Share

Chapter 10

Kinaumagahan ay maagang nagluto ng almusal si Kelly, at saktong kakagising lang ni Ashburn nang patapos na siya.

Agad namang naupo si Ashburn sa dining area matapos siyang magtimpla ng kaniyang kape.

Kumuha ng dalawang plato si Kelly at inilapag ang isa sa harapan ni Ashburn, saka nilagyan ng spoon and fork.

Hindi na lang siya nagsalita dahil naaalala niya ang sinabi ng kaniyang asawa kagabi at baka mawalan pa siya ng pasensya sa pagiging isip-bata ni Kelly.

Sabay silang kumain at walang nagsasalita sa kanilang dalawa.

Napabalikwas si Kelly nang biglang tumunog ang cellphone niyang nakalapag sa lamesa. Napatingin naman doon si Ashburn.

Agad namang tinignan ni Kelly ang tumatawag at napakunot siya ng noo nang makitang ang kanilang boss ang tumatawag sa kaniya.

"H-Hello, Sir?" Sagot niya saka tumingin sa wall clock nila at nakita niyang pasado alas sais pa lang ng umaga.

"Kelly? Puwedeng mag-request?" Tanong agad ni Kiel sa kaniya.

Binitawan naman niya ang tinidor sa kaliwang kamay niya at nakaramdam siya ng kaba.

‘Sana naman ay maayos ang request niya.’

"Yes, S-Sir. Ano pong request?" Tanong niya. Napatingin naman sa kaniya si Ashburn habang humihigop ng kaniyang kape.

"Puwede ka bang mag-over time hanggang mamayang gabi? Kakabasa ko lang kasi ng text ng panggabing waitress, may emergency raw siya. Tapos day off pa ng isa nilang ka-shift," wika ni Kiel.

"Sige po, okay lang po sa'kin," sagot naman niya.

Napatingin naman si Kelly kay Ashburn na napakaseryosong nakamasid sa kaniya at parang iniintindi ang pinag-uusapan ni Kelly at ng kaniyang boss.

"Thank you. Maybe I can also request Niana na mag-over time siya," wika ni Kiel.

Napakamot naman ng kilay si Kelly.

"Ah, Sir, mas malayo po kasi 'yong inuuwian niya kaysa sa akin," malumanay na sabi niya para hindi na i-request ni Kiel ang kaniyang kaibigan.

"Oh, okay. Salamat ulit, and eat your breakfast," paalam ni Kiel.

"Okay po, Sir."

Agad naman niyang ibinaba ang tawag saka uminom ng tubig.

"Who's that?" Tanong ni Ashburn.

Napaangat naman ng tingin si Kelly sa kaniya habang umiinom siya. Pinunasan niya muna ang bibig niya bago sumagot.

"Boss namin. 'Yong may-ari ng restaurant," sagot niya. Saka niya ipinagpatuloy ang kaniyang kinakain.

"What did he say?" Tanong ulit ni Ashburn saka siya humigop ng kaniyang kape.

"Over time," sagot naman ni Kelly habang ngumunguya. Kumunot naman ang noo ng kaniyang asawa sa kaniya.

"Can you swallow your food first before you answer?" Sambit ni Ashburn at saka napabuntong hininga.

Nginuya naman ni Kelly ang kinakain niya nang matagal habang nakatingin kay Ashburn na parang nang-aasar.

Nakipagtitigan naman si Ashburn sa kaniya habang kumakain.

"Mag-over time daw ako sabi ni Sir," wika ni Kelly matapos siyang uminom ng tubig.

Tumango tango naman si Ashburn saka nagpunas ng bibig gamit ang isang puting table napkin.

"Ano'ng oras ba nagsasara ang restaurant?" Tanong ni Ashburn.

"11 pm. Sobrang late. Sana nga may masakyan pa ako mamaya pauwi," sagot ni Kelly.

Nang matapos silang kumain ay naghugas muna si Kelly bago bumalik sa kaniyang kuwarto upang mag-prepare para sa trabaho.

Naglagay siya ng dark chocolate sa kaniyang bag matapos siyang mag-ayos ng kaniyang sarili.

"Pampagising mamaya. Baka antukin ako ro'n," sambit niya saka isinara ang kaniyang maliit na backpack.

