Kabanata 1

Sa labas pa lamang ng The Bell Rings ay rinig ko na ang lakas ng sound system. Iginiya kami ni Madame Bea sa likurang bahagi na aniya'y diretso sa quarters. Sinalubong kami ng isang bouncer at agad dumapo ang tingin nito sa amin ni Yrma.

“Mga bago sila,” pagbibigay impormasyon ni Madame.

“Ilang taon na ang mga 'yan?” Tumagal ang tingin ng bouncer sa akin.

“Ah, I'm twenty-one po...” agap ni Yrma.

Tumango ang bouncer sabay baling sa akin. “Ikaw?”

“T-twenty,” kabadong anas ko.

“Sige, pasok.”

Sa loob ay sumalubong sa akin ang iba't ibang amoy ng pabango. Nakuha namin ang atensyon ng mga babaeng naroon. Napansin ko kaagad ang kawalan ng privacy. May mga nagbibihis, nag-aayos, at ang ilan ay nakatapis lang ng tuwalya. Hindi ko alam na ganito ang buhay rito. Napalilibutan ng naglalakihang salamin ang quarter. Nagkalat ang makeups at mga damit sa kung saan-saan.

Para bang sa isang iglap ay gusto ko nang umatras at manatili na lamang sa pagiging labandera.

“Eyes on here, ladies!” Pumalakpak si Madame Bea bilang paghingi ng katahimikan. “This is Yrma and... this is Chivalry, sila ang mga bago niyong makakasama.”

Lumapit sa amin ang isang babae. Siya pa lamang ang tila handa nang sumabak sa loob dahil bihis na bihis na. “Hi, I'm Shan! Sumunod kayo sa akin!”

Sinenyasan kami ni Madame Bea. Gaya ng sinabi, sumunod kami kay Shan patungo sa palagay ko'y closet area. Kumpara sa unahan ay mas tago at pribado ito. Kaya nga lang, may nakapaskil na warning note sa pader na nagsasabing bawal itong tambayan at hanggang limang tao lang ang puwedeng pumasok nang sabay-sabay.

Binuksan ni Shan ang nasa dulong closet. Kumuha siya roon ng dalawang balot ng damit. “Isukat niyo.” Iniabot niya iyon sa amin ni Yrma. “Dito na rin kayo magbihis.”

Napangiwi ako nang maisukat ang napakaiksing uniporme. Kulay puti iyon na may halong itim. Ruffled ang laylayan ng paldang halos umabot lang sa kalahati ng mga hita ko. Hapit na hapit sa katawan ko ang de butones na blouse at bahagyang naaaninag ang aking brassiere. Makapal ang tela ng palda ngunit masyadong maiksi para sa akin. Nang lingunin ko si Yrma, nakaplastar ang kakuntentuhan niya sa mukha, taliwas sa reaksyon ko.

“This is nice!” komento niya.

“Ang iksi... Wala bang medyo mahaba? Kahit above the knee?” hirit ko ngunit umiling si Shan.

Nagpakawala ako ng malalim na paghinga. Wala akong magagawa kung ganoon.

Nauna nang pumasok sa loob ng bar ang mga babae. Nasa hulihan kami ni Yrma kasama si Shan na panay ang pagbibigay ng impormasyon tungkol sa mga dapat naming gawin.

We will just serve and get their payment. That's it. Mukha madali kung iisipin pero nang magsimula na kami, napagtanto kong mahirap din. Bukod sa mataas na heels na ipinasuot sa akin, talagang hindi ako kumportable sa maiksing uniporme. Nakaka-apat na serve pa lang ako nang tawagin ako ni Madame Bea.

Nangangatog ang mga tuhod ko dahil sa hirap na pagbabalanse. Hind ako sanay magsuot ng heels. Ilang beses lamang akong nakapagsuot nito at iyon ay noong prom at acquaintance party pa noong high school. Hindi ko naranasang sumali sa school parties kahit sa loob ng dalawang taon ko sa college dahil masyadong mahal ang fee. Bumabawi na lang ako noon sa examinations at recitations para makakuha pa rin ng mataas na grade. I was maintaining my student life not until our father dumped us. That's when everything started to crumble down.

“Chivalry, doon ka sa kabilang mesa,” turo ni Madame Bea. “Naroon ang mga Ambrosia at Delestia.”

Dumapo ang tingin ko sa tinutukoy niya. Isang malaking grupo ang nakaipon sa dulong parte ng bar. Malayo sa dance floor at halos hindi na maabot ng disco lights. Hindi ko maaninag ang mga mukhang naroon pero sa paningin ko'y nasa sampu ang bilang nila.

Tinanguan ko si Yrma bilang pamamaalam. I even heard Madame cheering on me as I walked towards that certain table. Tumatambol ang dibdib ko habang papalapit doon. Humigpit ang hawak ko sa tray nang may nakapansin kaagad sa akin. Napatingin sa akin ang isa hanggang sa naging dalawa... tatlo... apat. Nauwi sa pagbaling nilang lahat sa akin.

