Share

Chapter 7

Matapos ang isang linggo sa trabaho ni Kelly ay dumating ang araw na magiging acting supervisor muna siya habang wala ang kanilang Dining Supervisor. Kaya alas singko pa lang ng umaga ay gising na siya.

Habang nasa kusina siya at nagluluto ng kaniyang almusal ay tinawagan niya si Niana.

"Ang aga aga naman, Kelly," namamaos pang sagot ni Niana sa tawag.

"Baka nakakalimutan mo, 'te, alas syete tayo ngayon. Kasabay natin ang mga taga-kitchen para maihanda ang menu. Wala tayong kasama ngayon, puro mga backup," paalala niya habang nagpriprito ng itlog.

Narinig niya naman sa kabilang linya si Niana na nagbuntong hininga.

"Dali na, bumangon ka na," dagdag pa ni Kelly.

"Oo na po," sagot naman ni Niana.

"Don't worry, magdadala ako ng pagkain mo. Nakalimutan ko kasi kaya hindi ko naibigay agad," sambit ni Kelly.

Narinig niyang umayos nang pagkakahiga si Niana.

"Yehey! Basta huwag kang magpapahuli kay Sir Ashburn, baka magalit siya."

Inilagay pa muna ni Kelly ang niluto niyang itlog sa kaniyang plato bago magsalita.

"Kahit mahuli niya pa ako, hindi 'yon magagalit. Marami namang pagkain dito, tsaka dalawa lang kami. Hindi namin 'yon mauubos nang kami lang dalawa," sagot niya kay Niana.

"Thank you! Basta kumain ka rin nang marami diyan. Puwede mo rin naman siyang—"

"Baka ipakain ko sa'yo 'tong sandok na hawak ko, Niana. Tumigil ka diyan," saway ni Kelly.

Natawa naman si Niana sa naging reaksyon niya.

"Baliw! Hindi mo kasi ako pinapatapos eh. Ang sabi ko, puwede mo rin naman siyang ayaing kumain. Kawawa naman siya kung mag-isa lang siyang kumain," sabi ni Niana.

Kinuha naman ni Kelly ang kaniyang plato at saka pumuwesto na sa lamesa upang kumain.

"Kasabay ko man siyang kumain o hindi, kaya naman niyang kumain. Hindi ko naman hawak ang mga kutsara dito," sambit ni Kelly saka siya nagsubo ng pagkain.

"Aysus! Nagiging matigas na rin ang puso mo ha?"

"Kailangan niya munang pakuluan 'to para lumambot," sagot naman niya kay Niana.

Natawa naman si Niana sa kabilang linya.

"Manlalambot ka rin sa kaniya pagdating ng araw," natatawang wika ni Niana.

"Ewan ko sa'yo! Sige na, kakain na ako. Bumangon ka na diyan at mag-ready ka na," utos niya kay Niana.

"Ang aga pa, Kelly. Alas singko pa lang. Huwag mo nga akong idamay sa pagiging maaga mo. Darating ako doon on time," sagot ni Niana.

Tumango tango naman si Kelly.

"Okay. Sige na, magkita na lang tayo doon," paalam niya saka pinatay ang tawag.

Agad naman niyang tinapos ang kinakain niya saka naghanap ng eco bag.

Tinignan pa muna niya isa-isa ang bawat laman ng cabinet saka siya kumuha ng mga natitipuhan niyang ibigay kay Niana.

"Ay, gusto niya 'to," sambit niya habang tinitignan ang bote na may lamang maraming chocolate.

"Okay na siguro ang dalawa," dagdag niya pa saka naglagay ng dalawang bote ng chocolates sa eco bag dahil lima ang nandoon.

Bumaba siya nang makakuha siya ng pagkain sa mga hanging cabinets, saka binuksan ang mga base cabinets.

Napangiti siya nang makakita siya ng Korean noodles doon. Naglagay siya ng dalawa sa eco bag habang nagtitingin pa ng puwede niya pang ilagay.

"What are you doing?"

Napatigil siya sa kaniyang ginagawa at napalingon kay Ashburn na naka-krus ang dalawang braso habang nakatingin sa kaniya.

