Share

Ika-limang Bahagi

Ika-apat na Bahagi

“Handa ka na ba, Marius?” kumatok ako sa pinto bago ko binuksan ito.

Nakita ko si Marius, ang aking matalik na kaibigan, na nakatitig nanaman sa salamin. Tanging maiksing tuwalya lang ang kaniyang suot na nakatakip sa kaniyang p*********i, at nakita kong basa pa ang mahaba niyang buhok na kulay pilak.

“Hay, hanggang ngayon ba naman ay pinagmamasdan mo pa rin ang iyong sarili?” tanong ko sa kaniya habang pumipili ng damit sa kaniyang aparador. “Magmadali ka na, Marius, parating na ang aking ama mula sa kabisera!”

“Theo, sa tignin mo ba ay masyadong namumula ang aking mga mata?” tanong niya sa akin.

Ako naman ay napailing. “Ayan ay dahil nagpumilit ka pang hintayin ang pag-ulan ng mga tala kagabi,” paalala ko sa kaniya. “Inabot tuloy tayo ng pagsikat ng araw.”

Kinuha ko ang mas malaking tuwalya na nakabalumbon sa kaniyang kama at pinunasan ang kaniyang buhok.

“Hindi kaya mapansin ito ng aking ama... at pati na rin ng Emperador?” nakasimangot niyang tanong sa akin.

Hindi ko napigilang tumawa. “Sa tingin ko ay walang makahahalata sa kanila, sapagkat magsusuot ka naman ng maskara sa paglabas natin.”

Lalong nagdikit ang kaniyang mga kilay. “Kung bakit pa kasi kailangan ko pang magsuot ng sinumpang maskara na iyan!” naiinis niyang sinabi. “Kung ako lang ang masusunod, uutusan ko ang buong mundo upang hindi nila ako makita, at sa gayon ay ikaw na lang ang makapapansin sa akin!”

“Ba’t nga ba hindi mo gawin?” tanong ko sa kaniya na nakangiti.

Nagbuntong hininga si Marius. Alam ko rin naman ang dahilan. Iyon ay dahil siya ang susunod na tagapag-mana ng kaharian ng Hermosa, ang bansa ng pamilya nila na mga enkantong Dilang Pilak na may lahi ng mga diwata. Isang malaking responsibilidad ito na hindi niya kayang basta na lamang talikuran.

Kinuha ko ang gintong suklay na nakapatong sa kaniyang lamesa at pinagmasdan ang napakaganda niyang mukha sa salamin habang inaayos ang kaniyang buhok.

“Huwag ka nang sumimangot,” sabi ko sa kaniya. “Bukas na ang iyong ika-labing walong kaarawan. Ayon sa ating tradisyon, magiging isa ka nang ganap na lalaki! Hindi ba nararapat lang na tigilan mo na ang iyong pagiging isip bata?”

“Hindi ako isip bata, Theo!” hinarap niya ako nang naka halukipkip, “Ikaw pa nga na mas matanda sa akin ng dalawang taon ang mas maraming kalokohang nalalaman!”

“Anong kalokohan?” tanong ko sa kaniya, tumatawa.

“Hindi ba’t ikaw ang nagpumilit nang isang araw na mamitas tayo ng mga kaimito sa hardin, bagamat hindi pa ito hinog? Ang sabi mo ay ikaw ang bahala, pero ako lagi ang napapagalitan ng aking amang hari!”

Lalo lang akong natawa, at bago pa man makapag reklamo si Marius ay niyakap ko siya nang mahigpit at hinalikan sa noo.

“Nais ko lang namang pasiyahin ka, hindi ba’t paborito mo ang kaimito?” sabi ko sa kaibigan kong namumula. “Napansin ko kasi na habang palapit ang iyong kaarawan ay lalo kang ninenerbiyos! Hanggang ngayon ba naman ay takot ka pa rin sa ama kong Emperador?”

