Share

Kabanata 5

Blair Castro

ANG maingay na tunog ng cellphone ko ang gumising sa akin kinabukasan. Pikit-matang kinapa ko ang nag-iingay na bagay sa bedside table saka walang pagdadalawang-isip na sinagot ang tawag.

[Blair!]

Mabilis akong napabangon nang marinig ang boses ni kuya Cloud. Napaungol ako nang mahilo ako dahil sa ginawa ko. Napahawak ako sa ulo ko at mariing pumikit.

[Ayos ka lang ba? Anong nangyari sa 'yo?] Muli kong narinig ang boses ni kuya. Sa pagkakataong ito ay bakas na ang pag-aalala.

Nagmulat ako ng mata at tiningnan ang kabuohan ng kwarto. Nahagip ng paningin ko ang oras at napabuntong-hininga nalang ako dahil alas diyes na pala. Agad akong tumayo at nagmumog sa banyo saka binalikan si kuya na nasa linya pa rin. “Kuya.”

[Bakit ang tagal mo sumagot? Ano bang ginagawa mo?]

Napakamot ako ng batok. “Tinanghali ako ng gising.”

Narinig ko ang buntong-hininga niya, tila nakahinga ng maluwag. [Ikaw talaga! Akala ko kung napano ka na e.]

Napangiti ako. Caring as ever. “Bakit ka nga pala napatawag? Pauwi ka na ba? Kumusta ang lakad mo? Nahanap mo na ba si Dra.?”

Mahina siyang natawa. [Easy, Blair. Isa isa lang, mahina ang kalaban.]

Napailing nalang ako saka lumabas ng kwarto. Dumiretso ako sa kusina saka kumuha ng baso. Muli namang nagsalita si kuya sa kabilang linya para sagutin ang mga tanong ko.

[Tumawag ako kasi nasa lobby na iyong package na pinadala ni mom—iyong mga documents mo para makapag-apply ka sa school ni Lira—]

“Naipadala na kaagad? Hindi ba't aabutin pa dapat iyon ng ilang araw?” gulat kong tanong dahil iyon naman talaga dapat ang proseso ng pagpapadala ng package.

Muli na namang tumawa si kuya, sa pagkakataong ito ay may kasamang pagyayabang na. [Perks of being a McBride.]

Ngumisi ako. “Ewan ko sayo, kuya. Ano nang nanyari sa lakad mo?”

[Oh that! Hindi ko inabot si Dra. Licauco dito pero sabi ng nakakakilala sa kaniya ay babalik naman daw ito. Maghihintay nalang ako kaysa magkasalisi kami dahil baka umuwi rin daw ito mamaya. Sayang ang chance.]

Tumango-tango ako at napabuntong-hininga. “Salamat, kuya. Sa lahat ng tulong mo sa akin. Sobrang nagpapasalamat ako.”

['Wag kang magpasalamat dahil may bayad 'to.] Natatawa niyang sagot.

Sumimangot ako. “Ano naman?”

[It's a secret for now. Sige na, Blair. Mag-ayos ka na para makapunta ka na sa school ni Lira.]

Ngumiti ako. “Pupunta na talaga ako, kuya. Sige na. Ingat ka, ha!”

[Yeah! You too. Ingat ka rin diyan, bunso.]

Hindi na humaba pa ang pag-uusap namin ni kuya. Matapos niyang magpaalam ay agad kong pinatay ang tawag saka itinuloy ang naudlot na pag-inom ko ng tubig.

Agad ko ring hinugasan ang ginamit kong baso saka bumalik sa kwarto. Kumuha ako ng damit at pumasok sa banyo para maligo.

Nasasabik na akong magpakilala kay Lira. Hindi na ako makapaghintay na makaharap siya at matitigan ng malapitan. Kahit manlang sa ganitong paraan ay makasama ko ang isang anak ko.

Napangiti ako at dagli ring napabuntong-hininga. Kailangan ko pa ring mag-ingat at hindi ako pwedeng humarap kay Alicia kahit posible kaming magkita dahil tiyak ako na naghahatid o sumusundo rin siya kay Lira.

Napailing ako habang nasa ilalim ng shower. Hindi ko alam kung anong magagawa ko kapag nagkaharap na kami ni Alicia.

PATINGA-TINGALA ako habang nakaupo sa loob ng opisina ng principal ng school. Ala una na ng hapon at naghihintay lang ako sa principal para kausapin. Hawak ko sa mga kamay ko ang envelope na naglalaman ng mga dokumento ko at inaamin kong kinakabahan ako. Baka kasi hindi ako tanggapin lalo na't nagsimula na ang school year at medyo late na ako.

