Share

UNANG KABANATA

“SINUSUMBAT mo ba sa akin ‘yan, Meganne? Baka nakalilimutan mong ako ang nagbu—” Hindi ko na hinayaang matapos pa n’ya ang dapat n’yang sasabihin dahil memoryadong–memoryado ko na ang linyahan n’yang ‘yan.

“Na ano, kuya? Na ikaw ang bumuhay sa akin noong nagkasakit ako, na ikaw ang tumayong tatay sa akin noong bata pa ako? Ilang taon ‘yon, kuya? Isang taon? Dalawa o ‘di naman kaya tatlo? Bilangin mo! Kasi ako! Sampung taon, kuya! Sampung taon akong nagpakaalipin sa ‘yo! Kung dati takot na takot akong mawalan ng silbi sa ‘yo, ngayon, tapos na tapos na ako, kuya! Kaya kong hindi mo ako magawang suportahan sa gusto ko, bahala ka! Pagod na akong maghanap ng papel sa buhay mo, kuya! Kung isusumbat mo sa akin habang buhay ‘yang ginawa mong sakripisyo dati sana pinatay mo na lang ako! Sana pinabayaan mo na lang ako!” Humihikbi akong naglakad papasok ng k’warto ko.

“Utot mo! Daming alam nito! Tanga!” pahabol pa n’ya.

Ang kapal ng mukha n’ya! Ang kapal kapal!

“Putangina mo rin! Gago ka!” asik naman ni Ate Aikeen.

“TUMIGIL KA NA, CLIFFORD! WALA KANG MODO! BAKA NAKALILIGTAAN MONG PAMAMAHAY ‘TO NG KAPATID MO! MAHIYA KA NAMAN!” Dinig ko pang sigaw ni mama.

Pagpasok ko sa loob ng k’warto ko’y agad akong dumiretso sa banyo at binuksan ang gripo, sinugurado kong wala akong ibang marinig kung hindi ang pagbagsak ng tubig. Sunod kong ipinikit ang aking mga mata atsaka taimtim na nagdasal.

            “Nagkamali po ba ako, Panginoon? Mali po ba talaga ang naging desisyon kong asikasuhin naman ang buhay ko, ngayon?”

            Si Ate Aikeen tapos ng teacher, professional teacher na siya halos apat na taon na rin kaya kung dati kailangan ko pang mag-tutor para makabayad kami sa iniwang utang ng ama kong mandurugas, ngayon, hindi na. Si Kuya Clifford, nagtapos din sa kolehiyo, IT, ilang taon siyang nagpabalik-balik at nagkaanak pa ng maaga, kaya ayan pamilya namin naging extended na. Nasa amin pati pagkain ng pamilya n’ya, ultimo napkin ng asawa n’ya sa akin pa i-aasa. Last year lang ‘yan nakapaghanap ng matinong trabaho, lagi naman kasing pagbubulakbol ang inaatupag imbes na maghanap buhay.

Ako? High school. Hindi na ako nakapagkolehiyo kasi mas inanuna kong maghanap-buhay para mabayaran ang utang ng ama kong walang hiya, tuition ni ate, mabili ang gamot ni mama at masunod ang layaw ni kuya. Never kong inisip ‘yong sarili kong pangarap na halos lahat na nga lang ng pangarap ko hindi ko mismo pangarap, pangarap ng pamilya ko, pangarap ni ate, gusto ni kuya, bayarin ng ama namin pati na rin ‘yong pagpapagamot ni mama. Ang saya ‘di ba? Pero okay lang, mas importante kasi sa akin ay sila, na gagawin ko lahat para sa kanila.

Natatakot kasi.

Nakatatakot mawalan ng silbi sa pamilya ninyo, paano kong hindi kana masipag? Paano kong wala na akong maibibigay na pambayad ng tuition ni ate? Paano kung wala na akong pambili ng gamot ni mama? Paano kung wala na akong pera pambayad ng renta ng bahay? Hindi ko na kayang bayaran ‘yong kuryente’t tubig? Paano kung hindi ko na mabili ang mga gusto ni kuya? Paano na lang ang silbi ko sa pamilya namin? Mawawalan na rin ba ako ng silbi kung gano’n?

Kaya ginawa ko lahat, sinakripisyo ko lahat. Na sa loob ng sampung taon nabuhay ako sa takot, takot na takot akong mawalan ng silbi, takot akong hindi mahalin. Pamilya ko na lang ang meron ako, paano kung pati pa sila mawala?

Sampung taon din ang tiniis ko para magawa ‘tong lahat: mapagtapos si Ate Aikeen at magkaroon na ng magandang trabaho, mabili ko ang condo na tinitirahan namin, makapag-ipon sa bangko para kay mama at para sa kinabukasan ko, maibigay lahat ng gusto ni kuya at higit pa sa lahat ay mabayaran ang utang ni papa. Siguro? Deserve ko na rin namang bigyang pansin ang sarili ko? P’wede na sigurong ako naman na ngayon? Na kahit ngayon makapagsimula naman akong matupad lahat ng pangarap ko, na nakalaan at para naman sa sarili ko, p’wede naman na siguro, hindi ba?

Gumigising ako ng alas syete para habulin ang boss kong napakatulin, umuuwi rin ako ng alas syete ng gabi na hindi makatulog ng maayos kasi baka mahimbing akong natutulog at bigla akong tawagan ni Mr. Estrellas edi kapag nagkataon nawalan pa ako ng trabaho ng wala sa oras.

Tiniis ko lahat, makibagay sa mundong sampid lang ako, makitakbo sa napakabilis na agos ng pinagtratrabahuhan ko, ayusin sa loob ng ilang minuto lahat ng kakulangan ko sa sarili na laging nakikita ng boss ko. Lahat ng iyon pinagsabay-sabay ko, problema sa pamilya pati sarili kong pagod, isama mo na rin ang mental health ko, I joggle everything, alone. Never akong nagreklamo, kaya hindi naman siguro ako demanding kong hingin ko naman na sa 28th birthday ko sa susunod na mga buwan ay maging akin na nang tuluyan ang buhay ko?

Nais ko namang hanapin ‘yong sarili kong kasiyahan.

Nais ko namang pangarap ko naman ang maging priority ngayon.

Nais ko namang makawala sa anino ng ibang tao.

Nais ko namang tumigil nang maging selfless, nais ko ring e-try maging selfish.

P’wede naman na siguro, hindi ba?

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status