Share

IKA-PITONG KABANATA: Ang Pagsiklab ng Kaguluhan sa Malefica

IKA-PITONG KABANATA: Ang Pagsiklab ng Kaguluhan sa Malefica

HINDI ko maalis-alis ang aking tingin sa malaking salamin na nakadikit sa dingding ng silid na kinaroroonan namin ngayon. Ngayon lamang ako nagsuot ng ganito kagandang kasuotan sa tanang ng buhay ko. Isa itong pulang corset gown na may bulaklak na disenyo.

Mahigpit ang pagkakasuot nito sa akin ng isa sa mga tagapagsilbi ng palasyo kaya naman kitang-kita ko ngayon ang hubog ng aking katawan. 

Gaya nga ng sinabi ni Reese kaninang hapon, kaarawan ngayon ni Selena. At may magaganap na isang handaan kaya  pinag-aayos niya kami. 

“Napakaganda niyo po talaga, Binibining Dea,” komento ng ginang na nag-ayos sa akin. Napangiti naman ako sa kaniyang papuri. Parang kiniliti ako ng kaniyang mga salita.

“Maraming salamat po,” magiliw na wika ko sa kaniya. 

Bigla namang may kumatok sa pinto ng silid. Pagkatapos ng ikatlong pagkatok, pumihit ang busol ng pinto at bumukas ito. Pumasok ang isang lalaking napakapormal ang kasuotan. Napakaayos ang pagkakasuklay ng mahabang itim na buhok nitong umaabot sa kaniyang balikat. 

“Binibining Dea, nandito na pala ang inyong sundo. Sa tingin ko po ay tapos na ang trabaho ko po sa inyo. Lalabas na po ako ng silid,” paalam sa akin ng tagapagsilbi at saka yumuko sa akin. 

Humarap siya kay Reese at yinukuan din bago tuluyang lumabas ng kuwarto. Napatuon naman ang aking atensyon sa lalaking kasama kong naiwan sa loob ng kuwarto. Ngumiti siya.

Hindi ko alam ngunit biglang lumakas ang pagtibok ng aking puso dahil sa ngiti niyang iyon. Napakakisig niyang pagmasdan sa kaniyang ayos ngayon. Napakatipuno ng kaniyang porma at tindig . At ang kaniyang mga ngiti ay lubos na nakakaakit. 

Mahina siyang napaubo at saka tumikhim na naging dahilan para bumalik ako sa aking diwa. 

“Tapos ka na bang ilarawan ang hitsura ko ngayon, Binibini? Kulang na lamang kasi ay matunaw ako sa iyong mga titig. Ganoon ba ako kakisig sa iyong paningin kaya hindi mo magawang ilihis ang iyong tingin sa akin?” mayabang niyang mga tanong sa akin saka sumilay ang isang pilyong ngiti sa kaniyang mga labi. 

Dali-dali akong nag-iwas ng tingin sa kaniya. Ang kapal talaga ng mukha ng lalaking ’to. Ang sarap niyang sapakin sa totoo lang. Pero hindi ko maiwasang hindi mahiya nang mapagtanto ko kung gaano ako katagal na tumitig sa kaniya kanina. Nababasa niya kaya ang aking isipan? Hindi naman siguro.

Dalawang buwan kaming magkasama sa pagsasanay pero ni minsan ay hindi niya nabanggit sa aking nakababasa siya ng isipan. 

“Umasa ka. Nagulat lang ako dahil kahit papaano ay nagmukha kang tao sa paningin ko ngayong gabi,” asik ko sa kaniya. Tumawa naman siya dahil sa aking sinabi. 

“Huwag mo nang ipagkaila pa. Alam ko namang naaakit ka sa hitsura ko ngayon. Hindi kita masisisi—”

“Nagpunta ka ba rito para inisin ako? Kung oo, makalalayas ka na. Kaya kong pumunta sa bulwagan nang walang kasama,” pagtataray ko sa kaniya. Muli siyang napahalakhak. Anong nakakatawa sa sinabi ko? 

