Share

Chapter Three

CHAPTER THREE

    KANINA pa inaaral ni Gerard ang mukha ni Aldrin at halatang-halata ang mga pagbabago sa pisikal na anyo nito. Kung ang Aldrin na natatandaan niya sa isip ay may pagkapayat, ngayon ay medyo nagkaroon ng laman ang katawan nito na bumagay naman dito. Mas tumangkad din si Aldrin.

Sabagay, anim na taon na rin ang lumipas pagkatapos ng alitan nila mula noong highschool sila.

"How are you, Aldrin?" Si Rovin ang bumasag sa katahimikan.

Maliit na ngumiti si Aldrin sa kanilang dalawa. "I’m fine. Kayong dalawa? I can see that you’re still friends."

"Oo naman. Bestfriends yata kami," may pagmamalaking nakapaloob sa boses ni Rovin at inakbayan pa siya. Tumawa naman si Aldrin sa kanilang dalawa.

Ngumiti siyang alanganin dito at bahagyang tinulak si Rovin. Bumitiw naman ito sa kanya at siya naman ay humarap kay Aldrin.

"...I’m sorry," bulong niya habang nakatitig dito. Naalala niya ang itsura nito noong highschool sila. Nagkulay pula ang puting unipormeng suot ni Aldrin dahil sa dugo mula sa bagok ng ulo nito noon. Hindi man niya aminin, nagkaroon siya ng takot sa dugo dahil doon.

Kung hindi niya pa alam na naging ligtas si Aldrin noong dalhin ito sa ospital, malamang nagkaroon na rin siya ng bangungot gabi-gabi dahil hindi siya patutulugin ng konsensya niya.

Nagulat naman si Aldrin sa sinabi niya. Maging si Rovin ay natahimik at sinulyapan siya at si Aldrin.

"Is this about the incident that happened when we’re in highschool?"

"About that—aray ko!" Magsasalita sana si Rovin noong apakan niya ang paa nito sa ilalim. Binantaan niya ito gamit ang matalim na tingin kaya natahimik si Rovin.

"What happened to you, Rovin?" nagtatakang tanong ni Aldrin. Si Gerard ang umiling para rito at hinarap si Aldrin.

"Ayos lang ’yang si Rovin. Again, I’m sorry, Aldrin. Hindi ko sinasadya ang nangyari dati."

Tumitig sa kanya si Aldrin. Nagulat si Gerard at Rovin noong biglang ngumiti si Aldrin at mahinang humalakhak.

"It’s fine. We’re just teenagers back then and pretty reckless when it comes to fighting. Siguro kung hindi rin nangyari iyon, hindi ako magta-transfer sa ibang school. Hindi ko makikilala ang magiging asawa ko ngayon. So don’t be sorry, guys. Kalimutan na lang natin lahat. I’m alright."

"You’re getting married?" Iyon ang nakakuha ng atensyon ni Gerard. Ngumiti muli si Aldrin at tumango. Napanganga siya at napasilip sa reaksyon ni Rovin. Maging ito, nakaawang ang bibig.

Damn. Siya nagsisimula pa lang sa pag-aartista uli tapos ito ay ikakasal na?

"That’s why I’m also here. Ibibigay ko ang invitation kay JR. Matanong ko pala, nakita n’yo ba si JR?"

"Nandito iyon?" nakasalubong ang kilay na tanong ni Rovin. Agad niyang sinenyasan si Rovin na manahimik dahil baka makahalata si Aldrin na may kung ano.

Mula pa dati, mainit na rin ang dugo ni Rovin kay JR. Siguro ay dahil alam nito ang kaugnayan ni JR sa kanya kaya tuwing nakikita nito si John Raven, nauuwi sa simangot ang mukha ni Rovin.

"Why? Is there a problem?" nagtatakang tanong ni Aldrin. Si Gerard ang umiling at muling sinipa ang paa ni Rovin sa ilalim ng mesa. Masama itong tumingin sa kanya ngunit patay malisya si Gerard.

"Wala. Nagulat lang itong si Vin," aniya.

