Share

Part 6 - Almusal

Ito ang unang gabi ni Minggay sa Casa Del Los Benditos at unang beses niyang matutulog sa isang napakalambot na kama na may malambot at mabango ring mga unan. Dito hindi na rin niya kailangan mag-electric fan. Bubuksan lang niya ang mga bintana at siguradong dadaloy ang sariwang hangin galing sa hardin ng simbahan.

Pagkaligo, isinuot ni Minggay ang isang pinaglumaang pajama na may disenyo ng mga oso at sorbetes. Medyo masikip ang pajama pero masaya si Minggay dahil para siyang bumalik sa pagkabata. Dati, kung anong suot niya sa buong araw, iyon na rin ang suot niya sa pagtulog. Wala kasi siya masyadong damit. Isa pa, mabuti na rin daw iyon para makakatipid sila ng tubig sa paglalaba sabi sa kanya ni Mama Linda.

"Hay, sana nandito kayo," sambit ni Minggay sa sarili. Nakatingin siya sa kisame at nakikita ang mukha ng mga kapatid niyang gutom na gutom. Dasal niya na sana huwag silang pabayaan ng nanay nila.

Unti-unti, bumibigat na ang kanyang mga mata. Maya-maya pa, humikab siya at tuluyang nakatulog. Pero saglit lang iyon - mga limang minuto. Ginising kasi siya ng isang kalabog. Napabalikwas siya sa higaan at pagpihit sa kanan, nakita niya na parang may taong papalabas pintuan ng kanyang kuwarto.

Naabutan niya itong nakatalikod at pasara na ang pinto. Naaninag niya pa ang laylayan ng suot nito. Parang nakasuot ito ng sutanang puti, katulad ng suot ni Father Tonyo at nahagip niya pa ang suot nitong sapatos na kulay pula.

"Father?" Nakaupo na si Minggay sa kama habang kinukusot-kusot ang kanyang mga mata.

Hindi sumagot ang tao, pero hindi na rin ito hinabol ni Minggay. Baka kasi si Father Tonyo lang iyon. Sinilip lang siya saglit para mangamusta. Bumalik muli si Minggay sa pagtulog.

+-+-+-+-+-+-+-+-+-+-

Alas sais 'y medya ng umaga na nagising si Minggay. Agad agad siyang naghilamos, nagsipilyo at nagpalit ng damit. Tinignan niya ang sarili sa salamin at nasiyahan siya sa kanyang nakita. Isang araw pa lang siya sa Casa Del Bendito at mukhang ibang tao na siya. Ibang-iba sa Minggay na parang laging kulang sa ligo at pagkain.

Paglabas sa silid, binati siya ni Nana Conrada at inimbitahang mag-almusal na sa kusina kasama sina Mary Beth at Lila. Si Father Tonyo at Father Eman naman ay pumunta na sa simbahan para maghanda sa misa.

"Magandang umaga," nakangiting bati ni Minggay sa dalawa. "Saan kayo naka-assign ngayon maglinis?"

"Doon kami sa simbahan ngayon maglilinis pagkatapos ng misa. Ikaw ba?" Si Mary Beth ang sumagot.

"Siguro dito. Bubunutin ko 'yung hagdan tapos baka isusunod ko na rin 'yung simbahan. Nakalimutan ko kasi yata punasan yung mga santo doon kahapon," at lumagok si Minggay ng orange juice. "Eh, ikaw Lila sasama ka ba kay Mary Beth doon sa simbahan?"

"Hindi na muna, pero baka mamayang hapon maglilinis din ako doon. Mag-aaral lang ako saglit kasi baka may test si Mr. Aragon bukas sa amin," matamlay na sagot ni Lila. Mukhang kulang sa tulog.

"Sinong Mr. Aragon?" Sumubo si Minggay ng kapirasong scrambled egg.

"Siya 'yung tutor namin ni Lila. Tuwing hapon, monday to friday, nagpupunta siya dito para magturo sa amin. Magiging teacher mo na rin siya. Sigurado ako," sabik na sabi ni Mary Beth. Natutuwa siya dahil madadagan na siya ng kaklase, pero napansin niyang matamlay si Lila na katabi niya sa hapag. "Parang inaantok ka pa."

Naghikab si Lila. "Oo nga. Lagi kasi akong nagigising 'pag dinadalaw ako ni Father Tonyo sa kuwarto. Nagigising ako sa tuwing palabas na siya. Hindi ko alam ba't lagi niya 'yon ginagawa. Kahit nila-lock ko 'yung kuwarto ko bago matulog nabubuksan pa rin niya. Siguro may susi siya ng kuwarto natin."

"Baka naman kasi chine-check lang ni Father Tonyo kung okay tayo bago siya umakyat sa kuwarto niya sa taas. Saka pa'no ka nakakasiguro na si Father Tonyo nga 'yung pumapasok sa kuwarto mo?" Depensa ni Mary Beth.

