Share

CHAPTER 03

    “MISS Monica, nandito na po tayo...”

Marahan na bumukas ang mata ng natutulog na si Monica sa back seat ng Mercedes-Maybach Exelero car. Nakahinto na sila sa loob ng beach resort na pagmamay-ari niya. Iyon ang negosyong naisipan niyang itayo nang regaluhan siya ng kaniyang ina na si Valentina ng million pesos noong birthday niya na dalawang taon na ang nakakalipas.

She’s twenty-seven years old at ayaw niyang umasa sa pera ng mommy niya. Gusto niyang kumita ng pera sa sarili niyang pawis at pagod. Hindi lamang siya ang nag-iisang owner ng Montealta Beach Resort and Hotel. Co-owner niya ang kaniyang fiancé na si Ambrose Walters na isang businessman. Nag-invest ito nang malaki sa business niya kahit walang kasiguruhan na magiging successful ang beach resort and hotel niya. Lahat naman kasi ng sabihin niya kay Ambrose ay sinusunod nito nang walang pagtatanong.

Nagsuot muna ng shades si Monica dahil tirik ang sikat ng araw sa labas bago siya bumaba ng sasakyan. Isang mamahaling handbag ang tanging dala niya. Mas lalo siyang tumangkad sa suot niyang six-inch wedge sandals na kulay olive green. Flowy at manipis ang olive green summer dress na suot niya na may mahabang slit sa gitna na kung maglalakad siya ay bahagyang sisilip ang kaniyang panty.

But she doesn’t care kung makita ng iba ang hindi dapat makita sa kaniya. She’s liberated. Ilang taon siyang nanirahan sa Canada at walang pakialam ang mga tao roon kahit anong suot mo kapag nasa public place ka. Doon din pala niya nakilala at naging boyfriend si Ambrose na isang half-Canadian and half-Filipino. Maganda rin ang hubog ng katawan ni Monica kaya naman noong nasa ibang bansa siya ay naging ramp model siya ng isang kilalang brand ng damit. Pero hindi niya iyon ginawa para kumita ng pera. Gusto niya lang iyong pakiramdam na maraming tao ang nakatingin sa kaniya at hinahangaan siya.

Pagpasok niya reception area ay sinalubong siya ng manager ng resort na si Perry na isang out and proud gay. Naroon din ang ilang chambermaids and staffs.

Woody ang theme ng resort niya na may touch of class. Iyong ma-a-at home ang kahit na sino pero may pagka-sosyal pa rin.

“Welcome, Miss Monica!” Magkakasabay na turan ng mga tauhan niya. Lahat ay may ngiti sa labi.

“Hindi na ba tayo kulang sa staff and worker, Perry?” tanong ni Monica.

“Hindi na, Miss Monica. Kumpleto na tayo and we’re so ready sa opening bukas. Okay na po ang lahat. Plantsado na!”

“That’s good to hear. Pero tingnan natin bukas. Ayokong mapahiya sa mga guest ko bukas kaya kapag nagkaroon ng aberya ay ikaw ang sisisihin ko, Perry!” Mahinahon niyang wika ngunit ang tingin niya ay tila manlalamon.

“O-okay po.” Tila natakot na tugon ni Perry.

Pinasadahan niya ng tingin ang mga chambermaid at staff. Presentable naman ang lahat pero isang chambermaid ang kumuha sa atensiyon siya. Hindi niya alam kung dahil angat ito sa lahat o dahil nasa unahang hanay ito. Magkaparehas sila ng tindig, taas at pangangatawan. Pati ang hugis ng mukha ay hindi sila nagkakalayo.

May mga ipinagkaiba rin sila ng babae. Morena ito habang siya ay maputi at makinis. Ang buhok nito ay kulot na makapal at ang kaniya ay tuwid na tuwid. Siyempre, magkaiba rin sila ng mukha. Sa katawan at tindig talaga sila hindi nagkakalayo.

Nilapitan niya ang babae. Naramdaman niya ang kaba nito habang nakatingin siya rito.

“Perry,” tawag ni Monica sa manager ngunit ang mata ay hindi inaalis sa babae.