Tumango-tango si Aldrin kahit bakas sa mukha nito ang pagtataka. Sandali itong natahimik at noong parang may naisip ito, tumingin ito sa kanya.

Uminom muna siya ng Gatorade bago sinulyapan si Aldrin na mukhang may sasabihin sa kanya. "Hmm? May sasabihin ka ba?"

"Magkaaway ba kayo nila Je? Dahil ba sa aksidente dati?" Ang Je na tinutukoy nito ay si JR.

Magsasalita pa sana si Gerard para itanggi iyon nang mauna si Rovin na kumibo. "Gago iyong kaibigan mo. Hindi mo ba alam na na-bully si Gerard dahil kay JR?"

"Rovin..." sita niya rito. Siya naman ang pinandilatan ng mga mata nito na kinatahimik niya.

Iyon ang isa sa ayaw niyang balikan. Ayaw ni Gerard na maalala na naging outcast sila ni Rovin noong nalaman ng mga classmates at schoolmates nila na sila ang dahilan kung bakit naospital at nag-transfer out si Aldrin.

Dahil maraming tagahanga sa school si Aldrin, noong umalis ito, maraming nagalit kay Rovin at Gerard. Lalo na kay Gerard dahil siya ang tinuturong nanakit kay Aldrin. Nariyang may bigla na lang babatuhin sila ng binilot na papel mula sa malayo. Meron ding maglalagay ng b****a sa locker niya. At ang pinakamalala para sa kanya, ang pagturing sa kanya ng mga tao sa paligid na para lang siyang hangin.

Yes, they don't hurt him physically but they made him suffer more by treating him like shit. It's mentally exhausting that time. 

May iilan silang kaklase na kumakausap sa kanila ni Rovin noong una ngunit dahil napagsasabihan din ito ng mga taong galit sa kanila, tanging sila lang ni Rovin ang naging sandigan ng isa’t-isa noong mga oras na iyon. 

Maraming beses nang gustong umamin ni Rovin ngunit panay siyang pigil. Sabi pa ni Rovin, kung alam lang daw nito na siya ang sasalo ng lahat ng sisi, umamin na ito noong una pa lang. Minsan na nagsabi ng totoo si Rovin pero hindi rin pinaniniwalaan at nasabi pang prinoprotektahan siya.

At sa tuwing nakakasalubong nila sa daan ang barkada ni Aldrin, panay ang paninisi ng mga ito na dahil sa kanya kaya umalis doon si Aldrin. Minsan pang nagsuntukan talaga sila ni JR at nadala sa principal's office dahil hindi niya makayanan ang pagpaparinig nito.

Dahil may record na nga siya sa pananakit, siya ang nadiin noon. Hindi naman niya tinanggi ang pinasukang gulo dahil talagang nakipag-away siya kay John Raven.

After that scuffle with John Raven, Gerard’s parents decided to withdraw him from that school. Dahil hindi niya maiwan doon si Rovin, nanghingi siya ng tulong sa mga magulang na pondohan ang scholarship ni Rovin at makasama niya ito kung lilipat. 

Sigurado kasi si Gerard sa oras na maiwan doon si Rovin, ito ang sasalo ng gulo na iiwan niya na ayaw naman niyang mangyari. Iyon ang kondisyon niya para pumayag na lumipat ng school. Mabuti na lang at umoo ang mama niya kaya naisama niya ang kaibigan.

"Hindi nanakit ng pisikal ang mga kaibigan mo, Aldrin, pero grabe silang magsalita kay Gerard. Kung tutuusin hindi naman talaga siya—"

"Rovin!" sigaw niya sa pangalan nito para pigilan sa sasabihin. Ayaw niyang isiwalat nito ang totoo kay Aldrin. Ang dahilan niya, para saan pa? Nangyari naman na ang lahat at kahit naman sabihin ni Rovin na ito ang tumulak kay Aldrin, walang magbabago. Sangkot pa rin naman siya sa gulo na nangyari dati kahit hindi man siya man ang tumulak kay Aldrin.

