Share

IKALAWANG KABANATA: Pighati

IKALAWANG KABANATA: Pighati

TULOY-TULOY pa rin ang pagbuhos ng aking mga luha habang nakahawak sa magkabilaang balikat ng aking ina. Kahit anong gawin ko ay alam kong wala na siya at hindi na babalik pa. 

Sandali naman akong napatigil sa pag-iyak nang naagaw ng aking pansin si Ate Helena na sumalpok sa dingding ng aming bahay at dumiretso sa labas. Nagiba ang aming bubong at naidamay ang kalahating bahagi ng aming tahanan.  

Gumawa ako ng isang spell para protektahan ang katawan ni Ina. Minadali kong tunguhin ang kinaroroonan ni Ate Helena. 

“Dea, kunin mo si John at tumakas na kayo rito,” matigas na utos sa akin ni Ate Helena at saka marahang ibinaba ang natutulog naming bunsong kapatid sa lupa. 

“Si Ina, wala na siya, Ate. At bakit si John? Anong nangyari sa kaniya? Bakit kami tatakas?” mangiyak-ngiyak na hayag ko sa kaniya.

“Oo, alam ko, patay na si Ina. At si John ay naging isang mabangis na halimaw kaya wala akong nagawa kundi patulugin siya. Mapanganib para sa inyo ang magtagal pa rito. Isang malakas na kalaban ang lumusob dito at siya ang pumatay kay Ina,” nagmamadaling paliwanag sa akin ng aking kapatid na nagpatigil sa buo kong sistema nang ilang segundo.

 

Bumalik ako sa aking huwisyo nang sigawan ako ni Ate Helena. “Dea, saluhin mo!” bulalas niya at saka ibinato sa akin si John. Mabuti na lamang at nasalo ko ang aming bunsong kapatid.

Nabigla ako nang masilayan ang pagbabago ng hitsura niya. Napakaputla ng kaniyang balat at kitang-kita ang mga ugat niya sa kamay at mukha. May dalawang papatubong sungay din sa kaniyang noo at may marka ng mga ngipin sa kaniyang leeg. Ano ang mga ito? Kagat ng isang halimaw? Teka… isa bang bampira ang kalabang sinasabi ni Ate?

Napaiktad ako sa aking kinaroroonan at napatigil sa pagsuri sa kondisyon ng aking kapatid nang makarinig ng parang mga nagtatagisang bakal. Napalingon ako sa gawi ni Ate Helena. 

“Gladius Tempestas!” pag-cast niya ng spell at saka umulan ng napakaraming patalim mula sa kalangitan. Tumama ang lahat ng ito sa iisang direksyon ngunit nagtaka ako dahil wala naman akong nakikitang kalaban niya.

Lahat ng patalim na nilikha ng kaniyang spell ay lumihis ang direksyon at tumama sa kung saan-saan. Hindi ko agad napansin ang dalawang patalim na patungo sa aming kinaroroonan kaya hindi ako nakagawa ng spell para proteksyonan ang aking sarili at si John. 

Huli na para mailagan ko ang mga ito. Awtomatikong napapikit na lamang ako at niyakap si John para ipangsalag ang aking sarili sa papalapit na mga patalim. Ngunit lumipas ang ilang sandali, walang anumang patalim ang tumama sa akin. 

Napamulat ako at doon ko napagtantong gumawa si Ate Helena ng harang para maprotektahan kaming dalawa ng aming bunsong kapatid. Napakahusay talaga ng aking nakatatandang kapatid. Napangiti ako sa kaniya ngunit mabilis din lang napawi ang mga ngiti sa aking labi. 

Bigla na lamang siyang napaluhod at saka napahawak sa kaniyang dumudugong tiyan. Anong nangyari? Paanong nagkaroon siya ng malaking sugat sa kaniyang tiyan gayong wala naman akong nakitang patalim na sumugod sa kaniyang direksyon?

Napamulagat ako ng mga mata nang makita ang isang lumilipad na sibat at ilang sandali lamang ay bigla na lamang itong naglaho sa aking paningin. May mga bakas ng dugo ang matulis na bahagi nito. 

“Hindi ako papayag na pati ang mga kapatid ko ay idadamay mo. Kung hindi kita matatalo ngayon, hindi ko matutupad ang pangako ko sa aming ama na protektahan sila sa anumang uri ng panganib,” mariing hayag ni Ate Helena at saka pinilit na tumayo.