Naka-pajama na siyang terno ngayon na kulay itim na silk.

"Mag-cacamping ka ba?" Tanong niya ulit.

Isinara muna ni Kelly ang drawer ng cabinet saka umayos ng tayo.

"Ibibigay ko sana sa kaibigan ko. Tutal marami naman tayong foods, hindi naman siguro natin mauubos. Mahilig kasi siya sa matamis," sagot niya.

"Mag-iwan ka ng para sa'kin. I also love sweets. Bigyan mo rin siya ng yogurts," sambit ni Ashburn saka pumunta sa dispenser at uminom.

Napangiti naman si Kelly, at agad na kumuha ng yogurt sa refrigerator at iba pang mga chocolates.

Nang makakuha siya ng mga pagkain ay naligo na siya at nag-ayos ng kaniyang sarili.

Hindi na naman siya nagpaalam kay Ashburn nang umalis siya at pumasok sa kaniyang trabaho.

Sakto namang pagkarating niya ro'n ay kakabukas pa lang ng restaurant.

Habang nag-aayos siya sa kaniyang locker ay dumating na rin si Niana.

"Good morning!" Bati nito kay Kelly at saka tumabi sa kaniya upang ilagay din ang mga gamit niya sa kaniyang locker.

"Oh! Kinuhanan na kita. Huwag mong uubusin nang isang upuan lang," paalala niya saka iniabot ang eco bag na puno ng laman.

"Wow! Thank you! May relief goods pa ako galing sa'yo," natatawang sambit niya.

"Kainin mo ang mga 'yan kapag nagugutom o nalulungkot ka," wika ni Kelly.

Nagulat siya nang bigla siyang yakapin ni Niana. Napangiti naman siya at niyakap na rin niya si Niana.

"Ang bait mo talaga. Sana magkaroon ka ng mini Kelly at mini Ashburn," sabi ni Niana.

"Ayoko nga!" Inis na sambit ni Kelly. Natawa naman si Niana sa kaniya.

Nagpakilala muna ang mga makakasama nila sa dining area bago nagsimulang ituro ni Kelly ang mga gagawin nila.

"Kaya naman nila 'no?" Tanong ni Niana sa kaniya habang pinagmamasdan ang mga kasama nila sa dining area.

"May mga background sila sa hospitality industry, kaya kayang-kaya nila 'yan," sagot naman ni Kelly sa kaniya.

May pumasok na guest at agad namang inassist ng isang kasama nila kaya hinayaan nila itong matuto.

Nang biglang dumami ang mga guests ay naging abala na silang lahat kaya hindi na niya nabantayan ang mga kasama niya.

"Sir, pa-bus out naman po ng table 1," utos niya sa isang kasama nila habang siya ay nakahawak ng food tray.

"Sige po, Ma'am," sagot ng lalake saka nagpunta sa table one upang ayusin iyon.

"Kaya mo naman pala mag-utos, sabi kasi ng mga kasama mo ay mas gusto mong ikaw ang nauutusan," sambit ni Kiel nang lumapit ito kay Kelly habang nakatayo siya sa harap at tinitignan ang mga guests na kumakain.

"Nakakahiya po kasing mag-utos kung bago ka pa lang po. Mag-iisang linggo pa lang naman po kami dito," sagot niya saka siya tumingin kay Kiel.

Ngumiti naman sa kaniya si Kiel. Nailang naman siya kaya ibinalik niya ulit ang paningin niya sa mga guests.

"Mag-iisang linggo pero alam mo na ang lahat ng pasikot-sikot dito. Tama nga ang sinabi nila tungkol sa'yo. Masipag ka at matalino," sabi niya kay Kelly.

"Sino pong nagsabi?" Tanong ni Kelly.

"Iyong mga seniors mo noong nag-OJT ka. Tinawagan ko sila upang malaman kung paano ka magtrabaho," sagot ni Kiel.

Napatingin naman sa kaniya si Kelly.

‘Dapat talaga alamin lahat ng background ng employees?’

Napangiti na lang siya.

