Share

CHAPTER 04

    BAGO tuluyang umuwi sa bahay ay bumili si Milagros ng lutong ulam sa karinderya na nadaanan nila ni Martin para hindi na nila problemahin ang uulamin nila para sa gabing iyon. Sa sobrang bait ni Martin ay ito ang nagbayad ng mga binili niya.

Sinamahan din siya ni Martin hanggang sa bahay nila. Pinapasok niya ito upang makabati sa pamilya niya pero napansin niya na tila hindi maganda ang timpla ng nanay niya. Nakairap ito nang magmano si Martin.

“Pwede bang umalis ka na muna at may pag-uusapan kami ng anak ko?” Malamig na turan ng nanay ni Milagros sa nobyo niya.

“Sige po, tita. Paalis na rin naman po ako. Inihatid ko lang po talaga si Milagros.” Magalang na nagpaalam si Martin sa mga magulang niya at sa huli ay sa kaniya.

Hindi alam ni Milagros ngunit kinakabahan siya at parang may hindi magandang mangyayari.

Nakaupo malapit sa bintana si Martha at matiim ang pagkakatingin sa kaniya. Pinalapit siya nito. Kinakabahan man ay tumalima siya agad. Nang malapit na siya sa ina ay tumayo ito at isang malakas na sampal ang pinadapo nito sa kaliwa niyang pisngi.

Pakiramdam ni Milagros ay humiwalay ang ulo niya sa leeg sa lakas ng sampal na natanggap niya mula sa kaniyang ina. Naluluha at nagtataka siyang humarap kay Martha habang sapo ang namamanhid na pisngi.

“Martha! Hindi mo kailangang saktan si Milagros!” saway ni Fredo.

“Magtigil ka, Fredo! Sa pagkakataon na ito ay ako ang magdidisiplina sa anak mo. Masyado kang naging maluwag sa batang ito kaya nagiging suwail!” bulyaw ng nanay niya sa kaniyang tatay.

Suwail? May nagawa ba siyang mali para matawag ng ganoon? Bakit hindi niya matandaan?

“N-nanay, b-bakit po?” Ang naguguluhan niyang tanong.

May hinugot na isang bagay si Martha sa bulsa ng palda sabay bato sa kaniya. Isang matigas na bagay ang tumama sa dibdib niya. Nalaglag iyon sa kawayang sahig at nang makita niya kung ano iyon ay nanlaki ang mata niya. Ang singsing na ibinigay ni Martin noong nag-propose ito ng kasal!

Paano ito nakita ng nanay niya? Nasa kasuluk-sulukan iyon ng kahon na karton na lagayan niya ng damit. Itinago niya ang singsing at alam niya na kapag nakita iyon ng pamilya niya ay magkakaroon ng pagdudua ang mga ito na nagbabalak na silang magpakasal ni Martin. At nangyari na nga ang kinatatakutan niya.

Isang sampal pa ang pinadapo ni Martha sa pisngi ni Milagros.

“Magsabi ka sa akin ng totoo! Bakit may ganito ka ng singsing?!”

“B-bigay po ni Martin sa akin. Regalo po niya—”

“Milagros!” sigaw ni Martha. “Susunugin sa impyerno ang kaluluwa mo sa pagsisinungaling mo! Ano ang singsing na ito?!”

Napatingin siya sa kaniyang ama. Nakikita niya sa mata nito na nais siya nitong tulungan ngunit takot ito sa nanay niya. Alam nito na mas magiging magulo kapag nakialam ito. Isa pa, ayaw niya rin na madamay ang kahit na sino sa galit ng nanay niya sa kaniya.

Napayuko siya at saka bumuka ang bibig. “I-inaya na po ako ni Martin ng kasal at p-pumayag ako.” Natatakot niyang pag-amin.

“Wala ka talagang utak! Bobo!” Hinablot ni Martha ang buhok niya at ipinagwasiwasan iyon. “Ang tanga mo talaga! Magpapakasal ka kung kailan meron tayong kinahaharap na problema! Mabuti sana kung mayaman ang Martin na iyon! Ano ang maitutulong ng pagpapakasal mo sa lalaking iyon sa atin? Wala! Wala!!!”

