Share

Chapter 8

Mabilis akong naglakad para makita ang listahan kung sino ang nakapasok sa musical play na gaganapin sa fiesta ng bayan sa susunod na buwan.

Nakita kong nag-uumpukan ang mga tao para makita ang pangalan nila sa listahan.

"Tim!" malakas na sigaw ni Juancio kaya naman kaagad ko siyang nilapitan.

Malawak ang ngiti nito at inalog-alog ang aking balikat kaya kunot -noo ko siyang tiningnan.

"Congrats pare!" Sabay yakap sa akin.

Natulala ako at hindi nagawang gumanti sa yakap ng kaibigan dahil nahulaan ko kaagad ang anunsyo niya.

"Seryso! Nakapasok ka!" sabi niya at inalog ulit ang balikat ko.

"Totoo?" tanong ko, naninigurado.

"Oo! Tara tingnan mo!"

Hinatak niya ako at nakipagsiksikan sa mga tao. Kahit yata hindi nag-audition ay nakihalo rito.

  1. Toccata, Timoteo

Gusto kong tumalon dahil nakita ko sa listahan ang pangalan ko.

Sa wakas! Pangarap ko 'to!

"Sabi diyan sa ilalim ng listahan, kailangan niyo raw magpakita sa director mamaya para mapag-usapan na."

Nakangiti akong tumango kay Juancio habang ang kalooban ay labis-labis na ang saya at pagkasabik. Iniisip na marahil ay dito na mag-uumpisa ang mga pangarap ko na noon ay sa imahinasyon ko lamang nakikita.

Gano’n nga ang nangyari, nakipagkita kaming mga nakasali sa listahan sa director ng musical play. Sa isang malawak na silid niya kami kinausap at pinagsama-sama.

"Actually, masyadong mahirap itong gagawin natin dahil isang buwan lang ang practice na gagawin. Kahit hindi kayo ang bida, malaki ang ambag niyo sa entablado kaya asahan ninyong kung hindi man kayo gagabihin ng uwi, baka hindi kayo makauwi. Magpaalam na sana kayo sa magulang ninyo."

Agad na nagsitanguan ang mga kalahok at nakapasok sa audition. At dahil sabik akong sabihin sa kanila na napasali ako sa mga magpe-perform kanila Lyra at mama ay mabilis akong naglakad pauwi pagkatapos ng meeting. Sa kabilang banda ay hindi ko maiwasang mag-isip para sa kalagayan ng aking kababata. Maiiwan ko siya at hindi masasamahan sa bahay ng isang buwan. Mawawalan din ako ng oras sa kanila ni mama.

Hapunan na nang magdesisyon akong sabihin sa kanila ang aking balita.

"Mama? Lyra?" tawag ko sa kanila habang kumakain kami sa hapag.

Mabilis nila akong tiningnan.

"Ano kasi uh-" Kumamot pa ako sa ulo.

"Ano 'yun anak?" tanong ni Mama.

"Nag-audition po kasi ako para sa musical play na gaganapin sa fiesta at-"

"Natanggap ka?" masayang tanong ni Lyra at hindi na pinatapos ang sasabihin ko.

Tumango ako at mabilis na pumalakpak ang dalawang babae sa harapan ko.

"Ang galing mo Tim!" sabi ni Lyra.  "Aabangan ko yan ah!" Halata sa boses niya ang excitement.

"Kailan pa ito anak? Ikaw ah hindi mo sinabi na nag-audition ka," nakangiting sabi ni Mama.

"Noong nakaraang araw lang, Ma. Hindi ko muna sinabi kasi gusto ko kayo masorpresa," sagot ko.

"Yehey! Masaya ako para sa'yo!" masaya pa rin na sabi ni Lyra. "Proud kami sa'yo!"

Nakaramdam ako ng kasiyahan dahil sa mga katagang 'yun. Sa kakarampot na mga salita ay nagagawa niyang palakasin ang aking loob.

"Pero kasi…magiging abala ako sa practice. Baka raw hindi kami makauwi o gabi na kami makauwi," malungkot kong sabi. "Next month na kasi 'yun."

"Eh ano naman? Ayos lang 'yun basta safe ka roon," sabat ni Lyra.

"Kaso lang mawawalan ako ng oras sa inyo," sabi ko pa

Natawa si Mama at inabot ang pisnge ko.

"Sus Timoteo!" pang-aasar ni Mama. "Mamimiss mo lang si Lyra eh. Nako nako!"

Nakita ko ang pamumula ng pisnge ni Lyra habang ako ay nakaramdam ng hiya.

"Mama naman! Syempre pati ikaw!"

Tumawa lalo si Mama.

