Napakunot ang noo ni Cosmo sa hulinga salitang narining mula kay Eloise.
Ang unang dalawang kondisyon ay normal lang. Dahil mag-asawa sila, natural lang na magpanggap sila bilang isang masayang mag-asawa sa harap ng iba. Isa pa, bilang official niyang asawa, kung hahamakin si Eloise ng mga Lopez, para na ring binastos si Cosmo. Kaya normal lang na siya ang magsilbing pananggalang ni Eloise.
Pero ang ikatlong kondisyon—iniisip na agad ni Eloise ang tungkol sa divorce? Kakakuha lang nila ng marriage certificate, pero iniisip na niyang makipaghiwalay?
Tulad ng sinabi niya noon, napilitan lang siyang pakasalan si Cosmo. Ayaw niya, pero wala siyang magawa.
Para kay Cosmo, ang pagpapakasal sa isang babaeng hindi niya gusto ay nakakainis. Natural lang na gusto rin niyang makipaghiwalay. Pero ang pinagtataka niya, bakit si Eloise ang unang bumanggit nito.
Naisahan siya. Para bang mas gusto pa ni Eloise na layuan siya. Para kay Cosmo, isang insulto iyon sa kanyang pride.
Pinigilan niya ang kanyang inis. "Kung gusto mong makipag-divorce, dapat ko bang pagbigyan?"
Napansin ni Eloise ang tono ng kanyang boses, kaya kalmado siyang sumagot, "Siyempre. Kung gusto mong makipag-divorce, hindi kita pipigilan. Tatanggapin ko ito nang maluwag sa loob."
Napangisi si Cosmo. "Kung gusto kong makipag-divorce ngayon, papayag ka ba?"
Hindi nagpakita ng anumang inis si Eloise. Sa halip, bahagya siyang napangiti. "Hindi siguro magandang idea iyon. Kapag naghiwalay tayo agad pagkatapos ng kasal, para lang tayong naging katatawanan sa mata ng iba."
Tumawa nang malamig si Cosmo. "At ano naman ang pagkakaiba ng kasal na walang pagmamahal sa isang sapilitang kasal noong unang panahon? Hindi ba katawa-tawa rin iyon?"
Matalim na sagot ni Eloise, "Kapag nakipag-divorce ako agad matapos kitang pakasalan, iisipin ng iba na ako ang may ayaw sa'yo. Pero kung mananatili ako sa'yo, hindi ko kinuha ang pera mo, hindi kita ginamit, hindi kita nilait. Hindi ba nangangahulugan iyon na hindi kita minamaliit?"
Tahimik si Cosmo.
Sa kanyang kalagayan ngayon—bilang isang taong may kapansanan—ang inaasahan ng lahat ay pakakasalan siya ng isang babae dahil lang sa pera. Pero kung ang babae mismo ang hihiwalay at wala man lang hinihingi kapalit, anong iisipin ng tao?
Baka mas malala pa sa iniisip niya. Baka sabihin ng iba na hindi lang ang kanyang mga binti ang may diperensya.
Naging tahimik ang paligid, at lumubog ang silid sa isang tensyonadong atmospera. Mabuti na lang at may kumatok, kaya naputol ang tensyon.
Pumasok ang kanyang assistant na si Jiro, dala ang ilang mahahalagang dokumentong kailangang pirmahan ni Cosmo.
Nagulat ito nang makita si Eloise. Sa kasalukuyang kalagayan ni Cosmo, bukod sa mga tagapag-alaga niya, walang ibang pinapayagang lumapit sa kanya.
Sinulyapan ni Jiro si Eloise. Mas maganda siya sa personal kaysa sa larawan—maliit ang mukha at may klasikong kagandahan.
Ngumiti si Eloise sa kanya bilang pagbati. Sandaling natigilan si Jiro bago ito bumawi ng isang magalang na ngiti.
Lihim na pinagmasdan ni Cosmo ang interaksyon nilang dalawa. Mapanuri ang kanyang tingin. Hindi niya maiwasang mag-isip—kaya palang dumiskarte ni Eloise. Sinabi nitong hindi niya kailangan ng tulong, pero mukhang nagpapakita siya ng kabaitan sa mga tao sa paligid niya.
Naisip niya kung may plano ba si Eloise kaya niya ito ginagawa.
Inabot ni Jiro ang mga dokumento kay Cosmo at maingat na inalalayan siya pabalik sa kama. Matapos pirmahan ang mga papeles, inutusan ni Cosmo si Jiro, "Ipahanap si Atty. Teves para gumawa ng kontrata. At ang laman ng kontrata ay..."
Mula sa tono ng kanyang boses, halatang gusto niyang subukan kung talagang paninindigan ni Eloise ang kanyang sinabi.
Mabilis namang sumagot si Eloise, "Ako na ang magsasabi ng nilalaman ng kontrata."
Dahan-dahan niyang ipinaliwanag ang mga detalye nito, at habang nakikinig si Jiro, hindi niya maiwasang mamangha.
Wala ni isang bahagi ng kasunduan ang pabor kay Eloise. Para itong kasunduang nagtatali sa kanya nang mahigpit, walang anumang benepisyo para sa kanya.
Pero tahimik lang siyang pumayag. Maging sa tono ng kanyang boses, walang bahid ng pag-aalinlangan.
Matapos niyang ipaliwanag ang lahat, tumingin siya kay Cosmo. "Cosmo, may gusto ka bang idagdag?"