Kinagat ko ang pang-ibaba kong labi. Tumunog naman bigla ang cellphone ko sa sling bag ko. Kinuha ko ito at agad na napangiti nang mabasa ang message sa akin ni kuya. A goodluck with care emoji.

Ibinalik ko rin kaagad sa loob ng bag ang cellphone ko dahil biglang bumukas ang pinto. Pumasok ang isang matabang babae na sa tingin ko ay mas bata lang kay mom ng ilang taon.

Ngumiti ang babae. “Pasensya na kung natagalan. Nagmeeting kasi kami.”

Tumango ako at tumayo. “Ayos lang po.”

Pumunta siya sa swivel chair na nasa likod ng mesang kaharap ko. Iminuwestra niya ang upuang kaninang inuupuan ko. “Have a seat, miss. Let's talk about your application.”

Naupo akong muli at iniabot sa kaniya ang envelope na hawak ko. Tinanggap naman niya ito kaagad. “That is my credentials, ma'am. I hope qualified ako as kindergarten teacher.”

Ngumiti siya at binasa ang information ko habang tumatango. “Tamang-tama ang dating mo, miss McBride,” aniya saka ako muling tiningnan.

Pinagsiklop niya ang kaniyang mga palad. “Mabuti naman at dito mo napiling mag-apply. Kailangan kasi talaga namin ng kindergarten teacher dahil nagfile ng leave si Mrs. Arevalo at hindi siya makaalis dahil hinihintay namin ang papalit sa kaniya pero hindi namn ito nakatuloy dahil nagkaroon daw ng mas malaking opportunity abroad.”

Napatango-tango ako habang nakangiti. “Naku, malaking tulong ho ito sa akin.”

Napakalaking tulong dahil sa pamamagitan ng trabahong ito ay makakasama ko ang anak ko.

“Nakakatuwa lang dahil galing ka sa ibang bansa at lumipat dito samantalang ang papalit dapat kay Mrs. Arevalo ay lumipad paibang bansa. Buhay nga naman!”

Napatawa ako kahit wala namang nakakatawa. Sinabayan ko lang ang tawa niya dahil mukhang madaldal talaga siya.

Nagpatuloy pa kami sa pag-uusap. Nabanggit niya rin sa akin ang sistema ng school at maging ang schedule ng klase ng mga batang hahawakan ko. Nalaman ko ring alternate ang schedule ng dalawang section ng kindergarten. Isa sa umaga at isa sa hapon.

Pagkatapos ng mahabang pag-uusap namin ng principal ay agad akong lumabas ng opisina niya. Mabagal akong naglalakad sa loob ng campus ng elementary school. Napapangiti ako habang nakikita ang mga batang naglalaro sa paligid dahil breaktime nila.

Gumagaan talaga ang pakiramdam ko kapag nakakakita ako ng mga bata, iyon nga lang mas nararamdaman ko ang pangungulila sa mga anak ko kapag naririnig ko ang halakhak ng mga bata sa paligid ko.

Pagkagaling ko sa school ay dumiretso ako ng uwi. Nagtext naman si kuya na pauwi na siya kaya nagluto ako ng kakainin namin para sa hapunan. Alas sais nang maiayos ko sa mesa ang pagkain. Tinakpan ko ito saka ako pumunta sa sala. Nagbukas ako ng TV at inubos ang oras ko sa panunuod ng mga kung anu-ano habang naghihintay kay kuya.

Maya-maya pa ay lumabas ang isang patalastas. Umawang ang labi ko at dagling kumuyom ang aking mga kamao habang nakatitig sa nakangiting babae sa TV. Nagpopromote siya ng isang mamahaling lipstick na pulang-pula.

Bumilis ang paghinga ko. Hindi ako makapaniwalang nasa tuktok na siya ngayon ng pangarap niya pagkatapos ng ginawa niya sa akin. Alicia doesn't deserve to be known. Akala ng iba ay anghel siya dahil sa mukha niyang palaging maamo kung tingnan at mga labing palaging nakangiti pero sa likod ng mukha niya ay nagtatago ang nabubulok niyang ugali at budhi.

Natapos ang patalastas na nakakuyom ang mga kamao ko. Naisip ko lang kung sa limang taon na magkasama sila ni Lukas ay may pagkakataon ba na nakita nito ang masamang ugali ni Alicia. Napakagaling kasi nitong magloko at magpanggap na kahit ako ay hindi ko natunugan ang masama niyang ugali kahit mula senior highschool ay magkasama na kami.