Hindi sumagot si Marius, sa halip ay yumuko ang kaniyang ulo na nakasandal sa aking d****b at dahan-dahan na tumingin sa akin. Pinagmasdan ko ang mga lilak na bituin na natatago sa likod ng napakakapal niyang pilikmata.

“Huwag kang mag-alala,” ika ko. “Hindi ako papayag na mahiwalay tayo, kahit pa ipag-pilitan ni ama na pauwiin ako sa kabisera, tulad ng ginawa niya nang isang taon.”

“Pangako?” tanong sa akin ni Marius na may napaka tamis na ngiti sa kaniyang labi.

“Pangako,” tugon ko. “Hindi ba’t tayo ay magkabigkis?” paalala ko sa kaniya. “Walang sino mang makapaghihiwalay sa atin!”

Niyakap din ako ni Marius nang mahigpit. “Kung gayon ay wala na akong ipangangamba,” ika niya.

“O, siya, magbihis ka na at mukhang palapit na ang pagdating ng aking ama!”

Narinig na nga namin ang mga trumpeta na nag-huhudyat sa pagdating ng hukbo ng ama kong Emperador sa kastilyo. Maya-maya pa ay papasok na sila sa palasyo ng hari ng Hermosa, at kailangan ay naroon kami para siya ay salubungin.

“Handa ka na ba?” tanong ko habang itinatali ang suot na baro ng aking kaibigan. Kinuha niya ang kaniyang maskara na yari sa pilak at itinali ko rin ang laso nito sa likuran ng kaniyang ulo.

“Handa na ako, Theodorin,” ika niya.

At magkahawak kamay kaming lumabas ng kaniyang silid.

“Narito na ang Namumuno sa Mundo ng mga tao, ang Panginoon ng Lahat ng Nasa Ilalim ng Bughaw na Kalangitan, ang Nagmamay-ari sa Lahat ng Lupaing Luntian. Ang Kataas-taasang Emperador Leonsio Apolinario Fernando Heilig!” pakilala ng mga pantas sa hukom ng Hermosa.

“Mapayapang pagdating, Emperador Leon,” bati ni Haring Domingo sa aking ama.

“Ikinagagalak namin at pinaunlakan mo ang aming imbitasyon para sa kaarawan ng aking anak bukas.” sabi naman ng kaniyang asawa na si Reyna Violeta.

“Salamat, sa mainit na pagtanggap sa akin, Haring Domingo, Reyna Violeta.” napatingin siya sa akin na nakatayo sa tabi ng hari, at kay Marius na nasa tabi ko. “Kamusta naman ang aking anak at tagapagmana?” nakangiti niyang tanong.

“Mabuti po, aking ama.” lumapit ako sa kaniya, kinuha ang kaniyang kamay, at hinalikan ito.

Malaking tao ang aking ama. Makisig siya at hulmado ang matipunong katawan. Ngayon, bagamat malaki pa rin, ay napalitan na ng taba ang kaniyang kalamnan.

“Matagal tayong hindi nagkita, aking ama, salamat at mabuti ang iyong kalagayan,” bati ko sa kaniya.

Lumapit din sa kaniya si Marius na tulad ko ay kinuha ang kaniyang kamay at idinikit ito sa parteng bibig ng suot niyang maskara.

“Emperador Leon,” wika ni Marius sa napakalamig niyang tinig. “Maligayang pagdating sa aming kaharian.”

Tinignan siya ng aking ama, mula ulo hanggang paa. Mukhang asiwa ito.

Mula nga nang una kaming nagkakilala, ay tila malayo na ang loob ng aking ama kay Marius. Lagi niya itong tinitignan ng masama at tila ba lagi siyang naiinis dito. Marahil ito ay dahil natatakot siya sa kakaibang kapangyarihan na taglay ni Marius. Maging siya ay walang laban sa Dilang Pilak ng mga Ravante, lalo na sa aking kabigkis, at iyon marahil ang dahilan kung bakit tila naiilang sila kay Marius.