"Maiwan muna kita," paalam ni Kiel sa kaniya, saka siya tinapik sa kaniyang balikat.

"Sige po, Sir."

Nang makita niyang may nagtaas ng kamay na isang guest ay agad siyang lumapit doon.

Isang pamilya sila at katatapos lang nilang kumain.

"Yes, Sir?"

"Miss, palinis naman ng table namin, tapos paki-serve na 'yong order naming cake," sagot ng lalakeng may katandaan na.

"Sige po, Sir."

Agad na kumuha ng tray si Kelly at isa isang inilagay doon ang naka-stack na mga plates na nagamit.

"Ay! Sorry!" Sambit ng asawa nu'ng lalake nang matapunan niya ng sabaw ng sinigang si Kelly. Tutulungan niya sana si Kelly ngunit aksidente niya itong nabitawan sa harapan ni Kelly.

Nagulat man si Kelly ay ngumiti pa rin siya sa mga guests.

"Okay lang po," sagot niya habang nakangiti.

"Hindi ko sinasadya, iha. Sorry," pag-uulit na sabi ng babae. Tumayo ang babae at akmang pupunasan si Kelly ngunit lumayo siya nang bahagya. Ngumiti lang siya at saka binuhat ang tray.

"Ayos lang po ako," pag-uulit niya at kita niyang nahihiya ang babae sa kaniya.

Nagpaalam muna siya doon upang ilagay ang mga soiled dishes sa likod.

"Ma'am, paki-serve naman po ng cake nila," utos niya sa isang kasama nilang backup habang may hawak siyang tray.

"Sige po, Ma'am."

Nagmadali niyang inilagay ang mga nagamit sa sink.

Kumuha agad siya ng tissue upang punasan ang puti niyang damit ngunit kumapit na ang amoy ng sinigang sa kaniya.

Naalala niyang may extra shirt siya sa kaniyang bag kaya pumunta siya sa kaniyang locker at inilabas ang white niyang t-shirt.

Nagbihis na siya agad at saka bumalik sa dining area.

"Bakit ka nagpalit?" Tanong ni Niana nang makapuwesto sila sa harap.

"Natapunan ako ng sinigang ng isang guest," sagot naman niya.

Napatingin naman si Niana sa kabuuan ni Kelly.

"Ayos ka lang?" Tanong niya.

Tumango naman si Kelly sa kaniya.

"Oo. T-shirt lang ang mayroon ako. Wala akong pampalit ng slacks kaya medyo may amoy pa rin ng sinigang," sagot niya.

"Literal na amoy pa lang, ulam na," pang-aasar ni Niana sa kaniya ngunit napatigil siya nang tignan siya ni Kelly nang masama.

"Niana, puwede na kayong umuwi ni Kelly. Kami na ang bahala rito," sambit ni Kiel kay Niana.

"Thank you po, Sir," pagpapasalamat ni Niana at saka lumapit kay Kelly na nakabantay sa mga guests.

"Kelly, puwede na raw tayong umuwi. Tara na, alas otso na," aya ni Niana kay Kelly.

Agad naman silang naglakad sa Biometric Time and Attendance upang mag-time out saka kinuha ang mga gamit nila sa loob.

"Kanina pa ako inaantok," sambit ni Kelly nang makalabas sila sa restaurant.

"Nandiyan na si kuya. Tinext ko kasi siya kanina, tsaka pumara na rin siya ng traysikel para sa'yo," sabi ni Niana habang hirap na hirap sa bitbit niyang eco bag.

"Ano 'yan?" Tanong ni Niño nang makalapit sila aa kaniya.

"Mga pagkain. Bigay ni Kelly," sagot naman ni Niana.

"Wow! Thank you, Kelly!" Pagpapasalamat naman ni Niño kay Kelly habang nakatingin ito sa kaniya.

"Aysus! Wala 'yon, kuya. Umuwi na po kayo, gabi na. Tsaka mahirap ang pauwi sa inyo," wika ni Kelly.

"Mag-ingat ka ha?" Sabi ni Niana saka pumasok sa traysikel nila.