Nang matapos siyang mag-ayos ay tinignan niya muna ang sarili sa kaniyang salamin bago lumabas sa kaniyang kuwarto.

Dahan-dahan naman siyang bumaba sa hagdanan dahil maaga pa lang at wala namang trenta minutos ang papunta sa restaurant.

"Wait for me," wika ni Ashburn na bumaba rin sa hagdanan.

Napahawak naman sa handrail si Kelly at lumingon kay Ashburn.

"Magtatraysikel ka rin?" Tanong niya habang patuloy sa pagbaba.

Si Ashburn naman ay inaayos ang kaniyang itim na wrist watch sa kaniyang kamay.

"Ihahatid kita," kalmadong sagot ni Ashburn nang makababa sila mula sa hagdan.

"Ay, weh? Natakot ka sa parents mo 'no?" Natatawang tanong niya.

"Ginagawa ko lang ang sinabi nila. Hindi gaya mong matigas ang ulo," sabi ni Ashburn saka siya nilagpasan at nauna na sa garahe.

"Sa bagay, kung matanda ka na, hindi na dapat matigas ang ulo mo," bulong naman ni Kelly saka sumunod kay Ashburn sa garahe.

"Wear your seatbelt," utos ni Ashburn sa kaniya nang maupo siya sa loob ng sasakyan.

"Alam ko po. Baka ihulog mo pa ako," sagot naman ni Kelly at inilagay ang kaniyang seatbelt.

Nang makapag-ayos si Kelly sa kaniyang upuan ay agad na inilabas ni Ashburn ang sasakyan sa kanilang bahay.

"Kahit ma-late ka siguro ngayon? Ay sh*ta! Ashburn!" Sigaw ni Kelly nang biglang bilisan ni Ashburn ang pagmamaneho.

"Kuya! Bagalan mo lang! Makakadisgrasya ka!" Patuloy niyang sigaw.

Mabuti na lang at maluwag ang kalsada at wala pang masyadong sasakyan.

Kalmado namang nagmamaneho si Ashburn kaya tinakpan na lamang ni Kelly ang kaniyang mga mata gamit ang mga kamay.

"Diyos ko, bata pa po ako. Ayoko pang mamatay. Virgin pa ako," bulong niya habang nakapikit at natatakpan pa ang kaniyang mga mata.

Ilang minuto pa lang siyang nakaupo sa loob ng sasakyan ngunit pakiramdam niya ay matagal na siya roon.

Napahiyaw siya nang biglang lumiko ang sasakyan at halos tumilapon na siya, mabuti na lang at naka-seatbelt siya.

"Ashburn! Isusumbong kita kina Tito!" Sigaw niya.

"We're here," sambit ni Ashburn.

Naramdaman naman ni Kelly na huminto ang sasakyan kaya inalis niya ang kaniyang mga kamay sa mga mata at saka dumilat.

Huminga pa muna siya saka lumingon kay Ashburn at sinamaan ito ng tingin.

"Nananadya ka ba, kuya?" Inis niyang tanong. Tinanggal niya agad ang seatbelt niya.

"May maaga akong meeting today," sagot naman ng kaniyang asawa at kalmado itong nakatingin kay Kelly.

"Meeting lang pala, halos mamatay na ako!" Pagmamaktol ni Kelly.

"Namatay ka ba?" Seryosong tanong ni Ashburn sa kaniya.

"Bwisit!" Sambit ni Kelly saka bumaba sa sasakyan. Hindi na siya nakapagpasalamat at tinalikuran na agad si Ashburn.

Ilang segundo pa lang ay umalis na rin si Ashburn.

"Kelly! OMG!" Napalingon naman siya nang tawagin siya ni Niana habang papasok sa loob ng restaurant.

Mabilis naman siyang pumasok sa restaurant at dumiretso sa locker niya.

"'Yong asawa mo ba 'yon? Hinatid ka?" Tanong ni Niana saka niyugyog ang kanang braso ni Kelly.

Binuksan pa muna ni Kelly ang locker niya bago humarap kay Niana.

"Ang sama talaga ng ugali niya. Ang bilis ba naman niyang magmaneho! Wala pa nga yatang sampung minuto eh nandito na kami! Mamamatay ako nang maaga," inis na wika ni Kelly.

Natawa naman si Niana sa kaniya at binuksan din ang kaniyang locker saka inilagay ang gamit.

