Share

Part 5 - Mga Rebulto

Amoy baul ang mga damit na ibinigay kay Minggay. Hindi rin maiwasan dahil matagal nang nakatambak ang mga iyon sa bodega. Mga donasyon ng kung sino-sino para sa mga nasalanta ng bagyo at nasunugan na hindi na naipamahagi ng simbahan dahil kulang sila sa tao. Pero ayos pa rin ito sa kanya dahil siguradong mawawala din ang amoy ng mga ito kapag nalabhan na.

Hanggang ngayon hindi pa rin makapagdesisyon si Minggay kung tama ba na manatili pa siya sa simbahan. May pamilya siya sa labas na malamang hinahanap na siya. Ang usapan nila ni Mama Linda, kukunin lang niya ang korona at pagkatapos sisibat na siya. Pero halos makalimutan niya ang buhay niya sa labas ng simbahan nang mabusog siya sa sobrang sarap ng tanghalian nila kanina. Lechong kawali na may dalawang sawsawan: gravy at toyomansi. Tapos sinigang na baboy ang sabaw niya na may panghimagas pang leche flan at puto. Siguro iyon ang unang beses na nabusog nang ganoon si Minggay sa tanang buhay niya.

Ang higaan niya ngayon ay isang malambot na kutson at hindi malamig na sahig na sinasapinan ng butas-butas na banig. At pagbukas niya ng bintana ng kuwarto niya, magandang hardin ang bubungad sa kanya na may nag-aawitang mga ibon sa paligid.

Ang gaan sa pakiramdam! Ganito na lang sana lagi hanggang sa pagtanda niya. Kaya lang, nanumbalik sa kasalukuyan ang isip niya nang maalala ang mga kapatid niya, lalong lalo na si Caloy. Hiling niya na sana kasama niya sila sa higaan. Nagpapagulong-gulong, naghaharutan, masaya, busog at kontento. Dinalaw tuloy ng lungkot ang puso niya.

Kinatok siya ni Nana Conrada at naputol ang pagmumuni-muni ni Minggay. Gusto siyang ilibot ng matanda sa loob ng simbahan at ituro ang iba pang mga nakatoka niyang gawin dito bukod pa sa mga gawain niya sa Casa Del Los Benditos.

"Madali lang naman gagawin mo," 'ika ni Nana Conrada. "Aalisin at itatapon mo lang 'yang mga tuyong bulaklak, lalong-lalo na 'yang mga sampaguita na nakasabit sa mga santo tapos wawalisin mo lang 'yung paligid. Sina Mary Beth at Lila naman ang nakatokang mag-alis ng mga upos ng kandila."

Nakatayo sila ngayon sa life size na rebulto ni San Antonio de Padua. Nakasuot ng pang-monghe ang santo, mga anim na talampakan ang taas nito at kalong-kalong niya sa kanang mga braso ang sanggol na si Hesus habang sa kaliwa naman ang palumpon ng mga bulaklak.

Noon pa man, hindi na komportable si Minggay sa laki at itsura ng mga santo dito sa simbahan. Para kasing buhay na buhay ang mga ito. Pakiramdam niya bigla na lang silang gagalaw at hahablutin siya. At ang mga mata nila! Kahit saan dumako si Minggay, pakiramdam niya ay sinusundan siya ng tingin ng mga rebulto dito. Kaya nga noon, sa tuwing may ka-transakyon siyang adik, sinasabihan na lang niya ang mga ito na sa labas na lang sila mag-usap. Hindi siya komportable na parang minamanmanan sila ng mga rebulto.

Pagkaalis ni Nana Conrada, sinimulan na rin ni Minggay ang naka-toka sa kanyang trabaho. Kinuha niya ang basurahan sa may bakuran at walis tambo. Isa-isa niyang pinag-aalis ang mga tuyot na sampaguita at iba pang mga bulaklak na nakasabit sa mga kamay, braso at leeg ng mga ito. May ibang mga santo na mahirap abutin dahil sa taas at laki nila, kaya kumuha siya ng tuntungan para maabot ang mga ito.

"Ang hirap mo naman abutin, Saint..." tinignan ni Minggay ang pangalan nito na nakasulat sa placard sa paanan ng rebulto. "...Jude. St. Jude pala name mo po. Ang tangkad-tangkad mo kasi."

Maya-maya biglang napatili si Minggay, "Ay kalabaw!".

