Share

KABANATA 02

Alas-dos na ng madaling araw, ngunit hindi pa rin magawang makatulog ni Isabella sa dami ng pumapasok sa isip niya. Maingat siyang bumangon at bumaba mula sa kaniyang kama. Mahimbing ng natutulog ang dalawang kasambahay na kasama ni Isabella sa kuwarto kaya dahan-dahan siyang kumilos palabas ng kuwarto nila. 

Tanging liwanag lamang mula sa labas ang nagbibigay ng ilaw sa madilim na pasilyong nilalakaran ni Isabella. Malaki at bilog na bilog ang buwan ngayon, tumatagos ang liwanag nito mula sa salaming bintana papasok sa loob ng mansyon dahilan para marating ni Isabella ang kusina nang walang kahit na anong nagagawang ingay. Kumuha siya ng baso at pinuno ito ng tubig upang ito'y kaniyang dire-diretsong inumin.

" Hindi ka makatulog? " halos mapatalon si Isabella sa kinatatayuan niya nang marinig ang boses ni Catriona mula sa likuran niya. Nilingon ito ni isabella at nakitang may hawak itong baso na may kalahating laman na gatas.

" K-Kanina ka pa rito? " tanong ni Isabella ngunit tinaasan lamang siya ng isang kilay ni Catriona. Pinunasan na lamang ni Isabella ang baba niya dahil sa tumapon na tubig sa kaniya nang magulat siya. Binuhos na rin niya sa lababo ang natirang tubig sa baso at hinugasan na rin bago ito ibalik sa lagayan. Binalik niya ang tingin kay Catriona. " M-Mauna na ako..."

" Sa totoo lang, labag sa loob ko na ipagamit ang pangalan ko sa'yo, Isabella. " Lumakad si Catriona patungo sa gilid ng lababo upang sumandal. " Pero wala akong ibang pagpipilian dahil ayokong matali sa isang matandang hukluban. Wala kang dapat ikalungkot dahil mayaman naman ang mga Castellano. Kayang-kaya mo ng makuha ang lahat ng gusto mo, iyon ay kung gagalingan mo sa pagpapaamo. "

Piniling hindi magsalita ni Isabella.  Pinanood lamang niyang bumungisngis si Catriona na ilang saglit lang ay tumigil rin nang mapansing walang epekto kay Isabella ang binitawang salita. Tumikhim ito at inalis ang tingin sa kapatid bago ibinuhos ang gatas niya sa lababo. 

" Galingan mo na lang ang pagpapanggap dahil kapag nahuli ka nila, siguradong malilintikan ka sa mga Castellano. Ikaw ang unang mananagot dahil naroon ka na sa poder nila." Tumingin muli si Catriona kay Isabella. " Huwag kang sumimangot. Sanayin mo ang mukha mo na laging nakangiti dahil iyon si Catriona. Ayusin mo rin ang kilos at pananalita mo. Lagyan mo ng class. Huwag mong gawing katawa-tawa ang imahe ko dahil sa oras na madungisan mo ang pangalan ko, ingungudngod ko ang pagmumukha mo sa putik. Maliwanag ba? "

Upang hindi na humaba ang diskusyon, tahimik na lamang na tumango si Isabella bilang pagsang-ayon sa sinabi nito. Batid niya na wala siyang laban kay Catriona dahil bata pa lamang sila, wala ng ibang ginawa si Isabella kundi ang sumunod sa lahat ng utos ng kapatid niya. Hindi puwedeng hindi sumunod si Isabella dahil may mga pagkakataon na sinasaktan ito ni Catriona. Alam ng lahat ng tao sa mansyon kung anong totoong pagkatao ni Isabella pero isang kasambahay lamang din ang trato nila sa dalaga kagaya ng utos ni Doña Leticia.

Sa buong magdamag ay hindi na nagawang makatulog ni Isabella. Ilang beses sumagi sa isip niya na tumakas pero wala siyang ibang matutuluyan dahil wala naman siyang kaibigan. Labis ang pag-aalala niya dahil sa oras na magpakita ang araw, tapos na ang tungkulin ni Isabella sa mga Bustamente dahil ibang pamilya naman ang pagsisilbihan niya. 

