Share

02: Bagong Pangarap

Dahil natuon na ang panahon at atensiyon ni Bea sa pag-aasikaso sa mga gawaing-bahay at sa mga kapatid ay hindi na niya namalayan ang mabilis na paglipas ng mga araw. At kasabay niyon ay paglamlam ng nadaramang inggit sa mga kapatid noon.

Kaya parang hindi pa siya makapaniwalang magpapasukan na naman dahil parang ilang tulog lang ang ginawa niya ay nagkakagulo na naman ang mga kapatid niya isang madaling-araw sa pagsusuot ng kanilang mga uniporme.

At dahil mayroon nang isang nasa first year highschool at dalawang elementary na ga-graduate sa magkasunod na taon ay napilitan nang huminto sa paglalako ng pagkain ang kanilang nanay dahil hindi na sumasapat ang kinikita nito sa pagtitinda upang humanap ng ibang pagkakakitaan.

Hanggang sa mapagpasyahan na lang nito na maglabada sa ilang mga nakilala noong naglalako pa ito.  At isinasama siya nito para may makatulong at mabilis na makatapos at makarami. At kung walang labada ay suma-side line ng pagluluto sa ilang may maliliit na handaan na isinasama rin siya para may makatulong. Dahil nagkakataong sa ibang napapasukan nila y bukod ang ibinibigay na bayad at kung minsan may pauwi pang mga ulam kaya mas gusto niya kapag handaan ang pinupuntahan nila.

Pero ang pagkalibang niya sa pagtatrabaho ay nalambungan ng pagkayamot dahil kapatid niyang si Cristina, ang nag-iisang highschool. Dahil nagdadalaga na ay umiiral na ang kaartehan at dinapuan na ng hiya sa katawan, na kapag hindi pera ang ibinibigay na baon ay nagmamaldita na may kasama pang padabog-dabog. At walang ibang magawa ang nanay niya kundi pagbigyan ito, na ang katwiran ay sa umpisa lang daw iyon dahil wala pang gaanong kakilala. Kaya hindi niya napigilan ang palihim na pag-ismid dahil alam na niya ang mga ganyang ugali.

Hindi niya maintindihan ang kapatid niyang iyon sa pag-iinarte dahil noong siya ang nasa highschool ay kung ano'ng ibigay wala siyang reklamo makapasok lang sa eskwela. Na kung hindi lang malayo ang lakarin at maghapon ang klase ay tityagain niyang pumasok kahit walang baon. Lalo pa ngayon na mukhang nagkakaproblema ang may-ari ng sinasakang lupa ng kanilang tatay na pataas nang pataas ang interes sa mga pinapautang na mga binhi ng palay at pataba. Kaya halos wala ng natitira sa kinikita nito. Mabuti na lang at kahit papaano ay may nakukuha silang pangdagdag ulam sa sarili nilang tanim.

Idagdag pa na mayroon din silang kimikita ng kanilang nanay kahit papaano dahil marami-rami ang kumukuha sa nanay niya bilang tagaluto. Gaya ng araw na iyon ng martes, matapos maihatid sa eskwela ang kanyang mga kapatid ay mayroon itong bagong papasukan kaya isinama na siya para doon na sila tutuloy bago umuwi.

Suki raw nito sa meryenda ang pupuntahan nila na nasalubong nang minsang mamalengke ito ilang araw matapos huminto sa paglalako. Gusto raw ng babae na ang nanay niya ang magluto para sa magiging handa sa birthday ng anak.

Habang naglalakad ay hindi maipaliwanag ni Bea ang kabang nararamdaman. Na tila ba nae-excite siya na 'di niya mawari kaya ilang beses siyang nasaway ng kanyang nanay dahil para daw siyang kiti-kiti. Kaya pinilit niyang kalmahin ang sarili at bahagyang nagpahuli sa paglalakad para maigala ang paningin sa mga nadadaanan nila hindi niya alintana ang pagod o ang layo dahil bago sa paningin niya ang lahat ng nakikita.

Hanggang sa mapansin niyang isang mataas pader na lang nakikita sa bandang kaliwa niya na tila kasing haba na yata ng nilalakaran nilang side-walk. Nang matanaw niyang huminto ang kanyang nanay sa tapat ng isang security guard at tila nakipag-usap doon kaya halos patakbo na siyang lumapit sa nanay niyang naiwang mag-isa dahil umalis ang gwardya.

Nang makalapit siya sa kanyang nanay ay isang matalim na tingin ang isinalubong nito sa kanya na may kasama pang kurot sa tagiliran na mabilis niyang nailagan kaya lalong nagdilim ang mukha nito. Napansin niyang bumuka ang bibig nito tanda na sesermonan na siya pero naudlot iyon dahil sa muling paglabas ng gwardya na pinapapasok na sila. Pero may piapirmahan pa sa kanilang malaking notebook bago sila tuluyang makapasok sa maliit na rehas na gate sa bandang gitna malapit sa lugar kung saan pumasok ang lalaki.