Nagpalipat-lipat ng tingin si Aldrin sa kanilang dalawa at malalim na napahinga na lang si Gerard. Isa pang seryosong tingin ang ginawad niya kay Rovin upang tumahimik ito. Napabuga na lang hangin si Rovin at sumandal sa kinauupuan.

"I didn't know that happened when I left. Ako na hihingi ng dispensa sa nagawa nila JR. I know they didn't mean it."

"I mean it."

Dahil sa boses na narinig, napatingin si Gerard sa pinanggalingan noon at ang papunta sa direksyon nila na si JR ang nakita niya. Lumapit ito kay Aldrin at huminto sa may likuran nito.

"Why are you talking to them? Nakalimutan mo na ba ang nangyari dati?" kunot-noong tanong nito sa kaibigan. Bahagyang ngumiwi si Aldrin at sinulyapan siya.

"We're cool. Matagal na iyon, Je. Kalimutan mo na. Mga bata pa tayo noon. ’Tsaka nag-sorry na si Gerard."

Walang ekspresyon na tumingin si JR sa gawi ni Gerard at gumuhit ang pang-uuyam sa labi nito. Dahil nakita iyon ni Rovin, napatayo ito at dinuro si John Raven.

"Ano 'yang tinging 'yan, ha?"

Lumipat ang tingin ni John Raven dito at nagsalita.

"I'm just thinking... ngayon n’yo lang naisipan na mag-sorry kay Aldrin pagkatapos ng ilang taon. Ano, para kung may makaalam man ng kasalanan ninyo sa susunod, sasabihin n’yo sa tao na ayos na? Wow." Sinulyapan nito si Gerard. "That won’t erase that you almost killed someone."

Sinasabi ba nito na dahil balak niyang mag-artista, ngayon niya lang naisipang humingi ng tawad para hindi sumama ang pangalan niya sa mga tao? Ngina. Parang sinasabi nito na pakitang tao siya, a?!

Masamang tingin ang binato niya kay John Raven at lalo lang lumaki ang ngisi nito at may panghahamon na nababanaag sa mga mata.

"Why are you looking at me like that? I'm just telling the truth. You almost killed someone, Gerard," ulit pa nito.

Nakagat ni Gerard ang loob ng bibig para pigilan ang sarili na sigawan ito. Ayaw niya ng away kaya’t hanggat kaya, hindi niya iintindihin ang mga sinasabi ni JR kahit na nasasaktan siya sa mga akusasyon nito.

"Gago ka, a! Bawiin mo ang sinabi mo tungkol kay Gerard!" Napasugod si Rovin sa direksyon ni JR kaya't mabilis na hinawakan niya sa braso si Rovin. Noong tumingin ito sa kanya, iniling-iling niya ang ulo.

Si Aldrin naman ay hinatak palayo si JR habang sinisita ito. "Gerard, Rovin, we're going. I had a nice chat with you, guys. Hope to meet you again. Bye!"

Tinanguan niya si Aldrin at tumango ito pabalik.

"Aldrin—"

"You shut up, John Raven!"

Nakalayo na ang dalawa ngunit gusto pa ring humabol dito ni Rovin kaya mahigpit pa rin ang kapit niya sa kaibigan. Noong wala na sa paningin sila Aldrin, ’tsaka ni Gerard pinawalan ang pagkakahawak dito.

"Bakit hindi mo 'ko hinayaang masapak lang ang gagong iyon?! Kung anu-ano na sinasabi sa'yo tapos hinahayaan mo lang?" Hinarap siya ni Rovin at nagreklamo.

"Rovin, malaman man nila o hindi ang totoo, badtrip pa rin naman sila sa atin," paliwanag niya.

"Ewan ko sa'yo!" Tinalikuran siya nito at naglakad palayo. Humabol naman si Gerard sa kaibigan.

"Where are you going?"

"Malayo sa'yo kasi masarap ka ring sapakin!"

Tinawanan na lang niya si Rovin.