Napakapit siya sa santo. Paano ba naman kasi muntikan na siyang mahulog sa kanyang tinutungtungan. May kung sinong tumulak sa bangko.

Nilibot niya ng tingin ang paligid pero walang katao-tao sa simbahan. Kanina pa nakaalis si Nana Conrada. "Hello, tao po? Hello? Kung sino ka man puwede 'wag niyo po akong itulak. Muntik na po akong mahulog."

Pero walang sumagot sa kanyang pakiusap maliban na lang sa mga huni ng mga ibon na naghahabulan sa kisame. Inisa-isa niyang tingnan ang mga pew para tingan kung doon nagtatago sina Mary Beth at Lila o dili naman kaya may mapaglarong mga batang nakapasok sa loob, pero kahit anino, wala siyang nakita.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-+

Kinagabihan, sabay-sabay na naghapunan sina Father Tonyo, Mary Beth, Lila at Minggay.

"Siya nga pala, hindi makakasabay si Father Eman sa atin ngayon kumain. May tinatapos pa raw kasi siya sa kuwarto niya. Sorry Minggay ha, kung hindi kita mapapakilala muna. Hayaan mo bukas siguro makakasama na natin si Father Eman," paliwanag ni Father Tonyo habang sumasalok ng kanin sa pinggan.

"Ah, okay lang naman po 'yun," nahihiyang sagot ni Minggay. Kumalam ang tiyan niya nang maamoy ang mainit-init na tortang giniling at sabaw na munggo. Napaisip tuloy siya na sana masarap din ang ulam ng mga kapatid niya sa mga sandaling iyon.

"E, kumusta naman araw mo? Nag-e-enjoy ka na ba dito?" Nakangiting tanong sa kanya ng batang pari.

At ikinuwento ni Minggay ang mga nangyari sa kanya. Nagpasalamat din siya sa mga pinaglumaang damit na suot niya. Wala rin siyang naging problema sa mga ibinigay sa kanyang trabaho.

"Saka maganda pala dito, Father. Sobrang tahimik," dagdag pa ni Minggay.

"Ano, gusto mo pa bang umalis dito? Lahat nandito na. May maayos ka na kuwarto at masarap na pagkain. Tapos bukas or sa isang araw ipapakilala ko naman ikaw sa tutor mo - ninyo pala nila Mary Beth at Lila." Nagbuhos naman si Father Tonyo ng munggo para isahog sa kanyang kanin. Sina Mary Beth at Lila, tahimik na ngumunguya.

Hindi makasagot si Minggay sa tanong ni Father Tonyo. Kahit isang araw pa pa lang siya sa Casa, gusto na niya ritong tumira. Libreng bahay, libreng pagkain, kaunting trabaho. Hindi na niya kailangang magnakaw, hindi na niya kailangang magbenta ng droga. Pero ang mga kapatid niya, kawawa sila lalo na 'yung bunso nilang si Caloy. Kung puwede lang sana na sa simbahan na rin sila tumira.

May kirot na gumuhit sa puso ni Minggay. Ayaw niya munang isipin ang mga bagay-bagay kaya iniba na lang niya ang usapan. "Father, may iba pa po bang nakatira dito bukod sa atin? May tao po bang nakatira sa simbahan?"

"Anong ibig mong sabihin?" Napatigil si Father at ibinaba ang mga hawak niyang kubyertos.

"Kanina po kasi habang nag-aalis ako ng mga lantang bulaklak sa mga santo, muntik na akong mahulog du'n sa tuntungan ko. May bigla po kasing tumulak sa bangko, pero pagtingin ko naman po sa paligid wala namang tao. Imposible naman pong hangin kasi wala namang hangin noong oras na 'yon." Nahuli ni Minggay na nagkatinginan sa isa't isa sina Mary Beth at Lila. Parang may alam sila na ayaw nilang sabihin.

"Ah, baka naman kasi madulas 'yung sahig. Alam mo kasi lagi ko talaga inuutos kay Nana na pakintabin 'yang sahig natin sa simbahan kasi nga marmol at maputi - madali siyang madumihan. Hayaan mo't sasabihin ko kay Nana Conrada na bawas-bawasan niya lagay ng floor wax para wala nang nadudulas doon," tugon ng pari at bumalik na ito sa paglantak sa ulam na torta samantalang parang 'di makatingin sa kanya si Mary Beth at Lila.

Ipinagsawalang bahala na lang iyon ni Minggay. Tama. Baka madulas lang ang sahig dahil sa floor wax.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status