Share

Kabanata 15

“Tatay Arturo!”sigaw ni Mina atsaka niya hinagkan ang matanda at hindi na naiwasang maluha. Nakasunod naman sa kaniya sina Teofilo, Ignacio at ang babaeng hanggang ngayon ay hindi niya pa nakikilala.

“Kumusta ka hija, lubos akong nag alala sa iyo.”turan ng matanda at saka nito hinawakan ang magkabilang pisngi ng dalaga at natuon ang paningin niya kay Teofilo na noo'y nagtanggal na nang tela na siyang nakukubli sa kaniyang mukha.

“Maraming salamat Telong, kahit na kailan ay hindi mo ako binibigo.”saad nito at saka napatango sa binata. Nagtanggal na rin ng tela si Ignacio sa kaniyang mukha saka ito napangiti dahil napagtagumpayan nilang iligtas si Mina.

Dahan-dahan naman na napalingon si Mina sa babaeng hanggang ngayon ay nagkukubli sa tela ang pagkakakilanlan. “Tila nakikilala ko ang boses mo, sino ka?”tanong niya habang kunot noong nakatitig sa mata ng babae. Napatingin naman ito kay Teofilo at tinanguan siya nito.

Dahan-dahang tinanggal ng babae ang tela sa kaniyang mukha na sobrang ikinagulat ni Mina.

“Lita?”usal ni Mina habang pinagmamasdan ang mukha ng dalaga. Si Lita ang isa sa mga tagasilbi sa mansyon ni gobernador-heneral Vicente at siya rin ang kasintahan ni Teofilo na piniling maging isang espiya upang magbigay impormasyon sa kanila.

“Siya ang aking tinutukoy na aking kasintahan at siya rin ang aming espiya sa hacienda ni Vicente.”saad ni Teofilo habang nakangiting nakatingin kay Mina.

“Ako ay humihingi ng paumanhin sa ‘yo Mina, sapagkat hindi kita kinakausap noong tayo'y nasa hacienda ng gobernador-heneral. ”turan ni Lita at saka ito ngumiti na labas ang ngipin. Tumango na lamang si Mina bilang tugon at ngumiti 'rin.

“Hindi na ako magtatagal pa rito Telong, kailangan ko nang makabalik sa Dasmariñas upang malaman ko ang kasalukuyan nangyayari roon. Nais ko ring malaman kung ano ang nangyari kay heneral Francisco. ”paalam ni Lita habang diretsong nakatingin sa mata ng kaniyang kasintahan.

“Mag-iingat ka.”wika ni Teofilo at saka nito hinawakan ang kaliwang pisngi ni Lita at ilang sandaling nagtitigan.

“Pakiusap Lita, ibalita mo sa akin ang nangyari sa heneral.”Sabat ni Mina na agad ding tinanguan nito.

“Mga inutil!”sigaw ni Edilberto at saka nito pinaghahagis ang mga bagay na kaniyang mahawakan. Sobra itong nagalit at nagwala nang mabalitaang nakatakas si Mina sa piitan sa tulong ng tatlong rebelde.

“Hindi naman na makagalaw sa kinatatayuan nila sina Joselito at Polonya. Nagitla sila dahil sa pagwawalang iyon ng heneral.

“Huminahon ka heneral.”suway naman ni doktor Julio uupangpakalmahin ang kalooban ng heneral.

Samantala, dahan-dahan namang naglakad si Joeliano na noo'y nasa ikalawang palapag upang silipin kung ano ang nangyayaring gulo sa ibaba. Nakita siya ni doktor Julio at si heneral Edilberto, nadako ang paningin sa kaniya ng heneral. Matalim ang mga ibinigay nitong titig sa kaniya na kaniya namang nilabanan.

Nabalitaan na rin niya ang nangyari kaya't nagpapasalamat siya sa nangyaring ‘yon. “Julio halika, sumunod ka sa akin.”mahinahon na turan ni Edilberto at saka nito ibinaling ang paningin kay doktor Julio. Naunang naglakad si heneral Edilberto paakyat ng hagdan, hindi na nito muling sinulyapan ang Joeliano sa halip ay dire-diretso itong pumasok sa sarili nitong silid kasama ang kaniyang ama.