“Mahal ko po si Martin—”

“Hindi mababayaran ng pagmamahal na iyan ang lupang ito! Tumigil ka sa katangahan mo, ha. Hindi ka magpapakasal sa lalaking iyon. Humanap ka ng lalaking mag-aahon sa atin sa kahirapan!”

Labis na nasaktan si Milagros sa narinig mula sa sariling ina. “Ganiyan ba kababa ang tingin mo sa akin, `nay? Ako talaga ang gagamitin mo para makaahon tayo sa hirap? M-may puso po ako. Hindi ako bagay na kung ano ang gusto ninyong gawin ay susunod agad ako. Hindi rin po ibig sabihin na inaya na akong magpakasal ay ikakasal kami agad-agad. Naiintindihan po ni Martin na kailangan ko munang tapusin ang problema natin bago kami magpakasal!”

“At ano? Pagkatapos ninyong ikasal? Ano ang magiging buhay ninyo! Parehas kayong mahirap kaya habangbuhay ka ring maghihirap! Kahit ano ang paliwanag mo ay hindi ko tatanggapin, Milagros. Sundin mo ako dahil ako ang nanay mo. Utang mo sa akin kung bakit ka buhay ngayon!”

Wala nang nagawa si Milagros dahil lumabas na ng bahay si Martha. Nanghihina siyang napaupo sa sahig at doon ipinagpatuloy ang paghagulhol. Agad siyang nilapitan ng ama at kapatid.

“Milagros, sundin mo na lang si nanay. Palagi lamang kayong magkakagulo niyan, e,” ani Mirasol habang hinhaplos siya sa likod.

“P-pero mahal na mahal ko si Martin. Hindi ko kaya ang gusto ni nanay na mangyari, ate.”

“`Wag mong pakinggan ang nanay mo. Kung mahal mo si Martin ay siya ang pakasalan mo, anak. Hindi ka magiging tunay na masaya kapag hindi mo mahal ang iyong pinakasalan. Suportado kita, anak.”

“Tatay, t-tulungan mo po ako kay nanay!” Nakakita si Milagros ng kakampi sa katauhan ng tatay niya. Mahigpit niya itong niyakap.

“Kakausapin ko siya. Kahit magalit siya sa akin. Ipapaunawa ko nang mabuti sa kaniya ang punto mo. Tahan na. Huwag ka nang umiyak...” Pag-alo ni Fredo.

LIHIM na napasimangot si Mirasol sa sinabi ng tatay nila sa kapatid niyang si Milagros. Hindi na siya nagtaka kung bakit ganoon ang tinuran ng tatay nila. Paborito kasi ng tatay nila si Milagros dahil sa bunso ito. Itinuturing ng mga magulang nila na si Milagros ang pag-asa ng kanilang pamilya upang makamtam ang magandang buhay.

Ang tingin sa kaniya sa bahay na iyon ay isang pabigat. Isang kabiguan.

Pinag-aaral siya noon sa kolehiyo pero nabuntis siya ng kaniyang boyfriend. Nang manganak at magsama sila sa iisang bubong ay lumabas ang sungay nito. Palagi siyang sinasaktan sa tuwing lasing ito. Ginawa siya nitong human punching bag.

Hiniwalayan niya ito. Bumalik sa poder ng magulang niya kasama ang anak na si Beloy. Ngayon ay hindi siya makapagtrabaho dahil sa kaniyang anak. Abala siya sa pagbabantay at pag-aalaga rito. At ang kawalan niya ng trabaho ang dahilan kung bakit pakiramdam niya ay isa siyang pabigat. Wala siyang naipapasok na pera sa kanilang pamilya.

Para kay Mirasol ay mabuting kapatid si Milagros. Magiliw at mabait ito sa anak niya ngunit hindi niya maiwasan na makaramdam ng inggit. Naiinggit siya kay Milagros dahil para sa kaniya ay marami pa ang maaaring mangyari sa buhay nito. Pwede pa itong yumaman at magkaroon ng magandang pamumuhay. Samantalang siya, pakiramdam niya ay hanggang doon na lamang siya dahil sa pagkakaroon niya ng anak.