“Mabuti at mukhang maayos ang kalagayan ninyong lahat,” wika ng aking ama. “At ang laki na rin nang ipinagbago ng aking anak!” binalik niya ang kaniyang tingin sa akin. “Napaka tikas ng iyong pangangatawan, at mukhang nalampasan mo na ang aking taas!” Tinapik niya ang mapipintog kong braso at ginulo ang ginto kong buhok na hanggang balikat ang haba.

“Hindi nga ba at ang pangako ko sa iyo ay palalakihin kong mabuti ang iyong anak?” tumatawang sagot ni Haring Domingo.

“Dapat lang, dahil mula nang pumanaw ang aking asawa, sampung taon na ang nakalilipas, ay hindi na nakauwi si Theo sa Apolinus na kabisera ng Heilig.” Ipinatong ng ama kong Emperador sa aking balikat ang kaniyang malapad na braso. “Mula noon ay hindi ko na rin siya nakita nang personal!”

“Siya, bakit hindi muna kayo magpahinga sa loob ng kastilyo, mukhang pagod pa kayo sa inyong paglalayag?” sabi ni Haring Domingo. “Nakahanda na ang pagkain at alak sa comedor, at walang humpay na kasiyahan ang ipamamalas ko sa inyo, hanggang sa kaarawan ng anak kong si Marius bukas!”

Nagtungo na nga ang buong hukbo ng aking ama sa loob ng palasyo upang magpahinga. Isang-libo ang kasama niya para makisaya sa kaarawan ni Marius.

Marami pang ibang mga bisita ang dumarating bukod sa kanila. Mga kaibigan at kamag-anak, at mga mahahalagang deligante mula sa iba’t ibang dako ng imperyo, mula sa mga pook na nababasa ko lamang sa mga aklat namin sa silid paaralan.

“Halika, Marius, sumunod na rin tayo sa kanila!” aya ko sa aking kabigkis. “Ikaw pa man din ang panauhing pandangal sa kasiyahang ito!”

“Huwag na muna, Theo,” sagot ni Marius, “Mas gusto kong magtungo na lang tayo sa hardin kasama ang mga nakababata kong mga pinsan at kapatid.” Napansin kong nagpupunas siya ng kamay.

“Maalala ko nga pala, bakit kaya hindi sumama ang aking mga kapatid? Lalo na ang bunso naming si prinsesa Camilla?” tanong ko sa kaniya. “Mula nang maaksidente sila ng ina kong emperatris, ay hindi na siya sumusulat man lamang sa akin, nais ko sana siyang makita ngayon at makamusta. Nais ko pa naman sanang makasayaw mo siya sa iyong kaarawan.”

“Aba, ang ama mo ang iyong tanungin!” sagot ni Marius na tila naiinis. “At alam mo bang napaka lagkit ng kamay ng iyong ama?”

“Pasmado lang siguro siya?” sabi ko sa kaniya, sabay hawak sa kaniya. “Nadumihan ba ang kamay mo?” hinimas ko ang palad niyang kasing lambot ng bulak.

“Hindi naman... ngunit hindi ko gusto ang mga hawak ng iyong ama sa akin... alam mo naman iyon, hindi ba?” mahina niyang tugon. “Para bang ayaw na niya akong bitawan minsan.”

“Nasabik lang siguro siya sa iyo, at pati na rin sa akin.” Hinatak ko siya papasok sa palasyo. “Halika na, at siguradong hahanapin niya tayo sa kainan.”

Nagkakasiyahan na ang lahat sa aming pagdating.

Binati kami ng mga bisita, karamihan, namumukhaan ko pa mula sa aming kaharian. Nagtungo na kami sa tuktok ng entablado at umupo sa mahabang mesa sa tabi ng aking amang Emperador.

“Ama, hinay-hinay lang po sa pagkain, hindi po ba mukhang masyado na kayong tumataba?” paalala ko sa kaniya.

