Share

Kabanata 7

INILIPAT ko ang paningin sa talon. "Oo."

Naglakad na ako ngunit napahinto nang hawakan niya ang braso ko.

"Ikaw talaga ang pakay ko sa lugar na ito, nakita ko ang alaga mong ibon at itinuro niya kung nasaan ka," aniya. Seryoso na ngayong nakatingin sa akin.

Gusto kong pabulaanan ang sinabi niya dahil itinanggi iyon ni Vivi kanina ngunit nangunot lamang ang noo ko sa pagtataka.

"Bakit mo naman ako hahanapin, Ginoo?" Napahinto ako nang mapagtanto ang kaniyang pakay. "Nais mo pa rin akong hulihin dahil sa pagnanakaw ko sa maharlikang iyon?" namamangha kong tanong.

Lalong sumeryoso ang mukha niya, inalis ang pagkakahawak sa braso ko. "Hindi kita hinahanap dahil sa kasalanan mo sa ginoong iyon kundi dahil sa kasalanan mo sa akin, Binibini," mariing aniya.

Naningkit ang mata ko. "Wala akong maalalang may kasalanan ako sa iyo, Ginoo."

Agad siyang napangisi, tila may naalala. "Hayaan mong ipaalala ko sa iyo ang pagnanakaw mo ng halik." Mabilis niya akong hinawakan sa magkabilang braso upang maiharap sa kaniya. Nanlaki ang mata ko at nabitawan ang hawak na balabal nang dumampi ang malambot niyang labi sa akin.

Sinasabi ng isip ko na itulak ko siya palayo ngunit ayaw sumang-ayon ng aking katawan. Napako lamang ako sa aking kinatatayuan, muli ay mabilis na kumalabog ang puso ko, at nasisiguro kong hindi ito dahil sa kaba.

Pumikit siya at marahang iginalaw ang kaniyang labi na halos magpabaliw sa akin, kakaiba. Naipikit ko rin ang mga mata ko at sinabayan ang galaw ng labi niya. Ngayon ay hindi ako naniniwalang ang pagnanakaw ko ng halik sa kaniya ang una niyang halik.

Naging matagal ang halik na iyon, tila mauubusan ako ng hininga. Idinilat ko lamang ang mata ko nang maramdaman kong humiwalay na siya sa akin. Hinihingal kong pinagmasdan ang labi niya, sadyang kay tamis.

"Anong ginawa mo?" mahina kong wika, tila ngayon lamang nakaramdam ng hiya. Bakit ako sumang-ayon sa halik na iyon? Gusto kong mainis sa aking sarili ngunit wala naman akong maramdaman na pagsisisi, tila gustong-gusto ko pa nga iyon.

"Tatlong gabi akong hindi pinatulog ng iyong halik, Binibini. Tatlong araw din kitang hinanap, sa wakas ay natagpuan din kita." seryosong aniya. "Simula ngayon ay pag-aari ko na iyong labi."

"Ano?" gulat kong wika. Tila hindi naintindihan ang mga sinabi niya, tatlong araw. Tatlong araw na mula nang una kaming magkita.

"Hindi ka na maaaring magnakaw ng halik sa iba dahil ako lang dapat ang ninanakawan mo. Handang-handa akong isuko ang aking labi sa iyo, aking magandang binibini." Ngumisi siya nang makita ang gulat ko sa mga sinasabi niya, inipit niya sa likod ng aking tainga ang nakakalat na hibla ng buhok ko.

Tinapik ko palayo sa akin ang kamay niya nang matauhan sa lahat ng ito. Hindi maaari. Hindi ka maaaring mahibang, Aliara!

"Nahihibang ka na ba?" hindi makapaniwala kong wika. "Hindi mo maaaring basta na lamang ariin ang labi ng iba. Ganyan ka ba sa mga binibining nakikilala mo?" Bahagyang umusbong ang galit ko.

Kumunot ang noo niya, tila hindi nagustuhan ang sinabi ko. "Ikaw lamang ang binibining nakatikim ng aking halik."

Umawang ang labi ko. "Ano? Ibig mong sabihin ay ako ang iyong unang halik, Ginoo?" gulat kong tanong.

"Ganon na nga, kaya mapalad ka," nagmamalaking aniya, mababakasan na ngayon ng ngiti sa labi.

Umismid ako. "Hindi kapani-paniwala," nakangisi kong wika, ibinaling ang paningin sa talon.