𖦹𖦹𖦹

Napunta sila sa male comfort room nang sinabi ni Rovin na kailangan itong gawin. Habang ginagawa nito ang business nito, naghilamos naman si Gerard at nang matapos, napatitig siya sa salamin. 

Hanggang ngayon, gumugulo pa rin sa isipan niya kung bakit napakalaki ng galit sa kanya ni John Raven? May ginawa ba siya rito na hindi niya alam?

Pero dapat nga, siya ang magalit kinalimutan nito na naging magkaibigan sila dati. Tapos ito pa ang may ganang magpakita ng magaspang na ugali kapag nagtatagpo ang landas nila?

Ngunit naisip ni Gerard, baka kasi hindi siya mahalaga rito. Kasi kung oo, maaalala siya ni John Raven kahit paano. But that dumb guy clearly didn't.

Just forget about it, Gerard. If he already forgot about you, do the same. Quit wallowing in sadness!

Malalim siyang humugot ng hininga at binuga iyon. Muli, naghilamos siya upang mahimasmasan. Lumabas naman ng cubicle si Rovin at nakitang tulala si Gerard sa harap ng salamin.

"Ger," tawag nito sa atensyon niya.

Bahagya niyang ginalaw ang ulo at nilingon si Rovin. Lumapit ito at naghugas ng kamay sa lavatory at sinulyapan siya.

"Dapat talaga, hinayaan mo kong sabihin kay Aldrin at JR na ako ang may kasalanan ng lahat, e. Ako ang tumulak kay Aldrin."

Mahina siyang natawa. Hanggang ngayon din pala, hindi pa rin nawawala sa isip ni Rovin ang nangyaring gulo kanina.

"Hayaan mo na. Sinapak ko rin naman dati si Aldrin. Nagkataong naitulak mo lang siya at nabagok ang ulo ni Aldrin. Even if you didn’t push him that time, magkakagulo pa rin."

Nagsalubong ang magkabilang kilay nito at tinangka siyang batukan. Mabuti na lang ay nakaiwas si Gerard at tinawanang muli ang kaharap.

"Tapos tatawa-tawa ka lang? Gago ka talaga, e! Ikaw ang sinasabihan ng kung anu-ano ng JR na iyon tapos parang ayos lang sa’yo? Ginawa ka pang killer!"

Nagpamulsa siya at naglakad papunta sa pinto. "Anong gusto mong maging reaksyon ko? Kung iyon ba ang tingin niya sa akin, e. Hindi ko mapipilit na magustuhan ng taong ayaw sa akin."

"Pero hindi mo ba sasabihin sa kanya na—"

He creased his forehead and glared at Rovin’s direction. "Stop bringing that up."

Nakita ni Rovin na seryoso siya kaya tumahimik din ito. "...Sorry, Gerard. Tara na nga. Baka hinahanap na tayo ni Manager Ken."

Nauna siyang lumabas ng banyo at sumunod naman ito sa kanya. Walang kamalay-malay si Gerard at Rovin na may taong nakikinig sa pag-uusap nilang dalawa.

Nang makaalis ang dalawa, lumabas naman sa cubicle si John Raven at nahulog sa malalim na pag-iisip. Narinig nito ang lahat ng naging pag-uusap ni Gerard at Rovin. Sinulyapan nito ang pinto at saka nailing ang ulo.

𖦹𖦹𖦹

Para mawala ang agam-agam na nararamdaman, nagdesisyon si Gerard at Rovin na maglakad-lakad sa kung saan-saan. Maaga pa naman at dahil maulap ang kalangitan, hindi masakit ang sinag ng araw sa balat.

Si Manager Ken ay tinawagan pala ng asawa nito at may emergency daw kaya hindi kaagad sa kanila ni Rovin nakapagpaalam. Panay pa naman sila hanap, iyon pala ay kung saan na ito nakarating.

Habang naglalakad, nakakita si Gerard ng water fountain na napapaligiran ng mga bench. Dahil medyo nakakaramdam na rin siya ng pagod, inaya niya si Rovin na doon muna sila.

