Share

Kabanata 4

Blair Castro

MAAGA akong umalis sa condo ni kuya kinabukasan. Suot ang simpleng jeans at itim na damit ay lumabas ako bitbit ang shoulder bag ko. Habang lumalakad ay isinilid ko ang cellphone ko sa shoulder bag. Nang mag-angat ako ng mukha ay pasara na ang elevator kaya agad akong tumakbo para umabot ako.

Umabot ako pero gulat na napatingin sa akin ang babaeng naglilipstick. Kumalat pa ang lipstick sa gilid ng labi niya kaya awkward akong napangiti.

Pumasok ako at tumayo sa tabi niya. Nagpatuloy naman siya sa kaniyang ginagawa habang tahimik lang ako. Hindi na rin ako nag-abalang pindutin ang button ng ground floor dahil doon rin ang punta ng babae.

Biglang sumagi sa isip ko ang pagkikita namin ni Lukas kahapon. Hindi ko akalaing sa pangalawang pagkakataon ay malulunod ako sa titig ng luntian niyang mga mata. Tumibok ng mabilis at malakas ang puso ko at natakot ako. Natakot ako dahil baka masira ng nararamdaman ko ang mga plano ko.

Napatingin ako sa babaeng katabi ko nang mahagip ng paningin ko ang keychain sa cellphone niya. Umawang ang labi ko nang mamukhaan ang babaeng nasa litrato na nakalagay sa keychain. Napalunok rin ako. Sikat na sikat na si Alicia—bagay na pinapangarap niya lamang noon.

Dahan-dahang nalukot ang mukha ko saka umiwas ng tingin mula sa keychain.

Nang bumukas ang elevator ay agad akong lumabas. Diretso lamang ang lakad ko at natitiyak kong hindi maganda ang timpla ng mukha ko. Sa laki ng kasalanan sa akin ni Alicia, simpleng litrato niya lang ay matindi na ang epekto sa akin. Ayokong magpaapekto sa kaniya pero hindi ko talaga maiwasan. Sa totoo lang, gustong-gusto ko siyang sabunutan, sampalin at pagtatadyakan. Makaganti manlang sa malaking kasalanan na ginawa niya sa akin noon at hanggang ngayon. Gusto kong gumanti sa kaniya pero uunahin ko pa ba iyon kaysa sa mga anak ko? Uunahin ko pa ba ang galit kaysa sa pagmamahal ko sa mga nawalay kong anak? Hindi. Ayoko!

Hustong nakalabas ako ng gusali ay biglang tumunog ang cellphone ko. Halos mapatalon ako sa gulat. Natawa pa nga ang isang matandang lalaking nasalubong ko.

Nagpatuloy sa pag-iingay ang cellphone ko. Nang kunin ko ito at tingnan ang pangalan ng caller ay agad akong napakagat ng labi. Nabisto niya kaagad ako?

Napalunok ako at sinagot ang tawag. “Hello, kuya?”

[Blair! Nasaan ka?]

Namaywang ako at nagpalinga-linga para humanap ng taxi. Kailangan kong makaalis na kaagad bago pa ako maabutan ni kuya dito sa labas. Tiyak na pagagalitan niya ako dahil hindi pa ako nag-aalmusal.

[Sumagot ka, Blair!]

Tumikhim ako. “Kuya, pupuntahan ko si Lira.”

[What?!]

Bumuntong-hininga ako. “Gusto ko nang makita sa personal ang anak ko, kuya.”

Gustong-gusto kong malapitan si Lira, mahaplos ang kaniyang buhok, mahawakan ang pisngi at mayakap ng mahigpit. Alam kong hindi ko basta-bastang magagawa iyon dahil hindi naman ako pwedeng basta nalang lumapit sa kaniya at yakapin siya. Bata pa si Lira, tiyak akong matatakot siya sa akin kapag bigla ko nalang siyang niyakap.

[Blair, hindi ka pwedeng magpadalos-dalos. Kapag nakita ka ni Alicia, tiyak na gagawa siya ng paraan para ilayo sa 'yo ang bata.]

Hindi ako nakapagsalita. Isa iyon sa iniiwasan ko kaya nga mag-iingat ako ng husto at titiyakin ko na hindi ako mabubuko sa gagawin ko.

[Naiintindihan mo ba ako, Blair?]

Hindi pa rin ako nagsalita. Pakiramdam ko'y natunaw ang excitement na nararamdaman ko kanina dahil sa sinabi ni kuya. Hindi niya pa nakikilala ng personal si Alicia pero alam na niya kung gaano ito ka-sama dahil lang sa mga kwento ko.