Ano ba ang ginagawa mo, Aliara? Bakit tila nagpapalinlang ka sa matamis na salita ng ginoong iyan? Makisig lamang siya at matamis humalik kaya huwag kang maniniwala! Isa pa ay isa pa rin siyang estranghero!

"Hindi ako nagsisinungaling. Hindi ka ba nagtataka na natulala ako noong gawin mo iyon sa akin? Sinigurado mo talagang hindi na kita hahabulin kaya iyon ang ginawa mo," nanliliit ang mata niyang wika.

Tumaas ang kilay ko, muling inalala ang reaksyon niya sa paghalik ko sa kaniya. Sandali. Bakit ba parang sanay na sanay siyang pinag-uusapan ang halik? Para bang gawain niya iyon, ang manghalik nang kung sino.

"Hindi ko malilimutan ang halik na iyon mula sa isang napakagandang binibini," aniyang muli.

"Ano ang iyong ngalan?" tanong ko. Hindi kapani-paniwalang dalawang beses ko nang natikman ang labi niya ngunit hindi ko pa rin alam ang kaniyang pangalan.

"Sevasti."

Tumango-tango ako. "Sevasti, kay gandang pangalan," nakangiti kong wika. "Aliara naman ang aking ngalan."

Pinagmasdan niya ang aking mukha. "Aliara, ang aking magandang binibini," nakangiti niyang wika. Muli akong napatitig sa kaniya.

Napakaganda ng kaniyang ngiti, idagdag pa ang nakikita kong kislap sa mga mata niya. Sa lahat ng nilalang na nagsabi sa akin na isa akong magandang binibini ay sa kaniya ang pinakamasarap pakinggan.

Hindi ko alam kung ano itong nararamdaman ko ngayon, halos marinig ko na ang malakas na tibok ng puso ko.

Maaari ko bang maramdaman ito sa nilalang na dalawang beses ko pa lamang nakikita? Ang kakaibang pakiramdam na hindi ko dapat hinahayaang magtagal sa aking puso.

Kasasabi ko lamang na huwag kang magpapalinlang, Aliara. Ngunit ano itong ikinikilos mo sa harap ng ginoong ito? At talagang tinanong mo pa ang kaniyang pangalan?

Napatingin ako sa paligid ng unti-unti nang maglabasan ang mga alitaptap na may asul na ilaw, ito ang gustong-gusto ko sa lugar na ito, ang mga naggagandahang alitaptap.

Malapit nang lumubog ang araw kaya nandito na sila.

"Malapit ng sumapit ang dilim, hindi ka pa ba babalik sa inyong kaharian?" tanong ko. Nang ibaling ko sa kaniya ang paningin ko ay nasa akin ang kaniyang buong atensyon, tila kinakabisado ang bawat parte ng aking mukha. "Mahaba pa ang iyong lalakbayin pabalik."

"Kung babalik ba ako dito bukas ay muli kitang makikita, Aliara?"

Napatitig ako sa kaniya kaya matagal bago ako nakasagot. "Bukas ng hapon ay babalik ako dito," mabagal kong wika. Hindi sigurado kung tama bang sabihin ko iyon sa kaniya.

"At sa susunod pang bukas?"

Muli ay matagal akong napatitig sa kaniya ngunit seryoso lamang siyang nag-aabang sa aking sagot, puno ng pag-asa ang tinig.

"Araw-araw akong pumupunta dito," wika ko.

Bigla ay napangiti siya. "Kung gayon ay araw-araw na kitang makikita."

Ngumiti lamang ako bilang tugon.

NANG makabalik ako sa aming kuta ay agad kong inilabas ang supot ng salapi na nakuha ko mula sa ginoong iyon ng hindi niya namamalayan, si Sevasti.

"Hangal," nakangiti kong wika. "Minsan na kitang nalinlang sa halik ko ngunit hindi ka pa nadala."

Binuksan ko ang supot at agad na nagulat nang makita ang laman nito, puro iyon gintong barya. "Hindi ko alam na mayaman pala ang kawal na iyon," kunot-noo kong wika. "Ngayon ko lamang nalaman na mayroon din palang maharlikang kawal, nakapagtataka," dugtong ko pa, kinakausap ang aking sarili.

Napatingin ako sa balikat ko nang dumapo roon si Vivi.

"Hindi ko akalaing hangal din ang ginoong iyon, Vivi," nakangisi kong wika. "Masyado siyang nahumaling sa akin."

"Mahal kong ginoo, mahal kong ginoo," sagot niya na agad na nakapagpasimangot sa akin.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status