Mahal na Prinsesa!” Inabot nito sa akin ang mahal na prinsesa.

     Pinagmasdan ko ang sanggol na prinsesa at payapa itong natutulog sa kaniyang maharlikang balot na telang gawa sa lana. 

     “Bilang iyong Reyna ay responsibilidad kong samahan ka sa labanang ito. Hindi kita iiwan… Sasamahan kita hanggang sa aking huling hininga!” madamdaming wika ng Inang Reyna sa Amang Hari.

     Naghawak kamay silang dalawa at humarap sa’kin. Itinaas ng Amang Hari ang kanilang pinagsiklop na mga kamay ng Inang Reyna at ipinatong ito sa aking ulo.

     “Bilang inyong Maharlikang Pinuno, binabasbasan namin kayong dalawa ng ating mahal na Prinsesa sa inyong paglalakbay. Nawa’y patnubayan kayo parati ni Bathala!” Basbas nilang dalawa sa’min ng mahal na prinsesa.

     May naramdaman akong kakaibang lakas mula sa liwanag na tumulay sa kanilang mga kamay patungo sa aking katawan.

     Lumapit sa’kin ang Inang Reyna at hinawakan sa kamay ang natutulog na prinsesa, “Bilang iyong Inang Reyna… Binabasbasan kita Mahal kong Prinsesa.”

     Hinalikan pa muna nito ang mga maliliit na kamay ng prinsesa bago muling nagsalita. “Hindi mo man kami makasama mahal ko… Asahan mong kami’y parating nakaantabay sa’yo. Iyong maririnig ang aking tinig na siyang magiging gabay mo. Mamumuhay kang normal ‘gaya ng isang mortal at ipagtatanggol ka ng kalikasan sa anumang panganib na iyong kahaharapin. Ika’y mapapalayo ngunit muling makakapiling sa tamang panahon.”

     Kumumpas ito sa hangin at lumabas doon ang isang bolang liwanag. Ito’y kanyang pinadausdos papunta sa ulo ng mahal na prinsesa.

     “Pagsapit ng iyong ika-labing anim na kaarawan, uusbong ang iyong natatagong lakas at kapangyarihan. Ika’y muling magbabalik sa iyong totoong tahanan at ito’y iyong ililigtas mula sa mapag-imbot na kasamaan!” sambit naman ng Amang Hari at kumumpas din ito sa hangin. Buhat doon ay naglabas din siya ng bolang liwanag kagaya nang ginawa ng Inang Reyna. Ito’y kanya ring pinadausdos papunta sa ulo ng mahal na prinsesa.     

     “Nicolo, ikaw na ang bahalang mangalaga sa ating mahal na Prinsesa.” Pagsusumamo ng Amang Hari.

     Nagbigay pugay ako sa kanilang dalawa ng Inang Reyna bilang tugon.

     “Baunin ninyo ang aming basbas at magpakatatag kayong dalawa ng mahal na Prinsesa, sa mundo ng mga mortal!”

     “Tills vi träffas igen kära prinsessa!” magkasabay na sambit ng Amang Hari at Inang Reyna.

     “Hanggang sa muli nating pagkikita mahal naming Prinsesa!” Kahulugan ng mga salitang kanilang sinambit.

     “Nicolo, ingatan mong hindi makuha ni Vera ang mahal na Prinsesa!” Tagubilin pa ng Inang Reyna.

     “Makakaasa kayong iaalay ko ang aking buhay para sa mahal na Prinsesa!”

     Nagbigay pugay akong muli sa kanila at maayos na binalot ang sanggol na prinsesa ng kanyang maharlikang balot na telang gawa sa maharlikang lana.

     Sunod-sunod na pagsabog ang aming narinig mula sa labas ng silid. Mabilis na itinuro ng Amang Hari ang isang lihim na lagusan at sa pagkumpas nito, iyon ay bumukas. Binaybay ko ang madilim at makipot na daan. Nang aking marating ang dulo ng lagusan ay nasilayan ko ang bandang kasukalan ng kakahuyan na sakop pa rin ng Enchantria.

     Binilisan ko ang paglalakad tungo sa lagusang patawid sa mundo ng mga mortal. Sinalubong ako ng mga kalabang kawal kaya inilabas ko ang gintong espada na kaloob sa’kin ng Amang Hari at nilabanan ko silang lahat gamit ng aking isang braso.

