Share

Ikaapat na kabanata

“Palagi mong tatandaan na sarili mo lang ang kakampi mo. Mabigat ang responsibilidad na kakaharapin mo sa susunod kaya dapat ay maging matalino ka, naiintindihan mo ba?” Napatango na lamang ako kay ama na pabalik-balik na naglalakad sa harapan ko. Nandito kami ngayon sa silid-aralan ko at pinapaalala niya ulit sa akin ang mga bagay na namemoralisa ko na dahil sa paulit-ulit niyang pagpapaalala sa akin.

“Ikaw ang susunod na reyna ng mundo natin. Ikaw ang magmamana sa trono ko pagdating ng panahon. Dapat ay palagi kang maging matatag, at kailangan ay palagi kang handa sa pagharap ng mga pagsubok. Maraming darating na problema at maraming magtatangka sa buhay mo, ang kamatayan ay palagi lang naghihintay sa iyo pero kailangan mo iyong labanan. Hindi nananalaytay ang dugo namin ng iyong ina sa iyo ng walang dahilan,” dugtong niya. Tumigil si ama sa pagpaparit-parito at lumapit sa pwesto ko. Yumuko siya at hinawakan ang pisngi ko. Isang matamis na ngiti ang gumuhit sa labi niya kaya nagaya na rin ako.

“Magpakatatag ka, anak ko. Hindi madali ang mga susuongin mo, pero alam kong makakaya mo. Anak kita, at naniniwala ako sa iyo.”

NANG BUMALIK SA AKING ALAALA ANG MGA PAALALA SA AKIN ng aking amang hari ay para bang may gumuhit na kung anong mainit sa katawan ko na nakapagpabuhay ng dugo ko at wistyo. Mabilis na bumangon ako at ipinikit nang mariin ang mata.

“Mahal na reyna!” sabay-sabay na sabi ng mga nakapaligid sa akin. Agad na sinapo ko ang ulo kong pumipintig sa sakit at napasigaw sa sakit dahil tila bang may kung ano sa loob ng katawan ko at sinusunog ang buong katawan ko.

“Mahal na reyna! Mas mabuti pang bumalik ka muna sa pagkakahiga at huminga nang malalim! Hindi pa naaalis ang lahat ng lason sa katawan mo kung kaya’t patuloy pa rin ang sakit. Huminahon ka at huminga ng malalim!” narinig kong utos ni Danie. Kaagad ko namang sinunod ang sinabi niya. Ilang malalalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko bago inalis ang mahigpit kong pagkakahawak sa buhok ko at humigang muli.

Sa pagmulat ng aking mga mata ay roon ko lang din napansin na nandito ako sa aking silid. Nakakulong ako sa isang sphere na siguradong gawa ng mga witches para maprotektahan ako kung sakali mang may hindi magandang mangyari sa proseso ng panggagamot sa akin. Marami ring mga nakatusok na karayom sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ko na nakakonekta sa isang itim na bagay sa may sulok. Doon paniguradong nakalagay ang mga lason naa kumalat sa katawan ko matapos kong inumin ang alak sa piging.

Hindi na muna ako nag-isip ng kung ano-ano pang bagay na hindi makakatulong sa proseso at piniling ipikit ang mga mata habang patuloy sa pagpapakalma ng sarili. Ngayon na gising ako, mas ramdam ko ang pagdaloy ng kung ano mang lason na nainom ko sa mga ugat ko. Mainit at masakit, ngunit kailangan kong tiisin. Kagaya nga ng sinabi ng aking amang hari sa aking isipan kanina, kailangan kong malampasan ang lahat dahil kaakibat ng trono ko ay ang panganib katulad ng nangyari ngayon.

Kailangan kong ilagay ang buong atensyon ko sa pagpapakalma ng sarili at sa paghinga ng maayos upang mapigilan ang mga nagwawalang kapangyarihan na gustong sumabog at lumabas sa katawan ko. Simula pa noon ay hirap na akong kontrolin ang emosyon ko at kadikit no’n ay ang kapangyarihan ko kung kaya’t halos sa lahat ng pagkakataon ay lumalabas ito. Kailangan ko ng buong atensyon para rito at iyon ang palaging pinapangaral sa akin ni Danie.

