Chapter 07
Safara POV Si Vince ay... nakakagulo ng aking isip. Minsan, sobrang bait niya—dinadalhan ako ng kape, tinutulungan sa mga gamit ko, at nakikipag-usap na parang may pakialam talaga siya. Pero maya-maya, parang wala lang ako kapag kasama niya ang mga kaibigan niya, tila naglalaro ng ibang mundo. Hindi ko alam kung paano haharapin ang atensyon na binibigay niya. Ang mga lalaking tulad niya ay hindi naman karaniwang pumapansin sa mga tulad ko—nerdy, simple, at tulad ng madalas sabihin ni Sabrina, "hindi ka nababagay sa aming mundo." Alam ko na totoo ang kanyang sinabi, sa tulad kong nerd at isang dukha ay iniisip niya na wala akong karapatan na mag-aaral ng marangyang paaralan. Habang papunta ako sa susunod kong klase, paulit-ulit kong iniisip ang mga huling usapan namin ni Vince. Ang popular at kumpiyansang si Vince Rosales, na hinahangaan ng lahat, ay kasabay ko mag-lunch, kausap ko sa mga ka-klase ko, at naghihintay na naman si Vince sa may gate sa akin. 'Vince, Bakit mo ito ginawa?' bulong ko sa aking sarili habang naglalakad paalis sa room namain. Hindi ko maintindihan. Totoo ba ang ginagawa niya, o isa lang itong malupit na biro? Sa kabila ng tahimik na mga araw mula kay Sabrina at sa grupo niya, ramdam ko pa rin ang tingin nila, parang naghihintay ng tamang pagkakataon para umatake. Hinigpitan ko ang hawak sa mga libro habang naglalakad sa hallway. Ang mga tingin at bulong ng mga kaklase ko ay hindi ko maalis sa isip. “Bakit siya kinakausap ni Vince?” “Napaka-nerdy niya. Siguro dare lang ‘yan.” “Hindi naman sineseryoso ni Vince ang isang tulad niya.” Masakit. Kahit pilitin kong balewalain, tumatagos pa rin ang mga salita nila. Sa lunch break, umupo ako sa dati kong pwesto sa ilalim ng puno, umaasang magkaroon ng konting katahimikan. Pero gaya ng nakasanayan, natagpuan pa rin ako ni Vince. “Hey,” bati niya, paupo sa tabi ko na parang doon talaga siya dapat. “Hi,” sagot ko nang mahina, hindi inaalis ang tingin sa notebook ko. “Anong problema? Parang tahimik ka nitong mga nakaraang araw.” Nagdadalawang-isip ako kung sasabihin ko ba ang iniisip ko o hindi. “Wala,” sagot ko sa huli, nagsisinungaling. “Huwag mo akong ganunin, Safara. Alam kong may iniisip ka.” Tumingin ako sa kanya, at nakita ko sa mukha niya ang sinseridad. Pero lalo lang akong nalito. Paano kung palabas lang lahat ng ito? “Bakit mo ginagawa ‘to?” bigla kong tanong. “Ginagawa ano?” “Ang pagiging mabait sa akin. Ang pakikipag-usap. Ang pagsabay sa akin. Ang mga tulad mo, hindi naman basta-basta nakikipag-usap sa tulad ko kung walang dahilan.” Lumitaw ang lungkot sa mga mata niya saglit, pero napalitan din agad ng pamilyar na ngiti. “Baka naman gusto ko lang talagang makasama ka,” sabi niya nang simple. Gusto kong maniwala sa kanya—gustong-gusto ko—pero ang mga insecurities ko ang pumipigil sa akin. Kinagabihan, nakaupo ako sa kama, hindi mapigilan ang pag-iisip tungkol sa kanya. Si Vince ay parang anino sa isip ko—naroon sa campus, sa bawat iniisip ko, at pati na rin sa mga panaginip ko. Pero ang takot na masaktan ang pumigil sa akin para magtiwala nang buo. Paano kung laro lang ito para sa kanya? Paano kung nagpapanggap lang siya na may gusto para manalo sa pustahan o patunayan ang isang bagay? Hindi ko kayang mahulog sa kanya hangga’t hindi ko alam ang totoo. Kinabukasan, sinubukan kong iwasan siya. Umupo ako sa likuran ng classroom, hindi nakipag-usap sa break, at lumabas ng cafeteria bago pa niya ako mahanap. Pero hindi madaling sumuko si Vince. “Safara!” tawag niya habang nagmamadali akong lumabas ng library matapos ang lunch. Nagkunwari akong hindi narinig, binilisan ang lakad ko. “Uy, sandali lang!” Tumakbo siya para maabutan ako, tinabihan ako sa daan. “Anong problema? Bakit mo ako iniiwasan?” “Hindi ko,” sagot ko, iwas ang tingin sa kanya. “Ang galing mo magsinungaling,” sabi niya, magaan ang tono pero seryoso ang mga mata. Napabuntong-hininga ako, mahigpit na hawak ang mga libro ko. “Ayoko lang masaktan, Vince.” “Masaktan? Anong ibig mong sabihin?” “Sikat ka, mayaman, at kumpiyansa,” sabi ko, nanginginig ang boses. “Ako? Ako lang ito. Hindi naman basta-basta nakikipagkaibigan ang mga tulad mo sa tulad ko kung walang dahilan. Kaya sabihin mo, Vince—ano ang dahilan mo?” Nakita kong nanikip ang panga niya, parang may gusto siyang sabihin pero pinigilan niya ang sarili. “Hindi kita niloloko, Safara,” sabi niya nang mahina. Gusto kong maniwala, pero mas malakas ang mga duda sa isip ko. “Kailangan ko nang umalis,” sabi ko, lumihis at naglakad palayo. Habang papalayo, naramdaman kong parang may pumipigil sa lalamunan ko. Gustong tumulo ng luha ko, pero pinilit kong pigilan. Hindi ko na alam kung ano ang paniniwalaan. Si Vince ay mabait, thoughtful, at nakakabighani, pero ang takot na maging biro lang sa kanya ang pumipigil sa akin para magtiwala. At hangga’t hindi ko alam ang totoo, hindi ko kayang mahulog sa kanya.