     “Kumapit ka mahal kong Prinsesa at ililigtas kita mula sa kanila!” bulong ko sa kalong-kalong na sanggol.

     Bawat lapit ng mga kalaban ay siya ring lapat ng gintong espada sa kanilang katawan. Basang-basa na ako ngunit ‘di ko alintana ito sapagkat mas inaalala ko ang kaligtasan ng prinsesa.

     “Prinsipe Nicolo!” Sigaw ng isang pamilyar na tinig sa’kin.

     Nilingon ko ito at isang mapait na ngiti ang sumilay sa aking labi. Si Felix ang isa sa mga tapat na kawal ng aming kaharian at itinuring kong matalik na kaibigan ngunit isang pagbabalat-kayo lamang pala ang lahat ng iyon.   

     “Mahal na Prinsipe, ba’t hindi ka na lamang bumalik sa ating kaharian?”

     “Kailan man ay hindi ako babalik sa isang palasyong punong-puno nang panlilinlang!” nang-uuyam kong turan sa kanya.

     “Ngunit ikaw ang Prinsipe ng ating kaharian! Bakit mas pinipili mong maglingkod sa kanila bilang isang kawal?” nang-uuyam din niyang tugon sa’kin.

     “Mas nanaisin ko pang maging isang kawal kaysa ang maging isang Prinsipeng hangal na namumuhay at napapalibutan ng mga manlilinlang!” Sigaw ko sa kanya.

     “Kailangan ka rin ng ating kaharian!” Mapait niyang sigaw sa’kin.

     Umiling-iling ako sa kanya, “Higit akong kailangan ng Prinsesa!”

     Tinitigan ko ang kalong-kalong na Prinsesa, napakaamo ng mukha nito at sa simula pa lamang na nasilayan ko ‘to ay may kung anong mahiwagang damdamin nang lumukob sa akin. Nais ko lamang parating titigan ang maamong mukha nito. Napapangiti ako sa tuwing makikita kong ngumingiti ito habang nilalaro ng kanyang mahal na ama’t ina.

     Gusto kong protektahan ito sa anumang panganib at hindi ko hahayaang masaktan ito ng kahit sino. Handa akong pangalagaan ito hanggang sa aking huling hininga. Buhay ko man ang maging kapalit ng buhay niya!

     “Mamamatay ang Prinsesang ‘yan kagaya ng kanyang mga magulang!” Nanlilisik ang mga matang sumugod si Felix sa aking kinaroroonan.

     Binalot ko ng aking katawan ang mahal na prinsesa at mapanganib kong pinadapo sa katawan ni Felix ang gintong espada.

     Napaatras ito at hinawakan ang tagilirang bahagi ng kaniyang tiyan. Nasugatan ko ito at matamang tinitigan nito ang kulay berdeng dugo sa kanyang palad.

     “Mas gugustuhin mong pumatay ng iyong kalahi para lamang sa isang walang kwentang Prinsesa?!” nakangiwing sigaw ni Felix.

     “Handa akong ibuwis ang aking buhay para sa kanya!” madamdamin kong wika.

     “Kung gan’on, sabay kayong mamamatay!” At sumugod ulit ito sa akin.

     Ngunit bago pa man ito tuluyang makalapit sa’kin ay bumagsak ito sa lupa.

     “Du kommer också att dö!” nakangising saad ni Felix kahit nahihirapan nang kumilos.

     “Mamamatay rin kayo ng iyong Prinsesa!”

     “Siyang hindi magkakaroon ng katuparan!” tugon ko naman sa sinabi niya.

     Pag-angat ko ng aking paningin ay nakita ko ang Amang Hari at tumutulo ang berdeng dugo ni Felix sa kanyang espada.

     “Nicolo, magmadali ka! Pumunta ka sa lagusan at iligtas ang Prinsesa!” utos ng Amang Hari.

     Nagbigay pugay ako sa kanya at tumalikod ngunit bago ko pa maihakbang ang aking mga paa ay siya namang dating ni Vera.

      “Hindi mo mailalayo ang Prinsesa!” sumisigaw na sambit ni Vera. Kumumpas ito sa hangin at ikinulong kami sa rehas na nilikha niya gamit ang kanyang kapangyarihan.

