Share

CHAPTER 3

“UUWI ang Kuya Winston at Rene mo sa Sabado, Anna. Sigurado akong na-mi-miss mo na sila,” ani Mrs. Cora. “Kaya magluluto ako ng masarap na ulam. Ano’ng request mo ngayon, mahal ko?” Pinisil ng ina ang pisngi ni Annabelle.

“Ginisang hipon, Mama!” magiliw na sagot ng dalaga. Nasa sala sila at nanonood ng TV.

“Favorite mo talaga iyan, anak, ano? Kahit pa siguro araw-arawin,” natatawang sabi ni Mrs. Cora. “O siya, sige, magluluto ako.”

“Yehey!”

Galing sa kusina ay lumabas ang ama niyang may bitbit na tasa ng tsaa. “Mang, iimbitahin ko rin iyong nakilala kong opisyal ng sundalo, si Miguel. Nagkausap kami kanina sa opisina. Gusto ko ang batang iyon. Mabait, magalang, at karespe-respetado. Magaling sa trabaho. Sigurado akong magkakasundo kami niyon.” anito.

“Oo naman, Pang. Imbitahan mo nang makilala naman namin. Malayo pa naman sa pamilya nila ang mga batang iyon. Mabuti na iyong mapalapit din sila sa mga tao rito.”

Buhat sa narinig ay napukaw na naman ang damdaming pilit binabalewala ni Annabelle para sa binata. Hindi maaari iyon. Kagaya ng sinasabi niya kay Jenny, iiwasan niya ang mapalapit, lalo na ang mahulog sa isang taga-Maynila. Isa ring dahilan ay ang malaking agwat nila sa isa’t isa. Bata pa siya, hindi pa nga siya tumatanggap ng manliligaw. Pero bakit sa tuwing makikita niya ang sundalong iyon, may napupukaw itong damdaming hindi niya kayang isalarawan.

Nang gabing iyon, nakatulog si Annabelle na iniisip kung ano ang kahihinatnan ng hapunan ng pamilya niya sa Sabado kasama ang magiging bisita.

 

SABADO. Tahimik na kumakain si Annabelle. Asiwang-asiwa na siya sa presensiya ng bisita. Bakit ba siya nagkakaganito? Bakit apektadong-apektado siya? Wala naman itong ginagawa maliban sa pagsulyap-sulyap nito minsan sa kaniya.

“Annabelle, may sakit ka ba?” tanong sa kaniya ng Kuya Winston niya, ang panganay. “Bakit ang kokonti ng subo mo?”

“Oo nga, hija, may dinaramdam ka ba?” dugtong ng ina niya. “Paborito mo iyang ulam, pero bakit hindi ka masyadong kumakain?”

“Okay lang ako, Mama.” Ngumiti siya nang bahagya para ipakita sa kanilang mabuti ang pakiramdam niya.

Pagkatapos nilang maghapunan, hinayaan ng mga ito na magpahangin sa labas si Annabelle. Pakiramdam niya ay tila naging masikip ang loob ng bahay at kailangan niyang makalanghap ng sariwang hangin.

May pandalawahang bench sila sa labas ng bahay sa ilalim ng neam tree. Ito ang paborito niyang tambayan, lalo na kapag may iniisip o kung gusto niya lang mapag-isa. Umupo siya roon, nakayukong tinitigan ang mga paang nilalaro ang tuyong dahon. Hindi niya namalayan ang paglapit ng isang tao sa tabi.

Napatalon siya sa kinauupuan sa gulat nang makarinig ng pagtikhim ng baritonong boses sa gilid. Tuloy nadulas ang puwet niya at tuluyang napadausdos sa inuupuan. Hinintay niyang lumapat ang pang-upo sa lupa ngunit maagap siyang nahawakan ng mga malalakas na braso ng may-ari ng boses na iyon.

‘Miguel’

“Nasaktan ka ba?” nag-aalalang tanong nito. “Sorry kung nagulat kita.”

“Bakit ka ba kasi sumusulpot bigla?” inis na sabi ng dalaga upang hindi mahalata ang pagkapahiya. Inayos niya ang damit at bumalik sa pagkakaupo, nagpapasalamat na hindi masyadong maliwanag ang bahaging iyon dahil kung hindi ay siguradong mapapansin nito ang pamumula ng mukha niya.

“Gusto lang sana kitang kumustahin? Ang tahimik mo kasi simula kanina.”

“Okay lang ako.”

“Sigurado ka?”

“Oo nga. Kulit nito,” pagsusuplada niya dahil hindi na niya alam kung ano ang dapat ikilos. Naririnig niya na ang tibok ng kaniyang puso.

Bumuntonghininga ito. “Mabuti naman. Nag-alala ako.”

Buhat sa narinig ay napatingin siya sa mga mata nito. Gusto niyang alamin kung sincere ito sa sinabi. Ngunit isang maling desisyon ang ginawa niya, dahil ang simpleng tingin ay nauwi sa titig.

 

NAPAKAINOSENTE ng mga bilugang mata ni Annabelle. Kita niya ang mahahaba nitong  pilik-mata sa malamlam na ilaw na nagmumula sa loob ng bahay. May naglalaro na ilang hibla ng buhok sa makikinis at mapuputi nitong pisngi na parang kay lambot haplusin. Dahan-dahan niyang itinaas ang kamay sa mukha nito, tila natatakot na sa isang maling kilos ay biglang maglaho ang kagandahang nasa harapan. Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok nito patalikod sabay haplos sa pisngi. Napapikit si Annabelle at bahagya pang inilapit ang pisngi sa kamay ni Miguel. Nakaramdam ang binata ng pagsikip ng dibdib. Nakakadarang ang damdaming umuusbong doon. Kaya bago pa siya makagawa ng bagay na pagsisisihan ay bigla siyang tumikhim at lumayo rito.

“Lumalamig na, Annabelle. Mas mabuting pumasok na tayo sa loob,” walang emosyon niyang sabi at naunang naglakad papasok ng bahay.

 

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status