Share

Kabanata 2

Burying the Dead

Tatlong araw lamang ang itinagal ng burol ni lola dahil pinutol ko na ang munting pag-asang may mga ka-anak pa kaming gustong masilayan siya sa huling sandali.

Sa loob ng dalawang araw ay apat na tao lamang ang paulit-ulit kong nakikita- si Gabby kasama ang mga magulang nito. Pa minsan-minsan ay nahahagilap ng paningin ko ang bagong salta sa lugar namin— nagugulat, nanginginig, natatakot pagkatapos ay tatakbo palayo. Hindi ko maintindihan kung ano ang nangyayari sa kanya at wala na rin akong balak pa na alamin basta ba't hindi niya pinapakialaman ang buhay ko.

Habang unti-unting binababa ang kabaong ni lola sa huli niyang himlayan ay pakiramdam ko tila nauupos akong kandila. Gusto kong umiyak pero tila naubos na ang tubig sa aking katawan dahil wala nang lumalabas sa aking mga mata. Ramdam ko na rin ang pamimigat ng aking mga talukap hindi dahil sa antok ngunit dahil sa pamamaga ng mga ito.

Hindi ko alam kung ano ang gagawin pagkatapos nito. Uuwi ba ako sa bahay? Magkukulong sa opisina ni lola? Tatawag sa insurance company? Mag drop out sa school? Ang gulo ng utak ko. Kung pwede lang sumama kay lola sa hukay ay ginawa ko na. Pero bakit nga ba hindi pwede? Hindi nga ba pwede? Buhay ko ito, ako ang magsasabi kung kailan ko ito maaaring tapusin.

"Faith, anong ginagawa mo!"

Tila hinila ng liwanag ang kaluluwa ko pabalik sa aking katawan dahil sa sigaw na iyon ni Tita Liz. Maging ang mga nag aayos sa libingan ni lola ay natigil sa kanilang ginagawa.

"Faith naman!" umiiyak na wika ni Gabby. Hawak niya ang kanang kamay ko habang nakaalalay sa likod ko si Tito Marcus.

"Ang mabuti pa ay umuwi na tayo," pinal na sabi ni Tito.

Umayos ako ng tayo at mariin na pumikit. "Hindi naman ako t-atalon," pumiyok ako sa huling salita. Bakas ang pagsisinungaling. "Hihintayin ko lang na matapos i-semento ang libingan ni lola."

"Sasamahan na kita, Faith," ani Gabby.

Umiling ako. "Gusto ko sanang mapag-isa muna, Gab. Huwag kayong mag-alala, wala akong g-gagawing masama."

Rinig ko ang malalim na buntong hininga ni Tita Liz. "Mag hihintay kami sa sasakyan, Faith."

Gusto ko mang umalma ay hinayaan ko nalang dahil sila na ang magiging legal guardian ko, papeles nalang ang kulang.

Pagak akong natawa pagkatapos tumingala sa kalangitan. May dalawang bahag-hari akong nakita sa asul na kalangitan habang nagsisiyahang lumilipad ang mga ibon. Ikinatutuwa yata ng langit na makita akong naghihirap. Siguro wala nga akong magandang nagawa kaya nararapat lamang akong masaktan ng ganito, pero si Lola Kristel, ginugol niya ang buong buhay niya para tulungan ang mga taong nahihirapan, nasasaktan, at inuusig ng kanilang nakaraan. Wala siyang ibang ginawa kundi tumulong nang walang hinihinging kapalit.

Naikuyom ko ang aking mga kamao. Sandrex is a devil! Sinusumpa ko, pagbabayaran niya ang ginawa niya kay lola. Ako mismo ang mag papahirap sa kanya! Sa mga kamay ko mismo siya mamamatay. Pero kahit kamatayan ay kulang pang kabayaran sa naging kasalanan niya. Gusto ko siyang mag-hirap sa loob ng mahabang panahon hanggang sa siya na mismo ang luluhod sa harap ko at magmakaawang patayin ko nalang siya!

"Ma'am, tapos na po." Habol ko ang aking hininga habang nakatitig sa lalaking nag semento sa libingan ni lola. "Ayos lang po ba kayo?" nag aalalang tanong niya ngunit hindi ko magawang makasagot. 

Naging maingay ang aking paghinga. Hindi ko maintindihan. Bakit may hawak akong pala na nakatutok sa dalawang lalaking kaharap ko ngayon.

"M-miss…"

Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses ngunit bago ko pa man maaninag ang kanyang mukha ay bumigay na ang aking mga tuhod. Nararamdaman ko na naman ang malaking espasyo sa aking puson na unti-unting sinasakop ang buo kong pagkatao. Sa bawat pisikal na sakit na nararamdaman ko ay dobleng sakit ang nararamdaman ng puso ko. Sa ganitong mga pagkakataon ay alam kong si Lola Kristel lang ang makakatulong sa akin at ang katotohanang iyon ay mas lalong nagpapaliyab sa galit na nararamdaman ko.

Habol ko na ang aking hininga na tila ba hindi sapat ang hanging nasa paligid. Pakiramdam ko ay dumurugo na rin ang aking mga mata dahil sa sakit.

Ayaw ko na, gustuhin ko mang intindihin ang nangyayari sa akin ay pagod na akong labanan ito. Siguro ganitong sakit rin ang naramdaman ni lola bago siya namatay kaya kung ganitong sakit rin lang ang tanging paraan para magkasama ulit kaming dalawa ay handa akong magpasakop.

Pumikit ako ng mariin ngunit bago paman ako tuluyang magpasakop sa sakit at dilim ay naramdaman ko na ang manhid sa aking pisngi. Hindi dalawa kundi tatlong magkasunod. Pinilit kong ibuka ang aking mga mata ngunit ramdam ko pa rin ang pagkahilo. May mga tinig akong naririnig ngunit hindi ko maintindihan hanggang sa naramdaman ko nalang ang lamig ng lupa sa likod ko. Nalalasahan ko na ring may kasamang dugo ang aking bawat lunok.

Pinilit kong tingnan ang mukha ng taong pilit umaalalay sa akin upang makatayo. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi niya ngunit nababakas sa kanyang boses ang pinag halong takot at kaba.

"Faith!" Tanging naintindihan ko sa sigaw niya habang niyuyog ang aking balikat.

What the hell. Bakit hindi ako makapagsalita.

"Hindi, Faith. Labanan mo!"

Kumunot ang noo ko. Anong pinagsasabi ng taong ito? Ilang ulit siyang umatras. Akmang tatakbo palayo ngunit hahakbang ulit palapit sa akin.

"Huwag!" sigaw niya bago bumagsak sa lupa.

Pumikit ako ng mariin ng makitang papalapit ang katawan niya sa akin. Alam kong hindi na siya gumagalaw  kaya paniguradong ako ang nag lalakad palapit sa kanya.

This is not happening, again. Nawawalan na naman ako ng kontrol sa aking katawan. Sinubukan kong damhin ang aking mga paa hanggang sa napatigil ko ito sa pag hakbang. Sunod ay pinuno ko ng hangin ang aking dibdib at pinigilang bumuga ng hangin. Naramdaman ko nalang ang paninikip ng dibdib ko hanggang sa unti-unti akong bumagsak sa lupa.

XxXCGTXxX

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status