“Napakasungit mo naman. Hindi ka na lang mabiro. Tara na nga lang. Hinihintay na tayo ni Ina sa bulwagan,” sambit niya at saka hinigit ang aking kamay. 

Napatayo naman ako sa kaniyang ginawa. Iginaya niya ang aking kamay papasok sa kanang braso niyang nakaarko habang nakalagay sa kaniyang likod ang kaniyang kamay. Napatigil ako sa kaniyang ginawa. Malakas at mabilis ang pagtibok ng aking puso. Parang gusto nitong kumawala sa aking dibdib. Nag-iinit din ang aking mga pisngi at nakakaramdam ako ng hiya kay Reese. Ano ba ang mga pakiramdam na ito? 

Palagi ko na lamang nararamdaman ang mga ito sa tuwing kasama ko siya. Hindi ko maipaliwanag. 

“Ayos ka lang ba? Parang wala ka sa sarili mo ngayon,” usisa niya sa akin. Napatango na lamang ako sa kaniyang bilang pagtugon dahil takot akong baka mautal kapag nagsalita pa ako.

“Pero bakit pakiramdam ko sobrang kinakabahan ka ngayon? Masama ba ang pakiramdam mo? Kailangan mo ba—”

“A-ayos lang ako, Reese. Wala kang dapat ipag-alala,” hayag ko sa kaniya para pakalmahin siya. Maging ako rin ay kailangang kumalma.

Huminga ako ng malalim at ipinayapa ang aking kalooban. Mabuti na lamang at agad ko naman itong nagawa. Ito ang resulta ng aming pagsasanay. Nahasa ko na ang ilan sa aking mga kakayahan.

“Kung gayon, humayo na tayo,” nakangiting aya niya sa akin at wala ng bahid ng pag-aalala sa kaniyang mukha. 

Nag-aalala na rin ako sa nangyayari sa akin. Ano bang tawag sa mga nararamdaman ko nitong nakaraan? Normal pa ba ang mga ito?

Ipinagsawalang bahala ko na lamang muna ang mga katanungang bumabagabag sa akin ngayon.

Pagkalabas namin ng silid, nasa bulwagan na agad kami. Kagagawan ito ni Reese. Isa sa kaniyang mga kakayahan ay ang kontrolin ang espasyo sa pagitan ng mga bagay-bagay. 

Mabilis naman naming nahanap si Reyna Selena kasama ang aking kapatid. Halos bawat oras ay magkasama ang dalawang ito. Tanging pagtulog na nga lang yata ang nakapagpapahiwalay sa kanila. Araw-araw silang naglalaro sa hardin ng palasyo habang kami naman ni Reese ay nasa pagsasanay sa nakalipas na dalawang buwan. Masaya naman ako dahil nakahanap ng totoong kaibigan si John. 

“Mahal na Reyna,” sabay naming sambit ni Reese at saka napayuko sa kaniya bilang pagbibigay galang. 

“Reese, Dea, masaya akong makitang magkasama kayong dalawa nang may kapayapaan sa inyong kalooban. Bihira lamang yata ang pagkakataong hindi kayo nag-aaway,” hayag ng reyna sa amin na tila may bahid ng panunukso sa amin. 

Walang nakapagsalita sa amin ni Reese. Alanganin lamang na napatawa ang lalaki habang napapakamot sa kaniyang batok. 

“Kumain muna kayo at mag-aliw. Mayamaya lang ay magsisimula na ang sayawan at masayang tugtugan. Kausapin ko lamang ang ilan sa ating mga bisita,” paalam ni Reyna Selena sa amin at saka lumipat sa ibang mesa. 

Kahit bata ang kaniyang hitsura at isip-bata talaga minsan kung mag-isip, makikita mo talaga ngayong gabing isa nga siyang tunay na reyna. Ang kaniyang mga kilos ngayon ay akmang-akma para sa ina ng buong kaharian. Magiliw at malugod niyang tinatanggap ang bawat panauhin na nakikipag-usap sa kaniya. 

