Share

IKATLONG KABANATA: Sinumpaang Tungkulin

IKATLONG KABANATA: Sinumpaang Tungkulin

SINUNOG KO ang aming tahanan kasama na ang mga katawan nina Ate Helena at Ina dito. Tanging ang mga mahahalagang gamit lamang ang itinira ko at kinuha. Isang hilam na luha ang tumulo mula sa aking kaliwang mata at mabilis nitong binagtas ang aking mukha. Sinusubukan kong patatagin ang aking loob pero sobrang sakit talaga. 

Dalawang mahal ko sa buhay ang nawala sa loob lamang ng ilang oras. At ngayon, ang aking bunsong kapatid naman ay hindi ko na makilala pa dahil habang patagal nang patagal ay nag-iiba ang kaniyang anyo. Unti-unti siyang nagiging halimaw. Mahimbing pa rin siyang natutulog. Kahit patay na si Ate Helena, hindi pa rin nawawala ang bisa ng spell nito sa kaniya.

Mariin kong naikuyom ang aking mga kamao habang nagngingitngitan ang aking mga ngipin. Gusto kong magwala pero hindi ko alam kung kanino ko ibabaling lahat ng galit na nararamdaman ko ngayon. 

Huminga ako nang malalim para ikalma ang aking sarili. Kailangang malinaw palagi ang aking isipan. Maaaring may nagbabadyang panganib sa amin o may nagmamasid sa aking mga galaw kaya dapat maging alerto ako palagi. Muli akong tumingin sa aking natutulog na kapatid. Ipinapangako kong ibibigay ko lahat ng aking makakaya upang protektahan siya. Walang sinuman ang maaaring makapanakit sa kaniya hangga’t nabubuhay ako. Isinusumpa ko.

“Matulog ka lang nang mahimbing, John. Saka ka na gumising kapag naibalik na kita sa dati mong anyo,” pagkausap ko sa kaniya at saka pinatungan pa ng isang pampatulog na spell ang spell sa kaniya ni Ate. Mariin kong naikuyom ang aking kamao.

Ikinubli ko ang anyo ni John at pinagmukhang isang batang sanggol lamang. Sa ganitong anyo, mas madali para sa akin na buhatin siya habang naglalakbay patungo sa sentro ng Malefica. 

Naalala ko naman ang pangalan na binanggit ng aming nakalaban kaninang umaga. 

“Trevor, hahanapin kita. Ikaw ang puno’t dulo ng lahat na ito. Hindi sana namatay ang aking ina at kapatid kung hindi mo inutusan ang iyong alagad na kunin mula sa aming pangangalaga ang Luna,” hayag ko sa aking sarili habang nagngingitngitan ang aking mga ngipin dahil sa galit. 

Isinuksok ko sa loob ng aking damit ang aking kwintas at saka nagtalukbong ng aking ulo. Kinuha ko ang mapa ng buong Malefica sa lalagyan nito at sinuri ang daan patungo sa sentro ng aming kaharian. 

Gamit ang aking lumilipad na walis tingting, makararating siguro kami doon bago magdilim ngayong araw. Kailangan ko lamang bilisan ang pagpapalipad. Wala na akong oras pang sasayangin. 

Sumakay na ako sa aking mahiwagang walis. Inilagay ko si John sa aking likuran gamit ang isang mahabang kumot na nakatali sa aking katawan. Nilingon ko ang aming naaabong tirahan sa huling pagkakataon. Isang hilam na luha ang bumagtas sa aking mukha. 

“Hindi ko sasayangin ang inyong mga sakripisyo para kami’y protektahan, Ama, Ina at Ate Helena. Mahal na mahal ko kayong lahat. Paalam.” Ito ang mga salitang nasambit ko bago tuluyang lisanin ang lugar. 

Sa aking paglipad, maraming nayon sa ibaba ang aking nalalampasan. Maraming magagandang tanawin din akong nasaksihan ngunit wala akong panahon para pagmasdan ang mga ito. Noon, pangarap kong lumabas ng kagubatan upang makita ang mundong malayo sa kinagisnan namin. Gusto kong maging malaya. Naiinis ako noon kay Ina dahil pinagbabawalan niya kaming lumabas ng kagubatan, ngunit napagtanto kong ginagawa niya lamang iyon para kami’y protektahan. 

