Share

IKA-ANIM NA KABANATA: Unang Bugso ng Damdamin

IKA-ANIM NA KABANATA: Unang Bugso ng Damdamin

SUBUKAN mong muli. Huwag mo kasing hayaang mawala ka sa pokus. Isang linggo na tayong nagsasanay pero hindi mo pa nagagawang tawirin ang lubid na ito nang nakapikit. Inuulit ko, huwag mong hayaang mawala ka sa pokus. Ipayapa mo ang iyong isipan at isiping naglalakad ka lamang sa isang kalmadong dagat,” malakas na hayag sa akin ng aking guro. 

Napakaistrikto niya talaga. Tama nga siya. Isang linggo na kami sa pagsasanay na ito ngunit ni minsan ay hindi ko pa napagtatagumpayan ang pinapagawa niya.  Ngunit, hindi ako susuko. Kailangan kong malampasan ang pagsubok na ito.

Naalala ko na naman ang sinabi niya sa akin noong nakaraan. “Kung hindi mo kayang tawirin ang lubid na ito nang nakapikit, huwag ka nang umasang magiging malakas ka sa mental na aspeto.”

Naniniwala ako sa kaniya. Alam kong parte ang pagsubok na ito sa aming pagsasanay. Wala naman akong karapatang magreklamo dahil gusto ko talagang maging malakas, sa pisikal o mental na aspeto man ng aking sarili. 

Biglang sumenyas si Master Reese sa akin kaya naman wala akong nagawa kundi sumampa sa tuntungan at saka unang inihakbang ang aking kanang paa sa lubid. Pumikit ako at itaas ang aking mga kamay nang pahalang. Kaya mo ito, Dea.

Dahan-dahan akong gumawa ng hakbang sa lubid. Pinagana ko ang lahat ng aking pandama at hindi nagpatinag sa takot kong baka mabigo na naman ako at mahulog. Kahit nakapikit, nakikita ko ang buong paligid. Naririnig ko rin ang huni ng mga maliliit na insektong nagtatago sa damuhan. Ang halimuyak ng mga bulaklak sa hindi kalayuan ay nanunuot sa aking ilong. Kahit papaano ay nagagawa kong ipayapa ang aking isipan. At nagagawa ko ring magkaroon ng kamalayan sa paligid ko kahit pa sarado ang aking mga mata.

“Malapit ka na, Dea. Diretso lang,” wika sa akin ni Master Reese ngunit hindi ko siya pinansin. Alam kong sinasadya niyang mag-ingay para mawala ako sa pokus. Hindi ngayon gayong malapit na akong matapos at magtagumpay sa gawaing ito. 

Nagpatuloy lang ako sa paghakbang. Dahan-dahan ngunit sigurado. 

“Tatlong hakbang na lamang, Dea. Kaya mo ’yan,” pagpapalakas ko ng aking loob. 

“Sige, Dea. Malapit na. Kaunti na lang. Galingan mo kundi sa akin ang bagsak mo,” magiliw na sambit ni Master Reese sa akin at medyo natawa pa sa huli niyang sinabi. 

“... Galingan mo kundi sa akin ang bagsak mo.” Ilang beses na nagpaulit-ulit ang mga kataga niyang ito sa akin bago rumehistro sa aking isipan. 

Nagitla ako sa paghakbang at bigla na lamang nawala ang aking balanse. Nataranta ako at nadulas ang aking kaliwang paa nang apakan ko na ang lubid. Bakit ako kinakabahan ngayon? Anong mayroon sa mga salita niyang iyon at bakit ganoon na lamang ang epekto nito sa akin?

Alam kong mahuhulog na naman ako ngunit hindi sa lupa ako bumagsak. Naramdaman ko na lamang nasa mga bisig ako ni Master Reese. Napatingin ako sa kaniya at hindi ko inaasahang magtatagpo ang aming mga mata. Tila ako hinihipnotismo ng mga ito. 