" Ayusin mo ang sarili mo. Hindi ka makikipaglibing kaya walang dahilan para umiyak ka nang ganiyan. " Matigas na wika ni Don Hector sa anak nang makita ang pagbagsak ng luha ni Isabella. " Mayamaya lang ay narito na ang susundo sa'yo. Tandaan mo ang mga ibinilin ko. Huwag na huwag kang gagawa ng ikapapahamak ko dahil sa oras na sabihin mo kung sino ka talaga, wala ka ng babalikan pa rito. "

Mariing napalunok si Isabella. " P-Paano po kung sila mismo ang makaaalam na hindi talaga ako si Catriona? "

" Puwes huwag kang gagawa ng katangahan para hindi ka paghinalaan. Tandaan mo, hindi ikaw si Isabella at wala akong ibang anak na Isabella ang pangalan. Ikaw ngayon si Catriona, ang unica hija ng pamilyang Bustamente. Malinaw ba sa'yo? "

" Malinaw po..." Pinunasan ni Isabella ang pisngi niya. Hindi niya alam kung maayos pa ba ang mga kolorete na nilagay sa mukha niya dahil sa mga kumakawalang luha sa kaniya dulot ng lungkot, takot at pagkabahala.

" Bakit umaarte 'yan? " tanong ni Doña Leticia na kabababa lamang sa salas. Dumiretso siya sa gawi ng dalawa at pinasadahan ng tingin si Isabella mula ulo hanggang paa." Huwag mong sayangin ang ayos mo. Ngayon ka nga lang nagmukhang tao, iiyak ka pa. Ngumiti ka! "

Nanginginig ang labi ni Isabella na ngumiti sa harap ng kaniyang ama at madrasta. Sa ginawa niya, tila lalong naipon ang luha sa kaniyang mga mata, ngunit bago pa may muling bumagsak na luha, dumating ang mayordoma at ibinalita ang pagdating ng sasakyan sa labas. 

" Nariyan na sila. " Hinawakan ni Don Hector sa braso si Isabella at iniharap ito sa kaniya. " Huwag mong kalilimutan ang mga pinag-usapan natin. Maging masaya ka na lang dahil hindi ka na maghihirap dito sa poder ko. Ituring mong isang biyaya ang mangyayari sa'yo dahil isang mayaman ang mapapangasawa mo. "

" Mapapangasawa? " Gulat at pagtataka ang gumuhit sa mukha ni Isabella. " Ibig niyong sabihin, pakakasalan ko rin iyong taong pinagkakautangan ninyo? "

" Aba, nagtatanong ka pa, ha? " Kumawala ang sarkastikong tawa mula kay Doña Leticia. " Ano naman ngayon sa'yo kung iyon nga ang gagawin mo? Para namang makakaatras ka pa? "

" Pero ang sabi niyo po saakin kagabi—"

" Huwag ka ng magsalita. Hindi namin kailangan ng opinyon mo, " tila naaalibadbaran na sambit ni Doña Leticia saka binaling ang tingin sa asawa. " Ihatid mo na iyan sa labas, Hector. Umagang-umaga, ayokong masira ang araw ko. Palayasin mo na 'yan. "

Gustong magsalita ni Isabella pero tila nawalan siya ng boses. Buong akala niya ay dadalhin lamang siya sa mga Castellano bilang kabayaran sa utang, subalit hindi nabanggit sa kaniya na kailangan rin pala niyang pakasalan ang pinagkakautangan ng kaniyang ama. Pakiramdam niya'y nabuhay lang siya para pagbayaran ang mga kasalanan ng magulang niya.

" Catriona, anak, mahal na mahal ka ni Papà. Patawarin mo ako kung kailangan kong gawin 'to sa'yo, pero pinapangako ko, kukuhanin kita sa oras na magkapera na 'ko... " Naluluhang wika ni Don Hector kay Isabella bago ito bigyan ng isang mahigpit na yakap. Saglit niyang tinapunan ng tingin ang dalawang taong nag-aabang sa labas ng sasakayan bago bumitaw sa pagkakayakap sa anak niya na kahit anong pigil ng emosyon, tuloy-tuloy pa rin ang pagbasak ng mga luha. Tumikhim ang Don upang kuhanin ang atensyon ng dalawang lalaki. " K-Kasama niyo ba sa loob ng sasakyan si Don Castellano? "

" Hindi po namin kasama ngayon ang Don. May kliyente itong kailangang kitain ngayong umaga kaya kami lang ang nakapunta sainyo, " sagot ng isang lalaki. Napatango na lamang si Don Hector bago balingan ng tingin si Isabella.

" Catriona, anak ko. Patawarin mo sana ang Papà. Hindi ko 'to gustong gawin pero wala akong ibang pagpipilian..." Binalak muling hawakan ni Don Hector ang anak ngunit nagulat siya nang umatras ito palayo sa kaniya. 