"Oo naman. Kayo rin," sagot naman niya.

Ngumiti pa muna sila sa isa't isa bago siya sumakay sa traysikel na naghihintay sa kaniya.

Nang makapasok siya sa kanilang bahay ay agad siyang humilata sa sofa sa kanilang sala.

"Where does that smell come from? Amoy sinigang," sambit ni Ashburn habang naglalakad siya papalapit kay Kelly na nakahiga.

"It's me."

Napakunot naman ng noo si Ashburn.

"Naligo ka ng sinigang?" Tanong niya saka umupo sa sofa sa harap ni Kelly.

Natawa naman si Kelly.

"Natapunan lang kanina ng isang guest."

"Akala ko ba, 5 pm ang out mo? It's already eight in the evening," tanong ng asawa niya.

Bumuntong hininga naman si Kelly bago sumagot saka niyakap ang throw pillow.

"Over time. Maraming guests eh."

Hinintay pa muna niyang magsalita ulit si Ashburn ngunit hindi naman na nagsalita ito kaya ipinikit muna niya ang kaniyang mata.

"Ay! Sh*ta!"

Gulat niyang sambit nang pagbukas niya ng kaniyang mata ay nasa harap na niya si Ashburn. Nabitawan pa niya ang throw pillow na yakap niya at nahulog ito sa sahig.

"Bakit sobrang lapit ng mukha mo?" Tanong niya saka siya umupo.

"Chinecheck ko kung gising ka na. It looks like nagising ka sa presence ko," sagot naman ni Ashburn at umupo ito sa tabi niya.

"Ano'ng oras na ba?"

"Quarter to ten," sagot naman ni Ashburn saka siya naghikab. Pinulot naman ni Kelly ang nahulog na pillow at ibinalik sa sofa.

"Bakit hindi mo ako ginising?" Nagtatakang tanong ni Kelly saka inayos ang tali ng kaniyang buhok.

"I just don't want to wake you up, baka sipain mo ako," sagot naman ng kaniyang asawa.

Lumabi naman si Kelly habang pinagmamasdan si Ashburn na magulo rin ang buhok.

"May muta ka rin," natatawang wika niya.

Napapunas naman agad si Ashburn.

"Kagigising ko lang din, nakatulog din ako sa kabilang sofa," sagot niya.

"Iba din talaga ang trip mo. Binantayan mo po ba ako, browny?" Pang-aasar niya.

"Nakatulog ako dahil sa pagod sa trabaho."

Tumango tango naman si Kelly.

Tumayo na si Kelly saka nag-inat ng kaniyang dalawang kamay. Kinuha niya ang bag niya sa upuan saka isinakbit sa kaniyang balikat.

Tumayo na rin si Ashburn saka inayos ang mga throw pillows sa sofa.

Sabay silang umakyat sa hagdanan ngunit nauunang umaakyat si Kelly.

Na-conscious naman siya kaya napalingon siya kay Ashburn na halos magkapantay lang ang kanilang mukha dahil matangkad si Ashburn.

"Why?" Tanong ni Ashburn at nagtaas pa ito ng kilay.

"Wala po. Baka may gawin ka sa'kin eh," sagot niya.

"Tsk. As if naman may gusto akong gawin sa'yo. Can you climb faster?" Utos ni Ashburn sa kaniya.

"Ang luwag luwag ng hagdanan, kuya. Puwede ka namang mauna," inis na sagot ni Kelly.

Nang makarating sila sa second floor ay nagkasabay pa sila sa pagbukas ng kanilang mga kuwarto.

"Bakit? Mag-gogood night po kayo?" Walang-galang na tanong ni Kelly nang makita niyang hindi pa isinara ni Ashburn ang kaniyang kuwarto at nakatingin lang sa kaniya habang siya ay isasara na sana ang pintuan niya.

"Nabura na ang isang kilay mo," sagot ni Ashburn saka pabagsak na isinara ang pintuan.

Agad namang isinara ni Kelly ang pintuan sa kuwarto niya at saka nagmamadaling pumunta sa harap ng kaniyang salamin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status