Ilang beses akong napakurap sa kaniya habang nakaawang ang aking bibig. Parang biglang bumagal ang takbo ng oras. Hindi ko rin maipaliwanag ang nakakakiliting sensasyong dumadaloy sa aking mga ugat ngayon at ang tila ba napakaraming lumilipad na bagay sa aking tiyan. 

Bigla naman akong bumalik sa aking huwisyo nang tumikhim siya at marahan akong ibinaba mula sa kaniyang pagkakabuhat sa akin.

 

“Sabi ko na nga ba’t babagsak ka na naman. Hinayaan mo naman kasi akong guluhin ang iyong isipan,” naiiling niyang pahayag sa akin. 

“P-pasensya na, Master Reese. Susubukan ko pong muli,” paghingi ko ng paumanhin at mabilis na tumuntong sa lubid. Ngunit bago ako humakbang dito, tinawag niya ang aking pangalan.

“Dea.”

Hindi ko alam ngunit biglang nawala ang pagiging istrikto sa kaniyang boses nang tawagin niya ako. Napalingon ako sa kaniya ngunit nakaramdam ako ng hiya kaya bahagya akong yumuko.

“A-ano po ’yon, Master Reese?” pautal-utal kong tanong sa kaniya. Bakit ba nagkakaganito ang dila ko? At bakit ako biglang tinamaan ng hiya? Saan pumunta lahat ng inis ko sa kaniya?

Napaangat ako ng aking ulo nang muli siyang tumikhim. Mukhang may gusto siyang sabihin ngunit hindi niya masabi-sabi. Napansin ko rin ang pamumula ng kaniyang mga tainga. Bakit kaya?

Napaiktad ako at muntik na namang mahulog nang bigla siyang tumingin nang diretso sa akin. Mabuti na lamang at mabilis niyang nahawakan ang aking kamay para ako’y alalayan at tinulungang balansehin ang aking sarili. Sa paghawak niya ng aking kamay, muli na namang kumabog nang malakas ang aking dibdib. Mabilis akong napabitiw ako sa kaniya. 

“Ano po ang sasabihin niyo, Master—”

“Maaari bang mula ngayon ay tawagin mo na lamang ako sa aking pangalan?” putol niya sa aking katanungan. 

Napatulala ako sa kaniyang sinabi. Ilang beses ko na namang naikurap ang aking mga mata sa kaniya at tila ba wala akong maisip na isasagot sa kaniyang tanong. 

“Mali pala. Hindi dapat patanong iyon. Bilang iyong master, nais kong tawagin mo ako sa aking pangalan magmula ngayon. Maliwanag ba?” hayag niya sa akin at ibinalik ang pagkaistrikto sa kaniyang boses. 

Hindi ako makapaniwala sa mga salitang namumutawi sa kaniyang bibig ngayon. Anong nakain niya ngayong araw at—

“Dea Southheil, kinakausap kita! Narinig mo ba ang aking ipinag-uutos?” maawtoridad niyang pag-usisa sa akin. 

“O-opo,” tanging tugon ko. Tinawag niya na naman ako sa aking buong pangalan. 

“Mabuti naman. Bumalik ka na sa iyong pagsasanay. Sana naman ngayon ay magtagumpay ka na nang makakain na tayo,” malakas niyang sambit sa akin.

Maingay pa rin siya kahit kailan. 

Tumalima na lamang ako sa kaniyang sinasabi. Sisiguraduhin kong mapagtatagumpayan ko na ang pagsubok na ito sa pagkakataong ito. Hindi na ako magpapaapekto pa sa kahit anong sasabihin ng Reese na iyan. Teka, tinawag ko ba siya sa kaniyang pangalan? Nakakapanibago lang kasi. Hindi bale na nga.

Nagsimula na ako sa pagtahak ng lubid. Ikinalma ko ang aking puso’t isipan. Mabuti na lamang at hindi na ako kinakabahan ngayon. 

