Share

IKA-LIMANG KABANATA: Unang Hidwaan

IKA-LIMANG KABANATA: Unang Hidwaan

KINABUKASAN, maagang nagsimula ang aming araw. Walang mapagsidlan ang labis kong kasiyahan dahil sa wakas ay nakalalakad na ang aking kapatid. Buong buhay kong tatanawin na utang na loob ang pagpapagaling ni Selena kay John. 

“Tapos na ang pahinga, bumalik na tayo sa iyong pagsasanay,” istriktong sambit naman sa akin ng aking guro ngayong araw. 

Akala ko’y si Selena ang magsasanay sa akin ngunit mukhang nawili na siyang makipaglaro kay John. Ipinasa niya ang pagsasanay sa akin sa isang masungit na salamangkero na ipinakilala ng reyna bilang kaniyang anak. Bata pa ang hitsura nito at kung titingnan ay magkasing-edad lang yata kami.

“Dea Southheil, nakikinig ka ba sa akin?” sigaw nito sa akin. Kailangan talagang banggitin ang buo kong pangalan?

“P-paumanhin po, Master Reese. Hindi na po mauulit,” pautal-utal kong tugon sa kaniya at saka pumuwesto na sa posisyon ko kanina. 

Pumikit ako at ipinayapa ang aking isipan. 

“Dea, wala sa lakas ng katawan para magawang kontrolin ng isang mangkukulam ang kaniyang natatanging kapangyarihan. Nasa kapayapaan ito ng isipan at kung paano niya isasagawa ang kaniyang spell nang kalmado at mahinahon. Tunay ngang malaki ang naitutulong ng lakas ng katawan sa isang labanan, ngunit, wala itong silbi kung magulo ang isipan habang nakikipaglaban.” Ito ang mga sinabi sa akin ni Reyna Selena bago kami magsimula ng pagsasanay ni Master Reese kanina.

Napatigil naman ako sa pagme-meditate nang biglang magsalita ang aking guro. 

“Bakit pa kasi sa akin ibinigay ni Ina ang trabahong ’to? Nasa kalagitnaan ako ng pag-e-espiya sa kaharian ng Lamia tapos pauuwiin ako para lang dito. Habang patagal nang patagal ay nagiging isip-bata siya. Pasalamat siya’t may guwapo siyang anak,” dinig kong sunod-sunod na reklamo ng aking master at saka pinuri pa ang sarili sa huli niyang sinabi. 

Hindi ko naman alam kung anong koneksiyon ng kaniyang hitsura sa kaniyang mga tinuran. May pagkamahangin din pala ang isang ’to. Pero hindi naman maikakailang may hitsura nga siya.

Gayon pa man, masungit naman siya, arogante at mukhang labag pa sa kalooban niyang sanayin ako ngayong araw, bagay na ikinainis ko.

“Hmmm... Master Ree—”

“Sinong nagbigay sa iyo ng pahintulot na magsalita sa kalagitnaan ng pagsasanay?” putol niya sa aking sasabihin. 

“Nais ko lamang pong humingi—”

“Hihingi ng ano? Hihingi ng oras para magpahinga na naman?” muling sabat niya kahit pa nagsasalita ako.

Bakit ba hindi muna ako patapusin nito sa aking sasabihin? Nanggigigil tuloy ako sa kaniya. 

“Dea, kumalma ka. Kailangan mo ng kapayapaan ng isipan,” paalala ko sa aking sarili.

Banayad akong napangiti sa kaniya kahit sa loob-loob ko ay pinapakulo niya ang aking dugo.

“Hindi po. Nais ko lamang pong humingi ng paumanhin sa abalang idinulot ko sa inyo,” buong pagpapakumbabang hayag ko sa kaniya. Kailangan kong maging mahinahon.

Hingang malalim, Dea. Huwag kang magpapadala sa iyong emosyon. Espiritu ng kapayapaan,, lumapit ka sa akin at bigyan mo ako ng sandamakmak na pasensya. 