“Blair!”

Napakurap-kurap ako at bumalik sa sarili nang marinig ang boses ni kuya Cloud. Tumayo ako at tiningnan siya na nakatayo sa likuran ng couch na inuupuan ko. Napailing siya saka inabot ang remote at pinatay. Ibinaba niya sa sandalan ng couch ang hawak niyang jacket saka namaywang. Tinitigan niya ako. “Are you okay, Blair?”

Nasapo ko ang noo ko saka tumayo. “Yeah! Sorry. Kanina ka pa ba?”

Umiling siya. “Kadarating ko lang. Kumusta ang pag-aapply mo?”

Naupo ako at marahang tumango. “Okay na. Tanggap na ako. Iyong lakad mo? Kumusta?”

Ngumiti siya. Isang siguradong ngiti na nagbigay ng pag-asa sa akin. “Ano na, kuya?”

“Nakausap ko na si Dra. Licauco. Inamin niya na iniwan ni Alicia ang kambal sa isang orphanage. Balak ko sanang puntahan kanina ang orphanage para hanapin ang kambal kaso wala pala akong litrato ni Lira kaya hindi ko makikilala ang dalawa.”

Napabuntong-hininga ako. “Bibigyan kita mamaya ng picture ni Lira pero... nababahala lang ako na baka hindi kamukha ni Lira ang dalawa. Hindi ko pa sila nakikita, kuya kaya hindi ko rin alam kung anong hitsura nila.”

“I'm sure kahawig nila si Lira. Makikilala ko sila basta may picture ako ni Lira. Isa pa ay nabanggit sa akin ni Dra. Licauco na berde rin ang mata ng kambal.”

Napatango-tango ako. Nabuhayan ako ng loob dahil sa sinabi ni kuya. Ibig sabihin lang nito ay may pag-asa talaga akong mahanap at mabawi ang mga kambal ko. Kailangan ko lang maghintay at magsikap na mahanap sila.

Napakatagal ko nang umaasa, sana naman sa pagkakataon na 'to ay magtagumpay na akong mabawi sila.

NAKASABIT sa balikat ko ang hindi kalakihang shoulder bag ko habang naglalakad ako papasok sa campus ng elementary school kung saan ako magtuturo. Excited ako na kinakabahan dahil ito ang unang pagkakataon na makakalapit ako kay Lira.

Sa bawat hakbang na ginagawa ko ay siya ring pagdagdag ng bilis ng tibok ng puso ko habang palapit ako sa silid-aralan.

“Miss McBride!”

Napakurap-kurap ako. Sinalubong ako ng Principal na nakangiti kaagad. May kasama siyang isang guro na nakauniporme at sabay silang lumapit sa akin.

Bahagya akong yumuko. “Good morning po.”

“Good morning. I bet you're excited to meet the children.”

Marahan akong tumango. Hindi lang excited—sobrang excited.

“Iyong uniform mo nga pala ay inaasikaso ko pa, miss McBride. Siguro by next week ay makukuha mo na iyon.”

Tumango lang ulit ako. Inihatid niya ako sa classroom ng kindergarten habang nagsasalita siya at ipinakikilala ang gurong kasama niya. Halos wala naman akong naintindihan sa mga pinagsasabi niya dahil abala ang mga mata ko sa pagtingin sa bawat sulok ng classroom.

Nahagip ng mga mata ko ang information corner ng mga bata. Agad akong lumapit doon at tiningnan ang magandang design ng board. Ngumiti ako nang mahanap ng mga mata ko ang pangalan ni Lira. Naroon rin ang litrato niya na malaki ang ngiti sa camera.

Wala sa sariling nahaplos ko ang pisngi niya sa picture pero agad akong natigilan nang bumalik ang atensyon ko sa pangalan niya. Alira G. de Marco.

Hirap akong humugot ng malalim na hininga saka ibinaba ang kamay ko. Nilingon ko ang principal na nasa bandang likuran ko. Ngumiti siya nang mapatingin sa akin. “Matalino si Alira. Siya ang palaging top sa klase at napakabait na bata. Maganda rin at kamukhang-kamukha ni Mr. de Marco—sayang lang at wala siyang nakuha sa ina niyang modelo.”