Tumalima si Perry at nilapitan siya. “Yes, Miss Monica?”

“Sigurado ka ba na hindi pang-front desk itong si...” Binasa niya ang pangalan ng babae sa name plate nito sa dibdib. “Milagros. Hindi ba siya naka-assign sa front desk? Maganda siya, in all fairness.”

“Ay, hindi po. Chambermaid po si Milagros. Saka required po na atleast college undergrad ang receptionist kasi humaharap po sila ng computer. High school graduate lamang po si Milagros. But I agree, maganda po siya. Parang kayo po, Miss Monica!” Humagikhik pa si Perry.

Muli niyang pinasadahan ng tingin si Milagros na parang nangliit na yumuko. Sayang. Maganda sana ito na pambungad sa resort nila. Marunong siyang tumingin ng maganda dahil sa naging trabaho niya noon sa Canada bilang isang modelo.

Ngunit tama si Perry. Nakukuha niya ang punto nito na dapat ay hindi basta maganda ang ilalagay sa front desk ng resort. Malaking puntos pa rin na mahusay gumamit ng computer dahil ang mga ito ang magche-check kung merong reservation ang isang guest o kung anong room ang available.

Pagkatapos niya na humarap sa mga staff ay ti-nour na siya ni Perry sa beach resort. Ang huling pinuntahan nila ay ang dalampasigan. Ilang beses na niya iyong nakita ngunit hindi pa rin nawawala ang pagkamangha niya sa naturang lugar. Kahit hindi gaanong pino ang buhangin ay puti iyon. Napaka linis pa ng dagat.

Sa tingin ni Monica ay handang-handa na talaga ang Montealta Beach Resort and Hotel sa nalalapit nitong pagbubukas!

“SANA all nasabihan ng maganda ni Miss Monica!”

Napapitlag si Milagros nang sundutin ni Apple ang tagiliran niya habang nagpupunas siya sa may lobby ng resort ng mga upuan na naroon. Muntik pa siyang mapasigaw sa gulat. Bago niyang kaibigan si Apple na kagaya niyang chambermaid. Sa hotel sila naka-assign.

Noong araw na nagtanong siya sa guard ng Montealta ay agad siyang nagpasa ng bio-data ng araw din na iyon. Pagkatapos ay in-interview na siya at tinanggap na rin agad.

Pinanlakihan niya ng mata si Apple. “Ano ka ba? Nagtatrabaho ako!”

“Ay, sus! Kunwari hindi siya kinikilig! Hindi mo ba alam na dating model sa ibang bansa si Miss Monica kaya kapag sinabihan ka niyang maganda ay maganda ka talaga!”

“May maganda bang ganito ang kutis? Hindi ako maputi.”

“Napaka luma naman ng pag-iisip mo sa kagandahan, Milagros! Hindi sa kulay ng balat nakikita ang tunay na ganda. Morena beauty is in na ngayon!”

Nagtaka siya nang tinginan siya ni Apple. Pinaikot pa siya nito at tiningnan ang bawat anggulo ng kaniyang katawan.

“O, bakit?”

“Alam mo, magkaparehas pala kayo ng katawan ni Miss Monica, `no. Saka `yong taas ninyo, parehas din! OMG! Hindi kaya... twin sister mo siya?!”

Natawa siya sa tinuran ng kaibigan. “Ano `to? Teleserye? Nagkahiwalay kami noong bata pa kami tapos iyong isa yumaman at ako iyong mahirap? Porket, magkaparehas kami ng hubog ng katawan ay kambal na agad? Tama na ang panonood mo ng soap opera sa gabi, Apple!” Iiling-iling pa siya.

“Basag-trip ka rin, e! Pero sabagay, malayo na magkapatid o magkakambal kayo kasi magkalayo ang face ninyo. Katawan at taas lang talaga.”

“Magtungo ka na nga sa pwesto mo. Mamaya makita ka ni Sir Perry! Yari ka roon. Madamay pa ako, e!” Pagtataboy niya sa kaibigan.