Samantala, nasa pagamutan naman si Francisco. Hindi pa ito nagigising at nagpapagaling sa tinamo nitong sugat sa kaniyang tiyan. Noong gabing iyon matapos niyang saksakin ang kaniyang sarili ay agad naman na dumating ang ilang mga guardia civil, dinala siya ng mga ito sa pagamutan upang mabilis na magamot at malunasan ang sugat nito.

Napatayo si tenyente Antonio nang makitang nagmulat na nang mata ang kaibigan niyang heneral. “Buhay pa ba ako?”rinig niyang usal nito habang iginagala ang paningin. Bahagya siyang natawa dahil sa tinuran at muling napaupo.

“Bakit heneral? Iyo na bang nasisilayan ang pinto ng kalangitan?”biro ni Antonio at saka ito humagalpak ng tawa.

“Hindi ngunit aking nakikita ang alagang manok ng tagapag-bantay doon.”usal pa nito dahilan upang matigilan ang tenyente.

“Totoo? Kung gayon nasaan, ituro mo heneral.”kunot noong tanong ni Antonio habang pinagmamasdan ang kaibigan.

“Isa kang inutil tenyente, ikaw ang manok na iyon.”mahinang saad ni Francisco at saka ito mahinang natawa na ikinatawa rin ni Antonio.

Ilang sandali pa ay natigil na sila at napahawak si Francisco sa kaniyang tiyan. “Sabihin mo nga heneral, mayroon ka bang kinalaman sa nangyari kagabi?”bulaslas ni Antonio at sa pagkakataong iyon ay kapwa na silang seryoso.

“Kung sa nangyaring labanan noon sa Laguna aysaa braso ka lamang nasugatan, nakapagtataka dahil ngayon ay nakaratay ka riyan at may tinamong malalim na sugat sa iyong tiyan. ”dagdag pa nito habang nakatingin kay Francisco.

Nagpalinga-linga pa sa Francisco at sinigurado niyang walang tao sa paligid. “Matalino ka Antonio at totoong kaibigan kita.”tugon nito habang nakatingin rin sa kaibigan. Napa-angat ang kilay ng tenyente nang marinig ang tugon ni Francisco.

“Ang ibig mo bang sabihin ay isa ka nang rebelde?”tanong pa ni Antonio   na inilingan niya.

“Ang mahalaga ay nasa maayos nang kalagayan si binibining Mina.”tugon ni Francisco habang naaalala ang huling winika sa kaniya ng dalaga bago ito tuluyang umalis.

Kasalukuyan nang tinatahak ni Lita ang daan pabalik sa mansyon ng gobernador-heneral. Nakasuot na siya ng pangkaraniwang kasuotan ngunit mas pinili niyang ikubli pansamantala ang kaniyang mukha upang pag-iingat.

Marami ang kaniyang nakakasalubong na tao at maging ang mga naglakat na guardia civil. May itong mga mahahabang baril at patuloy ang pag-iikot na tila mayroon itong hinahanap.

Binilisan niya ang kaniyang paglalakad at mas lalo niya pang itinago ang kaniyang mukha.

“Dakpin ang babaeng iyan!”napalingon si Lita kung saan nanggaling ang pamilyar na boses na iyon at nanlaki ang kaniyang mata ng makita si Rowena, nakaturo ito sa kaniya kasabay nang pagdakip sa kaniya ng mga nagkalat na guardia civil.

Agad siyang na nahawakan  ng mga ito sa kaniyang magkabilang braso ngunit mabuti na lamang at mabilis niyang na nakuha ang isang patalim na kaniyang ikinubli sa kaniyang tagiliran, inipit niya sa kaniyang saya.

Agad niyang itinarak iyon ng mabilis sa dibdib ng dalawang guardia civil at saka siya kumaripas ng takbo patungo sa kagubatan. Biglang umalingawngaw ang napakalakas na putok ng baril at napahawak siya sa kaniyang kanang balikat dahil sa dumaplis na bala na nanggaling sa isa sa mga guardia civil.