"Pagod ka na ba? Dapat kanina ka pa nagsalita para nakaupo na tayo agad," anito.

"Ngayon pa lang naman. ’Tsaka saan tayo uupo kanina kung inaya kaagad kitang umupo? Sa kalsada? Eto lang ang malapit na mini park dito. Puro fitness gym at cafés ang nakatayo rito."

"Edi bili tayo ng kape tapos tumambay. Mahina ka rin, Ger," natatawang sansala nito.

"Gago. Tara na, upo na. Mamayamaya, uuwi na rin tayo. Let’s just rest for awhile, okay?"

"Okay."

Umupo nga sila sa bench na bakante. Nang makaupo, nilapat ni Gerard ang likod sa upuan at nilatag ang may kahabaan niyang nga binti para maiunat iyon. Damn. He’s kinda tired right now.

"You want a drink? Naubos mo na ’yong gatorade mo," untag sa kanya ni Rovin. Nahalata nito na medyo pagod nga si Gerard.

"Buko juice or bottled water siguro."

"Sige, bibili ako. Hintayin mo ’ko rito. Pahinga ka muna."

Umalis si Rovin at si Gerard naman, sandaling pinikit ang mga mata. Inaantok siya dahil maaga siyang gumising kanina para pumunta pa sa bahay ng mga magulang at kunin ang character script na kailangan para sa audition piece kanina. Nag-brainstorming din siya kung paano niya bibigyang buhay si Kylex sa maikling panahon na binigay sa kanya.

Ngayon tuloy, pagod na pagod siya. Hindi sa pisikal na aspeto pero sa mental. Umarte ba naman siya muli pagkalipas ng limang taon. Napilitan siyang alalahanin ang mga inaral niya dati.

Good thing that he didn’t mess up his acting. After resting his mind for a while, Gerard slowly opened his eyes and the first thing he saw was the two boys a few meters away from him. They are chasing each other and having so much fun.

Suddenly, he remembered John Raven and him when they’re kids. Mahilig itong makipagtaguan sa kanya at siya ang palaging taya, pero dahil mabilis siyang maligaw at kung saan-saan sumusuksok, ito tuloy ang naghahanap sa kanya sa huli.

John Raven was his first friend. Sobrang payat niya kasi noong bata at parating nabu-bully kaya ilag siya sa mga batang kaedaran. Si John Raven lang ang medyo makulit na dumidikit sa kanya at dahil sabik din siya sa kaibigan noong bata, mabilis niya itong naging kaibigan.

Tumagal iyon ng halos dalawang taon. Naputol lang ang lahat noong kunin siya pabalik ng mga magulang mula sa biological mother niya. Hindi si Gerard nakapagpaalam nang maayos kay JR pero hindi nawala sa isip niya ang kaibigan. Kaya nga hinanap niya talaga ito. 

Pero noong makita niya uli si John Raven, unang paglapat pa lang ng mga mata nito sa kanya, dama na niya ang pagkadigusto nito. Iyong lakas ng loob niya sanang magpakilala bilang kababata nito ay naghalo. At iyong dati niyang kasundo na si JR, napalitan ng JR na madalas ay nakasinghal sa kanya. 

Now, Gerard doesn’t want to be his friend again. He just wanted know why the other treated him like that. He didn’t do anything wrong to deserve his ire. But he guessed that will never be answered since he doesn’t have the guts to question John Raven. A sudden ringtone woke Gerard up from his trance state. He lightly shook his head to clear his mind a little and fished out his ringing phone from his pocket.

Nakita niya sa incoming call na ang daddy niya ang tumatawag sa kanya. Ini-slide niya kaagad pakanan ang phone icon para masagot iyon.

"’Lo, Dad?"

"How’s your audition? Did you pass?"

"I’m still waiting for the result. I think I did great. But that’s me. I don’t know if I left an impression on Direk Tony, Dad. Well... I hope I’ll get the role."

"You will. You’re my son, I know you." May himig ng panunukso sa tinig nito. Pero hindi matatakpan n’on ang pagmamalaki sa kanya sa boses.

