Share

Kabanata 9

"Napadilat ng mata si Mina nang maramdaman niya ang paghawak sa kaniyang pulso. Mabilis na nadako ang kaniyang paningin sa isang lalaking nakasuot ng antipara sa kaliwang mata. (monocle)

"Huwag kang mag-alala maayos na ang kaniyang kalagayan, siya’y nilalagnat pa rin ngunit hindi na gano’n kataas," saad nito at saka napalingon sa kinatatayuan ni mayor doma Emilda.

"Maraming salamat." Turan ni mayor doma Emilda na agad ring tinanguan ng lalaki at naglakad na ito papalabas ng silid.

"M-Mayor doma," usal ni Mina at akmang babangon ngunit pigilan siya ng mayor doma.

"Magpahinga ka Mina, dahil hindi ka pa lubusang gumagaling," seryosong saad nito habang hawak ang magkabilang kamay ng dalaga. 

"Ngunit—" natigilan siya ng biglang umiiling ang mayor doma. "Ipagagawa ko na lamang sa iba ang iyong gawain." Dagdag pa nito at pilit na ngumiti, bakas sa mukha niya ang pag-aalala sa dalaga lalo na nang dalhin ito ni Francisco sa hacienda nang walang malay. 

"Hindi ba sinambit ko na sayo na kung sakaling aapihin ka nina Rowena o nang iba pang tagasilbi ay huwag kang mag-aatubiling manlaban, protektahan mo ang iyong sarili," turan ni mayor doma Emilda habang hinihimas ang buhok ni Mina. 

Hindi naman sumagot si Mina, sa halip ay pinagmasdan niya na lamang ang mayor doma dahil hindi niya alam kung paano ito pasasalamatan sa ginagawa nitong pagtulong sa kaniya at sa pagpaparamdam nito na hindi siya nag-iisa. 

Ilang minuto pa ang nakalipas ay tuluyan nang nakatulog ang dalaga dahil sa paghaplos ni mayor doma Emilda sa buhok nito. 

Tumayo na ang mayor doma at naglakad papalabas ng silid ngunit bago niya tuluyang isara iyon ay nilingon niya pa si dalagang mahimbing na ang tulog. "Tila nakikita ko sayo ang aking senyorita Lorente." Usal nito at saka napangiti at tuluyan na niyang isinara ang silid.

Nang makabalik siya sa mansyon ay naabutan niya pa rin roon si Francisco. Nakaupo ito habang tahimik na pinagmamasdan ang makintab na sahig. 

Nang maramdaman nitong papalapit siya ay nilingon siya nito at mabilis na napatayo. "Kumusta po ang kalagayan ni binibining Mina?" bungad nito habang kunot noong nakatingin sa mayor doma. 

Yumuko naman ng kaunti si mayor doma Emilda upang magbigay galang sa heneral. "Mabuti na po ang kaniyang kalagayan heneral kaya't ipanatag po ninyo ang iyong kalooban," tugon niya. 

Napabuga nang hininga ang heneral at muling napasulyap sa sahig. Wala nang tao sa kanilang paligid dahil kasalukuyan na itong namamahinga sa kubo maliban kay Rowena na hinuhugasan pa ang mga pinggan na siyang gawain ni Mina. 

"Kung gayon ako po'y magpapaalam na ngunit babalik po ako bukas upang alamin muli ang kaniyang kalagayan," dagdag ng heneral at saka nito itinapat ang kaniyang sumbrero sa dibdib upang magpaalam. 

"Paumanhin heneral sa aking mga sasabihin, ngunit bakit po tila inilalapit po ninyo ang iyong sarili sa isang tagasilbi gayong sa pagkakaalam ko'y hiningi na ninyo ang kamay ng aming señnyorita Victorina?”lakas loob na tanong ng mayor doma dahilan upang matigilan si Francisco at muling napalingon sa kinatatayuan ni mayor doma Emilda. 

Maging siya ay hindi niya alam ang kasagutan kung bakit niya inilalapit ang kaniyang sarili sa dalaga dahil ang tangi lamang niyang alam ay nais niya itong makita at masilayan ang napakaganda nitong ngiti. "P-Paumanhin po ngunit sa ngayon ay hindi ko masasagot ang iyong katanungan." Tanging tugon ng heneral at saka siya naglakad palabas ng mansyon.

"Ako ay nangangamba," napalingon si Joeliano sa kaniyang ate Polonya nang marinig niya ang sinambit nito. Nakatingin ang kaniyang ate sa labas ng bintana.

"Nangangamba? Ukol saan?"nagtatakang sabi niya at saka niya nilapitan ang kaniyang kapatid at tiningnan niya rin ang maaliwalas na bakuran ng hacienda. Nakita niya mula roon si Joselito na nag-eensayo ng palaso. 