Natawa lang siya sa akin. “Wala ito, anak, hayaan mo akong magsaya at matutunaw din ito sa aking pag-uwi sa kabisera.” Kumagat siya sa hawak niyang malaking pata ng tupa bago muling magsalita. “Alam mo bang nagsisimula nanamang manggulo ang mga lahing Ignasius na nanghihimasok sa ating mga lupain sa Kanluran?”

“Hindi po ba at nagkaroon na kayo ng kasunduan mga walong taon na ang nakalilipas?” tanong ko sa kaniya. “Kada taon ay nag-uusap pa kayo para patotohanan ang mga pangako ninyo na igalang ang hangganan ng ating mga lupain.”

“Tama ka, Theo, ngunit ang mga Ignasius ay mahirap asahan sa mga usaping tulad nito,” sagot ng aking ama.

“Gayon pa man, kailangan pa rin natin silang paniwalaan sa kanilang mga pangako,” sabi naman ni Haring Domingo na nasa tabi ni ama. “Hindi pa naman napapatunayan ang mga aligasyon laban sa kaharian ng Ignus,” ani niya. “At sa tingin ko ay wala namang batayan ang mga iyon.”

“Hay, madali kang makapag bitaw ng ganiyang mga salita, kaibigan,” sabi ni ama, “palibhasa ang kaharin ng Hermosa ay isang arkipelago, nalilibutan ng tubig ang inyong lupain, samantalang ang kaharian ng Ignus, bagamat parte ng aking emperyo, at kasama namin sa iisang kontinente, ay may sariling autonomiya. Iyon ang kanilang ginagamit upang labanan ako at lalong palakihin ang kanilang lupain.” Huminga ng malalim ang aking ama at tumungga ng isang kopitang puno ng alak. Tapos ay nagpakawala ito ng napakalakas na dighay.

“Ang balitang umabot sa akin ay binibihag daw ng mga angkan ng mga Ignasius ang ilang mga mamamayan ng Apolinus,” patuloy ng ulat ni ama. ”Kinukuha raw ng mga ito ang mga likas na yaman sa lupain ng Apolinus, kaya nga nagpadala agad ako ng ilang kawal upang siguraduhing ligtas ang aming mga mamamayan na nakatira malapit sa hangganan.”

“May naiulat na po ba sila pabalik sa inyo?” tanong ko sa ama kong Emperador.

“Wala pa sa ngayon,” sagot niya, “Ngunit umaasa akong darating ang balita ngayong gabi, o bukas ng umaga.”

“Nawa’y maganda ang balitang ipaabot nila,” sabi ni Haring Domingo.

“Harinawa,” sagot ko.

Ika-limang Bahagi

Nagising ako nang gabing iyon nang marinig kong may kumatok sa aking pader.

Tumayo ako mula sa aking pagkakahiga at lumapit sa isang larawan na nakakabit sa pader. Halos kasing laki ko ito. Hinawakan ko ang isang kanto nito at ibinukas iyon na parang pinto. Sa likod nito ay may lihim na daan na nag-uugnay sa silid namin ni Marius.

Nandoon nga si Marius, natatago sa dilim, may suot na puting tunika na walang manggas at abot tuhod niya.

“Hindi ka pa natutulog?” tanong niya sa akin.

“Salamat sa iyo, ako’y nagising!” Humikab ako at inakay siya papasok sa aking silid. “Bakit ba gising ka pa hanggang ngayon?”

“Hindi ako makatulog... tila umiikot ang aking sikmura!” sabi niya na umupo sa aking kama. “Hindi ko maalis sa aking isipan ang kuwento ng iyong ama... tungkol sa mga nanggugulo sa hangganan sa inyong kaharian...”

“Bakit mo naman pinag-iisipan pa ang mga iyon?” tanong ko sa kaniya.