Pinili namang magpaiwan ni John at sinamahan kami ni Reese na dumulog sa hapag-kainan. Walang pagkain ang hindi namin pinalampas hanggang sa mapuno ang aming mga tiyan. Masaya kaming nagtatawanan at nagkukulitang tatlo. 

Ngunit napatigil ako nang biglang nahagit ng aking mga mata ang isang napakapulang mansanas na nakahain sa gitna ng mesa.May mga imaheng biglang pumasok sa aking isipan. 

Madilim na kalangitan. Puting buwan na natalsikan ng pulang likido. Mga aninong lumilipad sa himpapawid. Isang sanggol. Ilan lamang ito sa mga imaheng nakikita ko. Hindi ko rin maipaliwanag ang takot na nararamdaman ko ngayon. Naninindigan ang mga buhok ko sa katawan. Bigla akong napainom ng isang baso ng tubig para maibsan ang kabang aking nararamdaman. 

“Dea, ayos ka lang ba talaga? Anong nangyayari sa’yo? Bakit parang takot na takot ka?” sunod-sunod na tanong sa akin ni Reese. Napasinghap ako ng hangin bago ako tumugon sa kaniya. 

“Isang pangitain. Nararamdaman kong may masamang mangyayari ngayong gabi, Reese,” sagot ko sa kaniya. Biglang sumeryoso ang kaniyang ekspresiyon sa mukha. 

Napahawak si John sa aking braso. “Nararamdaman ko rin, Ate. May panganib na ipinaparating sa akin ang hangin,” biglang pagsingit ng aking kapatid sa usapan.

“Kailangan nating makausap ang reyna. Mahalagang malaman niya ang aking mga nakitang pangitain,” hayag ko sa kanilang dalawa. Tumango naman si Reese sa akin at nilisan namin ang mesa. 

Hinanap namin ang reyna sa bulwagan ngunit hindi namin siya mahagilap. Nagsimula na rin ang tugtugan at sayawan kaya mas lalong umingay ang buong paligid. Nakipagsiksikan kami sa mga taong naririto para lamang hanapin si Reyna Selena ngunit bigo kami. 

Umalis kami sa bulwagan at nagtanong-tanong sa mga tagapagsilbi at kawal kung nakita ba nila ang reyna. 

“Nakita ko po siyang pumasok sa silid na iyan kanina, Prinsipe Reese. Hindi ko alam ngunit mukhang nanghihina po siya kanina. Sinubukan ko siyang lapitan at alalayan ngunit pinagbawalan niya po ako,” ulat sa amin ng isa sa mga tagapagsilbi habang nakaturo ang kaniyang daliri sa silid kung saan pumasok ang reyna.

“Sige. Maraming salamat. Huwag mong sasabihin sa iba ang iyong nakita,” nagmamadaling sambit ni Reese at tanging tango lamang ang tugon sa kaniya ng tagapagsilbi. Hindi na namin hinintay pa ito na magsalita. 

Dali-daling binuksan ni Reese ang silid at bumungad sa amin ang isang sanggol na nakaupo sa sahig. Nasa sahig din ang kasuotan kanina ng reyna. Isa lamang ang ibig sabihin nito— ang reyna at ang sanggol ay iisa. 

“Ina!” alalang sigaw ni Reese at saka binuhat ang sanggol. Inosenteng tumawa ito at pilit na inaabot-abot ang mukha ng lalaki. 

“Hindi maaari. Isa na lamang siyang ordinaryong tao ngayon. Tuluyan na siyang nilisan ng kaniyang kapangyarihan. At paniguradong pumunta ang lahat ng ito kay Trevor. Napakasama niya talaga,” nanggigigil na saad ni Reese. Kitang-kita ko kung paano umigting ang kaniyang panga. 

“Mahal na Reyna, Prinsipe Reese!” sigaw naman ni Demito, ang pinuno ng mga cornixus, habang humahangos patungo sa amin. Mukhang may importante itong sasabihin.

Bahagya siyang nagulat nang makita ang sanggol na hawak-hawak ni Reese. Ngunit pinili niyang iulat ang kaniyang natuklasan kaysa ang magtanong kung ano ang nangyari sa reyna. 