"Sa isang binibining aking dinala rito, nakahahabag ang kaniyang kalagayan dahil puno ng latay ang kaniyang likuran na tila hinampas ito," tugon ni Polonya sabay lingon sa kapatid. 

"Naiwan niya ito nang magmadali siyang umalis,"dagdag pa niya at ipinakita niya ang isang telang puti. Kumunot ang noo ni Joeliano nang makita ang pamilyar na balabal.

"Pamilyar sa akin ang balabal na ito," usal ng binata habang pinagmamasdan ang puting tela.

"Ate Polonya ang binibini bang iyong tinutukoy ay may asul na mga mata?" Tanong nito dahilan upang mapatingin sa kaniya ang kapatid. 

“Kilala mo ba ang aking tinutukoy na binibini?" tanong ni Polonya dahilan upang mapangiti si Joeliano at mahigpit niyang nahawakan ang balabal.

“Anong dahilan at narito ka, hindi ba dapat ay naro’n ka sa iyong silid at namamahinga?"bungad sa kaniya ni mayor doma Emilda na kasalukuyang nagdidilig ng mga halaman at bulaklak.

Agad namang umiling si Mina at saka marahan na ngumiti. "Maayos na po ang aking kalagayan, marami pong salamat sa iyong kabutihan mayor doma," ngiti niya dahilan upang mapangiti ng kaunti ang mayor doma.

"Kung inyo pong mamarapatin, ako na po gagawa niyan." saad ng dalaga na agad ring sinang-ayunan ng mayor doma.

"Kumusta na kaya ang kaniyang kalagayan?" usal ni Francisco sabay hagis ng bato sa tubig. 

Nakasuot siya ng kulay kayumangging kamiso habang nakaupo sa madamong lupa. Nakalapag naman ang kaniyang sumbrero at nasa ‘di kaluyuan naman niya itinali ang kaniyang kabayong puti. 

Napatitig na lamang siya sa katubigan nang maalala ang tanong sa kaniya ng mayor doma at ang mga sinambit nito.

Batid niyang noon pa man ay si Victorina na ang kaniyang tinatangi at ipinagtapat na niya iyon sa senyorita, ngunit hindi biro ang hinihingi ni Victorina sa kaniya upang tuluyan niyang makuha ang kamay nito.

Hindi niya magagawang pagtaksilan si goberndor Vicente  para lamang makuha si Victorina. Tapat siya sa gobernador maging sa kaniyang mga binitawang salita.    

Napapikit na lamang siya at inilapat niya ang kaniyang palad sa kaniyang dibdib. Inalala niya ang napakagandang mukha ni Mina. "Tama ba ang aking nararamdaman?"usal niya at iminulat niya ang kaniyang mga mata at humiga siya sa madamong lupa.

"Mas lalo pang lumalakas ang puwersa ng mga amerikano sa labanan at posibleng madaig na nila ang mga sundalo," sambit ni doktor Julio at saka ito sumimsim sa kaniyang tsaa.

Patuloy naman sa pagbabasa si heneral Edilberto nang hawak nitong libro. "Nakapagtataka sapagkat hindi pa nagpapadala ang gobernador-heneral ng mga hukbo upang tulungan ang gobernador ng laguna," dagdag pa nito.

Napa-angat naman ng tingin ang heneral at marahan nitong isinara ang hawak na libro."Dapat nating ikatuwa ang pagsasawalang bahala ng gobernador-heneral dahil magkakaroon ng lamat ang kanilang pagiging magkapanalig at sa sandaling mangyari ‘yon ay pagkakataon na natin upang kunin ang loob ng gobernador ng laguna at gagamitin natin siya upang mapatalsik si Vicente. "saad ng heneral at saka niya binalingan ng tingin si doktor Julio na napapangiti dahil sa sinambit ni heneral Edilberto.

"Lita, ikaw ang aking uutusan upang dalhin ito sa mansyon ni heneral Edilberto at iyong sambitin sa kaniya na ipinaaabot ito ng gobernador-heneral."­ seryosong turan ni mayor doma Emilda at saka nito inabot ang sisidlan na naglalaman ng iba't ibang prutas.

"Lita!"kapwa sila napatingin kay Victorina nang makababa ito ng hagdan at matalim na nakatingin kay Lita.

"Ako'y kanina pa nagsisisigaw, nawalan kana ba ng pandinig?!" sigaw pa nitong muli saka naglakad papalapit sa kinaroroonan ng mayor doma at ni Lita.

Agad naman na yumuko si mayor doma Emilda at gayundin rin ang tagasilbi. "Paumanhin senyorita, ngunit may ipinag-uutos ako kay Lita." malumanay na sambit ng mayor doma na kinakunot ng noo nito.

"Wala akong pakialam kung ano man ang iyong ipinag-uutos!" turan nito at muling binalingan ang tagasilbi. 