Napakagat na lamang siya sa kaniyang labi at pilit na hindi ininda ang sugat sa kaniyang balikat habang kumakaripas pa rin ng takbo upang hindi siya maabutan ng mga ito.

Napalingon-lingon siya sa kaliwa't kanan kung saan siya maaring tumakbo, rinig niya pa rin ang malalakas na putok ng baril at ang tunog ng mga paa ng kabayo. Halos hindi na magkamayaw ang kaniyang puso dahil sa kabang nararamdaman. Muli siyang tumakbo pa kaliwa at nanlaki ang kaniyang mata ng biglang bumungad sa kaniyang ang isang guardia civil sakay ng kabayo. Napa-angat pa ang unahang paa ng kabayo dahilan upang mapaupo si Lita at maisalag ang kaniyang mga braso upang hindi tamaan ng mga paa nito.

Kasabay rin noon ang pagdating ng isa pang guardia civil sa kaniyang likuran. Wala na siyang kawala. Nakatutok sa kaniya ang mga baril habang bumababa sa kabayo at agad itong kumapit sa kaniya at hinawakan siya sa kaniyang braso. Kinuha ng mga ito ang hawak niyang patalim at saka siya iginapos ng napakahigpit dahilan para mapapikit na lamang siya dahil tila mababali na kaniyang dalawang braso.

“Ipinadakip ko na si Lita, señorita.”nakangiting usal ni Rowena habang pinagmamasdan ang mukha ng kaniyang señorita.

“Mainam, matutukoy na natin kung nasaan naglulungga si Mina at ang mga pesteng rebelde.”tugon nito at saka ibinalik ang paningin sa nakita nilang liham mula sa silid ni Lita. Liham ito ni Lita kay Teofilo at nakasaad dito ang mga pagmamanman na ginawa ni Lita.

“Ako ay lubos na natutuwa sapagkat ligtas ka, ”usal ni tatay Arturo habang nakatingin sa dalaga. Samantala, nakatanaw lamang si Mina sa bintana at pinagmamasdan ang makulimlim na kalangitan.

“Hangga't hindi po ako nakapaghihiganti sa pagkamatay nina ina, ama at mayor doma Emilda, hindi po ako magiging ligtas.”tugon ng dalaga ngunit nanatili lamang ang kaniyang paningin sa labas.

“Anong ibig mong sabihin, Mina? Isusugal mo ang iyong buhay upang makapaghiganti lamang?”kunot noong tanong ng matanda at saka nito inilapag ang kamote sa isang maliit na hapag.

“Tama ang iyong mga tinuran, tatay Arturo. Hindi si mayor doma Emilda ang siyang lumason kay heneral Edilberto at naniniwala ako kahit pa hindi ko nasaksihan ang buong pangyayari. Mayroong mabuting kalooban si mayor doma Emilda at wala siyang rason upang gawin ang bagay na iyon.”saad ni Mina at muling nagbadya ang luha sa kaniyang mata na tulad ng kalangitan ay nagbabadya na 'rin ang isang malakas na ulan.

“Pinabayaan ng gobernador-heneral na iyon na mahatulan ang kaniyang mayor doma at hinayaan niya itong mamatay! ”dagdag pa niya. Lumapit naman sa kaniya si tatay Arturo at hinawakan nito ang kaniyang magkabilang palad.

“Makinig ka hija, huwag mong hayaang lamunin ka ng iyong galit. Hayaan mo itong humupa at saka ka bumuo ng isang maayos na desisyon.”turan ng matanda habang diretsong nakatingin sa mata ng dalaga. Kumunot naman ang noo ni Mina at napayuko na lamang siya at humagulgol ng iyak.

Isang malakas na sampal sa mukha ang natamo ni Lita mula sa kamay ni heneral Edilberto. “Tukuyin mo sa akin kung saan ang pugad ninyong mga rebelde o mas nais mong dumanak ang iyong dugo sa buong lalawigan ng cavite!”sigaw nito habang pinandidilatan ng mata ang dalaga.

