NAPAPAILING na lang ako sa babaeng kaharap. Ibang klase talaga! Wala akong masabi. Sabagay, hindi ko naman siya masisisi dahil hindi niya ako kilala. Kung nakilala niya ako, baka mababahag ang buntot niya at hindi na niya ako sasagot-sagutin ng ganoon.
“Pumapayag ka bang maging personal clown ng anak ko, o hindi? Nasasayang ang oras ko sa pakikipag-usap sa’yo. Unang-una, ayaw ko sa’yo sa bahay ko, pero dahil gusto ng anak ko ay wala akong magagawa.”
“Fifty thousand a month, malaking bagay ‘yun, Sir. Pero tulad ng sabi ko kanina, gusto ko lang linawin na walang kasamang extra service ang 50,000, okay? Hindi ako mababang babae para mag-alok ng extra service. Kaya ko pong paghirapan ‘yun.”
Napaawang ang labi ko sa mga sinabi niya. Parang papatulan ko na talaga ito pero nagtimpi pa rin ako. Oo, may mga babae kami sa organisasyon, at hindi rin ako faithful kay Silvia pero ginagawa ko ang lahat para maging mabuting asawa. Sa paraan na alam ko.
“Ito ang tandaan mo, Miss Clown,” wika ko sa babae. “Hindi ko kailangan magbayad ng babae para galawin. Ang babae ang kusang lumalapit sa akin at nagpapaligaya sa akin. Malinaw ba sa’yo ‘yun?”
“Malinaw po, Sir. Gusto ko lang po maging malinaw ang usapan. Mahirap pong maging padalos-dalos. Hindi naman po kayo mukhang rapist,” dagdag pa niya. Nanlaki ang mga mata ko dahil sa naging sagot nito.
“Kung hindi ka papayag, huwag mo nang sayangin ang oras ko. Kung pumapayag ka, naghihintay na ang sasakyan ko dahil naghihintay na ang anak ko sa akin,” galit kong wika dahil talagang nakakaubos ng pasensya ang babaeng payaso na ito.
“Sandali naman po, Sir. Hindi pa po ako ready. Wala akong gamit, wala akong dala.”
“Ako nang bibili ng mga personal mong gamit. Hindi ako nag-aaksaya ng oras na katulad ng ganito. Kung iniisip mo ang mga gamit mong mahalaga, pwede mo namang ipadala sa bahay. So ano? Pumapayag ka na sa 50,000?”
“Sige po, Sir. Mapapag-aral ko na po ang mga kapatid ko. Mababayaran ko na rin ang apartment namin at ang boarding house nila. Sapat na po yun para------”
“Stop!” pigil ko sa kanya. Ang daldal nito! Sumasakit ang ulo ko. “Oo o hindi lang ang gusto kong sagot.”
“Opo, pumapayag po ako sa 50,000 a month without extra service.”
“Kung ganoon, sumakay ka na sa sasakyan ko,” wika kong itinuro ang itim na van. Hindi ko na siya pinansin.
“Magpapaalam lang po ako sa mga kasama ko,” wika pa niya pero hindi ko na siya sinagot pa. Kung ang anak ko ay natutuwa rito, mukhang kabaliktaran ang mangyayari sa akin. Naiirita na ako sa kadaldalan niya. Baka mamaya’y mapag-diskitahan ko siya at gawin kong target. Baka mapatay ko pa ang payaso------kapag nagkataon, ngayon lang ako makakapatay ng payaso!
“Nasaan na po ang clown? Bakit hindi ninyo kasama?” tanong sa akin ni Sarah pagpasok ko ng sasakyan.
“Magpapaalam lang daw siya sa mga kasama niya. And don’t worry, anak, kasama natin siyang uuwi ng bahay,” nakangiti kong wika.
“Thank you, Daddy!” Yumakap sa akin si Sarah sa tuwa kaya hinaplos ko ang buhok nito.
TAMA nga ang hinala ko. Konsumido na ako sa payaso na ‘yon. Pinag-antay lang naman kami ng thirty minutes bago ito bumalik sa sasakyan. Kung hindi dahil sa anak ko ay hindi ako maghihintay. Kung sa asawa ko ngang, si Silvia ay hindi ako naghihintay, sa payaso pa kaya na bagong-kilala ko lang? Hindi ko mapigilan ang manggigil pero hindi ko iyon maipakita lalo na at tumabi na ito kay Sara at nakipag-usap.
Pagdating ko sa bahay ay ibinilin ko na ang clown sa mga katulong dahil kanina pa ako nagtitimpi ng inis, at hindi ko alam kung hanggang kailan ko kayang tiisin ang payasong iyon.
Mabuti na rin at kumuha ako ng clown dahil nakakasundo ito ng ang anak ko. Hindi ko na kailangang magpaalam kay Sarah kung may gagawin man ako o di kaya lalakarin. Sa ilang araw na pananatili ng clown sa bahay ay hindi ko pa nakikita ang mukha nito. Naka-makeup pa rin ito para pasayahin si Sarah tulad ng napagkasunduan namin. Hindi naman ako nababahala na ligtas si Sarah lalo na’t nasa loob lang ng bahay ang mga ito.
“Nagbayad ka ng clown para lang pasayahin si Sarah? Tama ba ang narinig ko, Don?” tanong sa akin ni Larry na hindi makapaniwalan.
“I can't help it. My daughter likes her. I can't possibly go against what Sara wants. Mukhang nakakasundo naman niya ang anak ko dahil hindi ako kinukulit ni Sara ngayon. Nakakahinga na rin ako ng maayos. Isa pa, gusto kong tutukan ang kaso ni Silvia. Gusto ko pa ring malaman kung sino ang traydor na pumatay sa asawa ko at nagtangka sa buhay ko. Alam kong mauulit ito hangga’t hindi napaparusahan ang nasa likod ng lahat. Larry, I still need your help. Ikaw lang ang maaasahan ko. Pasensya na rin kung naging mainitin ang ulo ko nitong mga nakaraang araw. You're right, I shouldn't be neglecting our people. Trust is a precious commodity these days. Keep focusing on our transactions, especially with our business partners. I'm concerned about the recent shortfall in weapons deliveries; it wasn't like this before. Are we short of cash?”
“Alam mo naman sa negosyo natin, marami tayong karibal. Kaya nga hindi dapat tayo nagpapabaya, lalo na ngayon at maraming negosyanteng pumapasok sa bansa. Marami silang contacts. Ang magagawa lang natin ay makipagsabayan. Ituloy natin ang ibang negosyo natin. We need to find a cheaper supplier of weapons para hindi tayo mapag-iwanan.”
"Schedule a meeting with Mr. Agaton. Tell him I want to talk to him." He's referring to Agaton, the owner of a large drug laboratory here in the Philippines and the biggest drug supplier.
“Hindi mo ba alam? Wala na si Mr. Agaton. Kaya nga napilitan tayong kumuha sa kaibigan niyang si Mr. Catamora. Hindi lang pareho ang presyo nila ni Mr. Agaton dahil mas mahal si Mr. Catamora, pero wala tayong ibang paraan. Hindi naman pwedeng itigil ang negosyo dahil lang sa wala na si Mr. Agaton.”
“Kailan pa?” gulat na gulat kong tanong.
“Nang isang buwan pa.”
“Kasunod ng pagkamatay ni Silvia?”
“Oo.”
Napabuga ako ng hangin dahil sa naging sagot ni Larry.
“Heart attack ang ikinamatay niya.”
“No foul play?” tanong ko pa.
“Wala.”