"MA! GIGI! Nandito na po ako!"
Pagkapasok niya ng hospital room ng mama niya ay agad niyang hinanap ang ina at ang kapatid. Pagkalapag niya ng mga gamit sa couch ay siyang pagkalabas ng mga ito sa banyo.
"Bitawan mo nga ako, Gigi. Sabi nang kaya ko na maglakad e!" reklamo ng mama niya sa kapatid habang pilit na kinukuha ang braso sa pagkakahawak nito.
"H'wag na matigas ang ulo, Ma. Paano kung madulas ka? E'di mababago—" Napatigil sa pagsasalita si Gigi nang bumaling ito sa kaniya.
Namimilog ang mata at nakabukas ang bibig nito habang nakapaskil ang paningin nito sa kinalalagyan ng bouquet. Agad naman niyang nilapitan mga ito ng mapansin na parang mawawalan na ng balanse ang kanilang ina dahil biglang napabitaw 'yong kapatid niya sa braso nito.
"Ano ka ba, Gigi! Muntik nang matumba si Mama. Paano kung nabagok siya?"
"Umayos nga kayong dalawa. Nakakainis na 'tong pag-aalala niyo sa akin," reklamo ng ina sa kanilang dalawa. "Maggie. Kanino galing 'yon?" tanong nito, tinutukoy ang bouquet