“Bumalik ka na sa iyong pagsasanay. Ipakita mo sa aking karapat-dapat ka sa aking oras,” mariin niyang sambit sa akin.

Pinilit ko ang sarili kong ngumiti sa kaniya. Hindi ko na lamang pinansin ang pagkainis ko sa kaniya at saka bumalik sa pag-eensayo ng aking mental na abilidad. 

Lumipas lamang ang ilang minuto, muling nagsalita si Master Reese.

“Tapos na ang ating pagsasanay. Hindi ko kayang tagalan pa ang nakakabagot na pagsasanay na ito. Bumalik ka na lamang bukas dito at ipagpatuloy ito,” iritadong hayag niya na tila ba nawawalan na ng pasensya sa katawan.

“Teka, Master Reese, wala pang tatlong oras tayong—”

“Huwag mong hayaang ulitin ko sa iyo ang aking sinabi kanina. May kailangan pa akong gawin. Sabi ko nga sa iyo, ipakita mo sa aking karapat-dapat ka sa aking oras ngunit wala ka namang ginawa kundi umupo lang diyan at pumikit. Gawain lamang ’yan ng mga mahihina. Ewan ko ba sa aking ina kung anong pumasok sa isip niya at bakit gusto niyang sanayin ang isang mahinang mangkukulam na tulad mo,” mahabang litaniya niya sa akin na may bahid ng pang-iinsulto. 

Mariin akong napakuyom ng aking mga kamao. Tanggap ko namang mahina lang ako pero ang tapakan ang aking pagkatao, mukhang hindi ko yata  kaya iyongg tanggapin. Mas lalo lamang nadagdagan ang pagkainis ko sa kaniya. Nagpapantig ang tainga ko sa mga salitang sinabi niya sa akin kanina.

“Kaya nga nagsasanay para lumakas. Kung hindi pala bukal sa kalooban mong sanayin ako, bakit hindi ka tumanggi kanina. Kaya ko naman siguro ito ng mag-isa,” sabat ko. Hindi ko na napigilan pa ang sarili ko. 

Nakita ko ang bahagyang pagkagulat sa kaniyang mukha dahil sa aking mga tinuran. 

“Sinong nagbigay sa iyo ng karapatang sagutin—” 

Naputol ang kaniyang sasabihin nang bigla ko siyang pinaulanan ng mga bolang apoy. Inuubos niya talaga ang aking pasensya. Wala akong pakialam kung siya pa ang anak ng reyna. 

Inilagan niya ang aking mga spell at mabilis na binunot ang kaniyang espada para kontrahin ang aking mga atake. 

“Isa kang hangal para mag-cast ng spell sa akin. Hindi mo ba alam na binubunot ko lamang ang aking espada mula sa lagayan nito kapag kinakailangan? Pero dahil sa ginawa mo, napilitan akong gawin ito,” mapagmataas na hayag niya sa akin. 

Napailing siya at kitang-kita ang pagkainis sa kaniyang mukha. Hindi ako nakinig sa kaniya at patuloy siyang pinaulan ng aking mga bolang apoy. 

Hinati niya ang mga ito at agad din lang niyang napawi. Ipinalikod niya ang kaniyang isang paa at sa isang iglap lamang ay nasa harapan ko na siya. 

“Praesidium!” bulalas ko at isang kalasag ang lumitaw sa harapan ko para salagin ang atake ni Master Reese gamit ang kaniyang espada.

 

“Quaeso,” sambit ko at isang espada naman ang nabuo sa aking kanang kamay.

“Marunong ka pala sa conjuration. Kung sana sinabi mo kanina pa na may maibubuga ka rin pala, hindi na sana tayo nag-aksaya ng oras kanina at nakipagbuno na lang sa isa’t isa,” ginaganahang hayag niya sa akin. 

Kung alam mo lang kung gaanong pagpipigil ang ginawa ko kanina. Nakakainis talaga siya. 