Ngayon, gusto kong lumabas ng kagubatan hindi para maghanap ng kalayaan, kundi para magtamo ng hustisya para sa pagkamatay nina Ina at Ate Helena. 

Kailangan ko lang magtiwala sa sarili ko. Hindi ko alam kung gaano kalakas ang mga tunay kong kalaban ngunit kahit ano pa mang mangyari, lalaban ako hanggang sa aking huling hininga. Hindi ako titigil hangga’t hindi ko nahahanap at napapatay ang Trevor na tinutukoy ng taong iyon. 

Napatigil ako sa pagpapalipad ng aking walis tingting nang bigla akong kinabahan. Sandali akong napapikit at isang imahe ng pulang buwan na naman ang aking nasilayan sa aking isipan. 

“Clandestinus,” mahinang pag-cast ko ng aking spell sa aking dibdib para itago ang nag-uumapaw na kapangyarihan ng Moon Amulet. Hindi ko pa alam kung saan ang abot ng kapangyarihan nito. Kung hindi ko ito itatago, malaki ang posibilidad na malagay kami ulit sa panganib ni John. 

Tiningnan kong muli ang mapa at sa gitna nito ay may guhit ng isang palasyo. Kung gayon ay malapit na ako. Natatanaw ko na ang palasyo ng Malefica at ang buong kaharian nito na napapalibutan ng matatayog na pader. 

Nagpatuloy ako ngunit napatigil akong muli nang harangin ako ng mga kalahating tao at kalahating uwak sa himpapawid. Ang ulo ng mga ito ay katulad sa uwak habang ang katawan naman ay katulad sa mga tao. May mga itim na pakpak ang mga ito. Nakabaluti at may kaniya-kaniyang hawak na sandata. Ang mga nilalang na ito ay tinatawag na Homo Cuccurio o mas kilala sa tawag na “cornixus.” 

Ayon sa aklat ni Ina, ang mga cornixus ay ang mga kawal ng reyna ng Malefica na nilikha niya mula sa kaniyang dugo’t laman. Ang mga ito ang tagapangalaga ng kaayusan at kapayapaan sa buong kaharian ng mga mangkukulam. 

“Magpakilala ka! Sabihin mo ang ngalan mo at kung anong kailangan mo dito?” sambit ng isa sa kanila na tila pinuno ng hukbo. 

“Dea. Dea Southheil. May hinahanap akong tao kaya ako pumunta dito,” tugon ko. 

May ibinigay na isang makapal na libro ang isa sa mga cornixus sa kanilang pinuno. Sinuri niya ito at para bang may hinahanap. Matapos niyang suriin ang loob ng aklat, ibinalik niya ito sa kaniyang tauhan. Nag-angat ito ng ulo sa akin.

“Paumanhin ngunit hindi nakarehistro ang iyong pangalan sa aming listahan. Wala ring sinuman ang nasa Malefica na Southheil ang apelyido. Mariing ipinagbabawal ng reyna na magpapasok sa kaharian ng mga tagalabas,” hayag nito sa akin. 

Napabuntonghininga ako. Hindi ba nila nakikita? Isa akong mangkukulam at isang mamamayan din ng Malefica... dati. Kailangan kong madala ang aking kapatid sa isang magaling na manggagamot. Kung alam ko lang sana ang kondisyon ng aking kapatid, kahit ako na ang gumawa ng lunas para sa kaniya. Ngunit wala akong kaide-ideya kung anong nangyayari kay John ngayon. Baka sakaling may alam ang manggagamot na sinabi sa akin ni Ate Helena. 

“Kailangan kong makita ang pinakamagaling na manggagamot sa kaharian. May malubhang karamdaman ang aking kapatid na sanggol,” pakikiusap ko sa mga ito at saka ipinakita ang aking kapatid na nasa aking likuran.