Sinulyapan ko ang pinagigitnaan nilang table at napansing wala pa silang order. Mukhang kararating lang nila. Hindi na rin kataka-taka dahil sila ang kanina pa bukambibig ni Madame Bea. Sakto sigurong dumating sila, tinawag kaagad ako para asikasuhin sila.

Tama ako. Sampu silang narito. Mayroong limang nakaupo sa bawat parihabang couch. Ang ilan ay may babaeng katabi samantala ang iba'y tahimik na naninigarilyo.

Ni hindi ko na nagawang ngumiti nang mapansin ang kawalan nila ng interes sa presensya ko. “Good evening! May I get... uhh...” nautal ako dahil sa kabang nararamdaman.

Nakarinig ako ng bungisngis mula sa isang babae.

Nagsimula silang magbanggit ng kung ano-anong brand ng alak. Halos hindi ko maintindihan.

“H-hindi ko po narinig masyado. Ano po ulit 'yon, Sir?” naguguluhang sambit ko.

Nagtawanan ang ilan dahilan para uminit ang mukha ko. Nakakahiya.

“Bago ka, ano?” tanong mula sa isang lalaki. Kumikinang ang hikaw nito sa labi sa tuwing natatamaan ng ilaw.

“Y-yes, Sir. I'm sorry...”

“Where's Shan? Siya yung palaging kumukuha ng order namin. Pakitawag nga?”

Mula sa pag-init, nanlamig naman ako sa kinatatayuan. Pakiramdam ko'y ayaw nila sa akin. Siguro nga, dahil wala akong alam sa ginagawa ko! Ni hindi ko maintindihan ang mga binabanggit nilang alak sapagkat bago rin ang lahat ng iyon sa pandinig ko.

Napalunok ako. “S-she's somewhere po...”

Kung bakit ba naman kasi ako pa ang isinalang ni Madame Bea rito! Maayos na sana ang pagtatrabaho ko kanina dahil paisa-isa lang naman ang orders ng mga una kong pinuntahan at simple lang ang gusto nila.

While these men are indeed the rich bachelors in town. Inisa-isa ko silang tingnan. May mga matang sumalubong sa akin at mayroon din namang walang pakialam. Ngunit ramdam ko ang iritasyon sa mga babae. Marahil ay naiinip sila sa akin.

And then... there's this girl who's intently looking at me for who knows why. Sa lahat ng babaeng narito, siya ang pinakamaganda. Siya rin ang may pinaka-revealing na suot. Bumagsak ang tingin ko sa kamay nito at sa mahahabang daliring naglalandas sa hita ng katabi niyang lalaki. Nang tingnan ko sino iyon, napasinghap ako sa gulat.

Gavin Ladeo is indeed here!

Ang braso niya'y nakadantay sa likod ng sofa. Nakakrus ang mga binti at tamad na tumatango sa kada imik ng babae kahit sa akin nakapukol ang kaniyang mga mata.

“Here, Miss. Pakibilisan na lang at nagmamadali kami. Bumalik ka, ha? Baka itakbo mo 'yang phone ko.”

Alam kong purong biro iyon pero naging big deal dahil sa malakas na tawanan.

“Gago, Rouge. Sa gandang 'yan, pagkakainteresan ang cellphone mo?” Humalakhak ang katabi nitong lalaki.

Nagpantig ang tainga ko sa narinig. Malinaw naman ang pagkakasabi pero gusto kong kumpirmahin!

At hindi nga ako nagkamali, narito rin si Stefan Rouge! He's smiling at me. Nakagat ko ang labi ko dahil sa labis na pagkapahiya. Kinuha ko ang iniaabot niyang cellphone. He typed their orders! Maging ang mga letra'y tila buhol-buhol 'pagkat hindi ko mabasa.

Malalaki ang hakbang ko kaya't mabilis akong nakarating sa bartender. Pinabasa ko sa kaniya ang iba't ibang mixtures na naka-type sa screen.

“Bago ka rito, ano?” Parehong tanong na narinig ko.

Tumango lang ako. Pinoproseso ko pa rin ang kaganapan. Nandito si Gavin! Ano kayang iniisip niya habang nakatingin sa akin? Or did he even notice me? Tapos... si Stefan din! Napamura ako sa isip ko nang maalala ang t-shirt na suot ko papunta rito. His face is imprinted in my shirt! Mabuti na lang pala at nagpalit ako ng uniform! Mas gugustuhin ko na ito kaysa makita nilang lahat iyon!

Habang naghihintay, inilibot ko ang tingin ko sa loob. Nasa malayong row si Yrma kaya hindi ko siya mapupuntahan. Gusto kong makipagpalit sa kaniya. Wala na akong pakialam sa tip na sinasabi ni Madame Bea. Kung makakuha man ako mula sa mga lalaking iyon, hindi ko alam kung patutulugin ba ako ng mga imahe nilang natatawa sa akin! Sana nga'y 'wag na silang mag-abala! Oo nga't nangangailangan ako ng pera pero kung sa kanila manggagaling, hindi bale na lang. Sapat na iyong paglapit ko kay Gavin. Sumubok ako nang isang beses at labis na akong napahiya. Ayaw ko nang maulit. May kikitain naman ako ngayong gabi kaya ayos lang!