"Hindi ka naman siguro papatayin ni Sir Ashburn. Pasalamat ka nga hinatid ka niya."

Inis na inilagay ni Kelly ang bag sa kaniyang locker at halos pabagsak niyang isinara iyon.

"Sana nga sa traysikel na lang ako sumakay!"

"Mauna kang uuwi mamaya," sabi ni Kelly habang nakatayo sila sa harap ng counter at nakatingin sa mga guests.

"Bakit? May pupuntahan ka?" Tanong naman ni Niana sa kaniya.

"Wala. Tinawagan ako kanina ni Sir, mag-over time daw ako kasi wala 'yong isang waitress na night shift."

Humarap naman si Niana sa kaniya.

"Eh 'di mag-oover time na rin ako," sambit niya.

"Hindi puwede. Sinabi ko na kay Sir na malayo ang bahay niyo," sagot naman ni Niana sa kaniya.

"Eh ano naman? Alangan namang iwan kitang mag-isa mamayang gabi? Paano kung may mangyari sa'yo?" Mabilis na sunod-sunod na tanong ni Niana at inilayo pa ang sarili dahil matinis ang boses ni Niana.

"Oo na, oo na. Ang sakit sa tainga ng boses mo," wika naman ni Kelly. Napatawa naman nang mahina si Niana sa kaniya.

"Concerned lang ako. Baka mapano ka," sagot naman niya.

Itinulak naman ni Kelly nang mahina si Niana at nagngitian pa sila bago ibinalik ang paningin nila sa mga guests.

"May chika ako," sabi ni Kelly habang kumakain sila ng dinner ni Niana.

"Wait lang. Ang sakit kasi ng likod ko. Mahirap palang mag-duty ng 15 hours. Mabuti hindi tayo 7 am na pumasok," wika naman ni Niana.

Uminom naman si Kelly ng tubig at saka pinunasan ang kaniyang bibig ng kaniyang panyo.

"May three hours pa tayo," sambit niya nang makita nang alas otso na sa kaniyang relo.

"Ang dami pang guests sa labas. Medyo inaantok na rin ako," sabi ni Niana at saka nagsubo ng kaniyang pagkain.

"Damihan mo pang kumain," wika naman ni Kelly saka nilagyan ng pinakbet ang plato ni Niana.

"Mas lalo akong aantukin niyan," sagot naman ni Niana habang ngumunguya.

"Para may lakas ka pa hanggang mamaya," natatawang sabi ni Kelly. Nag-thumbs up naman sa kaniya si Niana habang ngumunguya.

"Ano nga pala 'yong chika mo?" Tanong ni Niana saka uminom ng tubig.

"Pumunta ang parents ni Ashburn sa bahay kahapon," panimula niya.

"Naks! Bet na bet ka talaga ng in-laws mo," komento naman ni Niana.

Lumabi naman siya.

"Pinagalitan nila si Ashburn kahapon dahil hindi niya ako hinahatid," pagpapatuloy niya.

"Tignan mo, suportadong suportado ka nila. Eh ano namang sabi ni Sir Ashburn?"

Iniusog pa muna ni Kelly ang plato niya matapos niyang kumain.

"Tsk. Ang bastos niya kaya. Sinabi ba naman niyang isip-bata ako tapos matigas ang ulo," napapailing na sagot ni Kelly.

Napatawa naman si Niana.

"Totoo naman! Imbes na maging mabait ka sa kaniya, napakamaldita mo pa. Wala namang masama kung maging mabait ka sa kaniya."

Nanlaki naman ang mga mata ni Kelly na parang namamangha sa sinabi ni Niana.

"Wow! Siya nga 'tong masama ang ugali pagdating sa akin eh," pagdedepensa naman niya.

"Ewan ko sa'yo. Nakabingwit ka na nga ng guwapo at mayaman, nagkakaganiyan ka pa," natatawang sambit ni Niana.

"Kung siya lang din naman ang mabibingwit ko, ibabalik ko na lang siya sa dagat," sagot naman ni Kelly.

Mas lalo namang natawa si Niana.

Nang alas nuwebe na ng gabi ay kakaunti na lang ang guests, kaya ang ibang servers na ang nag-assist sa kanila.

Tumalikod naman si Niana at saka humikab habang nasa harap sila ng counter.