"Halika, sundan mo ako." Dagdag pa nito at saka muling naglakad paakyat ng hagdan. Agad naman na napatingin si Lita sa mayor doma dahil hindi nito alam kung susundan ba nito ang senyorita o susundin ang ipinag-uutos ng mayor doma.

Tumango na lamang si mayor doma Emilda upang sumang-ayon sa nais ng senyorita. 

"Mayor doma, tapos ko na pong linisin ang mga pinagkainan," napalingon si mayor doma Emilda kay Mina na kadarating lamang. Nginitian niya ito.

"Maari ka nang magpahinga," tugon niya, nadako ang paningin ng dalaga sa sisidlan na hawak ng mayor doma. "Para saan po ang mga prutas na ‘yan?" tanong niya.

"Para ito sa heneral na dumating noong nakaraang araw at nais ng gobernador-heneral na padalhan siya ng mga ito, ngunit walang maghahatid nito sa kaniyang mansyon."

Ngumiti naman si Mina at kinuha ang sisidlan sa kamay ng mayor doma. "Ako na po ang magdadala, ano pong ngalan ng heneral na ito?" ngiti ng dalaga, ito ang paraang kaniyang naisip upang makabawi sa kabutihan ng mayor doma.

"Heneral Edilberto," Nawala ang ngiti sa kaniyang labi nang marinig niya ngalan na iyon. "B-Bakit?" natauhan siya nang magsalita muli si mayor doma Emilda dahilan upang pilit siyang mapangiti at umiling na lamang.

"Sino ka binibini?" bungad sa kaniya ng isang guwardiya civil.

"Ako ang isa sa mga tagasilbi sa mansyon ni gobernador-heneral Vicente at may nais lamang siyang ipaabot sa heneral," mahina niyang sabi.

"Kung gayon sundan mo ako," sabi ng guardia civil at saka ito nagsimulang  maglakad. Pinagmasdan ni Mina ang likuran ng guwardiya civil bago tuluyang maglakad at sundan ito.

Inihatid siya nito sa pinto at agad ring umalis. Iginala ni Mina ang kaniyang paningin, maganda ang mansyon at ngayon niya lamang ito napagtanto dahil hindi na niya nagawa pang pagmasdan ito noong narito siya. 

"Bakit ba kasi ayaw nila akong isama sa pagdiriwang na iyon, hindi ba nila alam na lubos akong nababagot dito sa mansyon ng heneral na iyon!" napalingon si Mina sa puno kung saan nanggaling ang pamilyar na tinig. 

Naglakad siya palapit roon at sinilip ang taong pinagmulan ng malambing na boses. Nagulat siya sa biglang pagbaon ng palaso sa puno na muntik na ring dumaplis sa kaniyang pisngi.

"Binibini?!" gulat na usal ni Joselito habang nakatingin kay Mina. 

"Jo—teka ano nga bang iyong ngalan?"nakangiting saad ni Mina. "Kay bilis mo naman makaligtaan, Joselito ang aking ngalan," ngiti ng binatilyo at saka niya isinabit sa kaniyang balikat ang hawakna pana.

"Ano ang iyong ginagawa rito?" tanong ng binatilyo sabay tingin sa hawak ni Mina.

"May dala akong mga prutas para sa heneral," tugon niya. "Ngunit wala sina ama't ina at maging ang heneral na iyong sadya."

Mas lalong lumawak ang ngiti sa labi ng dalaga at inabot kay Joselito ang sisidlan. "Kung gayon ikaw na lamang ang magdala nito sa loob ng mansyon," ngiti niya at saka niya kinuha ang nakatusok na palaso sa puno.

"Maari mo ba akong turuan?" kunot noong tanong niya kay Joselito na agad rin nitong tinanguan. 

"Madali lamang ito ngunit mahirap sa una. Ilagay mo ang palaso at hilahin mo ang tali." wika ng binatilyo na agad na sinunod ni Mina. 

Binitawan niya ang pag hawak dahilan upang kumawala ang palaso ngunit hindi iyon umabot sa puno dahilan upang matawa sila. 

"Heto. Sa iyo na ang palaso na ito at magsanay kang gamitin,”ngiti ni Joselito at saka niya kinuha ang sisidlan. 

"Maraming salamat."turan ng dalaga. " Ako'y lilisan na sapagkat hindi ako maaring magtagal."paalam niya pa. 

Naglakad na siyang muli habang pinagmamasdan ang palaso. Nangmarating niya ang labas ng hacienda ay nilingon niya pa ang guardia civil na kaninang kumausap sa kaniya.

Nakangiti niyang ipinagpatuloy ang paglalakad ngunit nagulat siya sa biglang paghawak sa kaniyang braso dahilan upang mapalingon siya sa kaniyang likuran.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status