Hindi ko alam kung ilang minuto o ilang oras na ba ang lumipas. Nalaman ko na lamang na tapos na ang ginagawa nila sa akin nang makaramdam ng pagkawala ng init sa loob ng katawan ko at sobrang panghihina.

Unti-unti kong minulat ang mga mata ko at ang una ko agad nakita ay ang nag-aalalang mukha ni Dyke, Dan at Danie. Dahan-dahan akong bumangon mula sa pagkakahiga, agad naman nila akong tinulungang makasandal sa kama ko.

“Mahal na reyna, kumusta na ang pakiramdam mo?” tanong ni Danie.

“Magaan, ngunit nakakaramdam ako ng sobrang panghihina,” sagot ko.

“Nagtagumpay ang pag-aalis ng lason sa katawan mo kung kaya’t ang naging epekto nito ngayon ay ang sobrang panghihina. Huwag kang mag-alala mahal na reyna, normal lamang ito at maaring sa mga susunod na araw ay manunumbalik na muli ang lahat ng lakas na nawala mo.” Napatingin ako kay Helena— ang pinuno ng mga witches, nang magsalita siya. Nakakasigurado ako na siya ang gumamot sa akin dahil siya ang pinakakilala at may kakaibang kakayahan sa panggagamot sa kanilang lahi.

“Maraming salamat sa tulong, Helena. Tatanawin kong malaking utang na loob ang pagliligtas mo sa akin at makakasigurado kang babawi ako sa iyo, at sa inyo lahi dahil sa kabutihang ito.” Ngumiti siya sa akin nang sabihin ko iyon at tinanguan ako.

Bilang pinuno ng kanilang lahi, isa siya sa mga imbitadong bisita kaya lubos akong nagpapasalamat na nandito siya nang mangyari sa akin ang hindi inaasahang bagay na iyon. Hindi ko inakala na sa mismong araw ng selebrasyon maiisipan ng kung sino mang nasa likod ng paglalason sa aking isinabay ang maitim nilang balak.

“Mauuna na kami, mahal na reyna. Huwag kayong magdadalawang isip na ipatawag ako kapag nakaramdam ka ng kakaiba sa iyong katawan,” pagpapaalam ni Helena. Muli akong nagpasalamat sa kanya at sa tatlo pa niyang kasama bago sila ipinahatid kay Dan papunta sa labas ng kastilyo. Ang naiwan na kasama ko rito ay si Danie na inaayos ang pagkakatakip ng kumot sa ibabang parte ng katawan ko at si Dyke na nakadungaw sa may bintana.

Ngayon ko lang napansin na maliwanag na sa labas, isang palatandaans na nakaraan na ang gabi.

“Sa iyong palagay, sino ang lapastangang nagtangka sa buhay mo sa gitna ng selebrasyon?” Napatingin ako kay Dyke nang magtanong siya. Humarap siya sa akin at naglakad papalapit sa pwesto ko. Hinila niya ang upuan sa may gilid ng higaan ko at doon pumwesto.

“Hindi ko gustong mangbintang, pero iisang nilalang lang naman ang patagong nagnanais na mawala ako sa mundo,” sagot ko. Napahigpit ako hawak sa kumot ngunit unti-unti ko rin iyong binitawan dahil hindi ko pa magawang igalaw ng maayos ang kahit anong parte ng katawan ko. Para bang naging isang lantang halaman ang katawan ko matapos ng pinagdaanang hirap.

“Si Ginoong Arthur Venderheel ang nasisigurado kong nasa likod nito,” mariing sabi ni Danie. Hindi ko na kailangan pang magsalita dahil kung sino ang tinukoy niya ay ang nag-iisa ring nasa isip ko na nasa likod ng pagtatangka sa buhay ko. Siya lang naman at ang kanang kamay niyang si Delaila ang bulgarang tumataliwas sa pamumuno ko. Gusto nilang mapasakamay ang trono, ang mundong itinaguyod ng mga ninuno ko. Ang pagkamatay ko ang magbibigay ng buong kapangyarihan sa kanila dahil ako na lamang ang natitirang may maharlikang dugo mula sa mga unang namuno, at sa oras na tuluyan akong mawala, ang pinaka may mataas na posisyon sa konseho ang magiging hari o reyna, at iyon ang gustong mangyari ni Arthur na pinipigilan ko.

