Share

Kabanata 3

"Napakaswerte talaga namin sayo, Angelic," tuwang-tuwa na sabi ni mama habang pinagmamasdan ang puti kong coat na may nakaburdang pangalan ko at may RPsy na sa dulo. 

Isa na akong ganap na Psychologist. Sa wakas. 

Ngayon ang unang araw ko sa trabaho at talagang maaga pa lang ay pinaghanda na ako ni mama para raw fresh ako pagpasok. Susme, kahit anong fresh ko pagpasok t'yak na paglabas ko ay para akong binomba dahil sa sobrang stress sa ospital pero kahit gano'n ay ito naman ang pinili kong tahakin na landas. 

Minsan na akong nagduda sa sarili ko dahil unang mga taon ko pa lang sa kolehiyo ay grabe na at puspusan na kaagad ang pag-aaral ko, akala ko pa nga no’n ay ako ang unang mababaliw kaysa sa mga magiging pasyente ko, pero I'm proud of myself na kinaya ko. Naging Psychometrician ako at ngayon isa nang ganap na Psychologist. 

Marami na rin ang nagtanong sa ’kin bakit Psychology ang kinuha kong kurso eh marami namang iba d'yan kung premed lang ang pag-uusapan. Sa totoo lang tama naman sila, may mas better pa na premed course maliban sa Psychology pero halos lahat kasi ng premed courses ay focus sa physical health ng isang tao samantalang ang psychology ay nakafocus kung paano ang behavior at kabuuang sitwasyon ng mental health ng isang tao. 

Gusto kong makatulong sa mga taong hindi na maintindihin ang sarili nila. Marami kasi sa 'tin ang hindi naniniwala at sinasabing kaartehan lang ang pagkakaroon ng mental health problem. 

"Angelic, anak alam naming ikaw ang mag-aahon sa ‘tin sa kahirapan. Alam naming magiging mabuting doktor ka para sa mga nangangailangan.” Napangiti na lang ako nang lumapit sa akin si mama at ipinapasuot ang puting coat ko. 

"Suotin mo sandali para makapag-picture tayo. Gusto namin ng papa mo na kami muna ang unang makakakita kung gaano ka kaganda habang suot-suot 'yan.”

Nang maisuot ko na ay tinawag ni mama si Axle para kuhaan kami ng litrato. 

Nakailang shots pa ang nakababata kong kapatid bago makuntento sina mama at papa. Enjoy na enjoy sila sa pagtingin sa mga kuha. 

"Ang ganda ng ngiti mo dito ate,” sabi ni mama at saka iniharap sa ’kin ang cellphone. 

Nakita ko ang hitsura ko do’n na pilit na nakangiti dahil pang ilang picture na namin 'yon. 

"Ma, hindi naman ehh.” Tumawa lang s'ya at muli nang nagtingin ng mga iba pang litrato. 

"Manang-mana ka talaga sa mama mo, Angelic parehas kayong maganda," wika ni papa habang palipat-lipat ang tingin sa akin at kay mama. 

"Parehas kayong reyna at prinsesa ng buhay ko.”

Isang luha naman ang pumatak sa mga mata ko bago isara ang wallet kung sa'n nando'n ang litrato naming tatlo nung araw na ‘yon. 

"Naaalala mo na naman ba si papa?” Rinig kong boses ni Axle sa gilid ko. 

"Namimiss ko lang s'ya,” mahinang tugon ko bago tuluyang ibalik ang wallet sa bag ko. 

It's been 2 years simula no'ng nawala si papa kaya sariwa pa ang lahat sa ‘kin. Sa loob ng dalawang taon kong palipat-lipat ng ospital na pinagtatrabahuan sila ni mama ang todo suporta sa akin. At ngayon, dito sa bagong ospital na pinagtatrabahuan ko sina Axle at mama na lang ang sumusuporta sa ‘kin. 

"Saan ba kita ibababa ate? Okay na ba kahit sa gate na lang?” hirit ni Axle na halatang napilitan lang ihatid ako. 

"Maghahatid ka na nga lang hanggang sa gate lang? Ideretso mo na sa loob. Paglalakarin mo pa ako ng malayo." Reklamo ko. 

Malaki kasi ang Wilden Mental Institution, sa labas ay may gate at kapag pinasok mo ‘yon bubungad sayo ang napakalawak na field kaya hagardo versoza ka na pagkarating mo sa mismong ospital. 

"Tsk, oo na. Bayaran mo ako pang gas ah!” hirit ulit n'ya na ikinalingon ko. 

"Hoy hoy hoy ikaw na bata ka bakit sino ba bumili nitong kotse?” taas kilay kong sagot. Napakamot ulo na lang s'ya. 

"Sabi ko nga ikaw,”

Inihinto n'ya na ang kotse sa tapat mismo ng ospital. Bago ako tuluyang lumabas ay muli kong kinuha ang wallet sa 'king bag at dumukot do'n ng dalawang libong piso para ibigay sa kan'ya. 

