NASA lobby na siya ng hotel nang dumating sina Tere at Kuya Travis para sunduin siya. Agad na niyakap siya ni Tere.
"Ayos ka lang ba talaga?" tanong nito sa kaniya. Kinuha naman ni Kuya Travis ang maleta niya. Nginitian siya nito at niyakap.
"Oo nga," natatawang tugon niya sa kaibigan. "Siya nga pala, doon niyo na lang ako sa bus stop ihatid—"
"No, Amelie, ihahatid ka na namin sa condo ni Tristan," putol ni Kuya Travis sa sasabihin niya. Seryoso ang mukha nito. Minsan lang magseryoso si Kuya Travis kaya alam niya na hindi siya makahihindi rito.
Sumakay sila sa kotse ni Kuya Travis. Magkatabi ito at si Tere sa unahan habang mag-isa naman siya sa backseat. Dumaan pa sila sa drive thru at nag-take out ng pagkain. Nagkukuwentuhan sila at nagtatawanan kaya kahit papaano ay nalibang siya sa biyahe. Pinag-uusapan nila noong mga bata pa sila ni Tere at nakikita ni Kuya Travis na takbo nang takbo sa kalsada nang walang mga sapin sa paa.
"Tapos ang iitim niyo pa," natatawang kantiyaw ni Kuya Tr