Narinig ko ang buntong-hininga niya sa kabilang linya. [Blair, you know I love you—I mean, you're my sister. Mahalaga ka sa akin kaya ayokong mapahamak at masaktan ka na naman. Naiintindihan mo naman ako, diba?]

Dahan-dahan akong tumayo saka nagtaas ng noo. Tapos na ang panahon ng pagiging mahina ko at bumalik ako na may tapang para ipaglaban ang karapatan ko—sa paraang alam ko. Sa paraan ko kaya hindi ako matitinag ng kahit ano pang balakid o problema.

“Naiintindihan kita, kuya. 'Wag kang mag-aalala dahil mag-iingat ako. Hindi ako gagawa ng ikapapahamak ko lalo na ng mga anak ko.” matigas at puno ng determinasyon na litanya ko.

Nahuhulaan ko na ang reaksyon ni kuya. Tiyak na napapailing siya ngayon pero wala naman siyang magagawa. Desisyon ko ang masusunod dahil anak ko ang nakasalalay dito. Ang pagiging ina ko ang nakataya kaya lalaban ako gamit ang nag-iisang alas ko—ang pagmamahal ko para sa mga bata.

[Fine! Susunduin kita mamaya. Itext mo sa akin kung saan ang school ni Lira.] May bahid ng frustrasyon sa boses na sagot niya.

Unti-unti akong napangisi. Hindi naman siya mananalo sa akin. Mula nang dumating ako sa buhay nila ay hindi pa siya nanalo sa akin tuwing nagdidiskusyon kami. Sa huli ay siya palagi ang sumusuko.

“Thanks, kuya.” mahinang sambit ko saka nagpalinga-linga ulit.

[Sandali, nagbreakfast ka ba?]

Mariin akong napapikit at natigilan. Iyan na nga! Bakit ba hindi ko kaagad ibinaba ang tawag? Tiyak na hindi niya ako paaalisin nang hindi nag-aalmusal.

[I knew it! Hintayin mo ako riyan sa labas. Magbibihis lang ako.] Matapos niyang sabihin iyon ay ibinaba na niya ang tawag.

Napabuga nalang ako ng hangin at humalukipkip sa isang tabi—tahimik na naghintay sa kaniya.

Ilang sandali pa ay dumating na si kuya. Agad akong nagtaka dahil bihis na bihis siya at mukhang balak niyang sumama sa akin.

Naniningkit ang mga matang sinalubong ko siya. “Bakit nakabihis ka?”

Nginitian niya ako. “Sasamahan kita.”

Hindi ako nakaalma. Sa mga ganitong sitwasyon ay palaging nananalo si kuya. Hinahayaan lang naman niya akong manalo kapag mga gusto ko ang pinag-uusapan pero hindi niya ako hinahayaang mag-isa—palagi ko siyang kasama sa lahat ng bagay kaya hindi na ako nagtataka na minsan ay napapagkamalan kaming magkasintahan.

“Anong balak mo kapag nakita mo si Lira?”

Napaisip ako sa biglaang tanong ni kuya habang kumakain kami. Bumuntong-hininga ako kasi sa totoo lang hindi ko talaga alam kung anong gagawin ko. Gusto ko siyang lapitan at yakapin oras na makita ko siya pero ayokong matakot siya sa akin.

Sandali pa akong nag-isip at natulala. Sa huli ay bumuntong-hininga ako. “Ewan ko, kuya. Bahala na!”

Nagpatuloy kaming dalawa sa pag kain. Halos hindi ako makakain ng maayos dahil ang nasa isip ko ay si Lira.

“Mamaya aalis ako. Pupunta ako sa Siargao para hanapin si Dra. Licauco.”

Nag-angat ako ng mukha kay kuya. “Sasama ako!

Agad siyang umiling. “Ako nalang muna. Kapag nahanap ko na ang kambal saka kita isasama.”

Marahan lamang akong tumango. Pakiramdam ko'y wala akong buhay dahil sa mga nangyari at nangyayari. Oo, malakas na ako. Kaya ko nang harapin si Alicia at ipagtanggol ang sarili ko pero talagang kulang ako dahil kinuha ni Alicia ang dapat na rason kung bakit naging matapang ulit ako.