“Dahil maaring magkaroon ng kaguluhan dahil doon,” sabi ni Marius, “Naaalala mo pa ba? Pumayag man ang iyong ama na dito ka sa aming kaharian manatili, taon-taon ka pa rin bumabalik tuwing tagsibol upang makasama ang iyong pamilya. Ngunit matapos maaksidente ang iyong ina at si Camilla... matapos silang harangin ng mga tulisan sa Ignus, hindi ka na niya pinauwi pang muli. Mga bata pa tayo noon kaya minabuti nilang manatili ka rito sa aming kaharian upang makaiwas sa gulo. Muntikan nang magkaroon ng digmaan noon sa pagitan ng pabayang mga Ignus at ng imperyo, buti na ng alang at nagkasundo rin sila, may walong taon nang nakalipas. Pero ngayong malaki na tayo...”

“Ikaw talaga, Marius, masyado ka nanaman nag-aalala!” singit ko sa kaniya. “Sa tingnin ko naman ay hindi totoo ang mga balitang nasagap ni ama. At isa pa, kung sakaling pabalikin niya ako sa kapitolyo para lumaban ay isasama naman kita. Hindi ako papayag na mahiwalay ka sa akin.”

Pinanood kong mamula ang mga pisngi ni Marius.

“Pero...” sabi pa niya, “Pano kung kailanganin nating lumaban?” tanong niya.

“Kung ganon ay lalaban tayo,” tugon ko. “Hindi ba at isa iyon sa mga responsibilidad natin bilang mamamayan ng Heilig at ng Hermosa? Ang ipaglaban ang ating imperyo?”

Natahimik si Marius. Nagdikit ang kaniyang mga kilay, bumilog ang mapupula niyang labi, ngunit hindi siya nagsalita. Nagbuntong hininga na lang siya at sumandal sa aking h***d na d****b.

“Natatakot ka bang makipaglaban?” tanong ko habang hinihimas ang kaniyang mahabang buhok. Umiling siya. “Natatakot ka ba na ako ay masaktan?”

Hindi siya umimik.

“Sa tingin mo ba ay may nilalang na kaya akong patumbahin?” natawa ako. “Wala ka bang tiwala sa akin?”

Tumaas noon ang mukha ni Marius na may nakakatuwang tingin sa mata. Kahit kasi galit siya ay napakaganda pa rin niyang pagmasdan.

“Huwag kang masyadong mapagmataas! At baka iyan pa ang maging dahilan ng iyong kapahamakan!” sambit niya. “Tandaan mo na tayo ay mga tao lamang!”

“Oo, pero hindi ko hahayaang may mangyari sa akin, dahil ako ang kalasag ng Heilig!” nakangisi kong sinabi. Mukhang lalo lang nainis si Marius. “Ako rin ang kalasag mo.” agad kong dinagdag habang hinihimas ang malambot niyang pisngi. “Hindi ako maaring bumagsak, dahil kailangan kitang ingatan.”

Lumambot ang ekspresyon sa mukha ni Marius.

“Theo, natatakot pa rin ako...” bulong niya sa akin. Hinalikan ko siya sa labi at niyakap ng mahigpit.

“Huwag kang matakot. Alam ko naman na malakas ka rin,” sabi ko sa kaniya. “At alam kong nasa tabi kita at gumagabay sa akin, kaya’t walang anuman na makakagapi sa atin.”

Humiga na kami noon sa aking kama. Inikot ko ang mga braso ko sa katawan ni Marius na hindi na bumitaw sa pagkakayakap sa akin, at magkasama kaming nagpalipas ng gabi.

Maaga kaming nagising kinabukasan. Wala pa ang araw, ngunit rinig ko na ang mga paputok na naghuhudyat sa simula ng kapistahan.

“Marius!” tawag ko sa kaibigan kong tulog pa rin sa aking tabi. “Gumising ka na! Kaarawan mo na!”

Umungol lang siya sa tabi ko at lalong ibinaon ang kaniyang mukha sa aking d****b. “Sandali pa...” reklamo niya.

