Special Chapter 25
Kanina pa ako hindi mapakali. Narito na ako sa harap ng altar, suot ang itim na tuxedo, pero parang mas nahihirapan pa akong huminga kaysa sa araw ng mga malalaking business deals ko.
"Relax lang, Tristan!" sabi ni Ethan, asawa ni Pipay, sabay tapik sa balikat ko. "Darating din 'yun."
"Alam ko naman 'yun," sagot ko, pilit na ngumiti. "Pero hindi ‘yun ang dahilan ng kaba ko."
Napakunot-noo si Ethan. "Eh, ano pa ba? Sigurado ka bang wala ka nang ibang tinatago? Baka may surprise guest ka diyan o may ex na biglang sumulpot—"
"Hoy!" inis kong putol sa kanya. "Wala akong ganun!"
Tumawa lang si Ethan, pero ako? Hindi ko talaga mapigilan ang kaba. Lalo na’t kanina ko pa iniisip ang tatlo kong pinsan — sina Pipay, Rafael, at Lucas — na nasa bridal room kasama si Rachel.
"Paano kung tinuruan nila ng kung anu-anong kabalastugan ang asawa ko?" bulong ko kay Ethan, tila nanlalambot na ako sa pag-aalala. "Kilala mo naman ‘yung mga ‘yun! Wala akong laban sa trip ng tatlong ‘yun!"