Hindi niya alam kung gaano katagal na silang naglalakad at kung nasaan na sila dagil tila pare-pareho lang ang dinaraanan nila. Malalawak na lumang puro puno at halaman lang nakikita niya hanggang sa may matanaw siyang ilang naglalaking bahay.

"Wow! 'Nay! Ang ganda ng mga bahay dito, o!" hindi niya napigilang ibulalas habang palinga-linga. "Ang lalaki ng bahay! Sana ganyan din bahay natin!"

"Tumigil ka nga! Napaghahalataan kang taga-bukid sa inaasta mo," saway nito na may kasama pang kurot sa tagiliran na agad niyang nailagan kaya nakangusong nanahimik na lang siya pero nanatiling nagmamasid sa paligid. Hanggang huminto sila sa tapat ng isang kulay itim at mataas na gate, mas mataas pa sa kanya kaya hindi niya magawang silipin ang loob.

"Umayos ka, Bea! 'Wag kang magpakaignorante," bilin ng nanay niya bago ito lumapit sa gilid ng gate at pindutin ang kulay puting bagay na naroon. Nagulat pa siya ng ilang sandali lang ay biglang bumukas ang maliit na bahagi ng malaking gate at iniluwa ang isang babaeng tila kasing edad lang ng kanyang nanay. At inakala niyang may-ari ng bahay.

"Sino ho sila?" tanong nito sa nanay niya.

"Ako ho 'yong kinontrata para magluto. Pakisabi si Patreng," sagot ng nanay niya.

"Ah, sige. Sandali lang." Pagkatapos ay muli itong pumasok kasunod ang muling pagsara ng pinto.

Habang naghihintay ay lumapit siya sa kanyang nanay at 'di na napigilang bumulong.

"'Nay, sino 'yon? Akala ko iyon na 'yong may-ari ng bahay..."

"Kasambahay nila 'yon at tagabantay ng mga anak kapag kailangang umalis ng mag-asawa at walang magbabantay sa mga bata."

"Ah..." Napapatango-tango pa siya habang sinasabi iyon. Nang biglang may pumasok na ideya sa isip niya kaya muli siyang bumaling sa kanyang nanay. "Eh, 'Nay, bakit hindi na lang natin subukang maging kasambahay parang maganda ang sahod sa gano'n?"

"Kung pwede lang ginawa ko na. Paano naman ang tatay at mga kapatid mo? Maliliit pa sila at hindi pa kaya ang sarili. At ang tatay mo naman, walang makakatuwang sa bukid kapag anihan," katwiran nito. Magsasalita pa ulit sana siya pero naudlot iyon nang muling bumukas ang maliit na gate at sumilip ang kasambahay.

"Pasok ho kayo," sabi nito at niluwangan ang pagkakabukas ng gate kaya magkasunod na silang pumasok ng nanay niya at binaybay ang daanang may mga halaman sa magkabilang gilid. Bigla pa siyang napalingon nang muling tumunog ang gate at nakita niyang isinara ulit iyon. Pagkatapos ay mabilis na naglakad ang babae para mauna at binuksan ang pintong papasok ng bahay. Hindi na siya nagkaroon ng pagkakataon na magmasid-masid dahil hinawakan siya ng nanay niya sa kanang braso at mabilis na hinila sa tabi nito.

Pagpasok nila ay sala agad ang bumungad sa kanila na nasa gawing kaliwa at doon niya natanaw ang isang magandang babaeng nakaupo. Bago napadako sa nakabukas na malaking t.v. na pinatay nang makita sila kaya bigla siyang nakaramdam ng panghihinayang.

"Magandang umaga ho," magalang na bati ng nanay niya na agad niyang ginaya kasabay ng mabilis na sulyap sa direksyon kung nasaan ang kausap ng nanay nito. At 'di sinasadyang nagsalubong ang mga mata nila at nakita niyang ngumiti ito sa kanya kaya isang nahihiyang ngiti ang isinukli niya sa babae.

"Magandang umaga rin. Salamat sa pagpunta, Patreng. Maupo kayo," mabilis na sabi nito at nauna nang maupo sa pang-isahang upuan habang sila ng nanay niya ay sa mahabang upuan. 

Nang makaupo ay palihim siyang namangha dahil ramdam niya ang malambot na upuan. At naisip niyang kahit kasing laki lang ng inuupuan nila ng nanay niya ang maging higaan niya ay talagang matutuwa siya dahil sa lambot niyon ay hindi na siya magigising na masakit ang likod dahil sa kawayang sahig.