Hanggat kaya ko, pipigilan ko ang kamatayan. Kakalabanin ko ito dahil kahit kailan ay hindi ko nanaising mapunta ang mundong pinaghirapan kong muling mabuo sa sa isang gahamang katulad niya.

“Wala bang ibang paraan para maalis na ‘yong matandang iyon sa konseho ninyo? Pati dugo ko ay kumukulo sa kanya. Gustong-gusto ko siyang durugin at kalasin ang mga parte ng katawan niya,” inis na sabi ni Dyke. Unti-unting nagiging ginto ang kulay ng mata ni Dyke kaya inabot ko ang kamay niyang nakapatong sa kama at marahan iyong pinisil. Sa puntong iyon ay alam kong unti-unti na siyang kinakain ng galit.

“Hindi pa ngayon ang oras para harapin sila. Hindi natin sila pwedeng akusahan at harapin agad dahil hindi natin alam kung ano pa ang mga baraha nilang nakatago. Simple pa lamang ang ginawa nilang hakbang ngayon at hindi ko gustong sindihan ang alitan sa pagitan namin. Gusto kong maging handa muna tayo sa lahat ng posibilidad bago umaksyon.” Hindi kami maaring maging padalos-dalos. Mahirap gumawa ng kilos lalo na’t hindi namin alam ang mga susunod nilang plano. Oo, alam at kilala na namin ang kalaban, ngunit  hindi madaling mangapa sa dilim. Mahirap kalabanin ang mga tuso at praktisado.

“Mahal na reyna, nandito sina Ginoong Venderheel upang bisitahin ka.” Nagkatinginan kami nina Dyke at Danie dahil sa narinig na sinabi ni Dan mula sa labas ng pinto. Umayos ako ng pwesto at tumayo naman si Dyke mula sa pagkakaupo at pumwesto sa may gilid.

“Maaari na kayong pumasok,” sabi ni Danie. Kasabay nang pagbukas ng pinto ng aking silid ay ang pagpasok ng limang myembro ng konseho. Pinangungunahan ito ni Arthur, kasama si Delaila sa kanyang tabi, at nasa likuran naman si Adam at ang babaeng kasama nila sa pagtitipon.

Naunang lumapit sa akin si Adam at naupo sa pwesto ni Dyke kanina.

“Mahal na reyna, sobra mo akong pinag-alala. Kumusta na ang lagay mo?” bakas ang pag-aalala sa boses ni Adam na lubos na kinainis ko. Hindi ko alam na tinuruan pala siya ng kanyang ama kung paano umarte ng naayon sa sitwasyon.

“Wala kang dapat ipag-alala. Hinding-hindi ako mamamatay ng gano’n-gano’n lang,” sarkastiko kong sagot sabay tingin sa ama niyang si Arthur na nasa likod niya lang.

“Huwag kayong mag-alala, mahal na reyna. Ginagawa naming ang lahat upang hanapin ang may kagagawan ng pag-atake sa inyo. Makakaasa kayong maihaharap namin sa inyo ang kung sino mang nilalang na iyon sa mga susunod na araw.” Agad na napaarko ang kilay ko nang magsalita si Arthur. Binalingan ko siya ng tingin.

“Siguraduhin ninyong ang mahuhuli niyo ay ang pinaka-utak sa pag-atake, dahil kung hindi, kayo ang mananagot sa akin. Malalaman at malalaman ko kung totoo at tama ba ang nilalang na ihaharap niyo sa akin at hindi niyo magugustuhan ang magagawa ko sa oras na pumalpak kayo. Naiintindihan niyo ba?” mariin kong banta sa kanila. Nakakatawa’t ang totoong utak sa likod ng pag-atake sa akin ay mismong mga kaharap ko na. Sila, na nangangako ng paghuli sa kriminal ang totoong may mga sala.