“Bilisan mo na at baka hanapin ka nanaman ng mayordomo sa iyong silid!”

“Alam naman niyang nandito lang ako sa silid mo...” sagot niya.

“Na dapat ay hindi mo na gawin dahil ganap ka nang lalaki!” patayo na ako sa kama nang hatakin niya ako pabalik, kapit ang aking salawal.

“Bitbitin mo ako...” lambing niya.

“Hay, naku, tinamaan ka nanaman ng iyong kakulitan.” Hinatak ko siya paupo. “Hindi na kita bibitbitin ngayon. Malaki ka na!”

“Hmph! Sana naging mga bata na lang tayo habambuhay!” naiinis niyang sinabi.

“Aba-aba! At mag-ingat ka sa iyong mga sinasabi, Dilang Pilak! Baka magka-totoo iyan!” tumatawa kong sinabi. “Buti na lang at hindi ako tinatablan ng mga salita mo!”

“Haay...” napa singhap siya.

“Bilisan mo at kailangan mo pang salubungin ang iyong mga bisita sa kanilang pagdating!” paalala ko sa kaniya. “May mga deligante rin na mula sa kaharian ng Ignus, at isa itong magandang pagkakataon upang maayos ang ating relasyon sa kanila – kung sakaling may katotohanan man ang mga balita sa Kanluran.”

“Theo, tulungan mo naman akong magbihis,” sabi ni Marius na mukhang walang narinig sa aking mga sinabi.

“Hindi na nga kita tutulungan, malaki ka na ngayon! Dapat nga ay noon ka pa nasanay magbihis mag-isa!” ika ko.

“Haay... mautusan na lang ang aparador...” itinuro niya ang kaniyang aparador. “Ilabas mo ang aking baro para sa araw na ito, Pinus strobus,” tawag niya sa aparador na yari sa palochina.

Bumuka nga ang pinto nito, at ang sabitan nitong yari sa kahoy ay lumabas at humaba na tila tangkay ng puno habang nakasabit pa rito ang sari-saring mga magagandang damit. Lumiko ang dulo nito, at isa-isang umikot ang mga damit sa harapan ni Marius, hanggang sa tumigil ito sa isang magarbong baro na yari sa pulang sutla na napalilibutan ng pilak na palamuti.

Talaga ngang bihasa na ang aking Marius sa paggamit ng kaniyang kapangyarihan. Napipigil na rin niya ang sobrang lakas niyang alindog na siyang bumibihag sa lahat ng tao sa kaniyang paligid. Ngayon, inilalabas na lang niya ang kakayahan na iyon, kapag pinapagalitan kami ng mayordomo tuwing nahuhuli nila kaming nagkakalat, nanggugulo, o nangungupit ng mga prutas sa hardin.

Ngunit sa kabila pa rin nito, ay kinakailangan pa rin niyang isuot ang kaniyang maskara. Marami kasing ordinaryong tao na mas mabilis mabihag sa kaniyang enkanto. Marami na ang nabaliw sa kaniyang kagandahan, kaya minabuti naming itago na lang ito.

Kinuha ni Marius ang magarang baro at lumapit sa akin na may ngiti.

Nagbuntong hininga ako at kinuha ang damit. Mahina talaga ako sa aking mahal na kabigkis.

“Sa susunod, mag-isa ka nang magbibihis.”

Lumabas kaming magkaakay sa engrandeng comedor sa palasyo ng mga Ravante. Limang libong tao ang kapasidad ng silid na iyon, at halos mapuno na ito ng mga tao.

“Mukhang mas marami kang bisita ngayon kumpara sa aking ika-labing walong kaarawan!” bulong ko kay Marius.

“Iyon ay dahil takot ang iyong ama na baka may kung sinong makisalo at manggulo sa kaarawan mo, kaya iilan lang ang kaniyang pinayagan na makadalo rito,” sabi niya sa tabi ko. “Pati nga siya ay hindi dumating noon, hindi ba? Dahil abala sila sa pagbantay sa kabisera, matapos magkaroon ng usapang panggugulo ng mga Ignasius sa inyong bayan.”