“Ano iyon, Heneral Demito?” usisa ni Reese sa cornixus. 

“Umatake ang mga bampira sa Hilagang bahagi ng kaharian. Nagawa nilang sirain ang harang na pumoprotekta sa buong kaharian. Sinunog nila ang mga bahay at maraming mga mamamayan ang nasawi. Patawad po kung hindi namin ito napigilang mangyari. Sinubukan naming depensahan ang kaharian ngunit wala pang sampung minuto ay kalahati na sa amin ang nawala. Bumalik lamang ako sa palasyo para iulat ang mga pangyayari,” mahabang litaniya nito habang naghahabol ng hininga. Umigting naman ang mga panga naman ni Reese dahil sa narinig.

“Kailangan nating depensahan ang kaharian kahit gaano pa kalakas ang mga kalaban,” matigas na sambit ni Reese.

“Sa tingin ko po ay hindi ang kanilang hari ang pinuno ng hukbo ng mga bampirang umatake sa atin. Isa po itong babaeng bampirang nagtataglay ng kapangyarihang katulad ng kapangyarihan ni Reyna Selena. Habang nasa kalagitnaan din po kami ng pakikipaglaban, biglang humina ang kapangyarihan naming ipinagkaloob sa amin ng reyna kaya kami natalo kahit laban sa mga mahihinang bampira lamang,” dagdag pa nito. 

“Heneral, ang sanggol na ito ay ang reyna. Ang sumpa ang dahilan kung bakit humina ang inyong kapangyarihan. At sa tingin ko, napunta ang kapangyarihan at mahika ng aking ina sa babaeng bampirang tinutukoy mo,” saad ni Reese sa cornixus. 

“Hindi na ako nagtaka pa, Prinsipe Reese. Ngayon ang kaarawan ng reyna kaya paniguradong gagana na naman sa kaniya ang sumpa ng demonyong bampirang iyon. Ano nang gagawin natin ngayon, Mahal na Prinsipe?”

Mahihimigan ang magkahalong kalungkutan at galit sa tinig ni Demito. 

Hindi muna sinagot ni Reese ang tanong ng heneral. Ibinigay niya ang sanggol sa mga tagapagsilbi at sinabing alagaan nila ito. 

“Dea, kasama ba kita sa labang ito?” 

“Hindi na kailangang tanungin mo pa ako niyan, Reese,” tugon ko sa kaniya. Tumango siya sa akin. 

“Iligtas muna natin ang mga mamamayan ng Malefica na nasa Hilagang bahagi ng kaharian. Kumapit kayo sa akin,” utos niya sa amin.

“Prinsipe Reese, nais kong sumama sa inyo ngunit magpapaiwan ako rito para protektahan ang reyna. Sa nakalipas na dalawang buwan, hindi lamang nakipaglaro sa akin si Reyna Selena. Sinanay niya rin ako para linangin ang mahikang taglay ko. Kaya sana’y magtiwala po kayo sa akin,” biglang pagsingit ni John sa eksena. 

Napatitig lamang kami sa kaniya. Kitang-kita ko sa kaniyang mga mata ang determinasyon. Alam kong naging mahalagang bahagi na rin ng kaniyang buhay ang reyna.

“Sige, John. Maraming salamat,” tugon naman sa kaniya ni Reese. 

Ngumiti ako sa aking kapatid para palakasin ang kaniyang loob. Ipinatong ko ang aking kamay sa balikat ni Reese. 

“Ate Dea, Prinsipe Reese, mag-iingat po kayo. Hihintayin po namin ang inyong pagbabalik,” huling wika sa amin ni John bago kami maglaho sa palasyo at mailipat sa isang nasusunog na bayan.

Nagkalat ang mga bangkay ng mga nasawing cornixus sa paligid. Nakaririndi ang mga sigawan ng mga tao habang umiiyak. 

Napakuyom ako ng aking mga kamao. Hindi ito makatarungan. Kasuklam-suklam. Hindi ko sila mapapatawad.

Bab terkait

Bab terbaru

DMCA.com Protection Status