Kumunot naman ang noo n'ya dahil sa pagtataka. Kanina pa nakalahad ang kamay ko ngunit hindi n'ya ‘yon kinukuha. 

"Para saan 'yan?" naguguluhan n'yang tanong. 

Nagkibit balikat lang ako at ako na ang kusang kumuha ng kamay n'ya para ilagay do'n ang pera. "Hiya ka pa kuhain, kailan pa naging manipis ang mukha ng isang Axle Yuzon aber?” tukso ko sa kan’ya na ikinairap naman ng mata n'ya pero nakangiti s'ya. Baliw. 

"Alam kong mahirap ang walang pera at trabaho kaya ‘yan gamitin mo ‘yan pambili ng pagkain at kung anong kailangan mo."

Mas lalong lumapad ang ngiti sa kan'yang labi at dali-dali akong niyakap ng mahigpit. "You the best!" sigaw n'ya at saka ako hinalikan sa pisngi at binitawan na. Muntik na akong hindi makahinga do'n. 

Tuluyan na akong lumabas ng kotse at naglakad na papasok sa ospital. 

Axle is the sweetest guy I know maliban kay papa. He's hard on other girls but not to the point na rude. Ngunit, pagdating sa’min ni mama ay napakalambing n'ya at punong-puno ng kalokohan sa katawan. When he was a child he became our happy pill dahil napakahumorous n'yang nilalang. 

He's already graduated in college as a Civil Engineering student pero hindi pa s'ya nagti-take ng board exam dahil natatakot s’yang bumagsak. Ilang beses ko na s’yang pinagsabihan tungkol sa bagay na ‘yon pero saka na daw kapag handa na talaga s'ya. Hindi ko naman na s’ya pinilit pa sa bagay ‘yon.

Pagkarating ko sa room namin ni Fei ay nando'n na s'ya tinitignan ang mga charts ng pasyente n'ya. 

"Hi! Good morning, Ange." Bati n'ya sa akin bago isinara ang chart at binalingan ako ng tingin. 

"Good morning rin, Fei." Bati ko pabalik habang nakangiti. 

"So, kumusta ang 13th floor kagabi?” nakangisi n'yang tanong halatang gusto ng chika. 

Hinubad ko sandali ang coat at isinabit ‘yon bago s'ya balingan ng tingin. Kaya pala isinara n'ya ang chart na binabasa dahil gusto n'yang makichismis. 

Kusang bumalik sa isip ko ‘yong mga nangyari kagabi at kahit gusto ko mang ikwento sa kan’ya hindi pa rin pwede dahil hindi magandang pagchismisan namin ang isang pasyente at panigurado rin akong hindi n'ya rin maiintindihan. Magugulo lang din ang isipan n'ya.Kasi kahit ako mismo naguguluhan.

Sa unang tingin mapagkakamalan mo s’yang normal na tao, wala kang makikitang kakaiba sa kan’ya. Ngunit mapapaisip ka na lang talaga kapag mas pinansin mo s'ya dahil maguguluhan ka sa anong klaseng sakit ba ang meron s'ya bakit sa kabaong s'ya natutulog? Bakit mistulang lamay ang loob ng k'warto n'ya?

Pero kung tutuusin wala namang normal na tao ang maa-admit dito sa psychiatric hospital kung walang mali sa kanila. 

"Ahm, wala naman, chineck ko lang s'ya tapos lumabas na din kaagad ako,” tipid ko na lang na sagot. 

"Anong sakit n'ya?” tanong n'ya ulit. Ramdam kong marami talaga sa’min ang curious tungkol sa mga nagiging pasyente sa 13th floor pero hindi rason 'yon para pagkwentuhan. Wala namang masama pag-usapan ang mga pasyente pero sa sitwasyon ko kasi, hindi pa ako sigurado kung ano ba talaga ang sakit n'ya kaya wala rin akong maikukuwento. 

Bahagya na lang akong napabuga ng hangin bago sumagot. "Wala rin akong ideya, Fei,” malungkot kong tugon. 

Napatango-tango na lang s'ya at muli nang bumalik sa ginagawa n'ya kanina. 

Hindi na ako nagsalita pa at sinuot ko na lang ulit ang coat ko. Oras na para mag-round sa mga pasyente ko. Nagpaalam na ako kay Fei at dumiretso na sa nursing station para kuhain ang medical chart ng unang pasyenteng pupuntahan ko. 

Lumipas ang kalahating oras at naka-round na ako sa mga pasyente ko, s'ya na lang ang tanging hindi ko pa napupuntahan. 

Dahil wala sa akin o sa nursing station ang medical chart n'ya ay dumiretso na lang kaagad ako do’n sa k’warto n'ya. 

Nang sandali na akong makarating sa 13th floor ay dahan-dahan ko nang pinihit ang busol ng pintuan. Tahimik ang buong k'warto katulad lang din nang nadatnan ko kagabi. Tatawagin ko na sana s'ya ng pigilan ko ang sarili kong gumawa ng ingay dahil baka mamaya ay natutulog pa s'ya. 