Sinugod ko siya gamit ang aking espada ngunit nagawa niya itong tapatan gamit din ang kaniyang sandata. Hindi kami tumigil sa pag-atake sa isa’t isa. Dahil sa aming hindi inaasahang labanan, naputol ang ilang mga puno sa paligid. Mabuti na lamang at nasa isang kapatagan kami, malayo sa mga gusali at tao. Tawang-tawa pa siya sa nangyayari at mukhang nasisiyahan sa aming sagupaan.

“Ganiyan nga. Libangin mo ako. Ipakita mo sa akin ang iyong natatagong lakas. Ito ang tunay na pagsasanay para sa akin,” sambit niya habang nagpapalitan kami ng atake. 

Sugod lamang ako nang sugod sa kaniya habang siya naman ay sinasangga lamang ang aking espada. Habang patagal nang patagal, mas lalong pinapakulo ng kaniyang nakakairitang boses ang aking dugo.

 

“Gravis Crepitus!” pag-cast ko ng spell at itinutok ang aking espada sa kaniyang direksyon. 

Isang malaking bola ng apoy ang nagsimulang mabuo sa dulo ng aking sandata. Mas malaki ito ng limang beses kumpara sa mga bola ng apoy na pinakawalan ko kanina. 

“Wala ng mas sasaya pa rito. Ibigay mo na ang lahat ng makakaya mo. Hindi mo kailangang magpigil dahil kahit gaano pa kalakas ang iyong atake, kayang-kaya ko itong—”

Napatigil siya sa pag-iingay nang tuluyan kong pakawalan ang aking spell. Napakaingay niya para sa isang lalaki. Ang dami niyang dada.

Mabilis na tinahak ng aking atake ang kaniyang direksyon. Malakas siyang napatalon at nagpasirko-sirko pa siya sa ere. Napaawang na lamang ang aking bibig dahil sa kaniyang ipinakitang kahusayan. Hindi ko maiwasang hindi mamangha sa kaniya. Gamit ang kaniyang espada, hinati niya sa dalawa ang aking bolang apoy at saka maangas siyang lumapag sa lupa. 

Ngumisi siya sa akin at tila ba nagmamayabang. Napairap na lamang ako sa ere. Papawiin ko ang ngising ’yan sa iyong mukha. 

“Recreo!” matigas kong sambit at saka ipinaharap ang aking nakakuyom na kamao. 

Muling nabuo ang aking bolang apoy ngunit sa kalangitan ito lumitaw. Dalawang beses naman ngayon na mas malaki ito kumpara sa pinakawalan ko kani-kanina lang. 

“Akala ko’y panalo na ako ngunit may ibubuga ka pa pala. Mukhang mali na minaliit kita kanina. Gayon pa man, ako pa rin ang magtatagumpay sa labanan nating ito,” mayabang niyang saad sa akin. 

Napailing na lamang ako dahil sa taas ng tingin niya sa kaniyang sarili. 

“Subukan mong pawiin ang spell kong ito, Master Reese,” sambit ko sa kaniya at may diin sa pagkakasabi ko ng ‘Master Reese.’

“Huwag mo akong mamaliitin. Isang pagkakamali kapag ginawa mo iyon,” wika nito. Talagang hindi siya nauubusan ng kayabangan sa katawan. 

“Fortifico,” mahina kong saad at pinagtibay ang aking spell. Dinagdagan ko nang limang beses ang pinsalang idudulot nito. Siya na rin ang nagsabing huwag akong magpipigil at ibigay ang lahat ng makakaya ko. 

Napatigil ako nang makita ang pagseseryoso sa mukha ni Master Reese. Itinaas niya ang kaniyang espada at may mga maliliit na pulang ilaw ang naipon dito. Gagamit na rin siya ng kaniyang sariling spell. Mukhang seryoso na talaga siya sa labanan naming ito. 

“Ite procul per gladio!” sigaw niya at binalot ng liwanag ang buong lugar. Malakas na pumagaspas ang hangin at nagsilaparan ang mga sanga ng punong natumba. 