“Diretso lang, Dea. Malapit ka na,” wika ko sa aking sarili. Inaasahan kong mag-iingay si Reese para abalahin ako sa pagpopokus ngunit himala yatang tumahimik siya. 

Tatlong hakbang.

Dalawang hakbang.

At isang hakbang. 

Nagawa ko! Nagtagumpay ako.

 

“Binabati kita. Sinabi ko naman sa’yong—” Bigla naman siyang napatigil sa pagsasalita nang bigla ko siyang yakapin dahil sa labis na kasiyahan. Ngunit agad din lang akong napahiwalay sa kaniya at napatalikod na lang bigla nang mapagtanto ko kung ano ang aking ginawa. Nag-iinit ang aking mukha dahil sa sobrang hiya. 

“P-paumanhin, Reese. Hindi ko sinasadyang yakapin ka,” nahihiyang saad ko sa kaniya. 

Narinig ko ang kaniyang marahang pagtawa mula sa aking likuran. Anong nakakatawa sa sinabi ko?

“Masaya akong masaya ka at nagtagumpay sa ipinapagawa ko. Ito ang tandaan mo, kapag nahaharap sa mga seryoso at alanganing sitwasyon, huwag mong hahayaang mawala ka sa iyong pokus. Magtiwala ka rin sa iyong sarili,” paalala niya kahit ilang beses niya na itong sinabi sa akin. 

Ipinihit ko ang mga paa ko paharap sa kaniya ngunit nanatiling nakayuko ang aking ulo. Hindi ko kayang tumingin sa kaniya nang diretso. Nahihiya ako. 

“Salamat sa paalala, R-Reese. Hindi ko iyon kalilimutan.”

Mas lalong nadagdagan ang aking hiya dahil nautal ako sa pagkakasabi ng kaniyang pangalan. Ipinapanalangin ko na sana kainin na lamang ako ng lupa ngayon. Nakakahiya talaga. 

Muli kong narinig ang kaniyang banayad na paghalakhak. “Walang anuman. Isang linggo pa lamang tayo sa iyong pagsasanay. Marami ka pang aaraling paraan para mapalabas mo ang iyong tunay na kapangyarihan. Sa ngayon, bumalik na muna tayo sa palasyo at kumain. Magpahinga ka na rin at sa isang araw na natin ipagpapatuloy ang iyong pagsasanay,” mahabang litaniya niya sa akin. 

Dahan-dahan lamang akong tumango sa kaniya ngunit hindi ko pa rin magawang tumingin nang diretso sa kaniyang mga mata. Nagulat ako nang bigla niyang tapik-tapikin ang aking ulo. 

Kumunot ang aking noo at hindi ko namamalayang napapairap na pala ako sa ere dahil sa kaniyang ginagawa. Anong tingin niya sa akin? Bata?

Akmang susuwayin ko sana siya ngunit napako ako sa aking kinaroroonan nang makita ang matamis niyang ngiti sa kaniyang mukha. Wala akong makitang bahid ng pang-iinis sa ngiti niyang ito. Puro lamang at natural. 

Tumalikod na lamang ako sa kaniya nang walang anumang ginagawang ingay. Nagsimula na akong maglakad at iniwan siya doon nang mag-isa. Pero kahit medyo malayo na ang inilakad ko mula sa kaniya, nahihiya pa rin ako. Hindi ko pa rin maawat ang mabilis na pagtibok ng aking puso. Ano ito? At bakit ako nakakaramdam ng ganito? Wala naman akong sakit, sa tingin ko. 

*****

MABILIS na lumipas ang oras. Ang mga araw ay naging linggo at ang linggo ay naging buwan. Marami akong natutunan kay Reese sa loob ng dalawang buwan. Tinuruan niya rin ako kung paano ang tamang paghawak at paggamit ng espada. 

Nagawa kong linangin ang aking mga pisikal na kakayahan at mental na kamalayan sa tulong at gabay niya kahit araw-araw niya akong inaasar. Habang patagal nang patagal kami sa aming pagsasanay, unti-unti kong nailalabas ang kapangyarihan ng Luna.