 

“Ate Helena...” tanging nasambit ko dahil isa-isa nang nag-uunahan ang mga luha ko sa pagpatak. Napalingon siya sa akin at saka tipid na ngumiti. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nakita kong ngumiti ang aking ate. 

Hindi ko alam pero bata pa lamang kami, malayo na ang loob niya sa akin. Napakalamig ng kaniyang pakikitungo sa akin sa tuwing magkausap kami. 

“Dea,” tawag niya sa akin.

“Alam kong nangako ako kay Ama na proprotektahan ko kayong dalawa ni John sa abot ng aking makakaya ngunit sa sitwasyon natin ngayon, hindi ko ito magagawa nang wala ka.”

“Paano mo nasabi, Ate? Mahina lamang ako—”

“Nagkakamali ka. Alam kong malakas ka. Magtiwala ka lang sa iyong sarili. Magtulungan tayo. Ipahiram mo sa akin ang iyong lakas at kapangyarihan,” pagpapalakas niya ng aking loob.

Saglit akong napatigil sa pagdududa sa sarili kong kakayahan at inisip ang mga sinabi ng aking kapatid. Tama siya. Kailangan ko lang magtiwala sa aking sarili. Kahit gaano kaimposibleng gawin para sa akin, kailangan ko pa ring subukan. At saka isa pa, ngayon lang humingi ng tulong ko ang aking kapatid. Hindi ko siya puwedeng biguin. Lalaban ako nang kasama siya. 

Iniangat ko ang aking ulo at saka tumango sa kaniya. Tumango rin siya sa akin bilang pagtugon. Ikinumpas niya ang kaniyang kamay at bigla na lamang nawala si John mula sa aking pangangalaga.

Lumutang siya sa ere at nabalutan ng isang makapal na harang.

Humakbang ako patungo kay Ate Helena. Hinawakan niya ang aking kamay at sa sandaling iyon ay nakita ko ang kabuuan ng paligid, maging ang mga bagay na hindi nakikita ng mga mata. Ito ang spell na Absolute Awareness. Itinuro ito dati sa amin ng aming ina ngunit hindi ko ito magawa-gawa.

Napaiktad ako nang mapansin ang isang itim na nilalang na nakatayo sa aming harapan, ilang metro ang layo nito mula sa amin. Hindi ko mahagilap ang hitsura nito dahil nababalutan ang buong katawan nito ng itim na kasuotan. At nag-uumapaw ang itim na awrang nakapalibot dito. Marami na rin itong natamong pinsala sa katawan. 

Mas lalo tuloy nadagdagan ang aking paghanga sa aking kapatid dahil kahit wala siyang gaanong karanasan sa pakikipaglaban, nagawa niya pa ring masugatan ang malakas na kalaban. 

Nilingon ko siya at mabilis na naagaw ng aking atensyon ang sugat niya sa kaniyang tiyan. Nataranta ako at labis na nag-aalala sa kaniyang kondisyon ngayon. Hindi pa rin tumitigil sa pagdurugo ang kaniyang sugat.

Napatigil naman ako at napalunok ng sariling laway nang biglang magsalita ang aming kalaban. Nakakatakot ang boses nito. Kakaibang lamig ang gumapang sa aking batok pababa ng aking likod habang nagsasalita ito.

 

“Ang Moon Amulet! Tama nga ang hinala ng aking panginoon, nasa inyong pangangalaga ang Luna,” pagsisiwalat nito sa amin. 

“Anong Luna?” matapang kong sabat dito.

“Ang kuwintas mo, Dea. Iyan ang Moon Amulet na tinatawag na Luna. Ikaw ang pinili nito. Bata pa lamang tayo, nasa iyo na ang kuwintas na iyan. Iyan ang dahilan kung bakit nagtatago tayo sa kagubatang ito dahil maraming may gustong kumuha nito mula sa’yo. Para mailayo tayo sa kapahamakan, nagsagawa si Ama ng isang pinagbabawal na ritwal para lubos na maselyuhan ang kapangyarihan nito.

Ngunit...” 

Napatigil siya saglit kasabay ng paglungkot ng kaniyang mukha. Parang alam ko na kung ano ang susunod niyang sasabihin. Ito ba ang dahilan kung bakit namatay si Ama— ang kuwintas na ’to? At ito rin ba ang dahilan kung bakit kami nasa ganitong sitwasyon ngayon?