Awtomatiko akong napapikit matapos kong bakuran ang aking sarili ng harang. Tumagal ang ilang minuto ngunit pakiramdam ko ay walang nangyari. Inaasahan ko ang isang malakas na pagsabog ngunit walang naganap. 

Kumabog nang malakas ang aking dibdib at bigla na lamang akong pinagpawisan nang malamig dahil sa napakalakas na kapangyarihang biglang bumalot sa buong lugar. Ang presensiyang ito. 

“Reese, Dea, anong ginagawa niyo? Hindi ba’t sinabihan kita, Reese, na bantayan si Dea sa kaniyang pagsasanay para matamo ang kapayapaan ng isipan? Ngunit bakit ka nakikipaglaban sa kaniya?” mahinahon ngunit maawtoridad na pahayag ni Reyna Selena sa kaniyang anak. 

“Ate Dea, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong sa akin ng aking bunsong kapatid at saka tumakbo papunta sa akin. Pati rin pala siya ay nandito. Niyakap niya ako sa aking binti. 

Lahat ng pagod at pagkainis ko kay Master Reese ay napawi dahil kay John. Binuhat ko siya at nginitian para alisin ang pag-aalala sa kaniya.

“Ina, paumanhin po ngunit si Dea ang nagsimula ng gulo. Hindi po ako,” depensa ng nakakairitang lalaki sa kaniyang sarili at saka alanganin siyang ngumiti sa akin.

Masama ko siyang tinitigan pero umiwas lamang siya ng tingin sa akin. Siya kaya ang nagsimula ng lahat ng ito. Kung hindi niya ininsulto ang aking pagkatao, hindi ko maiisipang atakehin siya.

“Kahit na. At ikaw naman, Dea, hindi ba’t sinabi ko sa iyong huwag mong hahayaang kontrolin ka ng iyong emosyon? Ikalma mo ang iyong sarili sa tuwing nahaharap sa mga hindi inaasahang pangyayari,” paalala ni Reyna Selena sa akin.

“O-opo. Patawad po,” buong pagpapakumbabang hayag ko.

 

“At dahil sa pangyayaring ito, Reese, ituro mo lahat kay Dea ang iyong nalalaman. Napagpasiyahan kong ikaw na lang ang magsanay sa kaniya.

Sanayin mo si Dea sa loob ng dalawang buwan at tulungan siyang makamit ang kapayapaang sinasabi ko hanggang sa mapalabas niya na ang kaniyang tunay na kapangyarihan. Iyan ang iyong kaparusahan,” mahabang litaniya ni Reyna Selena sa kaniyang anak ngunit pati ako ay nagulat sa kaniyang sinabi. 

“Ano?” hindi makapaniwalang sigaw ng kaniyang anak. 

 “Reese, huwag mong hayaang maubos ang aking pasensya. Akala mo ay hindi ko alam ang mga pinaggagawa mo habang wala ka sa palasyo? Sumunod ka na lamang sa ipinag-uutos ko,” mapagbantang sambit ng reyna kay Reese.

Napansin ko namang napalunok ang lalaki ng kaniyang sariling laway at mukhang natakot sa sinabi ng kaniyang ina. 

“M-masusunod po, Ina,” pautal-utal na wika ni Master Reese at kitang-kita ang hitsura ng pagkatalo sa kaniyang mukha. 

Napabuntonghininga na lamang ako. “Isang araw pa nga lang, hindi namin matagalan ang isa’t isa, dalawang buwan pa kaya?”

“Dea, may sinasabi ka ba?” mahinahon ngunit nakakakilabot na hayag sa akin ng reyna. Napalunok din ako ng aking laway dahil sa takot. Nakakasakal ang kaniyang nag-uumapaw na presensiya. 

“W-wala po, Reyna Selena,” wika ko.

Ngumiti siya sa aming dalawa ni Reese at saka tumalikod. Tumingin ako kay Master Reese at hindi ko inaasahang magtama ang aming mga paningin. Inirapan ko siya at umiwas na lamang ng tingin sa kaniya.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status