Bahagyang kumunot ang noo ko. Isipin ko palang na magkikita kami ni Alicia ay umiinit na ang dugo ko. Itinuring ko siyang kaibigan tapos ganoon ang ginawa niya sa akin. Makasarili siya!

“Tayo na!”

Kumurap-kurap ako at tiningnan si kuya. Bumaba ang tingin ko sa plato niya na nasa mesa. “Hindi mo pa ubos ang kinakain mo.”

Umiling siya. “Mas gugustuhin ko pang hindi ubusin ang pagkain kaysa maubos mo lahat ng table napkin.”

Gulat na napatingin ako sa kamay ko at agad na nabitawan ang gutay gutay na table napkin. Napakamot ako ng batok ko at narinig ko naman ang tawa ni kuya.

Tiningnan ko siya at napapailing pa siya habang nakangiti.

Tumayo ako at tinapon sa kaniya ang isang table napkin. Lumabas kami sa fastfood na tumatawa pa rin siya sa hindi ko alam na dahilan.

GAMIT ang kotse ni kuya ay nakarating kami sa school kung saan nag-aaral si Lira. Galing ang impormasyon na ito sa private investigator na binayaran ko. Totoo naman ang nakuha niyang impormasyon dahil may ipinadala siya sa akin na litrato bilang patunay.

Napangiti ako nang maalala ang mukha ni Lira. Napakagandang bata niya at kamukhang-kamukha siya ni Lukas. Nakakainis dahil tila ba mas pinahihirapan ako ng tadhana dahil walang nakuha sa akin si Lira. Ang matangos niyang ilong, mapulang labi at luntiang mga mata ay nakuha niya kay Lukas.

“Maaga pa. 9 am yata ang start ng klase ng kindergarten dito.” ani kuya Cloud.

Nasa tapat na kami ng gate ng elementary school. Maraming mga batang dumarating at pumapasok sa gate pero wala sa kanila si Lira.

Bahagyang naningkit ang mga mata ko ng makita ang isang guro na nakauniform. Nilingon ko si kuya. “Kuya!”

“Oh?” tugon niya habang hindi lumilingon. Abala siya sa cellphone niya at mukhang may katext.

Hindi ko pinansin ang ginagawa niya sa halip ay sinabi ko ang gusto kong mangyari. “Tulungan mo akong mapalipat sa school na 'to.”

Dahan-dahan siyang nag-angat ng mukha at tinitigan ako. “Seriously, Blair? Tapos ano? Itotorture mo ang sarili mo? Akala ko ba okay ka na sa plano natin na babawiin natin ang mga bata nang hindi nalalaman ni Alicia?”

Umiling ako. “Komplikado ang ganoong plano, kuya. Oo, pumayag ako pero mas mapapadali ang lahat kung makikipaglapit ako kay Lira.”

“You can't do that, Blair. Hindi iyon madali. Malaki ang chance na makita ka ni Alicia. Mas magiging komplikado ang lahat kapag nakita ka ni Alicia dahil makakagawa siya ng paraan para ilayo ulit sayo si Lira.”

Nangunot ang noo ko saka umiling-iling. “Ina ako, kuya. May laban ako! Hindi lang talaga patas lumaro si Alicia kaya nakakatakot siyang kalaban pero kakayanin ko. Kaya ko na dahil mga anak ko ang nakataya. Hindi ako pwedeng maghintay lang kung kailan natin pwedeng makuha ang mga anak ko dahil bukod kay Alicia ay nariyan si Lukas. Hindi iyon papayag na basta ko nalang kunin ang anak ko kahit nasa akin ang lahat ng karapatan.”

Marahas siyang bumuntong-hininga. “Naroon na ako. I get your point! Karapatan mo dahil ina ka. May laban ka dahil ikaw ang nagluwal sa kanila pero sa gusto mong mangyari, maiinvolve ka kina Alicia at Lukas. Alam mo naman ang ibig sabihin ng guro diba? Pangalawang magulang, Blair. Gagabayan mo si Lira, tuturuan mo siya. Oo, karapatan mo iyon pero kay Lira ka lang dapat mainvolve—hindi kay Lukas!”

Hindi ako nagsalita. Tinitigan ko lang siya. Hindi ko siya maintindihan. Noong wala pa kami dito sa Pilipinas ay todo suporta siya pero bakit ngayon ay parang umaatras na siya?

“Kakampi pa ba kita, kuya?” halos pabulong kong tanong.