 

“Nagmamakaawa po ako. Hayaan niyo akong makapasok sa kaharian.”

Sumenyas ang pinuno ng mga ito at inutusan ang isa sa kaniyang tauhan na suriin ang dinadala ko. Hinayaan ko lamang itong tingnan si John. Hindi naman siguro nito mahahalatang nilagyan ko ng spell—

“Hindi maaari! Isang halimaw! Isang halimaw ang sanggol na buhat-buhat niya. May sumpa ang bata,” bulalas nito sa kaniyang mga kasamahan. 

Paanong nalaman nito ang kalagayan ng aking kapatid? T-teka, nakalimutan ko. Ayon ulit sa aklat ni Ina, ang mga cornixus ay nagtataglay ng kapangyarihan ng reyna ng mga mangkukulam dahil laman at dugo niya ang mga ito. Bawat isa sa kanila ay bahagi ng reyna. 

“Isa lamang ang ibig sabihin nito. Ang sanggol na iyan ay maaaring magdala ng panganib sa mga Malefican. Ngayon, ito ang aking husga sa ngalan ni Reyna Selena. Patayin ang batang nasa kaniyang pangangalaga. Kung aangal ang babae, kamatayan din ang naghihintay sa kaniya,” matigas na saad ng kanilang pinuno. 

Napaiktad ako at labis ang pagkagulat. Pumosisyon ang mga ito at pinalibutan ako. Nagsimulang gumapang ang pangamba sa aking dibdib ngunit napatigil ako nang naalala ko ang pangako ko sa aking ate. Proprotektahan ko si John kahit anuman ang mangyari. Nakahanda akong magbuwis ng buhay maging ligtas lang siya sa anumang panganib. 

“Hindi puwede. Kailangan niyo munang dumaan sa akin bago niyo magawa ang inyong hangarin,” buong tapang kong sambit. 

Napatawa ang kanilang pinuno sa aking tinuran. Parang nanunudyo ang tawa nito.

 

“Anong magagawa ng isang babaeng tulad mo sa mga kawal ng reyna? Taglay namin ang ilan sa kaniyang kapangyarihan. Hindi mo kami kayang talunin,” mapang-uyam nitong sambit sa akin. 

Sumikdo ang inis sa aking puso. “Oo, babae ako pero hindi ako babae lamang.”

“Tama na ang daldal. Kahit ano pang sabihin mo, hindi kami magpapakita ng awa sa sinasabi mong kapatid mo. Para sa kabutihan ng nakararami ang gagawin namin kaya isuko mo na siya sa amin nang mapayapa para hindi na dumanak pa ang dugo dito,” pagbabanta nito sa akin ngunit hindi ako nagpatinag. 

Si John na lang ang natitirang mahalaga sa akin. Hindi ako makapapayag na pati siya ay mawala rin. Handa akong dungisan ang aking mga kamay para sa kaniya. Nakahanda akong makipaglaban nang patayan para sa aking kapatid. 

“Aperio!” wika ko para mapawalang bisa ang Clandestinus na spell ko kanina. Kailangan ko ang kapangyarihan ng Luna. Hindi ako makapapayag na matalo ako sa labanang ito. 

“Sugod!” sigaw ng pinuno ng hukbo at sabay-sabay ang mga itong sumugod sa akin. 

Ramdam ko na naman ang mainit na sensasyong nagpapaikot-ikot sa loob ng aking katawan. Ipinaharap ko ang aking kanang kamay para gumawa ng isang harang. 

Ikinuyom ko ang aking kamao at kasabay nito ang kalansing ng mga espadang naputol sa dalawa. Hindi ko alam pero sampung beses na lumalakas ang bisa ng aking spell kapag iniisip ko ang kapakanan ng mga taong pinapahalagahan ko. 

“Imposible! Ang ating mga espada ay gawa sa kapangyarihan ni Reyna Selena ngunit nagawa niyang sirain ang lahat ng ito gamit lamang ang isang spell,” gulat na hayag ng pinuno ng mga cornixus. 

“Huwag ninyong ibababa ang inyong depensa,” bilin pa nito.