“… namatay si Ama matapos matagumpay na naisagawa ang ritwal. Nawala rin ang ilan sa iyong mga alaala. Naglaho ang kuwintas ngunit alam naming hindi nito nilisan ang iyong katawan. Sinunog ni Ina ang dati nating tirahan at lumipat sa kagubatang ito, malayo sa mga taong nag-aasam na makuha ito mula sa’yo,” salaysay ng aking kapatid.

 

Napakuyom ang aking mga kamao. Ako pala ang dahilan ng lahat ng aming paghihirap. Nang dahil sa kuwintas na ito, nagkandagulo-gulo ang aming buhay.  

“Kung gayon, naparito ka para sa kuwintas na ’to, hindi ba?” usisa ko sa aming kalaban kasabay ng pag-angat ng aking ulo. 

“Nakuha mo, Binibini. Isuko mo sa akin ang kuwintas na iyan at—”

“Heto! Kunin mo na. Basta ipangako mong hindi mo na kami guguluhin pa,” pagputol ko sa sinasabi nito.

“Hindi puwede, Dea! Iyan ang simbolo ng ating angkan mula pa noong unang panahon. Ipinapasa ito sa bawat henerasyon at ikaw ang pinili nitong maging tagapagmana. Kapag isinuko mo ito, parang binalewala mo na rin ang sakripisyo ni Ama at Ina para protektahan ka,” mahabang litaniya sa akin ni Ate Helena.

 

“Pero Ate, ito ang dahilan ng lahat ng paghihirap natin,” sabat ko sa kaniya.

“Hindi, Dea. May dahilan kung bakit nangyayari ito sa atin. Alam ko at ni Ina na mangyayari ang araw na ito. Ito ang tadhana, Dea.

Balang araw maiintindihan mo rin. Kaya kahit anong mangyari, hindi mo ibibigay ang Luna sa kahit sino,” mariing hayag niya sa akin.

“Tapos na ba kayong mag-usap? Kanina pa ako naiinip dito. Kung hindi niyo rin lang ibibigay ang kuwintas, wala na akong magagawa kundi paslangin kayong lahat at sapilitan itong kunin sa inyo,” mapagbantang sambit ng aming kalaban sa amin. Umaalingawngaw ang kaniyang nakakikilabot na tinig sa buong paligid.

“Ngayon na, Dea. Gawin na natin,” wika ni Ate Helena sa akin.

Tumango ako sa kaniya bilang pagtugon. Tama nga si Ate. Kapag isinuko ko ito nang gano’n-gano’n na lang, parang binalewala ko na rin ang lahat ng sakripisyo nina Ama at Ina. Kung gayon, kailangan ko rin itong protektahan alang-alang sa kanila.

Naghawakan kami ng kamay ni Ate Helena. Sa oras na iyon, parang magkakonekta ang aming isipan. Pumikit kaming dalawa at aming puso at kaluluwa ay naging iisa. 

Ito ang Harmonia— isang spell na itinuro sa amin ni Ina. Ramdam ko ang pagdaloy ng dugo sa bawat ugat ng aming katawan at alam kong ganoon din si Ate Helena. Maging ang pagtibok ng aming mga puso ay magkasabay. Hindi ko aakalaing isasagawa ko ang spell na ito kasama ang aking nakatatandang kapatid.

“Hindi niyo ako madadaan sa ganiyan. Blood Magic: Bloodshed Tragedy!” sigaw ng aming kalaban ngunit hindi namin siya pinansin.

Ilang minuto pa ay nagmulat na kami ng mga mata at sabay kaming umusal ng mga salita ni Ate Helena. Itinaas namin ang aming mga kamay at hindi nagpatinag sa napakalakas na spell ng kalaban. 

May mga nabuong pulang ulap sa aming itaas. Ilang sandali pa ay napalibutan na kami ng mga pulang pader. Matatalim na pulang kidlat ang kumawala sa mga ulap at unti-unti ay may mga umusling matutulis na bagay sa mga pader na nakapalibot sa amin. Para itong malalaki at mahahabang pako. Tumawa nang malakas ang aming kalaban at tila ba idinedeklara na ang kaniyang tagumpay. Ikinulong niya kami para wala kaming matakbuhan at hindi namin mailagan ang kaniyang mga atake. 

Daan-daang blood spikes ang sumugod patungo sa aming kinaroroonan ni Ate Helena mula sa iba’t ibang direksyon. Nagtinginan kami at tumango sa isa’t isa.