Natawa siya pagbubuhat ng ama sa kanya. Kahit kailan talaga, madalas siyang purihin ng daddy niya at mama na minsan, pakiramdam niya ay inuuto na siya.

"Paano pala kung may mas magaling sa akin, Dad? Matagal akong huminto sa pag-aartista. And honestly, I don’t know if I’m ready for this. It overwhelms me."

Sandaling natahimik ang tao sa kabilang linya. Naghintay naman si Gerard ng sasabihin nito. Hindi nga siya nagkamali noong sumeryoso ang boses ng ama.

"Gerard, son, I know you. You want this. You dream to become an actor. This is the first step you need to take. You may feel afraid at first but you’ll get use to it. This is your dream, don’t be afraid to reach for it. I know you’re great."

Humigpit ang kapit niya sa phone. Malalim siyang huminga at pinawalan iyon. "Thanks, Dad. I’m calm now."

"Now you do. You just want to hear a pep talk from me, right?" Natawa ang kausap niya maging siya. Naligaw sa kung saan-saan ang pag-uusap nila. Kung hindi lang tinawag ang daddy niya ng direktor, alam niyang hahaba pa sana ang usapan nila.

"Take care of your mother and sister, alright? And you, too. Drink a lot of water and avoid staying awake late at night," bilin nito.

"Yes, ’Dy. Ikaw din po, ingat. Sige, ’Dy, baba mo na. Tawag ka na po."

"Okay okay. And, Gerard?"

"Po?"

"Even if you don’t get the role, I’m still proud of you. Remember that we’re here for you."

When he heard that, Gerard smiled. "Thanks, Daddy. Ingat ka po. I will inform Mama that you called me."

Binaba rin naman nito ang tawag pagkatapos at siya naman ay pinasok uli ang phone sa bulsa. Nilibot niya ng tingin ang paligid dahil wala pa rin si Rovin. Saan na napunta ’yon? Nadaganan ng buko juice?

Kakalingon niya sa kung saan-saan, natagpuan niya rin ang hinahanap. Nag-jog si Rovin papunta sa direksyon niya bitbit ang may kalakihang plastic cup na may lamang juice.

Noong makalapit, hinihingal na inabot nito ang hawak sa kanya. Kinuha naman ni Gerard iyon bago mabilis na kinapa ang bulsa kung may panyo ba siyang dala. Mabuti at may dala siya kaya mabilis niya iyong inabot dito.

"Punasan mo ’yang mukha mo. Mukha kang yagit," aniya.

Sinamaan siya ng tingin ni Rovin. "Salamat, ha?" sarkastiko nitong sagot. "Pagkatapos kitang ihanap ng buko, lalaitin mo pa ako. Bakit nga ba ako pawisan? Sinong dahilan?"

Natawa siya. Kinuha naman ni Rovin ang panyo at pinunasan ang tagaktak nitong pawis sa mukha hanggang leeg. Sumimsim siya sa plastic cup at agad na nalasahan ang manamis-namis na buko. 

Mayamaya ay tiningnan niya si Rovin at nagtanong. "Bakit ang tagal mo?"

"Naghanap nga ako ng buko. Kasasabi ko lang, e."

"Pasensya naman. Galit ka na n’yan?" Pinaikutan siya ng mga mata ni Rovin at inagaw ang nainuman na niyang cup.

"Painom nga! Ako naman bumili nito, e."

"May sinabi ba akong ako ang bumili?"

"Siraulo," singhal nito sa kanya.

Hinayaan na niya na si Rovin ang umubos ng binili nitomg buko dahil tingin niya, mas kailangan nito ang inumin na hawak nito. Mas mukhang uhaw, e.

Nabalik muli ang tingin ni Gerard sa dalawang bata na hanggang ngayon ay naghahabulan pa rin paikot sa water fountain. Nang makita ni Rovin na naroon nakapako ang mga mata niya, sumama ang mukha nito.

"Ano, nami-miss mo na naman iyong JR na iyon? Masokista ka yata, e."