Tinitigan niya ako. Ilang saglit pa ay marahas niyang ginulo ang sarili niyang buhok saka bumuga ng hangin. “Fine! Sasabihin ko kina mom ang gusto mong mangyari. Ako na rin ang mag-aasikaso ng mga documents mo pero may kondisyon ako.”

Lumiwanag ang mukha ko. Kaonting arte ko lang talaga ay pumapayag na siya. Perks of being the youngest.

“McBride ang gagamitin mong apelyido dahil baka makilala ka ni Alicia.”

Ngumiti ako. “Basta ikaw ang bahala kapag nahuli na peke ang documents na ipapasa ko.”

Tumawa siya at umiling. “Baliw ka talaga!”

Tumawa lang rin ako saka tumingin na sa labas. Umawang ang labi ko nang saktong paglingon ko ay bumaba sa kotse ang isang batang babae na pamilyar sa akin—ang anak ko!

Nangilid ang luha ko. Ginusto kong bumaba ng sasakyan at sugurin siya ng yakap pero pinigilan ako ng mahigpit na paghawak ni kuya sa braso ko. Natigilan rin ako nang bumaba si Lukas mula sa kotseng pinanggalingan ni Lira. Hinawakan nito ang kamay ng anak ko at sabay silang naglakad papasok sa gate ng school.

Hindi ko na napigilan ang luha ko habang nawawala sila sa paningin ko dahil sa pagpasok nila sa loob ng school.

Bago pa ako humagulhol ay sumubsob na ang mukha ko sa didbib ni kuya Cloud dahil sa biglaan niyang paghila at pagyakap sa akin. Napaiyak ako sa d****b niya habang hinahaplos niya ang buhok ko.

Ang anak ko! Nakita ko na siya sa personal. Tunay ngang maganda siya at mukhang bibo rin.

Ang saya ko! Ang saya-saya ko!

“K-Kuya, si L-Lira! S-Si Lira iyon!”

Naramdaman ko ang pagtango ni kuya sa balikat ko. “Oo, Blair. Si Lira nga iyon. Makakasama mo rin siya. Makakasama rin natin siya basta magtiwala ka sa akin.”

NAKATAYO ako sa harap ng malaking mansion ni Lukas de Marco. Hatinggabi na pero hindi ko alintana ang oras. Gusto kong makita ang anak ko at alam kong imposible ang gusto ko sa mga oras na ito dahil tiyak na natutulog na ngayon si Lira.

Mataman kong pinagmamasdan ang kabuohan ng bahay habang nakasandal sa kotse ni kuya. Umalis na kaninang tanghali si kuya para puntahan sa Siargao si Dra. Licauco at hindi niya alam ang ginagawa ko ngayon. Wala rin naman akong balak na ipaalam dahil tiyak na kagagalitan niya ako.

Bumuntong-hininga ako habang nakasandal sa hood ng sasakyan. May nakaipit na sigarilyo sa daliri ko habang may beer naman sa kabila kong kamay.

Wala talaga akong balak na magtagal dito pero umaasa kasi ako na makikita ko ulit ang mukha ni Lira bago ako matulog pero mukhang malayo iyon.

Umiling ako at uminom ng beer. Umawang ang labi ko nang wala nang pumatak sa bibig ko. Napailing nalang ako saka niyupi ang can at itinapon sa malapit na basurahan. Isang beses pa akong humithit sa sigarilyong hawak ko saka ito itinapon at tinapakan.

Namulsa ako saka muling tumingin sa malaking bahay na kaharap ko. Kung ay makakakita sa akin ngayon, tiyak na iisipin na nababaliw na ako dahil halos mangiyak-ngiyak ako habang nakatingin sa malaking bahay.

Sa totoo lang, kanina pa ako natutukso na akyatin ang bahay at hanapin si Lira para lang makita siya pero hindi pa naman ako tuluyang nasisiraan ng bait kaya hindi ko ginagawa.

Nagtagal pa ako ng ilang minuto sa tapat ng bahay hanggang sa napagpasyahan ko nang umalis. Sumakay ako sa kotse ni kuya na pinili niyang iwan sa akin. Muli pa akong sumulyap sa bahay saka ngumiti.

“Makakasama rin kita, anak. Sana hindi pa huli para kilalanin mo ako.” madamdaming bulong ko saka binuhay ang makina ng kotse. Umalis ako sa tapat ng bahay ni Lukas na bigong makita si Lira pero may baon akong tapang at lakas ng loob na bawiin ang anak ko kay Alicia.

Kaugnay na kabanata

Pinakabagong kabanata

DMCA.com Protection Status