Isa pang ikinaiinggit niya ay ang pagiging paborito nito ng kanilang ama. Siya kasi, kahit ang nanay nila ay hindi siya gusto. Mabuti pa si Milagros, kahit isa ay merong may paborito rito. Habang siya ay wala.

ISANG masigabong palakpakan ang namayani na main gate ng Montealta Resort matapos na magupit ni Monica ang malaking ribbon sa harapan. Iyon ang indikasyon na opisyal nang binubuksan ang kaniyang beach resort and hotel. Puno ng kagalakan ang puso niya dahil ilang taon din siyang naghintay para sa moment na iyon.

Nasa tabi niya ang boyfriend and future husband na si Ambrose. Napakagwapo nito sa suot na black polo and black pants. Ilang babae ang nakita niyang tumitingin sa nobyo niya nang may kasamang pagnanasa at paghanga pero hinahayaan niya lang. Hindi siya kagaya ng ibang babae na nagiging tigre kapag tinitingnan ang boyfriend o asawa nila. Kalma lang siya. Alam niya kasi na hindi papatol sa iba si Ambrose dahil kuntento na ito sa kaniya. Panatag ang loob niya sa kaniyang boyfriend.

Sino ba naman kasing babae ang hindi hahanga kay Ambrose? Anim na talampakan ang taas nito at matipuno ang pangangatawan. Maputi ang balat at balbon. Dark gray ang mata, makapal ang kilay, matangos ang ilong at umiigting ang panga. Ang labi nito na medyo makapal ay natural na mapula.

“Congratulations, hon! I am so proud of you!” turan ni Ambrose.

“Thank you, hon! Thank you sa trust mo na mag-invest sa business kong ito!” Tumingkayad si Monica at kinabig sa batok ang nobyo.

Isang matagal at matamis na halik ang pinagsaluhan nila sa harapan ng mga taong naroon. Muli, nagpalakpakan ang lahat. Maya maya ay naghiwalay ang mga labi nila at nagtitigan pa na parang sila lamang ang tao roon.

“HAY! Ang swerte ni Miss Monica, `no? Iyan ang tunay na anak ng Diyos! Mayaman, maganda at may jowang parang Greek God! Diyos ko! Handa akong ialay kahit ang nanay ko para kay Sir Ambrose!” Kinikilig na sabi Apple kay Milagros.

Nasa isang sulok sila at pinanood ang ribbon cutting ng resort. Tama naman si Apple, ubod ng gwapo si Ambrose. Ngunit para sa kaniya ay wala nang mas gagwapo sa nobyo niya.

Bahagya siyang napairap kay Apple. “Mas gwapo pa rin si Martin...”

“Hmp! Alam ko, gwapo ang jowa mo. Pero iba kasi kagwapuhan nitong si Sir Ambrose. Mamahalin. Sosyal. Classy!”

Hindi na nakaimik si Milagros sa paglapit sa kanila ni Perry. Natataranta nitong inutusan sila na i-double check ang mga kwarto sa hotel kung maayos at malinis. Baka raw may kulang na towel o kung ano. Dapat daw ang perfect ang lahat para hindi sila mapagalitan ni Monica.

Agad silang tumalima ni Apple. Sa paglalakad nila ay isang matangkad at slim na babae ang nabangga ni Milagros. Sa tangkad ng babae ay parang nanliit siya.

Nagulat pa siya nang itulak siya nito imbes na tulungan. Muntik tuloy siyang matumba kung hindi pa siya nahawakan ni Apple sa braso.

Estupida!” Nanlilisik ang mga matang sabi ng babae.

Nakasuot ng sexy gold gown ang babae. May telang kulay ginto ang nakabalot sa buhok nito. May edad na ito. Siguro ay nasa 50’s na ngunit ubod pa rin ito ng ganda!

Ang hindi maintindihan ni Milagros ay kung bakit parang abot-langit ang takot na nararamdaman niya sa paraan ng pagkakatingin ng babaeng iyon sa kaniya. Para bang kayang-kaya siya nitong lamunin nang buo!

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status