Share

Kabanata 11

"BAKIT ang tahimik mo? Hindi ka naman ganyan noong una tayong nagkita. Kanina pa kita kinausap ngunit hindi ka sumasagot," aniyang muli. Luminga-linga siya sa paligid dahil nagsisimula nang maglabasan ang mga alitaptap.

Nagtago ako sa puno upang hindi ako mahagip ng kaniyang paningin sa hindi ko malamang dahilan.

"Kung nandito siya ay nakikita na sana niya ang ganda ng mga alitaptap na ito. Gustong-gusto kong makita ang maganda niyang ngiti, ang kumikislap niyang mga mata at ang mamula-mula niyang pisngi," may bakas ng katuwaan ang kaniyang tinig.

Natulala ako dahil sa narinig, napahawak ako sa aking dibdib dahil tila nagustuhan iyon ng puso ko. Bakit ba ganito ang aking nararamdaman? Tama bang maramdaman ko ito?

"Gustong-gusto ko talaga siya, Ibon. Siya lamang ang tanging binibini na hinangaan ko ng ganito, hindi na siya mawala pa sa aking isipan."

Kinagat ko ang ibabang labi ko at dahan-dahang sumilip sa kaniya. Nakatingin lamang siya sa kawalan, bakas ang ngiti sa kaniyang labi, ang mata'y punong-puno ng emosyong hindi ko mapangalanan. Emosyong hindi alam na posible kong makita sa mga matang iyon.

Bago pa man ako tuluyang malunod sa pagtitig sa kaniya at umalis na ako roon gamit ang aking bilis. Hindi ko na yata siya kayang harapin dahil sa aking mga narinig, bigla ay naduwag akong salubungin ang mga matang iyon. Tila masyado nang nagulo ng mga salitang iyon ang kakayahan ko upang mag-isip ng tama.

Wala siyang nabanggit tungkol sa panlilinlang at pagnanakaw ko sa kaniya. Pumunta pa rin siya sa talon kahit pa hindi siya sigurado kung darating pa nga ba ako matapos nang ginawa ko. Kahanga-hanga.

Unti-unting sumilay ang ngiti sa aking labi. Sa maraming taon kong nabubuhay sa mundong ito ay ngayon lamang ako nakaramdam ng ganitong uri ng saya sa aking puso. Ang sayang walang katumbas na salita. Pilit isinasantabi ang pangamba sa magiging kapalit ng kasiyahang ito.

MAHIGPIT kong hinawakan ang tali ng kabayong sinasakyan ko, sa unahan ko ay tahimik na nakasakay si Adrina habang nagmamasid sa paligid. Sa aking balikat ay nakadapo si Vivi na ngayon ay tila ayaw nang umalis sa aking tabi dahil sa pagtatampo ko sa kaniya noong nakaraan.

"Kung pumayag ka lamang na magpabuhat o pumasan sa akin ay kanina pa sana tayo nakarating sa pamilihan," iritado kong wika. Nais bilisan ang pagpapatakbo sa kabayo ngunit sa tuwing gagawin ko iyon ay nagrereklamo ang batang ito. Daig pa si Hurisa kung pagsabihan ako.

"Sinabi ko na sa iyo na hindi na ako bata upang gawin ang nais mong mangyari," wika niya kaya napairap ako. Buti na lamang ay hindi tirik ang araw ngayon kung hindi ay hindi ako pumayag pang sumakay sa kabayong ito.

Ilang sandali pa ang aming nilakbay bago kami tuluyang makarating sa pamilihan sa kanlurang bahagi ng Farianio. Dito kami nagtungo dahil mas malapit ito ng kaunti sa aming kuta, at para na rin pansamantalang makaiwas sa gulo dahil baka makita kong muli ang ginoong nagsumplong sa akin sa mga kawal noong huli akong nagpunta sa pinakamalaking pamilihan.

Umalis na sa balikat ko si Vivi at naunang maglibot sa pamilihan, bumaba ako sa kabayo at inalalayan si Adrina bago ko itinali ang kabayo sa isang puno.

Hinimas ko ang kaniyang katawan at ulo. "Sandali lamang kami, magpakabait ka," wika ko dito bago tuluyang pumunta sa pamilihan.

