Share

The Impostor Wife
The Impostor Wife
Author: Soju

CHAPTER 01

    BUGHAW ang kalangitan at payapa ang alon na humahalik sa dalampasigan ng umagang iyon. Bagaman at tirik ang sikat ng araw ay hindi nararamdaman ng magandang dalaga na si Milagros ang pagtama niyon sa kaniyang balat dahil sa may kalamigan ang hangin sa may tabing-dagat.

Naglalakad-lakad siya sa dalampasigan habang namumulot ng mga kabibe at makukulay na bato na inilalagay niya sa bitbit na timbang maliit. Nakasuot siya ng lumang bestida na puti na may kupas na disenyong bulaklak ng rosas. Wala siyang sapin sa paa ngunit iyon ay kaniyang sinadya. Mas gusto niya na maglakad sa buhangin nang nakayapak dahil kakaiba ang kiliti sensasyon na dulot ng pinong buhangin at alon sa kaniyang talampakan. Para siyang minamasahe ng kalikasan.

Ang makapal at kulot niyang buhok na umaabot sa itaas ng beywang niya ay hinahayaan niyang laruin ng hangin. Ang natural niyang morenang balat ay tila kumikislap sa pamamagitan ng liwanag ng araw. Maganda ang kurba ng kaniyang katawan at ang kaniyang dibdib na may katamtamang laki ay bagay sa kaniyang payat na pangangatawan.

“Tita Milagros! Tita!” Isang matinis na sigaw ng batang lalaki ang naulinigan niya sa likuran.

Huminto siya at lumingon. Awtomatikong lumabas ang ngit niya nang makita ang sampung taong gulang na pamangkin na si Beloy. Anak ito ng panganay niyang kapatid na si Ate Mirasol niya. Dahil sa nag-iisang anak ito ng nag-iisa niyang kapatid at talagang napalapit siya rito nang husto.

Hawak ni Beloy ang laylayan ng damit nito at mukhang may mga nakalagay roon habang patakbo itong lumalapit.

“Huwag kang tumakbo, Beloy! Baka madapa ka! Kapag nasugatan ka, iyak ka na naman!” sigaw ng malamyos at malambig na boses ni Milagros.

Humihingal tuloy ang bata nang makalapit sa kaniya. “Tita, ang dami kong nakuhang kabibe sa kabila! Tingnan mo!” Ipinakita nito ang nasa laylayan ng damit nito.

“Ang gaganda nga! Lalo na ito! Gustung-gusto ko ang isang ito, Beloy!” Kinuha niya ang isang kabibe na may tatlong patusok at nagkukulay-rosas sa tuwing tinatamaan ng sinag mula sa araw.

“Kaya nga, tita. Nagandahan din ako sa isang iyan. Medyo kakaiba iyan kasi kadalasan ay mas marami iyang patusok, `di ba? Ngayon lang ako nakakita ng ganiyang kabibe na tatlo lang ang tusok!”

“Akin na lang ito, ha? Hindi ko ito ibebenta. Itatabi ko ito kasi kakaiba.”

“Hindi mo itatapon, tita?” Hindi makapaniwalang tanong ng bata.

Umiling siya. “Porket kakaiba siya sa normal ay itatapon na? Hindi ganoon, Beloy. Alam mo, ang mga bagay na kakaiba ay umaangat sa karamihan. Sa una, masasabi mo na hindi siya maganda pero kapag tiningnan mo siya nang maigi, makikita mo ang itinatago niyang ganda!”

“Ang dami mo naman agad nasabi, ate. Tinanong lang naman kita kung itatapon mo?” Napapakamot sa likod na ulo na wika ni Beloy.

Ginulo niya ang buhok ng pamangkin sabay pisil sa mataba nitong pisngi. “Bata ka pa kasi kaya hindi mo pa maiintindihan! Pero tayo sa bahay at baka handa na ang almusal. Tulungan mo akong maglinis nitong mga kabibe at bato mamaya, ha?” Nakangiti niyang sambit.

“Sige, tita! Basta bibigyan mo ako ng pambili ng chichirya sa mapagbebentahan mo!”

“Oo na! Kailan ba kita hindi binigyan?” Natatawa niyang wika.

Inilagay na ni Beloy ang mga bato at kabibe na nasa damit nito. Pagkatapos ay magkahawak-kamay na silang naglakad pauwi sa kanilang bahay.