Para sa mga mayayaman, normal lang na gumamit ng prenuptial agreement upang maiwasan ang mga abala sa paghihiwalay. Pero ang kasunduang ito—hinihingi mismo ni Eloise ang kondisyon na aalis siyang walang dala. Kahit isang kusing mula sa Dominguez family, hindi niya gustong kunin?
Walang emosyon sa mukha ni Cosmo na nakatingin sa kanya at sumagot. "Wala na akong idadagdag. Ipagawa mo na kay Atty. Teves ang kasunduan at ipasa ito sa akin agad."
Si Jiro ay nagulat pero agad na kumalma, "Opo, Sir."
Nang sila na lang dalawa sa silid, nagsalita si Eloise, "Nakita ko si Mrs. Dominguez bago ako pumunta rito. Sabi niya, dahil mag-asawa na tayo, dapat tayong matulog sa iisang silid para maalagaan kita."
Ang katotohanang kailangan niyang alagaan ay agad na nagpagalit at nagpag-loomy ng mukha ni Cosmo.
"Kung gusto mong gampanan ang papel ng asawa, hindi mo kailangang alagaan ako."
Nag-isip si Eloise sandali. "Kung gano’n, hindi na lang ako sa master bedroom matutulog. Sa guest room na lang ako. Pero kapag tinanong ako ni Mrs. Dominguez, paano ko ipapaliwanag iyon?"
Cosmo, "Matalino ka naman, hindi ka ba makakahanap ng dahilan?"
Bagaman ang tono nito ay halatang naiinis, napansin ni Eloise ang isang mahalagang bagay. "Ibig sabihin, sa tingin mo matalino ako?"
Mas lalong nainis si Cosmo. Iyon talaga ang napansin ng babae.
Maya-maya, lumabas si Eloise ng kwarto, kinuha ang maleta na nasa labas ng pinto, at nagtungo sa guest bedroom.
Hindi kalakihan ang kwarto, pero kumpleto ito sa kagamitan. Binuksan niya ang bintana para lumabas ang hangin at naglinis ng kaunti. Mukhang ito na ang magiging tirahan niya sa bahay ng mga Dominguez mula ngayon.
Di nagtagal, may dumating na kasambahay para imbitahan silang mag-dinner. Karaniwan, mag-isa lang kumakain si Cosmo sa maliit niyang bahay, pero special ang araw na ito.
Unang araw ni Eloise sa pamilya nila. Kahit walang kasal na naganap, kailangan nilang magsalo ng pagkain upang pormal siyang ipakilala sa pamilya at makilala niya ang iba.
Dahil ayaw ni Cosmo na samahan siya, mag-isa siyang pumunta.
Pagdating niya sa harapang bulwagan, hindi na nagulat ang iba nang makita siyang mag-isa. Pero ang tingin nila sa kanya ay may halong pagmamaliit o awa.
Marami ang miyembro ng pamilya. Ang ama ni Cosmo ay may tatlong kapatid na lalaki at dalawang kapatid na babae.
Siya ang panganay na anak at ang pinakamatandang apo, kaya naman mula pagkabata, mahal na mahal siya ng kanilang lolo.
Bukod pa rito, bata pa lang ay ipinakita na niya ang pambihirang talino sa negosyo, kaya’t walang duda na siya ang napiling tagapagmana ng pamilya.
Ang matandang si Wilfred Dominguez ay nasa edad setenta, nakasuot ng black suit attire, mukhang mahigpit ngunit may kabaitan. Kinawayan niya si Eloise upang lumapit at masusing sinuri ito.
Siya ay personal na pinili ng ina ni Cosmo—isang babaeng kilala sa pagiging mapanuri at mataas ang pamantayan. Kaya’t nakakagulat na ang napili niya ay isang ampon mula sa mga Lopez.
Gayunpaman, lumaki pa rin siya sa mga Lopez sa loob ng mahigit dalawampung taon, kaya’t taglay niya ang ugaling disente, magalang, at may mahinhing kagandahan.
Hinayaan ni Eloise ang matanda na suriin siya at magalang na bumati, "Magandang gabi po, Lolo."
Dahil kasal na sila ni Cosmo, nararapat lang na palitan niya ang tawag dito, upang walang makitang butas laban sa kanya.
Sandaling nagulat si Wilfred sa kanyang pagtawag, pero agad rin itong ngumiti at tumango. "Tama, dapat mo na akong tawaging lolo."
May inihanda siyang regalo para kay Eloise bilang pormal na pagsalubong sa pamilya. Ipinakuha niya ito agad sa mayordoma upang ibigay kay Eloise.
Sa ganitong okasyon, ang pagtanggap ng regalo mula sa nakatatanda ay bahagi ng tradisyon at respeto. Ang pagtanggi rito ay hindi lang pagmamayabang kundi isang malaking kawalang-galang.
Tinanggap ni Eloise ang regalo at nagpasalamat, "Salamat po, Lolo."
Nagustuhan ni Wilfred ang kanyang pagiging diretso at hindi pakitang-tao, kaya’t ngumiti ito nang may kasiyahan at nagtanong, "Kumusta ang unang pagkikita ninyong mag-asawa kanina?"
Ang tanong ay tila simpleng pangungumusta pero may nakatagong bitag. Kung ipapakita ni Eloise na hindi niya gusto si Cosmo, tiyak na hindi magiging madali ang buhay niya sa pamilya.
Bago pa man siya makasagot, may isang tinig na sumingit, "Pinagkasundong kasal lang ang kay Ate, kaya sigurado akong hindi masaya si Kuya. Baka nga sinigawan pa siya kanina, tingnan mo, ni hindi na sumama sa hapunan."