“Wiccan Magic: Sanguis Harmonia!” sabay naming sigaw. 

Isang makapal na harang ang prumotekta sa aming dalawa at ang banggaan ng mga spell namin ng kalaban ay lumikha ng malalakas na pagsabog. Itinaas namin ni Ate Helena ang aming mga kamay at isang napakalaking pulang espada ang lumitaw sa aming itaas. 

“Hindi! Hindi maaari! Hindi ako puwedeng matalo. Hindi ko puwedeng biguin ang aking master. Kailangan kong makuha ang Moon Amulet,” bunghalit ng aming kalaban sa amin.

“Blood Magic—”

“Katapusan mo na!” tili namin pareho ng aking kapatid at pinakawalan ang nalikha naming espada patungo sa kalaban bago pa ito makapag-cast ng panibagong spell. 

“Hindi!” hindi makapaniwalang sigaw nito bago matamaan ng aming atake. Nahati sa dalawa ang katawan nito at malayang sumirit ang kaniyang dugo mula rito.

 

“M-master T-Trevor... p-patawarin niyo ako,” pautal-utal nitong sambit bago tuluyang natumba sa lupa. Ilang sandali lamang ay naging abo na ito at humalo sa hangin. 

“Nagawa natin, Ate!” masaya kong hayag sa aking kapatid at saka napayakap sa kaniya nang hindi ko namamalayan. 

“Oo. Nagawa natin, mahal kong... kapatid,” mahinang wika sa akin ni Ate Helena.

Gusto kong magdiwang dahil sa itinawag niya sa akin ngunit hindi ko magawa. Nararamdaman ko ang papahinang pagtibok ng kaniyang puso. Unti-unting nililisan ng mana at mahika ang kaniyang katawan.

“Ate, ayos ka lang ba?” tanong ko at saka kumalas sa pagkakayakap sa kaniya. 

Bumaba kami sa pagkakalutang. Ipinatong ko ang kaniyang ulo sa aking mga hita. Napaubo siya ng dugo na naging dahilan para maalarma ako. 

“D-Dea, hindi na ako magtatagal pa. Ipangako mo sa aking aalagaan at proprotektahan mo si John—”

“Hindi, Ate. Mabubuhay ka pa.

Magkakasama pa tayo nang matagal,” putol ko sa kaniyang sinasabi habang hindi magkamayaw sa pagpatak ang aking mga luha. 

“Dea, makinig ka. Huwag na huwag mong ibibigay ang Luna sa kahit sino. Ipangako mo.”

“Pero, Ate—”

“Ipangako mo, Dea.”

“Pangako.”

“Ngayon, makapagpapahinga na ako kasama sina Ama at Ina. Sunugin mo ang bahay natin mamaya kasama na ang mga katawan namin ni Ina. Pumunta ka sentro ng Malefica. Itago mo si John sa isang spell para hindi siya makita ng mga kauri natin. May isa pang magaling na manggagamot doon na maaaring malunasan ang kondisyon ng ating kapatid. Mabuhay ka, Dea. Kasama si John,” mahabang bilin sa akin ni Ate Helena. 

Tinanggal niya ang harang na nakaprotekta sa aming bunsong kapatid at marahan itong inilapag sa tabi ko. Ilang beses kong inalog ang aking ulo habang patuloy sa pag-iyak dahil ayaw kong tanggapin na mamamatay na siya.

“Patawarin mo ako sa mga ipinakita kong hindi maganda sa iyo. Tandaan mo, mahal na mahal kita. Paalam, mahal kong... k-kapatid.”

“Oo, Ate. Pinapatawad na kita. Hindi naman ako galit sa’yo. Mas galit ako sa sarili ko. Kasi kung sana naging mas malakas lang ako, nagawa ko sana kayong protektahan at hindi na kayo nagsakripisyo pa para sa akin.”

“Malakas ka, D-Dea. May mga bagay na ikaw lang ang... makagagawa,” hinang-hinang paalala sa akin ng aking kapatid at saka pinilit na pawiin ang mga luha sa aking mukha.

Sa pagbagsak ng kaniyang kamay sa lupa, nalagutan na siya ng hininga. Niyakap ko nang mahigpit ang wala ng buhay na katawan ni Ate Helena at walang nagawa kundi humagulhol na lamang. 

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status