Kinabukasan, mainit ang araw at banayad ang ihip ng hangin. Sa loob ng bahay nina Apple at Mia, abala ang dalawa sa paghahanda ng mga gamit para sa tila simpleng bakasyon nila sa Batangas. Ngunit sa puso ni Mia, may sikreto siyang kinikimkim—isang plano, isang sorpresang muling magbubukas ng puso ng kaibigan niyang si Apple.
“Nakuu bes, baka maiwan tayo ng helicopter!” sigaw ni Mia habang abalang pinupunasan ang shades at nilalagay sa tote bag. Halatang hindi lang basta bakasyon ang iniisip nito—maging ang outfit niya ay may halong kislap at excitement.
“Helicopter? Wow, sosyal!” sagot ni Apple na may halong biro, bitbit ang maliit na cooler bag ng snacks ni Amara at mga laruan ni baby Lucien. “Parang last minute ka rin kung maka-pack ha.”
“Alam mo naman ako, bes, pressure princess,” natatawang sagot ni Mia. Pero sa likod ng kanyang mga halakhak, may kaba. Ilang oras na lang, at magbabago ang buhay ni Apple—ng buong pamilya nila.
Sa kabilang banda, kasalukuyang nagmamaneho si Lance, di