Halos bumakat naman ang kamay ng heneral mukha ni Lita dahil sa paulit-ulit nito iyong ginagawa. Nakagapos ang dalawang kamay ng dalaga na tila hindi na babae ang tingin sa kaniya

Natanggal na rin ang pagkakatali ng kaniyang buhok dahilan upang bumuhaghag ang kaniyang napakahabang buhok at tumatabon na rin ito sa kaniyang mukha.

Sinalubong niya ang tingin ng heneral at nanatiling tikom ang kaniyang bibig. Kahit na kailan hinding-hindi niya ipagkakanulo ang kaniyang mga kasama kahit pa ang kapalit nito ay ang kaniyang buhay.

Napapikit naman dahil sa inis ang heneral at nilingon ang isang guardia na nakatayo malapit lamang sa kaniya.

Dalawang araw na ang dumaan simula nang madakip si Lita. Hinang-hina na habang nakagapos pa rin ang dalawang kamay at wala na ring paglagyan ang mga sugat at latay na tinamo nito sa kaniyang katawan. Patuloy pa rin ang pagpapahirap sa kaniya at pilit na pinapaamin ukol sa kuta ng mga rebelde.

Tahimik, madalim at tanging ang kaniyang kumukulong sikmura lamang ang kaniyang naririnig sa buong selda. Tulala lamang siya at hindi na rin siya magawa pang imulat ang kaniyang kanang mata dahil sa pamamaga nito nito dulot nang walang sawang pagpapahirap sa kaniya sa loob ng dalawang araw.

Mas gugustuhin niya na lamang na matapos na ang kaniyang buhay upang magtapos na rin ang sakit na kaniyang nararamdaman.

“Telong, lubos akong nababahala sapagkat lumipas na ang dalawang araw ngunit si Lita ay hindi pa rin nagbabalik.”usal ni Ignacio sabay lingon sa kaibigan na malayo ang tingin.

Biglang tumayo si Teofilo at hinarap ang kaibigan. “Ako ay magtutungo roon upang alamin ang nangyayari at upang makausap si Lita. Huwag mong ipaalam sa kanila at babalik din ako.”saad ni Teofilo ay saka ito mabilis na naglakad at wala nang nagawa si Ignacio kung hindi ang tanawin si Teofilo papalayo.

Maraming mamamayan ang nagkukumpol-kumpol at ang iba pa ay seryosong naguusap-usap. Karamihan ay napadaan lamang at mas piniling huminto upang makibalita sa nangyayari roon.

Naglakad si Teofilo papunta roon at pilit na sinisilip kung anong mayroon sa harap ngunit hindi rin niya makita kaya't kinausap niya ang isang binibini sa kaniyang tabi.

"Paumanhin binibini. Anong nangyayari rito?”tanong niya, hinarap naman siya ng babae, maganda ito may mahabang buhok na nakatali. Nginitian siya nito sabay hawi ng buhok papunta sa likod ng tainga nito.

“Kakatapos lamang patawan ng parusa ang isang babaeng rebelde na nadakip noong nakaraang araw. Pinarusahan nila ito sa pamamagitan ng pagbaril sa ulo, Ginoo.”tugon nito dahilan upang makaramdam ng kaba si Teofilo at agad siyang napalingon sa dumaan na tatlong guardia civil.

Hindi na niya nagawa pang tugunan ang babae dahil mabilis siyang nakisiksik sa kumpol na mga tao upang marating ang harap at laking gulat niya nang makita ang isang babaeng nakahandusay. May balot ito sa ulo na tumatakip sa pagkakakilanlan nito ngunit hindi siya maaring magkamali. Kilala niya kung sino ang babaeng ito. Kilala niya ang porselas na suot nito na siyang tanda ng kaniyang pag-ibig para rito.

Duguan ito maging ang nakabalot sa ulo nito. Puno rin ng sugat at latay ang mga braso nito. Tila tumigil ang kaniyang mundo at nawala ang pagpintig ng kaniyang puso. Ang unang babaeng matapang na kaniyang nakilala, ang babaeng tumanggap sa kaniyang buong pagkatao at ang babaeng lubos niyang mahal.....wala na!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status