      “Vera, tayong dalawa ang magtuos!” Sigaw ng Amang Hari at kumumpas din ito sa hangin upang hawiin sa’min ng prinsesa ang kulungang nilikha ni Vera.

      Naglalabas ng apoy ang mga mata ni Vera nang bumaling sa Amang Hari, “Ikaw ang dahilan kung ba’t nagluluksa ang puso ko!”

      “Alam mong hindi ikaw ang mahal ko!” turan ng Amang Hari rito.

      “Pwes! Tanggapin mo ang pait ng parusa ko!” At nagsimula itong bumigkas ng mga salitang tanging si Vera lamang ang nakauunawa.

      “Nicolo, umalis na kayo! Iligtas mo ang Prinsesa!” Sigaw ng Amang Hari habang pinipigilan nito ang malakas na hanging nilikha ni Vera.

      Mabilis akong tumalima sa sinabi ng Amang Hari at nilisan ang lugar na ‘yon.

      “Isinusumpa ko sa ngalan ng itim na kapangyarihan, lahat ng narito sa Enchantria ay katatakutan ang kanilang mga anyo!” Sigaw ni Vera at pumailanlang ang malakas na halakhak niya sa buong paligid.

     “Ren passion kommer att bryta din förbannelse. Det finns ingen stirrande form av kärlek!” Sansala ng Amang Hari sa binitiwang sumpa ni Vera.

    “Wagas na pag-iibigan ang sisira sa iyong sumpa, walang tinititigang anyo ang tunay na pag-ibig!” Wikang binigkas ng Amang Hari.

    “Hindi maaari!” Malakas na sigaw ni Vera at biglang dumilim ang buong paligid sabay ng malakas na pag-ihip ng hangin.

     

      Tinitigan ko ang kalong-kalong na prinsesa at payapa pa rin itong natutulog sa aking bisig. Narating namin ang lagusan at binigkas ko ang mahiwagang salita upang ito’y bumukas.

     “Du öppnar en magisk tunnel och vi är på väg över de dödliga!”

     "Bumukas ka mahiwagang lagusan at kami’y iyong paraanin patawid sa mundo ng mga mortal!”

      Bumukas ang lagusan at kami’y dumaan dito. Nang ganap na akong nakaapak sa mundo ng mga mortal ay muling nagsara ang lagusan.

      Lumabas kami sa gitna ng kakahuyan at mainit na sinalubong ng kalikasan. Yumukod ang mga punongkahoy at masayang humuni ang mga ibon sa himpapawid. Umihip ang hangin na tila baga ito’y sumasayaw kasabay ng mga halaman sa paligid.

     “Pangangalagaan kita sa lugar na ito mahal kong Prinsesa!”

             

     Napansin ko ang pag-iibang anyo ng aking mga braso. Naging mabalahibo ang mga ito at mas lumaki kaysa sa normal na laki. May kung anong hapdi akong naramdaman sa aking bandang likuran. Gumawa ako ng duyan gamit ang aking kapangyarihan at maingat kong inilapag ang prinsesa upang tingnan ang nagaganap sa aking katawan.

     “Aaahhh!” Malakas kong sigaw. “Ano’ng nangyayari sa akin?!”

      Naalala ko ang huling wikang binigkas ng Amang Hari, “Wagas na pag-iibigan ang sisira sa iyong sumpa, walang tinititigang anyo ang pag-ibig!”

      “Kung gano’n ay naganap nga ang sumpa ni Vera!” nagtatagis ang mga ngiping turan ko sa sarili.

      Kinalong kong muli ang Prinsesa at sinuri ang kanyang anyo. Naghintay ako ng ilang sandali at walang pagbabagong naganap sa anyo nito. Ang prinsesa ay nanatili pa rin sa kanyang magandang anyo.

     “Nakapagtatakang hindi ka man lang tinamaan ng sumpa ni Vera?!” namamanghang sambit ko.

      Dumilat ang mata nito at nagsalubong ang aming mga paningin. Ngumiti ito sa akin at itinaas ang kanyang mga maliliit na kamay. Inabot ko ito at dinala sa aking pisngi.

      “Ikaw nga ang nakatakdang tagapagligtas ng Enchantria!” usal ko at hinaplos ang makinis na pisngi nito.

     “Ngunit paano kita mapapangalagaan kung ganito ang aking anyo? Tiyak na katatakutan ako ng mga nilalang dito,” sambit ko pa sa kanya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status