Mabilis siyang umikot at hindi malaman kung anong ekspresyon ang gagawin. Sino namang nagsabi na nami-miss niya si John Raven? Iyong taong ’yon? Huwag na, salamat na lang. Minsan nga gusto niyang sapakin ang mukha n’on, e. Ang bait-bait noong mga bata pa sila tapos ngayon tinubuan ng sungay ang tarantado.

"Sira ka ba? Bakit ko naman mami-miss? Gago ba ako? Hindi, a."

"Hindi mo miss pero naiisip mo?" Hindi siya nakasagot. Napailing si Rovin.

"Badtrip ka minsan, alam mo ’yon? Ako na kaibigan mo tapos panay kang isip sa JR na ’yon. Ikaw ang bestfriend ko tapos ako yata, hindi."

Napangiti si Gerard kasi mukhang batang nagtatampo si Rovin. Inakbayan niya ito at ginulo-gulo ang buhok.

"Selos ka, p’re? Ikaw na bestfriend ko, oy. Ikaw na nga madalas kong kasama, e. Ang matampuhin mo naman."

Tinulak siya ni Rovin. "Siraulo. Ang point ko kasi, hindi ka na naalala n’ong gagong iyon. Sa susunod, huwag mo akong pigilan. Tagal ko nang gustong sapakin ’yong JR na ’yon, e."

Sinipat niya ng tingin mula ulo hanggang paa si Rovin. "Hahayaan na kita kapag kaya ng katawan mo. Baka isang suntok lang sa’yo ni JR, bagsak ka na, e. Sa laki ng katawan ni JR? Hindi mo yata kaya."

Mabilis ang kamay na nakabatok sa kanya si Rovin. "Adik ka, ha?! Nagwo-workout na ako! Sa susunod talaga, mapapatumba ko na ’yon!"

Hindi na lang si Gerard nagsalita ngunit nakapinta naman sa mukha niya na hindi siya naniniwala sa sinasabi nito. Halos umusok naman ang ilong ni Rovin dahil sa ekspresyon niya.

Nakataas na ang kamay nito sa ere at ready naman siyang umiwas sa gagawin nito nang tumunog muli ang phone sa bulsa niya.

"Teka, teka," senyas niya kay Rovin. Sumeryoso ito at umupo sa tabi niya.

Hinugot niya iyon at sinagot. "Hello?"

"Is this Gerard Alvarez?"

"Yes, speaking. Who’s this?"

"Hello, Mr. Alvarez. This is Annie, the assistant of Direk Tony. I want to inform you that the director is satisfied by your performance and wants you to take the role of Kylex. Are you free tomorrow for possible contract signing?"

Makailang ulit siyang napalunok. "S-Sure? I... I got the role?"

"Yes, hundred percent sure, Mr. Alvarez." Parang nararamdaman ni Gerard na nakangiti ang babae sa kabilang linya.

"T-thank you so much." Iyon lang ang nasabi niya dahil hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Blangko pa rin ang isip niya bukod sa kaalamang nakuha niya ang role!

"After this call, I’m going to text the place and time for the appointment tomorrow. Nice chatting with you, Mr. Alvarez. Bye."

Ilang segundo pa yata na nakatulos lang sa kinauupuan si Gerard kaya bahagya siyang tinulak ni Rovin.

"Sino iyon?"

Tumingin siya kay Rovin. "R-Rovin..."

"Bakit?"

"Nakuha ko raw..."

"Anong nakuha mo?" Salubong ang magkabilang kilay nito.

"I-I got the role, Rovin. I got the role!"

Nanlaki ang mga mata nito at unti-unting gumapang ang ngisi sa mga labi. "T-talaga?!"

Sa sobrang excitement, niyakap niya si Rovin. "’Vin, I got the role!"

Hindi naramdaman ni Gerard ang biglaang paninigas ni Rovin dahil sa ginawa niya.

"C-Congratulations, Ger," nanginginig ang boses nito na hindi napansin ni Gerard.

𖦹𖦹𖦹𖦹𖦹

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status