Masayang-masaya ako sa tuwing may ipinapagawa si Reese tapos napagtatagumpayan ko ito. Istrikto nga siya pagdating sa aming pagsasanay ngunit masasabi kong magaling siyang tagapagturo. 

“Ito na ang huling araw ng iyong pagsasanay. Pagkatapos nito ay babalik na ako sa Lamia para manmanan ang mga kalaban,” biglang sambit ni Reese habang nakatingin sa papalubog na araw. 

Napalingon ako sa kaniya kasabay ng banayad na paghampas ng hangin sa aking mukha.

“Sasama ako sa iyo. Gusto kong kumalap ng mga impormasyon tungkol sa mga bampira at sa kanilang hari,” mahinahong hayag ko sa kaniya. 

“Sigurado ka ba? Kapag tumuntong ka sa kaharian ng mga bampira, para mo na ring ibinaon sa hukay ang iyong isang paa.”

“Ayos lang. Nakahanda ako. At saka hindi na ako tulad ng dati na mahina.” Marahan akong napangiti sa kaniya. Ngumiti naman siya pabalik sa akin.

“Sige. Kakausapin ko si Ina tungkol dito. Sa ngayon...”

Tumayo siya at itinigil saglit ang pagsasalita.

“umuwi na muna tayo at maghanda para sa isang piging na gaganapin mamayang gabi,” wika niya sa akin.

“Piging? Para saan?” takang tanong ko naman.

“Ngayon ang ika-450 na kaarawan ng aking ina,” tugon niya sa akin ngunit may halong kalungkutan. Dahil ba ito sa sumpa?

“Natatakot ako para sa aking ina. Habang patagal nang patagal ay bumabata siya— bagay na hindi ko ikinatutuwa. Ayaw ko siyang mamatay kaya naman iginugol ko ang aking panahon at oras para alamin ang kahinaan ng bampirang sumumpa sa kaniya at kung paano mababasag ang sumpa. Ginawa ko ang lahat pero kulang pa rin. Kulang pa rin ang aking lakas para talunin si Trevor,” dagdag pa niya. Malalim siyang napabuntonghininga at saka napayuko na lamang. 

Tumayo ako para hindi na ako tumingala sa kaniya habang nagsasalita. Nahagit naman ng aking mga mata ang pagbagsak ng kaniyang luha sa lupa. Kitang-kita ko rin ang panggigigil sa kaniyang panga at mga kamay.

Bigla kong hinawakan ko ang kaniyang mukha at ipinaharap sa akin. Hindi ko alam kung bakit ko iyon ginawa pero parang may nagtulak sa akin para gawin ito. Napatulala siya sa aking ginawa at tumigil sa pag-iyak.

“Talunin natin si Trevor at tapusin ang kaniyang kasamaan. Iyon lang ang tanging paraan para maprotektahan natin ang mga mahal natin sa buhay. Kung kulang ang iyong lakas, papahiraman kita. At gano’n ka rin sa akin. Magtulungan tayo para sa mga taong pinapahalagahan natin,” seryoso kong hayag sa kaniya at saka ngumiti. 

Pinawi niya ang mga luha sa kaniyang pisngi at sumilay muli ang ngiti sa kaniyang mga labi. 

“Sang-ayon ako sa sinabi mo. Kung hindi kaya ng isa, makakaya ng dalawa,” sambit niya na may ngiti pa rin sa kaniyang mukha. 

Tinapik-tapik niya ang aking ulo gaya ng kaniyang nakaugalian. Ilang beses ko na siyang sinuway na huwag na niya itong uulitin pero napakakulit niya. Nasanay na ako kaya hindi ko na lamang pinansin iyon. 

Ilang sandali lamang ay napagdesisyunan na naming bumalik sa palasyo. Paniguradong hinihintay na naman nina John at Reyna Selena ang aming pag-uwi. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status