Simple ang pamumuhay ng pamilya ni Milagros sa tabing-dagat. Mangingisda ang kaniyang ama at tindera ng isda ang kaniyang ina. Sa ganoong trabaho sila iginapang ng kanilang magulang. Nakatapos ng sekundarya si Milagros ngunit dahil sa mailap ang trabaho sa kagaya niya na hindi nakatuntong ng kolehiyo ay pinili muna niya na tumulong sa kanila. Dati kasi ay nagtrabaho siya sa bayan sa isang tindahan ng sapatos. Pero dahil sa madalas siyang mabastos ng ilang bumibiling kalalakihan ay pinahinto na siya ng tatay niya. Baka raw makapatay ito ng mga nambabastos sa kaniya kapag hindi ito nakapagpigil.

Malapit ang loob ni Milagros sa kaniyang ama kumpara sa nanay niya.

Kung usapang pag-ibig, masasabi niya na masaya ang puso niya dahil sa kaniyang nobyo na si Martin. Limang taon na ang kanilang relasyon. Kagaya niya ay mula rin sa mahirap na pamilya si Martin. May maliit na lupa ang mga ito sa bundok kung saan nagkokopra ang mga ito. Ibinebenta nina Martin ang kopra sa bayan. Ginagawa kasi iyong sabon, langis, gamot at kung anu-ano pa.

Masasabi niya na maswerte siya kay Martin. Bukod sa masipag at mabait na lalaki ay pantasya rin ng mga kababaihan at may pusong babae ang kaniyang nobyo. Maganda ang hubog ng katawan nito. Hindi na kailangan na magtungo sa gym upang magpalaki ng katawan dahil sa bigat ng dinadala nitong mga niyog ay para na rin itong nag-gym. Matangkad, moreno at gwapo. Matangos ang ilong, may kalakihan ang mata na tinernuhan ng makapal na kilay.

Siya ang unang nobya nito at ito rin ang una niyang nobyo. Sa dami ng manliligaw niya ay ito ang talagang bumihag sa kaniyang puso. Kahit pa nagalit ang nanay niya noong sagutin niya si Martin. Napakatanga niya raw. Dapat daw ang sinagot niya ay iyong Chinese na nanligaw sa kaniya na ang mga magulang ay maraming negosyo. Makakaahon na raw sana sila sa kahirapan. Masasayang daw ang ganda niya sa kagaya ni Martin na parehas nilang isang kahig, isang tuka.

“Walang mangyayari sa hinaharap mo, Milagros, kay Martin! Hindi ka nag-iisip! Mahirap ka na nga, mahirap pa ang gusto mo! Gamitin mo ang ganda at utak mo!” Iyon ang eksaktong salita na sinabi ng nanay niya sa kaniya dati.

“Mahal ko po si Martin, `nay. At sa lahat ng nanligaw sa akin ay siya ang bukod-tangi na naramdaman kong may malinis na hangarin. Mahal niya ako, `nay! Para sa akin ay iyon ang mahalaga!” Iyon ang isinagot ni Milagros.

“Hindi ka mapapakain ng pagmamahal! Kung maibabalik ko lang ang panahon, hindi ko na sana pinakasalan ang tatay mo na kagaya kong mahirap. Makinig ka sa akin dahil danas ko na iyan!” giit pa ng nanay niya.

Sa madaling salita, hindi nakinig si Milagros sa sinabi ng nanay niya. Mas pinakinggan niya ang isinisigaw ng kaniyang puso. Sinagot niya si Martin at kahit katiting ay wala siyang pinagsisisihan sa naging desisyon niya.

Ang totoo ay takot siyang pumasok sa relasyon. Nakita niya kasi noon kung paano saktan ang kapatid niya ng asawa nito. Nakipaghiwalay ang ate niya sa lalaking pinakasalan nito dahil sa pananakit. Bilang isang babae, hindi niya nais na maranasan ang ganoong pananakit mula sa lalaking inakala mong aalagaan at mamahalin ka habangbuhay.

Iba si Martin. Sa limang taon nilang magkasintahan ay hindi niya ito nakitaan na may kakayahan itong manakit. Masyado itong maingat sa kaniya. Hindi ito seloso at hindi mainitin ang ulo. May kaunti silang tampuhan ngunit ang nga iyon ay agad nilang nareresolba. Hindi sila pumapayag na matatapos ang isang araw na meron silang hindi napagkakasunduan.