“Masusunod!” sabay-sabay namang saad ng buong hukbo. 

Lumipad sila paitaas at gumawa ng bilog na pormasyon. Malaki nilang ibinuka ang kanilang mga pakpak. Nagsilagasan ang mga balahibo nila rito at naging mga matutulis at matatalim na punyal ang mga itong nakatutok lahat sa aking direksyon.

Umikot-ikot ang mga cornixus sa ere hanggang sa makalikha ang mga ito ng isang malaking itim na magic circle. Isang buhawi ang nabuo mula rito at pinalibutan nito ang mga punyal na gawa sa mga balahibo ng mga cornixus. 

“Purifico!”  sabay-sabay na usal ng mga ito. 

Isang itim na liwanag ang dumiretso sa aking kinaroroonan. Halos mabaliw na ako kasisigaw dahil sa nanunuot na sakit na dulot ng kanilang spell. Parang pinagpipiraso ang aking mga kalamnan. Sumunod na napalibutan ako ng malaking buhawi at nagsiliparan ang mga patalim mula sa iba’t-ibang direksyon. 

Ipinaharap ko ang aking kapatid. Tinipon ko ang lahat ng aking kapangyarihan at dinadagdagan ang depensa ng harang na nakaprotekta pa rin kay John hanggang ngayon. Mas mabuti nang ako ang masaktan, huwag lang siya.

 

Kailangan kong lumaban kahit gaano kahirap. Kung mamamatay ako ngayon, sino na lang ang proprotekta kay John kapag wala na ako? Tutuparin ko ang pangako ko kay Ate Helena. 

Mariin akong napakagat sa aking labi dahil sa sunod-sunod na patalim na humiwa sa iba’t ibang parte ng aking katawan. Napapikit ako at sa sandaling iyon ay parang may isang tinig na bumulong sa akin. Hindi ko alam pero parang may nagsasabi sa aking isipan na sabihin ang mga salitang ito.

“Sanguis Tempestas!” halit sa lalamunang sigaw ko at malaking napamulat ang mga mata kong parang sinisilaban ng apoy. 

Nagulat na lamang ako nang mapansin ang napakaraming pulang buhawing binabayo ang buong paligid. Nilamon ng mga ito ang lahat ng cornixus habang sumisigaw na iligtas sila ni Reyna Selena. 

Ipinaharap ko ang aking kamay at ikinuyom ang aking kamao para pawiin ang aking spell. Isa-isang nahulog ang mga cornixus sa lupa nang wala ng malay. Kahit gusto nila kaming patayin ni John, wala akong balak na bawian sila ng buhay. Mga kawal sila ng reyna kaya kapag pinatay ko sila, mas malakas na kalaban ang makakaharap ko.

 

Napatigil ako nang mapagtanto ang spell na pinakawalan ko kanina. Manghang-mangha ako sa kapangyarihan ng Moon Amulet. Alam kong ito ang may kagagawan sa paglakas ng mga spell ko. 

“Napakagaling naman. Natalo mo ang lahat ng aking mga kawal sa isang spell lamang.” Isang malamyos na tinig ang biglang sumingit sa eksena. 

Ngunit kahit napakalambing ng tinig na ito, hindi ko maiwasang hindi pagpawisan nang malamig. Napaangat ako ng ulo at bumungad sa akin ang isang nakangiting batang babae.

Nakakasakal ang kaniyang presenya. Napakabigat ng hangin at parang ang hirap tuloy huminga. Sino ang batang ito?

“Nagagalak akong makilala ka, Binibini. Ako si Reyna Selena. At alam ko ang solusyon sa problema mo. Halika’t sa palasyo natin ito pag-usapang dalawa,” mahinahong hayag niya sa akin. 

Hindi agad ako nakakilos. Hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Para bang umatras ang aking dila dahil sa nag-uumapaw niyang awrang sumasakop sa buong lugar. 

Sa isang iglap lamang ay nasa loob na kami ng isang silid na napakagarbo ang disenyo. Sa hitsura pa lamang ng buong lugar, alam kong nasa palasyo na kami ng reyna. 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status