“Wala namang nagkagulo noon,” sagot ko.

“Alam ko,” ika ni Marius. “Pero ngayon, nandito tayo pareho, kasama ang libu-libong mga tao mula sa buong imperyo.”

“Kinakabahan ka pa rin ba?” tanong ko sa kaniya.

Tumingala si Marius sa akin. Suot niya ang kaniyang pilak na maskara, ngunit kita ko ang malilinaw niyang matang kulay lilak.

“Hindi.” Agad siya’ng tumugon, at nakita ko ang ngiti sa kaniyang mga mata. “Kasama kita. Wala akong katatakutan sa araw na ito.”

Pumunta na siya sa upuang pandangal, kung saan isa-isang lumalapit sa kaniya ang mga bisita upang maipakilala at magmanikluhod sa harapan niya. Ako naman, sa sout kong bughaw na tuniko at kalasag na ginto, ay naupo sa may likod niya, malapit sa kaniyang kanan, at pinagmasdan ang lahat ng mga nagdaraan upang bumati sa kanya.

Nagulat ako nang may isang lalaki na naglakasloob na lumapit sa kaniyang upuan.

Agad akong tumayo sa tabi ni Marius. Lumapit din agad ang mga kawal na nakapaligid sa amin.

“Maligayang pagbati, Prinsipe Claudius Marius Angelo Ravante.” bati ng makisig na lalaking pula ang buhok na abot bewang. “Ako si Prinsipe Lucius Alexander Byron Ignasius,” pakilala niya sa amin, “ang ika-tatlong prinsipe ng kaharian ng Ignus.”

Itinaas ni Marius ang kaniyang kanang kamay. Umatras ang mga kawal, samantalang hinawakan ko naman ito at tumayo sa kaniyang tabi.

“Salamat sa iyong pagbati, at maligayang pagdating sa aming kaharian ng Hermosa.” tugon niya. “Mabuti at maayos kayong nakarating, Prinsipe Lucius Alexander Byron Ignasius.”

“Salamat din sa mainit na pagtanggap sa amin,” sagot ng Prinsipe. “Tawagin na lang ninyo akong Lucius.” Noon lang siya napatingin sa akin. “At ikaw ang susunod na Emperador, hindi ba?” nakangiti niyang sinabi, “Prinsipe Theodorin Tanis Adelbert Heilig ng Imperyo.”

“Siya nga, tawagin mo na lang akong Prinsipe Marius.”

Bahagyang tumango sa amin si Lucius. “Naway maging mabubuti tayong magkakaibigan.”

Muli kaming nagulat nang lalo pa siyang lumapit at hawakan ang kaliwang kamay ni Marius, lalo na nang itaas niya ito sa kaniyang bibig at halikan!

Nakaramdam ako bigla ng init sa aking d****b.

Nagbulungan ang mga tao sa aming paligid.

“Sana ay magkaroon ako nang pagkakataon na makita ang iyong napakagandang mukha,” sabi niya sa aking kabigkis.

Parang tumalim ang init sa aking d****b. Hinimas ko iyon nang kabila kong kamay, habang nagtitimpi ako sa asal ng prinsipe ng Ignus.

“Kung pahihintulutan ng panahon,” sagot ni Marius na marahang hinatak pabalik ang kaniyang kamay.

Ngumiti ang prinsipe ng Ignus. Isang mayabang na ngiti na tagilid sa kaniyang makinis na mukha. Muli siyang tumango ng bahagya kay Marius, at ngumisi sa akin na tila nang-aasar!

“Hanggang sa muli nating pagkikita.” ani niya, bago tuluyang umalis.

psynoid_al

Please Follow/subscribe and vote :) Most of all, please leave a review if you like the story :)

| Like

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status