"Asus. Huwag nga ako, anak! Huwag ka mag-alala ako ang bahala kay Lyra rito. Hindi na muna ako tutuloy sa bayan para tumulong. Dito lang ako para bantayan si Lyra," suggest ni Mama pero umiling si Lyra.

"Hindi na po,” tugon niya. "Kaya ko na po mag-isa dito. Pangako wala po akong ibang gagawin," nakangiti nitong sabi.

Nagkatinginan kami ni Mama dahil hindi alam ang itutugon.

“Huwag po kayo mag-alala kaya ko po talaga,” pangungumbinse pa niya.

Nakita ko ang pagtango ni Mama habang nakatingin ito sa akin.

"Sigurado ka ba hija?" tanong niya.

"Lyra?" tawag ko habang nag-aalala.

"Huwag po kayo mag-alala, kaya ko po talaga."

Hindi na ako nakipagtalo pa at hinayaan na lang ang gusto niya.

Mabilis kaming natapos sa hapunan kaya dumiretso ako sa labas ng aming bahay para magpatugtog ng gitara. Maya-maya lang ay naramdaman ko na kaagad ang pag-upo ni Lyra sa tabi ko.

"Nakakatuwa Tim! Matutupad mo na ang pangarap mo," banggit niya at kitang-kita talaga ang saya sa mukha niya.

"Oo nga eh. Pero hindi naman ako ang bida," sagot ko.

"Ano naman? Para sa akin ikaw pa rin ang mangingibabaw doon. Ikaw lang ang papanuorin ko!"  mayabang niyang sabi.

Parang kinurot ang puso ko sa sinabi niya. Kaya habang tumatawa, buong puso kong tinitigan ang mukha ng babaeng nasa harapan ko.

"Tingin mo kakayanin ko?" tanong ko sa'kanya.

Ngumiti siya at hinawakan ang pisnge ko kaya nagulat ako nang bahagya.

"Oo naman!" sagot niya. "Ikaw si Timoteo Toccata!"

Naging mapungay ang mata ko at mas lumala pa ito nang ilagay niya ang kanyang ulo sa aking balikat na hindi naman niya madalas gawin.

"Sobrang proud ako sa'yo, alam mo ba 'yun?" mahinhin niyang sabi. "Masaya ako dahil natutupad mo na ang pangarap mo."

Napangiti ako at dinama ang gabing iyon.

"Enjoy mo lang ‘yang success mo ha," paalala niya sa akin. "Nabuhay ka para maging successful."

Hinawakan ko ang ulo niya at marahang hinaplos ang buhok niya.

"Masaya na ako dahil meron akong ikaw, Lyra!” bulong ko.

Maya-maya lang ay naramdaman ko ang pag-angat niya ng tingin sa akin kaya isang sincere na ngiti ang binigay ko sa'kanya.

Nanatili kaming tahimik habang mabagal kong ini-strum ang aking gitara.

Ang pakiramdam na kahit walang salita ang lumalabas sa bibig niyo, pero ang puso niyo ay parang sabay na nag-uusap kasabay ng pagkislap ng mga bituin sa kalangitan. Hindi ito matutumbasan ng kahit pa anong pangyayari sa buhay ko dahil payapa at sobrang saya talaga.

Ang makasama siya ang pinakamasayang pangyayari sa buhay ko.

"Mag-iingat ka ha, huwag mo papabayaan ang sarili mo kapag nagpa-practice,” paalala niya sa akin.

Tumango ako.

"Mamimiss mo ba ako?" tanong ko at natawa.

"Oo naman!" sagot niya pero agad yumuko dahil siguro ay napahiya kaya mas lalo akong natawa.

"Gagalingan ko para sa'yo!" sabi ko para makabawi.

Tiningnan niya ulit ako pero hindi pa rin naalis ang pagkapula ng mukha niya.

"Lahat ng ginagawa ko, ginagalingan ko para sa'yo," bulong ko habang mapupungay ang matang tinitingnan siya. "Para sa inyo ni Mama." At hinawakan ko ang mata niyang hindi na nakamumulat pa. "Para sa dalawang babaeng inspirasyon at lakas ko."

Dahan-dahan kong hinalikan ang mata niyang may deperensiya na. Sa ganitong paraan, maipaparamdam ko na mahal ko siya at kahit sino at ano pang kapansanan ay handa ko siyang tanggapin.

Mahal ko kahit ang imperfections na meron siya.

Kinantahan ko siya at buong pusong pinaramdam kung gaano ko kagustong makasama siya. Hinding-hindi mapapagod na gawin ang lahat para sa'kanya.

Siya ang lakas ko. Ang inspirasyon ko.

Siya si Lyra, ang aking awit. Ang aking mahal.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status