" Wala po ba talaga, Papà? " Makahulugang tanong ni Isabella dahilan para hindi agad makaimik ang kaniyang ama. Pinunasan ni Isabella ang pisngi bago lumingon sa dalawang lalaking sumusundo sa kaniya. Wala pang lumalabas sa bibig niya pero binuksan na ng lalaki ang pinto ng sasakyan. Agad namang sumakay si Isabella, hindi na kayang sikmurain ang ka-plastikan na pinapakit ng kaniyang ama. 

***

Sa kabila ng bigat ng nararamdaman ni Isabella, hindi niya maiwasang hindi humanga habang nakatingin sa malaking mansyon na pagmamay-ari ng Castellano. Kulay krema ang pintura ng kabuuan ng mansyon at pula ang kulay ng bubungan. Mayroon itong dalawang palapag at ang napakalaking balkonahe sa harapan ay napapalibutan ng mga bulaklak at halaman. Pabilog ang hugis ng barandilya, animo'y kapag nakapuwesto ka roon ay magmumukha kang prinsesa o isang reyna na kumakaway sa mga mamamayang iyong nasasakupan. 

" Señorita, pasok na po tayo sa loob? " Napatingin si Isabella sa kumuha ng bagaheng dala niya. " Ako na po ang magdadala ng mga gamit niyo. Ilalagay ko po ito sa magiging kuwarto ninyo."

Hindi alam ni Isabella kung anong dapat na maramdaman sa pagtrato ng mga taong ito sa kaniya dahil sobrang laki ng pagkakaiba sa nakasanayan niya. Sa kauna-unahang pagkakaton, may tumawag sa kaniyang 'Señorita'. Nakapagsuot rin si Isabella ng isang magara at mamahaling bestida na galing pa kay Catriona. Kulay puti ito na napapalibutan ng mga disenyong bulaklak. May manipis na sinturon sa bandang baywang na nagpahapit sa hubog ng kaniyang katawan. Inayusan rin siya upang mag mukhang presentable sa harap ng taong kukuha sa kaniya. Tinawag siyang anak ng kaniyang ama at nagawa rin niyang tawaging ama ang taong dahilang ng sakripisyo niya. Ngayong nasa poder na si Isabella ng mga Castellano, hindi niya alam kung ano bang dapat niyang asahan sa mga ito. Sanay na si Isabella sa hirap at pagmamalupit ng mga Bustamente, kaya kung ano man ang naghihintay sa kaniya sa loob ng mala-palasyong bahay na ito, wala siyang ibang nakikitang paraan kundi ang magtiis.

Sa silid-kainan dinala si Isabella upang mag umagahan sa isang parihabang mesa. Wala siyang kasamang kumain at hindi niya maiwasang makaramdam ng pagkailang dahil pinagsisilbihan siya ng mga kasambahay na nakapalibot sa kaniya. Ultimo ang paglalagay ng tubig sa baso ay ibang tao ang gumagawa noon sa kaniya.

" Dito po ang kuwarto niyo, Señorita. Ito po ang susi niyo." Inihatid si Isabella sa isang kuwartong tila kumpleto na ang mga kagamitan. May isang kama, sopa, tukador, at aparador. Nakita ni Isabella ang mga bagaheng dala niya na nasa gilid ng kama." Kung may kailangan po kayo, kahit sino pong kasambahay rito ay puwede niyong lapitan. "

" S-Salamat..." hindi maipaliwanag ni Isabella ang nararamdaman niya dahil hindi nagtutugma ang sinasabi ng isip niya sa kabog ng dibdib niya. Mainit ang pagtanggap sa kaniya, taliwas sa iniisip niya sa buong gabing hindi siya nakatulog. " Siya nga pala, n-nasaan si Don Castellano? "

" Wala pa po rito ang Señor, pero pauwi na rin ito mayamaya lang. Ako ang tatawag sainyo kapag narito na siya, " sagot ng kasambahay. Naiilang na nagpasalamat si Isabella rito at hinintay makaalis bago siya pumasok sa loob ng kuwarto. Ang paraan ng pakikipag-usap ng mga tao sa mansyon kay Isabella ay bagay na hindi niya akalaing mararanasan niya. Maliit na bagay sa ilan, subalit para kay Isabella na dekadada na kung bastusin at pagmalupitan ng mga taong pinagsisilbihan niya, malaking bagay sa kaniya ang mainit na pagtanggap mula sa iba. 

Mahigit tatlong oras nanatili si Isabella sa kuwarto habang inaayos ang mga gamit niya. Hinihintay niyang may kumatok sa pinto para tawagin siya ngunit hanggang ngayon ay wala pa rin siyang naririnig. Hindi sanay na walang ginagawa kaya nagpasya si Isabella na lumabas ng kuwarto. Walang tao sa pasilyo at tahimik ang buong mansyon. Iba sa nakasanayan ni Isabella na puro sigaw at mga utos mula sa madrasta ang unang bumubungad sa kaniya. 