Napapaisip ako, ano naman kaya ang susunod nilang gagawin upang pabagsakin ako. Pag-atake? Panibagong paglason? Paggamit ng mga malalapit na nilalang sa akin? Kung ano man iyon ay sisiguraduhin kong ako pa rin ang mananalo sa bandang huli. Hindi ako nabuhay sa mundong ito na mahina. Hindi ako pinalaking talunan kung kaya’t pati kamatayan ay nilalabanan ko.

“Makakasigurado kayo, mahal na reyna.” Napatango na lamang ako sa sinabi ni Arthur. Hindi ko na gusto pang magsalita dahil baka kung ano lamang ang masabi ko.

“Tungkol sa mga bisita, naayos na rin namin ang usapin at makakasigurado na walang makakalabas na impormasyon tungkol sa nangyari,” sabi ni Delaila.

“Mabuti kung gano’n. Hindi ko nanaising magbigay takot sa mga nasasakupan ko at sa iba pa,” sagot ko. Tinignan ko silang lahat pati na rin sila Danie na nasa kaliwang bahagi ko. Bahagya ko siyang tinanguan at alam kong nakuha na agad niya ang mensaheng nais kong ipabatid.

“Kung inyo ho sanang mamarapatin, kailangan na munang magpahinga ng mahal na reyna upang maipanumbalik ang kanyang lakas,” magalang na pagi-imporma niya sa konseho.

“Naiintindihan namin. Ngunit may isa pa sana kaming nais ipabatid at ipa-alala, mahal na reyna.” Agad akong napalingon kay Arthur nang magsalita na naman siya.

“Ano iyon?”

“Gusto ko lang ipa-alala na sobrang nabahala ang buong konseho dahil sa nangyari kung kaya’t gusto naming sabihin na kung maaari sana ay paagahin ang inyong pakikipag-isang dibdib—” Hindi na naituloy ni Arthur ang sinasabi niya nang may aninong mahigpit na bumalot sa leeg niya dahilan upang mapatigil siya. Napasinghap ang lahat ang napatingin sa akin, kung saan nakakonekta ang aninong iyon.

Galit na tumayo ako mula sa pwesto ko at ibinigay lahat ng lakas ko upang magawa iyon.

“Nalagay na sa bingit ng alanganin ang buhay ko, ako na reyna niyo, pero ang pagiging hari ng anak mo pa rin ang iniintindi mo?! Sige nga at ngayon mong sabihin na hindi kayo gahaman sa kapangyarihan! Mga lapastangan!” Sunod-sunod na nabasag ang lahat ng salamin sa paligid dahil sa pagsigaw ko.

Ito ba? Ito ba ang konseho na isa sa mga namamahala sa aming mundo?! Ilang pag-unawa at pasensiya ang inilaan ko para sa kanila ngunit masiyado nila akong sinasagad! Hindi mahaba ang pasensiya ko para sa mga walang kwenta at gahamang katulad nila!

“Mahal na reyna! Tama na! Huminahon ka!”

“Fajra! Itigil mo na ‘to!” Nang maramdaman ko ang mahigpit na pagyakap sa akin ni Dyke ay roon ko naramdaman ang pagkawala bigla ng lahat ng enerhiyang dumaloy sa katawan ko at walang lakas na bumagsak sa kanya.

“Mawalang galang na ho, ngunit hindi kayo nakakatulong. Mabuti pa ho at iwan niyo na kami. Ngayon na,” narinig kong utos ni Danie. Narinig ko na lamang ang pagbukas at ang pagsara ng pinto ng silid ko.

Dahan-dahan akong binuhat ni Dyke at inihigang muli sa kama ko. Siya na rin ang nagtakip ng kumot sa akin.

“Magpahinga ka muna. Hindi makakabuti sa iyo ang gamitin ang buong lakas mo. Kailangan mo nang manumbalik sa dati dahil marami ka pang kakaharapin sa mga susunod na araw.” At sa sinabi niyang iyon ay unti-unti akong nakaramdam ng sobrang pagkapagod. Hinayaan kong hilahin ako ng sobrang pagkapagod upang mapahinga ang katawan at ang isip ko mula sa lahat.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status