Nang mapag-isa ay napahinto si Milagros sa ginagawa. Naisip niya kasi si Monica. Napaka ganda nito kaya hindi siya naniniwala sa sinabi ni Apple na papasa sila na magkakambal. Ang layo ni Monica sa kaniya. Tila isa itong diyosa na bumaba mula sa kalangitan. Mamahalin ang kasuotan at ang suot na alahas ay alam niyang kailanman ay hindi niya masusuot. Tapos puno ng class ang pagsasalita at maging ang paglalakad nito.

Ang sarap sigurong maging Monica Montealta... Nangangarap na bulong ni Milagros.

HANGGANG sa pagsundo ni Martin kay Milagros ay bukambibig niya si Monica. Ikinuwento niya sa nobyo kung gaano kaganda ang may-ari ng resort and hotel na pinagtatrabahuhan niya. Kung paano ito manamit, kumilos at magsalita. Naglalakad na silang dalawa pauwi sa bahay niya at dahil medyo madilim ay napagdesisyunan ni Martin na sunduin siya.

“Hay, grabe talaga si Miss Monica, Martin! Ang ganda-ganda niya! Nakakainggit ang kagandahan niya. Ang liit-liit ng mukha. Tapos iyong kutis niya ay parang labanos sa sobrang puti!” Walang tigil ang bunganga ni Milagros sa pagpuri sa amo.

“Kahit hindi ko pa siya nakikita, para sa akin ay ikaw pa rin ang pinaka maganda.” Inakbayan siya ni Martin at nang tingnan niya ay kumindat.

“Basta, nagagandahan ako sa kaniya! Tapos alam mo, ang sabi niya dapat ay sa reception area ako. Sa front desk. Maganda raw kasi ako. Biruin mo, sinabihan ako ng maganda ng dating modelo? Nakakatuwa!”

“`Di ba, sabi ko na sa iyo? Mas maganda ka sa lahat!”

Siniko niya sa tagiliran si Martin. “Husto na ang pambobola mo sa akin, Martin!” biro niya. “Pero kinakabahan ako para bukas. Opening na. Simula na nang totoong pagtatrabaho ko sa Montealta!”

“Normal lamang iyang kaba mo, Milagros. Huwag mo lang kakalimutan iyong mga tinuro sa iyo no’ng orientation at training. Kayang-kaya mo iyan. Galingan mo at isipin mo palagi kung bakit ka nagtatrabaho.”

Tumango siya ng isa. “Tama ka. Para sa lupa’t bahay!”

“Ganiyan nga...” Bahagya pang pinisil ni Martin ang balikat niya. “Maiba ako. Hindi mo pa rin ba sasabihin sa pamilya mo na nag-propose na ako sa iyo ng kasal? Na nagbabalak na tayong lumagay sa tahimik?”

Natigilan si Milagros. Napahinto siya sa paghakbang. Nahihiya siyang humarap kay Martin at kahit mahirap ay sinalubong ang mata nito.

Umiling siya. “H-hindi pa. Pasensiya ka na. Hindi sa ayaw kong sabihin sa kanila pero hindi pa kasi ito ang tamang oras para sabihin sa kanila. Alam mo na meron pa kaming pinagdadaanang problema, `di ba? Pagkatapos ng problema namin sa lupa ay sasabihin ko na. Baka kasi isipin nila na masyado akong makasarili kung magpapakasal na ako tapos meron pa kaming iniisip.” Paliwanag niya.

Tumango-tango si Martin. “Ayos lang. Naiintindihan ko. Kaya sana ay matapos na iyang problema ninyo sa lupa para maipagmalaki ko na sa lahat na ikakasal na ako sa pinaka magandang babae dito sa Plaridel. Hindi lang pala rito kundi sa buong mundo— aray!” Napaigik ito nang kurutin niya sa braso.

“`Yan ka na naman sa pambobola mo, e! Kapag ako naniwala sa iyo!”

“Milagros, dapat ay dati ka pa naniniwala. Maganda ka. Ikaw ang pinaka maganda sa lahat. Hindi lang ang panlabas mo ang maganda kundi pati ang iyong kalooban.” Masuyo pang hinaplos ni Martin ang kaniyang mukha.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status