Naglakad-lakad si Isabella habang inililibot ang tingin sa paligid. Bumaba siya ng hagdan hanggang sa mahinto siya sa gitna at pinagmasdan ang isang lumang larawan na  nakasabit sa dingding. Litarto ng isang lalaking may katandaan na ang hitsura. Kung huhulaan ay tila na sa singkuweta anyos ito. Mestizo, matangos ang ilong at bilugan ang mga mata. Makapal ang kilay at mahahaba rin ang pilik mata. Bumaba ang tingin ni Isabella sa mga letrang nakaukit sa lalagyan ng larawan.

" Castellano... " Ibinalik ni Isabella ang tingin larawan. Kutob niya na ang lalaking nasa larawan ay ang taong pinagkakautangan ng kaniyang ama at ang pakakasalan niya. Ngayon lamang niya nakita ang hitsura nito. 

" Sino ka? " halos mapatalon sa gulat si Isabella nang may marinig siyang malaking boses na nagsalita sa likuran niya. Mabilis siyang napalingon rito at nakita ang isang lalaking matalim ang tingin na pinupukol sa kaniya. Mataas ito, mestizo at mayroong tinataglay na kakisigan. Suot ang asul na polo na nakaparagan at nakarolyo ang manggas hanggang siko. Ang pantalon ay kulay-kape na tinernuhan ng itim na sinturon.

" M-Magandang hapon, Señor. " Napayuko si Isabella, pinakalma muna ang sarili bago ipakilala ang sarili. " Ako ho pala si Catriona. Anak po ako ni Hector Bustamente at Leticia Bustamente... "

Walang narinig na sagot si Isabella kaya inangat niya ang tingin sa lalaki. Diretso pa rin ang tingin nito sa kaniya,animo'y pati ang kaluluwa sa loob ng katawan niya ay kinikilala. Walang ideya si Isabella kung sino ang lalaking nasa harapan niya subalit nababatid niyang hindi ito basta-bastang tauhan ng Bustamente kung pagbabasehan lang rin ang hitsura at pananamit nito. 

" Pasensya na po kung pakalat-kalat ako sa mansyon, pero huwag kayong mag-alala, babalik na po ako kaagad sa itaas—"

" Catriona, " sambit ng lalaki, " Catriona ang pangalan mo? "

HIndi alam ni Isabella kung saan nanggaling ang biglaang pagkabog ng dibdib niya sa tanong ng lalaki. Nagawa niyang lukutin ang palda ng kaniyang bestida upang doon ibuhos ang tensyong nararamdaman niya. " Ako nga ho si Catriona..."

Humakbang palapit kay Isabella ang lalaki dahilan upang mapaatras ang dalaga. Madilim ang ekspresyon nito sa mukha, nahihirapan si Isabella hulaan kung anong tumatakbo sa isip ng lalaki ngunit sa mga daga pa lamang sa dibdib niya, sapat na dahilan na iyon upang lalong nerbyosin si Isabella.

" Señor—"

" Tumabi ka, " may awtoridad nitong utos dahilan upang gumilid si Isabella upang bigyan ng daan ang lalaki. Walang salita itong pumanhik sa hagdan habang si Isabella naman ay napahawak sa pasamano (handrail) nang manlambot ang parehas niyang mga tuhod. Nilingon niya ang lalaki, ngunit mabilis rin itong nawala sa paningin niya. 

Walang kahit na anong ideya si Isabella kung sino ang lalaking nagbigay ng nerybos sa kaniya sa ilang minutong nagkausap sila. Buong akala nga niya ay mananatiling estranghero at misteryoso kung sino ang taong iyon, subalit laking gulat ni Isabella nang magtagpo muli ang landas nila. 

" Hindi ako ang pakakasalan niyo, Señorita. Hindi ako isang Castellano. " Nakangiting paglilinaw ng isang lalaking inakala ni Isabella na pakakasalan niya. 

" A-Ano pong ibig niyong sabihin? " Napatingin si Isabella sa mga taong kasama nila sa kuwarto na tila ba nagpipigil ng tawa dahil sa pagkakamali na nagawa niya. 

" Ang lalaking nasa tabi ko ay ang taong hinahanap niyo. " Inilahad ng matandang lalaki ang kamay sa direksyon ng binatang nakausap ni Isabella kahapon. Blangko pa rin ang ekspresyon nito sa mukha. Animo'y buryong-buryo sa nangyayari sa buhay niya. " Siya po si Señor Maximo Castellano—ang taong pakakasalan niyo. "

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status