Sa tabi ko ay tahimik lamang na sumabay sa akin si Adrina habang nagmamasid sa paligid, nasa likod ang dalawang kamay. Gusto kong mailing ngunit hindi ko na lamang pinansin.

Marami rin akong nakikitang nilalang sa paligid ngunit kaunti lamang ang mga maharlika base sa kanilang mga kasuotan. Kabi-kabila ang pakikipagkalakalan sa paligid, naglibot-libot lamang kami hanggang sa makakita ako ng mga magagandang kasuotan na alam kong babagay kay Adrina at Kera, mga simpleng kasuotan.

Lumapit ako sa tindahang iyon at hinawakan ang iba't-ibang klase ng mga telang nakaladlad upang makita ng mga mamimili, maaari rin kaming magpagawa ng mga kasuotan ngunit mas malaki ang halaga ng mga iyon kumpara sa gawa na.

Lumapit ako sa kabilang banda kung nasaan ang mga gawa ng kasuotan at namili sa mga ito, mga madilim na kulay ang pinili ko kagaya ng suot ko ngayon upang hindi agad marumihan.

"Magnanakaw ka!"

Napahinto ako nang marinig ang boses ng isang babae. Malapit lang iyon sa banda ko ngunit hindi ko makita dahil agad na nakaiusyoso ang mga nilalang sa parteng iyon.

Lumingon ako sa gilid ko upang kausapin si Adrina ngunit wala siya roon. Kunot-noo kong inilibot ang paningin ko upang hanapin siya ngunit hindi ko siya matagpuan.

"Mahal kong binibini. Mahal kong binibini." Napatingin ako kay Vivi nang mabilis siyang dumapo sa balikat ko. "Ang paslit. Ang paslit," aniyang muli, nakatingin sa parte kung saan ko narinig ang babae kanina.

Lalong nangunot ang noo ko sa pagtataka. Gamit ang aking bilis ay agad akong nakarating doon, sa harap ng babae ay si Adrina na walang emosyong nakatingin sa kaniya.

"Kawal! Nasaan na ang mga kawal? Magnanakaw ang batang ito!" wika ng binibining mukhang maharlika dahil sa magara niyang kasuotan. Sa tingin ko ay mas bata siya sa akin ng ilang taon, nakaturo ito kay Adrina na hindi man lang nagbago ang ekspresyon.

"Hindi ako magnanakaw. Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo upang maintindihan mo, Binibini?" wika ni Adrina, tunog sarkastiko ngunit iyon ang normal niyang pananalita. Ang kaninang galit na babae ay lalong nagpuyos sa galit dahil sa narinig sa bata.

"Hangal! Wala kang karapatang sumagot ng ganyan sa isang maharlikang katulad ko. Masyadong matabil ang iyong dila, sisiguraduhin kong mapaparusahan ka!" Muli siyang tinuro ng babae ngunit mabilis kong hinawi ang kaniyang kamay.

"Nakita mo bang ninakawan ka ng batang ito upang magsalita ka ng ganyan, Binibini," wika ko. Hindi siya nag-atubiling ipakita sa akin ang kaniyang inis sa aking pagsagot.

"Sino ka naman? Wala kang karapatang makisali dito, isa ka lamang hamak na nilalang," aniya. Tila nandidiring tinapunan ng tingin ang kabuuan ko, wala akong suot na balabal kaya kita ang kulay asul kong simpleng kasuotan.

Gusto ko siyang samaan ng tingin o kaya ay irapan ngunit pinigilan ko ang aking sarili. Marami talaga ang mga mapangmatang maharlika na katulad niya na ang tingin sa amin ay mga alipin.

"Ako lang naman ang ina ng batang pinaparatangan mo ng bagay na hinding-hindi niya kayang gawin," seryoso kong wika. Agad na kumunot ang noo ni Adrina, tila nais umalma sa aking inihayag sa babae, ngunit hindi ko pinansin.

Alam kong hindi niya gagawin ang magnakaw dahil iyon ang unang-una kong hininging kapalit sa pagkupkop ko sa kaniya.

"Paano kang nakakasigurong hindi niya ginawa iyon?" Pinag-ekis niya ang dalawang kamay at maarteng tumingin sa akin, hindi maalis ang pandidiri sa mga mata.