Hinanap ko si Shan pero bigo ko siyang makita. Pinaalalahanan ako ng bartender na mag-ingat. Maging siya'y ramdam ang kaba ko.

Inilapag ko ang tray sa mesa nila. Una kong ibinalik ang cellphone ni Stefan.

Ngumiti ulit siya sa akin. “Thanks. I was just joking kanina... I'm sorry about that.”

Tipid akong tumango. Hindi na yata maipinta ang mukha ko ngayon. Abot-abot ang pagtibok ng puso ko.

Nakayuko ako nang isa-isa kong ilapag ang mga baso. Bukod doon ay mayroon pang maliliit na bote ng alak.

Katatapos ko lang nang may sumipol sa kung saan. Napalingon ako sa kalapit na table. Ang isa sa matatandang lalaking naroon ay nakangisi sa akin. Sumenyas ito na lumapit ako roon.

Bigla akong nakaramdam ng takot. Kakaiba ang ngisi ng isang iyon! Yung tipong may masamang binabalak!

“Tinatawag ka na sa kabila, Miss...” untag ni Stefan.

I politely bowed at them before leaving their table.

“Miss, magkano ka?”

Natigagal ako sa ibinungad nito sa akin.

“I'm not an escort po. Mayroon pong available para riyan,” matigas kong saad. “Oorder po ba kayo?”

Hindi ako mapakali sa kinatatayuan ko. Namilog ang mga ko nang may maramdaman akong kamay sa humahaplos sa pang-upo ko. Marahas akong napaatras.

“Ikaw ang gusto ko, eh! Natikman ko na silang lahat! Magkano ka ba? Dodoblehin ko ang sahod mo!”

Bumuga ako at inayos ang sarili. Pilit kong ibinababa ang palda ko kahit wala nang mas ibababa iyon.

“Pasensya na ho pero waitress lang ako. Kung hindi ho kayo oorder, aalis na ho ako. Excuse me.”

Ang sikip ng dibdib ko. Halos hindi na ako makahinga nang maayos. Inilapag ko sa counter ang tray at pasimpleng tumalilis patungo sa powder room.

Yukong-yuko ako at iwas na iwas sa mga nakakasalubong ko.

Awtomatikong tumulo ang mga luha ko nang mapadpad ako sa tagong parte, bagama't ilang hakbang pa bago ko marating ang powder room kung saan ako umihi kanina.

Sumandal ako sa pader at paulit-ulit na suminghap. Sanay na akong mabastos ni Ardo at ng mga tambay sa lugar namin pero kakaiba ang nararamdaman ko ngayon. Hinipuan ako sa maselang parte ng katawan ko at hindi ko iyon lubos na matanggap! Masyado nang naging mababa ang tingin sa akin ng mga tao. Ni hindi ako sigurado kung may natitira pa ba akong halaga o kung basura na lang talaga ako sa paningin ng lahat.

Sumiklab ang galit ko sa aking ama. Kung hindi sana niya binalikan ang kabit niya noon, hindi ito mangyayari sa akin! Pinatawad na siya ni Nanay noon kahit pa nakabuntis siya! Pero makalipas ang napakaraming taon, kung kailan tuluyan na namin siyang napatawad, saka naman niya kami iniwan para sa babae niya! Bakit kailangang ako ang pumasan ng lahat ng responsibilidad niya? Ang hirap-hirap nang mabuhay! Ayaw ko na! Sukong-suko na ako! Ang dami kong pangarap pero walang natupad ni isa!

Dala ng kawalan ng kontrol, hindi ko na namalayang lumakas ang hikbi ko. Ipinagpapasalamat kong walang pakialam sa akin ang mga napapadaan. Walang nag-abalang tumigil at usisain ako.

Iniisip ko si Nanay. Iniisip ko kung sa sandaling ito'y tulog na ba siya o umiiyak na naman dahil sa pag-atake ng kaniyang sakit. Iniisip ko si Ercie na naiwan ko roon. Siya ang pihadong nagbabantay ngayon kay Nanay. Kawawa ang kapatid ko. Mapupuyat siya. God, please, help me!

“Are you alright?”

Mula sa pagkakayuko, napaangat ako ng tingin nang marinig ang baritonong boses. Pinahid ko ang mga luhang dumadaloy sa magkabila kong pisngi. Umawang ang labi ko nang makita kung sino iyon.

“Anong ginawa nila sa 'yo?” sunod na tanong ni Gavin Ladeo.

Tuwid siyang nakatayo sa bandang gilid ko habang nakapamulsa.

Ang kumikirot kong dibdib ay agad natakpan ng nakalulunod niyang presensiya. Hindi ako makapaniwala.

“S-sir Gavin...” nausal ko na lamang.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status