"Siyempre, sino pa ba gagawa nu'n? Lagi kong nahuhuli na nakasuot ng pang-pari yung lumalabas sa kuwarto ko. Eh, sila lang naman ni Father Tonyo at Father Eman ang paring kasama natin dito, 'di ba? Imposible rin namang si Father Eman 'yun kasi ang sungit-sungit nu'n. Bihira nga lang tayo kausapin," maktol ni Lila.

"Alam mo, ako rin. May pumasok sa kuwarto ko kagabi pero hindi ko nakilala kasi palabas na siya noong nagising ako pero nakita ko na nakasuot siya ng pang-pari. Inisip ko na lang na baka nga si Father Tonyo 'yon," dugtong ni Minggay. "Ikaw ba Mary Beth, hindi ka ba chini-check ni Father Tonyo bago matulog?"

"Pa'no niya malalaman eh, tulog mantika 'yan. Kahit nga magkasunog siguro dito, hindi 'yan magigising," biro ni Lila.

"Siya nga pala, ano bang meron sa second floor? Kasi sabi sa akin ni Father Tonyo bawal daw umakyat doon puwera na lang kung may emergency daw," umiral na naman pagiging matanong ni Minggay. Hindi naman siya tsismosa, sadyang mausisa lang talaga siya.

Tinatamad na sinubo ni Lila ang natitirang pagkain sa plato, "Hindi rin namin alam. Pagdating ko kasi dito gano'n din ang sinabi sa akin ni Father Tonyo. Huwag daw kami aakyat sa second floor dahil ayaw daw nilang mga pari ang maingay. Parang gano'n."

Tumango-tango naman si Mary Beth bilang pagsang-ayon sa sinabi ni Lila.

"Mga ineng, mawalang galang na ano. Magta-tanghali na't wala pa kayong nalilinis. 'Pag nakita ni Father Eman na madumi pa yung mga naka-toka sa inyo, pare-pareho tayo malalagot," biglang sabat ni Nana Conrada na may hawak pang sandok. Pakiramdam ni Minggay kanina pa sila nito pinakikinggan.

Inubos agad nila Minggay ang almusal nang lumitaw si Nana Conrada at nagkanya-kanya rin sila ng hugas ng pinag-kainan. Hindi nila napansin na alas otso 'y medya na pala.

Magkakasabay nilang kinuha ang mga gamit na pang-linis sa kabinet nito gaya ng bunot, floor wax, mop at basahan at saka sila naghiwa-hiwalay. Sina Mary Beth at Lila papunta sa simbahan at si Minggay naman sa may hagdanan sa Casa De Los Benditos.

Dala ng sobrang pagmamadali, hindi napansin ni Minggay ang kasalubong. Pagliko sa may paanan ng hagdan, nabunggo niya si Father Eman at natapon ang laman ng hawak nitong maliit na planggana sa sahig.

"Ano ba't hindi ka tumitingin sa nilalakaran mo?" Gulat na sabi ng pari. Ito ang unang beses na nakita ni Minggay si Father Eman. Sa itsura, hindi sila nagkakalayo ni Father Tonyo bagaman mas mukha itong nakatatanda sa dalawa. Kung ano ang ikina-pusyaw ng kutis ni Father Tonyo gano'n naman ang ikina-itim ng kay Father Eman. Wala itong suot na salamin kaya't litaw na litaw ang nagdudumilat nitong mga mata.

"S-so-sorry po, Father. Pasensya na po," nauutal na sabi ni Minggay. Akma nitong pupunasan ang natapon sa sahig.

"Ikaw siguro ang bagong dating na binanggit sa 'kin ni Father Eman. Huwag mo ng galawin 'yan. Ako na ang bahala," malamig na sabi ni Father Eman.

"O-opo, ako po si Minggay." Yuyuko sana siya para punasan ang natapon pero hinawakan siya ni Father Eman sa braso para pigilan.

"Ako na sabi," matigas ang boses ng pari at saka nito hinablot ang basahan sa kamay ni Minggay. "Sige na, bumalik ka na sa kuwarto mo."

Pero nagpumilit si Minggay kaya nabulayawan siya ni Father Eman. "Ako na sabi!"

Napaatras si Minggay sa sigaw na iyon. Humingi naman agad ng dispensa ang pari. "I'm sorry. Ako na bahala maglinis dito. Bumalik ka na lang mamaya. Tulungan mo na lang muna sina Mary Beth at Lila du'n sa simbahan."

Sinunod ni Minggay ang utos ng pari. Subalit habang naglalakad, hindi niya mawari kung ano kaya 'yung likidong natapon. Ang pula-pula kasi nito. Ka-kulay ng dugo.

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status