Maingat ang bawat paghakbang ko na tila isa ‘kong magnanakaw. Nilibot ko ang mata ko sa buong sala n'ya ngunit wala s'ya doon kaya dumiretso na ako sa isa pa n'yang pintuan kung saan doon s'ya natutulog. Dahan-dahan akong pumasok at pagkapasok ko ay nakiramdam muna ako sandali bago tuluyang lumapit do'n sa casket. 

Pagsilip ko ay nakahiga pa rin s'ya sa loob halatang natutulog pa. Do'n ako nagkaroon ng pagkakataon na examin-in ang mukha n'ya.

May kakapalan ang kan'yang mga kilay, habang ang kan'yang pilik-mata ay mahahaba at naka-curl samantalang ang ilong n'ya naman ay matangos at ang labi ay cupid bow ang shape. 

"So this is how it feels when someone staring at you while sleeping?" 

Nanlaki biglang ang mga mata ko nang marinig ang pagsasalita n'ya habang nakapikit pa din s'ya. Bumilis ang tibok ng puso ko at ramdam ko ang paggapang ng kaba sa ’king sistema. Para akong magnanakaw na nahuli. 

Ang kan'yang garalgal at husky na boses ang mas lalong nagpatindi sa kabog ng dibdib ko. 

Mag aalas siyete pa lang ng umaga kaya ‘di ko inaasahang gising na pala s'ya. 

Madiin akong napalunok nang dahan-dahan n'ya nang imulat ang mga mata n'ya. Ilang segundo s’yang nakipagtitigan sa akin hanggang sa magpasya na s’yang bumangon kaya tumulong ako sa pagbukas ng takip ng casket. Pagkatapos no’n ay dali-dali kong kinuha ang upuan upang tungtungan n'ya. 

"Good morning po, Sir." Bati ko na ikinatango n’ya lang. Grabe, kakagising n'ya pa lang pero para na s’yang bagong ligo dahil sa amoy n'ya. Napapaisip tuloy ako kung may air freshener ba do'n sa loob ng kabaong. 

"Damn!"

Nataranta akong napalingon sa kan’ya nang marinig ko ang pagkalabog ng kung anong bumagsak at nahulog. Dali-dali ko s’yang dinaluhan upang tulungan tumayo. 

Mukhang namali s'ya nang tapak sa upuan at natumba ‘to kaya ngayon ay nakasalampak s'ya sa sahig. Mali ko rin, hindi ko kasi hinawakan ‘yong bangko ‘yan tuloy. 

"Sir, ayos lang po ba kayo? May masakit po ba? Saan? " sunod-sunod kong tanong dahil sa pag-aalala. 

"I'm okay.”

"Sorry, Sir, hindi ko po nahawakan ‘yong upuan,” nakangiwi kong paliwanag. 

Tila naging instant Nurse na rin tuloy ako bawat bisita ko dito pero wala namang kaso sa ‘kin ‘yon dahil kasama naman sa trabaho ko ang pag-assist ng mga pasyente ko. 

"No, it's not your fault." Tipid lang s’yang ngumiti at nagdere-deretso na sa paglalakad palabas ng k'warto. Sinundan ko lang s'ya hanggang sa makita kong tumigil s'ya sa tapat ng drawer sa sala n'ya. Mukhang alam ko na ang kukuhain n'ya. 

Napansin ko ang pagtagilid ng ulo n'ya na tila nag-iisip o naguguluhan sa gagawin. Bubuksan na sana n'ya ang drawer kung sa'n nakalagay ang mga pabango n'ya ng pigilan n'ya ang kamay na gawin 'yon. Parang mayro'ng pagtatalo sa pagitan ng isip n'ya at ng kamay n'ya. Tumalikod s'ya do'n at tiningnan ako. Hindi ko alam kung bakit n'ya ako tinitingnan kaya tiningnan ko na rin lang s'ya na may halong pagtatanong. Ilang segundo lang ay naglakad na s'ya papalapit sa ‘kin. Deretso lang na nakapukol sa 'kin ang kan'yang mga mata. Gusto ko sanang umatras pero natatakot ako dahil baka ma-offend s'ya. 

Ilang hakbang na lang ang distansya namin nang mapansin kong hinawakan n'ya ang laylayan ng damit n'ya, nanatili pa ring nakatitig sa ’kin ang mga mata n'ya hanggang sa tuluyan n'ya nang alisin ang distansya naming dalawa.

Ang lapit n'ya sa ‘kin kaya ito na naman tuloy ang dibdib ko na hindi magkamayaw sa pagtibok. Kung kanina ay gusto kong umatras ngayon kahit anong gawin ko ‘di ko na ‘yon magawa para na akong nasemento sa kinatatayuan ko. 

Mas lalo pa s'yang lumapit sa ’kin bago magsalita.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status