Habang iniisip ang bagay na iyon ay muli siyang napatingin sa kausap ng kanyang nanay. Palihim niya itong binibistahan dahil ang sabi ng kanyang nanay ay may mga anak na ito. Pero ang tingin niya ay halos magkasing edad lang sila dahil bata pang tingnan ang mukha nito. Mamula-mula ang mga pisngi at labi, pansin din ang makapal at mahabang mga pilik-mata, na napaisip pa siya kung tunay ba ang mga iyon. May katangusan ang ilong na hindi niya naiwasang ihambing sa ilong niyang sa tingin niya maliit at nangingintab ang itim at alon-alon nitong buhok na lagpas balikat ang haba na kumpara sa buhok niyang hanggang baywang ang haba na wala nang suklay-suklay dahil ilang hagod lang ng kamay ay ipupusod na agad para hindi makasagabal sa gawaing-bahay.

May kaputian rin ang babae kaya bumagay ang suot nitong berdeng bestida na bulaklakin na kung siya ang magsusuot pakiramdam niya ang magmumukha siyang katawa-tawa dahil sa balat niyang sunog sa sikat ng araw. At hindi rin nakaligtas sa mapanuri niyang mga mata ang makulay nitong mga kuko sa mga kamay at paa. Maging ang suot nitong manipis at kumikinang na kwintas. Nagulat pa siya nang muling magsalubong ang kanilang mga mata dahil ibig sabihin lang niyon ay pinagmamasdan din siya nito. Na mukhang napansin ng nanay niya na napapatingin sa kanyang direksyon ang babae kaya humawak ito sa kanang tuhod niya at marahan iyong pinisil-pisil.

"Ito nga pala ang panganay ko, si Bea. Isinama ko na rin para tulungan ako," sabi nito na nagpatango sa babae.

"Gano'n ba? Okay lang naman. So? Tara na sa kusina para mapag-usapan na natin kung ano ang gagawin," yaya ng babae at nauna nang itong tumayo kaya agad din silang sumunod pero biglang bumaling sa kanya ang babae kaya napahinto sila ng kanyang nanay sa paghakbang. "Maiwan ka na muna rito sa sala, iha, at manood ka na lang muna ng t.v. dahil pag-uusapan pa namin ng nanay mo kung ano'ng mga iluluto."

Naglakad ito pabalik ito na sinundan naman niya ng tingin. At doon niya nakitang binuksan nitong muli ang t.v. kaya bigla siyang nakaramdam ng excitement sa isiping makakapanood na rin siya ng palabas na naririnig lang niya kapag napapadaan sa ibang bahay.

Akmang babalik siya sa pagkakaupo nang hawakan siya ng kanyang nanay sa kaliwang braso at pinanlakihan ng mga mata. Kaya lihim siyang napanguso na agad ring napalitan nang pinipigilang ngiti ng muling magsalita ang babae na hanggang sa mga oras na iyon ay hindi niya pa rin alam ang pangalan.

"Hayaan mo na muna siya rito, Patreng at wala pa namang gagawin sa kusina dahil namimili pa ang asawa ko," sabi nito habang inilalapag ang hawak na remote ng t.v. sa maliit na salaming mesa na nasa harapan niya.

"Sige ho." Tanging nasabi na lang ng nanay niya at binitawan ang kanyang braso kaya dali-dali na siyang naupo at humarap sa t.v.. At dahil nakatuon na sa pinapanood ang kanyang pansin ay hindi na niya namalayan ang pag-alis ng mga ito.

Habang nanonood ay hindi niya mapigilang makaramdam ng paghanga at pagkainggit dahil sa magagandang ayos at suot ng mga artista. Maging ang malalaking bahay, magagandang damit at maraming pagkain. Kaya habang tumatagal siya sa panonood ay unti-unting umuusbong sa kanyang batang puso ang isang isipin. At bago matapos ang araw na iyon ay mayroon na siyang nabuong desisyon sa kanyang sarili.

Ang nanamlay niyang paligid ay tila lumiwanag at muling nagkaroon ng sigla dahil sa kanya puso at isip ay unti-unting nabubuhay ang bagong dahilan para hindi siya mawalan ng pag-asa. Dahil sa pagkabuhay ng isang makulay na pangarap. Ang pagiging isang artista para magkaroon din siya at ang pamilya niya ng malaking bahay at magagandang gamit.

Pero ang balak na iyon ay hindi na niya isinatinig dahil alam niyang kokontrahin lang siya ng kanyang nanay. Kaya nang gabing iyon habang kumakain sila ng naiuwing ulam at spaghetti mula sa handaan kung saan ang nanay niya ang nagluto ay hindi niya mapigilan ang sariling pangarapin na may malaki na siyang bahay at magandang damit. At dahil halos nakatulala na siya sa harap ng pagkain ay nakatikim na naman siya ng sermo mula sa kanyang nanay pero hindi na lang niya iyon pinansin dahil tila lumilipad pa rin ang isip niya hanggang sa makahiga na sila para matulog.

At hindi na niya namalayang nakatulog na siya sa gitna ng kanyang pangangarap.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status