"Hala, Kelly! 'Yong asawa mo ba 'yon? Hindi ba sasakyan niya 'yon?" Bulong ni Niana nang mapansing ang sasakyan ni Ashburn sa kanilang kalsada sa harap ng restaurant.

"Saan?" Tanong ni Kelly. Itinuro naman ni Niana ang sasakyan, at nanlaki ang mata ni Kelly nang makita iyon.

"Lumabas ka muna, baka hinihintay ka niya eh mamaya pa tayo uuwi," sabi ni Niana.

"Sige. Hindi naman siguro sila magagalit kung lalabas ako saglit," sambit ni Kelly at saka tumingin sa mga kasamang nagseserve.

"Hindi naman siguro," sagot ni Niana.

Nagdahan-dahan namang lumabas si Kelly at nagpunta sa kabilang kalsada.

Agad niyang kinatok ang window ng sasakyan ni Ashburn dahil tinted iyon. Agad namang ibinaba ni Ashburn ang window.

"May ka-meet up ka ba dito?" Tanong agad ni Kelly. Kumunot naman ang noo ni Ashburn.

"Ano ako? Teenager? I'm waiting for you. Sabi mo kasi overtime ka, and it's already 9 pm," sagot ng kaniyang asawa saka siya umiwas ng tingin.

"11 pm kami magsasara. Aysus! Sinadya mo pa talaga ako here ah," maarteng sabi naman niya.

"Wala na kasi masyadong traysikel kapag ganoong oras na. Baka malaman pa nina Mommy na hinahayaan kitang umuwing mag-isa when it's late at night."

Tumango tango naman si Kelly.

"Okay. Sige, babalik na ako," paalam niya saka agad na umalis at bumalik sa loob.

Si Ashburn naman ay nakatingin lang sa loob ng restaurant dahil glass ang dingding nu'n at kita sa loob.

"Ano'ng sabi?" Tanong ni Niana kay Kelly nang makabalik siya sa loob.

"Hihintayin niya raw ako," sagot naman ni Kelly.

Itinulak nang mahina ni Niana si Kelly at saka pigil-kilig ang ngiti.

"Sinasabi ko na nga ba, lumelevel up na kayo," komento niya.

"Baliw! Takot niya lang sa parents niya."

"Paano 'yan? Maghihintay pa siya ng ilang oras?" Tanong ni Niana habang nakaharap kay Kelly at saka sumulyap sa sasakyan ni Ashburn sa labas.

"Two hours na lang ang hihintayin niya," sagot naman ni Kelly.

"Yiee! Ang haba ng hair mo!" Mahinang sambit ni Niana.

"Partida, naka-bun pa 'yan," natatawang sambit naman ni Kelly. Natawa naman si Niana sa kaniya.

"Ang lakas mo mang-inggit," sabi ni Niana sa kaniya.

Nang mag-aalas onse na ay nauna nang nag-time out ang mga kasama nila, habang sila ay nasa locker pa lang.

"Bilisan mo, baka iwan ka ng asawa mo," wika ni Niana habang nagtatanggal naman ng tali ng buhok si Kelly.

"Maka-asawa naman 'to," sabi ni Kelly.

Nagpamewang naman si Niana sa kaniya.

"Malamang eh asawa mo naman talaga si—"

"Lakasan mo pa! Para marinig ka ng lahat. Alam mo namang ayokong malaman ng iba eh. Mabuti nga hindi ibinalita na ikinasal na si Ashburn," pamumutol ni Kelly sa sasabihin ni Niana.

"Baka sinabihan sila ng mga Montemayor. For your privacy siguro," wika naman ni Niana.

"Tara na," aya ni Kelly nang matapos siyang mag-ayos ng kaniyang buhok.

Agad naman silang nag-time out at tinignan mabuti ang dining area kung may nakalimutan sila.

"Nasaan na siya?" Sambit ni Kelly nang nasa harap na sila ng restaurant at wala na doon ang sasakyan ni Ashburn.

"Ay, 'te, iniwan ka? Sabi ko kasi sa'yo, bilisan mo eh," sabi naman ni Niana.

Napakagat-labi naman si Kelly.

"Siraulong gurang!" Gigil na sabi niya habang nakatayo sila sa gilid ng kalsada.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status