"Dahil kilala ko siya ng higit pa sa iyo, Binibini," sarkastiko kong wika na muling nagpabugnot sa kaniyang mukha. Hindi nga naman dapat kinakausap ng isang mababang uri ng nilalang ang isang maharlika ng pabalang ngunit hindi ko mapigilan ang aking sarili. Lalong hindi ko kayang igalang ang isang tulad niyang mapangmata. Kung hindi ko lamang talaga mapigilan ang aking sarili ay kanina ko pa siya sinaktan.

"Higit pa sa iyo, Binibini. Higit pa sa iyo, Binibini," wika ni Vivi, sumasang-ayon sa akin.

Kung ako ang nagnakaw sa iyo ay siguradong hindi ka na makakapagsalita pa ng ganyan dahil hindi mo na ako makikita pa, ni hindi mo malalaman na ako ang nagnakaw sa iyo.

"Malay ko ba kung nagmana lamang sa iyo ang iyong anak, baka isa ka ring magnanakaw at pilit lamang siyang pinagtatakpan." Muli niyang sinipat ng tingin ang kabuuan ko, sa tabi niya ay ang kaniyang tagasilbing nakayuko lamang, hindi nais salungatin ang kaniyang amo.

Agad na tumalim ang tingin ko sa kaniya. Magsasalita pa sana ako ngunit agad na naagaw ang aking atensyon sa kadarating lang na nilalang.

"Ano ang nagaganap dito?" seryoso niyang wika. Unang bumaling sa binibining ngayon ay nakaawang na ang labi dahil sa kakisigan ng ginoo, sunod ay sa seryosong si Adrina at nang dumapo ang kaniyang tingin sa akin ay nagtagal iyon, hindi inaasahang makikita ako.

Umiwas ako ng tingin dahil tila napaso ako sa talim niyon, tila sinasabing may nagawa akong kasalanan sa kaniya.

"Ehem," kunwaring pag-ubo ng kaniyang kasama dahilan upang maagaw niya ang atensyon ni Sevasti na tinapunan siya ng masamang tingin. Yumuko lamang ang ginoo sa kaniya at palihim akong tiningnan, nagtataka.

"Inuulit ko, ano ang nagaganap dito?" wika ni Sevasti na tila walang nangyari.

Itinikom ng babae ang bigbig niya, kumibot-kibot ang labi bago nagsalita. "Sinubukan akong nakawan ng paslit na iyan, ang anak ng babaeng iyan." Nagbago ang tinig niya, hindi tulad kanina. Una niyang tinuro si Adrina, sunod ay ako.

Muli kong iniwas ang tingin ko kay Sevasti noong muli niyang ibaling ang paningin sa akin, nagtatanong ang mga mata. Naramdaman ko ang bahagyang pag-iinit ng pisngi ko dahil sa sinabi ng babae, ikinahihiya ang lahat ng kaniyang tinuran. Nais kong magsalita ngunit tila naubusan ako ng sasabihin.

Muli namang kunwaring naubo ang ginoong kasama ni Sevasti dahilan upang muling bumalik ito sa katinuan, tinanggal ang mariing pagkakatitig sa akin.

"Tama ba ang aking narinig, Binibini? Ninakawan ka ng paslit na ito na sinasabi mong anak ng napakagandang binibini sa aking harapan?" wika ni Sevasti. Matalim ang naging huling tingin sa akin, tila nanghihingi ng paliwanag tungkol sa kaniyang mga narinig dahilan upang muling mag-init ang mukha ko. Pinagsisisihan ang sinabing anak ko si Adrina.

Bakit pa kasi siya dumating dito? Paano siyang napadpad sa pamilihang ito gayong malayo ito sa sentrong pamilihan kung saan ko siya unang nakita.

"Hindi ko siya tinangkang nakawan o ninakawan, Ginoo." mariing giit ni Adrina, nabubugnot. "Hindi ko magagawa iyon katulad ng sinabi ng aking ina," dugtong pa niya. Masama ang mukhang tumingin sa akin bago muling bumaling sa kausap.

Kumunot ang noo ni Sevasti, tila hindi nagustuhan ang paraan nang pakikipag-usap nito sa kaniya.

"Kung gayon ay isalaysay mo ngayon ang totoong nangyari?" wika niya, nagpapasensiya.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status