Pagdating sa bahay ay agad na dumulog sa hapag-kainan si Milagros dahil naroon na rin ang nanay, tatay at ate niya. Nakahain na at sila na lamang ne Beloy ang kulang. Sinangag, tuyong isda, itlog at kamatis ang pagkain nila. Siyempre, hindi mawawala ang mainit na kape.

Hindi malaki ang bahay nila. Yari iyon sa sawali at pawid. Magkakatabi silang natutulog sa iisang kwarto.

Habang kumakain ay napansin ni Milagros ang pananahimik ng magulang at ate niya. Hindi niya tuloy napigilan ang mag-usisa dahil tila merong problemang hindi sinasabi ang tatlo.

“Malayo pa ang Semana Santa pero bakit bagsak na ang mukha ninyong tatlo? May problema ba? May nangyari ba?” tanong ni Milagros.

Bumuntung-hininga at umiling-iling ang tatay niya.

“Pinapaalis na tayo rito sa lupang kinatitirikan ng ating bahay. Tatlong buwan ang palugit na ibinibigay.” Malungkot na turan ng nanay niya.

“P-po? A-akala ko ba ay sa atin na ang lupang ito? Nakabayad na tayo sa may-ari, `di ba? Ano pong nangyari?” gulat niyang tanong.

“Kulang pa raw tayo ng dalawang daang libong piso! Diyos ko! Hindi pa ba sapat na ibenenta ko ang lupang sakahan na iniwan sa akin ng magulang ko para may pambayad tayo? Mauuwi rin pala sa lahat ang sakripisyo kong iyon! Mga walang puso talaga `yang mayayaman na iyan!” Himutok ng nanay niya.

“Martha, kumalma ka. Ang puso mo...” Pag-alo ng tatay ni Mirasol.

“Hindi ko kayang kumalma, Fredo! Saan tayo pupulutin kapag nawala sa atin itong bahay at lupa? Sinong kamag-anak ang kukupkop sa atin? Wala!”

“Napakadali ng solusyon sa problema natin. Magbabayad tayo ng hinihingi nila at dapat may kasulatan na sa atin na itong lupa.”

“`Tay, hindi po biro ang two hundred thousand pesos,” singit ng kapatid niya na si Mirasol. “Saan tayo kukuha ng ganoong pera?”

“Magtutulungan tayo. Gagawa tayo ng paraan!”

Natatawa na umiling si Martha. “Kung makapagsalita ka, parang dalawang daang piso lamang ang kailangan natin.” Tumingin ang nanay ni Milagros sa kaniya. “Bakit kasi hindi mo sinagot noon si Liang noon, Milagros? Edi, sana mayaman ka na. Hindi natin poproblemahin kung saan huhugutin ang perang pambayad natin sa lupa!”

“`N-nay, hindi ko po kasi mahal si Liang—”

“At sinong mahal mo? Si Martin na nagkokopra? Diyos ko, Milagros! Maganda ka nga ngunit ampaw ang utak mo! Nakakahiya ka!”

“Hindi ampaw ang utak ng bunso natin, Martha. Tama naman siya. Walang mali kung puso ang susundin. May pera ka nga, pero hindi ka naman masaya. Wala rin.”

“Iyon na nga, e. Wala na nga tayong pera, hindi pa masaya! Kaunting sakripisyo lang para sa pamilya pero hindi pa nagawa!”

Napayuko na lang si Milagros sa masasakita na salitang binitiwan ng ina. Alam niya na kaya nito iyon nasabi ay dahil ayaw nitong mawala ang bahay at lupa. Kaya kahit paano ay pilit niya itong iniintindi.

“Mangunguha po kami ni tita ng mga bato at kabibe, lola. Tapos ibebenta namin kay Aling Dyosa! Mag-iipon po kami ng pera ni tita!” hirit ni Beloy.

“Beloy, kahit kunin natin ang lahat ng kabibe at bato sa dagat ay hindi pa rin iyon sapat. Masyadong malaki ang kailangan nating pera,” aniya sa pamangkin. Maya maya ay huminga siya nang malalim. “Hayaan ninyo at gagawa ako ng paraan. Maghahanap na ako ng trabaho. Narinig ko na magbubukas na ang resort na malapit dito sa atin. Mag-a-apply po ako roon.”

“Sa tingin mo, sapat ang sasahurin mo roon sa loob ng tatlong buwan para makaipon ng dalawang daang libong piso?” Naiiling na tanong ni Martha.

“Mag-sa-sideline po ako, `nay. Lahat ay gagawin ko para hindi mawala sa atin itong bahay at lupa!” buong tapang na pahayag ni Milagros.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status