Hindi ako nagsalita. Palihim kong ikinuyom ang mga kamao ko. Wala talagang makukuha si Lira sa babaeng iyon dahil hindi iyon ang ina niya kundi ako. Ako lang ang ina ni Lira at hindi iyon mabubura ni Alicia kahit kailan—kahit pa nga pinagdamutan niya ako ng karapatan sa anak ko at ngayong nagsisimula na akong gumawa ng hakbang para mabawi sila, hindi na ako mahahadlangan pa ni Alicia. Hanggang kamatayan ipaglalaban ko ang karapatan ko.

Nang magsimulang dumating ang mga bata ay nakaupo na ako sa unahan. Napapatingin sila sa akin na may pagtataka sa mukha at batid kong dahil iyon bago ako sa paningin nila. Ngumingiti nalang ako at sinesenyasan silang maupo. Ilang saglit pa ay dumating ang batang kanina ko pa hinihintay. Mabilis akong napatayo at gulat naman siyang napalingon sa akin. Bahagyang umawang ang labi ko nang magtama ang aming mga mata. Ang berde niyang mga mata na parang hinihigop ang kaluluwa ko. Gustong-gusto ko kapag tinitingnan niya ako.

“H-Hi!” napapalunok kong bati. Tumikhim ako at umayos ng tayo. “M-Maupo ka na. Ako ang m—bagong teacher ninyo.”

Dahan-dahang naglakad si Lira papunta sa upuang katapat mismo ng teacher's table. Naupo siya at tumitig muli sa akin kapagkuwan ay unti-unting ngumiti. “Good morning, teacher.”

Marahan akong tumayo at nasapo ang bibig ko. Parang gusto kong maiyak dahil sa ngiting ipinapakita niya sa akin pero pinili kong pakalmahin ang sarili ko. Pinili kong maging kaswal sa harapan nila kahit halos mangatog ang tuhod ko dahil sa kagustuhang yakapin si Lira.

Nagsimula akong magturo ayon sa schedule na ibinigay sa akin ng Principal. Hindi ko mahawakan ang libro dahil nanginginig pa rin ang mga kamay ko. Natapos ang breaktime at ang mismong klase na puro pagsulyap lang kay Lira ang ginagawa ko. Abala siya sa pagsusulat at nakikita kong mahal niya ang pag-aaral. Kahit papaano ay masaya ako dahil naturuan siya ng maayos ni Lukas.

“Goodbye, teacher! Thank you for teaching us!” bibo at sabay-sabay na paalam sa akin ng mga bata. Sunod-sunod na silang lumabas at dali-dali ko namang hinablot ang bag ko saka sinundan si Lira.

“Lira!”

Tumigil siya at lumingon sa akin. Tumingala siya sa akin at tiningnan ako gamit ang inosente niyang mga mata. “Bakit po?”

Tumikhim ako at marahang hinaplos ang buhok niya. Bumilis ang tibok ng puso ko habang ginagawa ito. Ngumiti ako. “W-Wala naman. May sundo ka ba?”

“Meron po. Susunduin po ako ni mommy.”

Pakiramdam ko'y may biglang sumuntok sa puso ko. Mommy! Gusto kong matawa nang sarkastiko. Ang kapal talaga ng mukha ni Alicia. Gusto ko siyang pagsusuntukin sa mukha hanggang sa lumabas ang nabubulok niyang pagkatao.

Sabay kaming naglakad palabas ni Lira pero agad akong napatalikod nang mahagip ng paningin ko ang isang matangkad na babaeng nakasandal sa isang pulang kotse. Pinalilibutan siya ng mga tao na sa tingin ko ay humahanga sa ganda niya—gandang panlabas lamang.

Humugot ako ng malalim na hininga saka pasimpleng lumingon kay Lira na tumatakbo ngayon palapit kay Alicia.

“Mommy!”

Mariin akong pumikit. Torture ang aabutin ko dahil sa plano kong ito pero hindi na ako aatras. Mabilis ang pagtaas at pagbaba ng d****b ko dahil sa galit. Kumuyom ang kamao ko nang yakapin ni Alicia si Lira saka ito hinalikan sa pisngi na para bang mahal na mahal niya ang bata. No! Wala siyang ka-amor amor sa mga bata kaya imposibleng malapit sa puso niya si Lira. Tiyak akong palabas niya lang ang lahat.

Mabilis akong tumalikod ulit at naglakad palayo nang akmang susulyap si Alicia sa direksyon ko. Hindi ko siya pwedeng komprontahin ngayon—hindi sa harap ng anak ko!

Related chapters

Latest chapter

DMCA.com Protection Status